Pumunta ako sa playground kung saan ko nakilala si Kaoree. Masyado akong maraming iniisip. Balak ko sanang umamin sa kanya ng diretso at maging girlfriend sa mismong birthday ko.
Hindi ko akalain na babalik si Rosella ngayong buwan. Nakuha lang ako ng lakas ng loob na maging kami ni Kaoree at i-settle ang sa amin ni Rosella.
Matapos ng tawag ni Papa ay naging balisa ako. Pinababalik niya ko sa bahay para pag-usapan ang engagement namin ni Rosella.
Nakaupo pa rin ako sa isang bench habang paunti-unti ang mga tao. Isang babaeng amoy perfume na matapang ang umupo sa tabi ko. Nakatingin siya sa malayo.
"Tara uminom tayo." Lumingon ako. Nakapusod siya at may ribbon na itim sa ulo.
Hindi ko alam kung paanong sumunod ako sa kanya ng inaya niya ko. Pinili namin sa tahimik na lugar. Dim ang paligid at acoustic ang kanta.
Um-order siya ng hard drink para sa sarili niya.Hindi ako pumayag na uminom siya nito kaya pinapalitan ko na lang ng Wine.
"Cheers!" Kinampay niya ang hawak niyang wine glass.
"Panalo ka ngayon, T.H.Isang palakpak para sayo!" Pumalakpak siyang mag-isa kaya pinagtinginan siya ng ilang mga taong nandito.
"Salamat sa palakpak Thylene pero hindi ko yan matatanggap sa ngayon." Uminom ako ng alak at gumuhit ang pait nito sa lalamunan.
"Ang ganda ng laro 'di ba? Sinong pipiliin mo sa tatlo? Si Kaoree, Rosella o Wanwan? Ang saya di ba! Ang dami nila." Humalakhak siyang parang kulang ang turnilyo sa ulo.
Simula ng iwan siya ni Xavier ay nabaliw na siya. Nabalitaan ko kay Latrelle na party go-er ang kapatid ko sa iba't-ibang clubs. Dati ay may restrictions siya sa sarili niya pero ngayon ay iba na.
"Hindi ko alam kung saan mo nalaman ang tungkol kay Kaoree. Huwag mo siyang idadamay sa pakulo mo."
Tinitigan niya ang wine glass at ngumisi ang labi niyang kasing pula ng rosas.
"I have my connections. Saka hindi ko na kailangang idamay si Kaoree. Ikaw ang dahilan kung bakit siya nasali dito. Kung hindi mo siya pinakitaan ng motibo—malamang hindi ka niya magugustuhan."
Tumayo ako at saka hinila siya palabas ng dahan-dahan. "Tama na. Umuwi na tayo."
Hindi siya pumiglas pero sumakay siya sa sarili niyang sasakyan. Pagkauwi namin ng mansyon ay dire-diretso siya ng kanyang kwarto. Nang tinawag siya ni Papa ay parang wala siyang narinig.
Niyakap ako ni Mama ng makita niya ko. "Good to see you. Tamang-tama nakahanda na ang damit mo sa kwarto para mamaya 'di ba, Hon?"
Tumango si Papa saka lumapit sa akin. Humigop siya ng kupita. "That's my son. Para sa ating kumpanya at pamilya." Tinaas niya ang wine glass na hawak niya.
Sa isang fine dining restaurant nagpareserve si Papa. Na-meet ko muli ang parents ni Rosella. Ang nanay niya ay nakaslit dress habang ang Papa niya ay nakaformal attire.
Hindi ko maalala ang detalyadong pinag-usapan nila. Basta ang alam ko ay um-oo na lang ako sa mga sinabi nila lalo na ng mga magulang ko.
Kinabukasan ay lumipat si Rosella rito. Dito muna siya habang ginagawa ang mansyon na para sa aming dalawa. Ang kwarto niya ay katabi ng sa akin.
Nasanay na lang ako na kasabay ko siyang kumain sa araw-araw. Kada pumapasok ako ay iniiwasan kong kausapin sina Latrelle at Wyn. Sinanay ko ang sarili kong umikot ang mundo sa amin ni Rosella.
Habang ganito muna ang kaya kong gawin ay nag i-isip ako ng paraan. Palihim kong pinagmamasdan si Kaoree sa malayo. Gusto ko man siyang yakapin pero hindi muna sa ngayon.
Sinubukan kong gawin ang nararapat. Sa opisina ni Mama ay dumiretso ako. Tumigil siya sa pagpirma ng mga papeles ng makita niya kong nakatayo sa harapan niya.
Nanlamig ang mga kamay ko."Sinubukan kong mahalin si Rosella pero hindi ko kaya."
Umigting ang bagang niya at nagtagis ang mga ngipin. "Hindi mo kailangan pakasalan siya because you love her. Kailangan natin siya Thaddeus dahil mayaman siya! Hindi ba ayaw mong inaapi ka dahil bastardo kang anak! Ngayon mo patunayan na karapat-dapat ka!"
