"Ate, meron kaming family day mamayang hapon. Punta ka, ha? Kaso hindi ka na makakalaro." Pag-aya sa akin ni Mila isang umaga habang hinahanda ko ang mga baon nila. Sa huling sinabi niya ay nanlumo siya bigla. Napabuntong-hininga ako at hinaplos ang ulo niya. "Syempre pupunta si Ate kahit hindi mo ako pilitin, kaso... ayun nga." Ilang sandali ay tila may umilaw na