"Hanggang kailan ko ba to' gagawin?" Kinalma ko ang sarili ko. Gusto kong sabihin na iba ang gusto kong pakasalan.
"Hanggang sa maging isang pamilya na tayo na kasama si Rosella. Kaya itigil mo ang kahibangan mo! Kung may mahal kang iba itigil mo yan! Wala kang mararating sa pagmamahal na yan!" Singhal niya saka padabog na inayos ang mga papeles.
Nang lumabas ako ay naabutan kong nakatayo si Thylene sa pader. Nagkibit-balikat siya habang ngumunguya ng chewing gum saka pinalobo iyon sa harap ko.
"Gusto kong magbakasyon! Magbeach tayo o kaya hiking!" Sabi ni Rosella saka niyakap ako habang nanonood kami ng Travel vlog.
Hindi ako umimik. Habang abala siya sa panonood ay inistalk ko ang social media accounts ni Kaoree pero hindi siya active. Bumilis ang pagbrowse ko ng makita ko kung kanino siya nakatag na post.
@sashahaha
Picture ng dagat at stolen shots ng mga kasama niya. Zinoom ko ang picture at hindi ako nagkamali. Ang babaeng nakasaklob at floral dress ay si Kaoree.
Binaba ko ang cellphone ko ng alugin ni Rosella ang braso ko. "Please! Maybe we could bonding sa beach!"
Tinupad ko ang sinabi niya. Syempre sinakto ko kung saan lugar sina Kaoree. Pero hindi sa paraan na gusto kong makita niya si Rosella kasama ko.
Gusto ko lang sanang makita siya sa malayo kaso mapaglaro ang tadhana.
Coincidence na habang nagpapahinga kami sa floating pavilion ay nakita ko sina Latrelle at Wyn. Nilapitan sila ni Rosella.
"Hi, boys!" Pagbati niya sa dalawa. Ngumiti sila.
"Si T.H?" Tanong ni Wyn. Tumayo ako saka nilapitan ang dalawa.
"Maiwan ko muna kayo I have to sundo my friends nando'n sila sa isang resto." Aniya Rosella.
Tensyon ang namuo sa aming tatlo. Ang tanging ingay na maririnig sa pagitan namin ay alon ng dagat, at ingay ng mga tao sa paligid.
"Nabalitaan ko kay Dad magpapakasal ka na." Seryosong sambit ni Latrelle habang nakapamulsa.
"Gagawan ko ito ng paraan." Sagot ko.
"Pag hindi mo ginawan ng paraan. Bukod sa mawawalan ka ng kaibigan. Mawawala na rin si Kaoree sayo." Tumalikod siya.
Nakakaisang hakbang palang ako pabalik ng pavilion ay nagsalita siyang muli. "Inom tayo mamaya. Text na lang kita."
Ngumiti ako. Alam kong kahit masama ang loob nila ay hindi nila ako matitiis. Tumango ako bilang sagot.
Hindi ako nakalimot sa sinabi niya. Umuna ako sa bar at hindi inintay si Rosella dahil iniintay niyang magpalit ng damit ang mga kaibigan niya.
Tinignan ko ang cellphone ko. Wala pang text kay Latrelle mula kanina. Ang sabi niya ay on-the-way na silang dalawa pero magki-kinse minuto na akong naghihintay.
Nilibot ko ang tingin ko para magbakasali kung nandito na sila. Kunot-noo akong napatingin sa babaeng sumasayaw sa gitna ng dance floor. Croptop ang suot niya at maong na shorts.
Hinila ko siya roon at tinanong kung sinong kasama niya. Galit na galit siya sa akin pero hindi ako makaimik. Hindi ko alam paano ko ipapaliwanag sa kanya ang mga nangyari.
Dumating si Rosella at nagkainitan silang dalawa. Hinila ko si Rosella at pinabalik sa kwarto niya.
"Nalingat lang ako sandali nakipaglandian ka na sa babaeng yon!" Gulo ang buhok ni Rosella kaya inaabutan ko siya ng suklay.
"Hanggang ngayon T.H siya pa rin? Ginayuma ka yata ng babaeng yon! Goodness!" Sinapo niya ang sariling noo.
Nang dumating ang mga kaibigan niya ay iniwan ko sila roon. Pumunta ako sa dalampasigan para makapag-isip. Sa tagiliran ng mga mata ko nakita ko si Thylene na pagewang-gewang ang lakad.
Umiiyak siya habang hawak-hawak ang dalawang bote ng beer. Sa likuran niya nakasunod ang pamilyar na lalaki. Nakasuot siya ng floral shirt, itim na shorts at flipflops na tsinelas.
Pinanood ko silang dalawa habang nag u-usap. Pero malayo ang distansya nila kaya hindi ko maintindihan ang pinag-usapan nila.
Nang bahagyang naramdaman ko ang pagbadya ng ulan ay pumasok ako sa isang resto. Tinanaw ko silang dalawa pero ang tanging naiwan lang ay mga bakas kanya-kanya nilang paa.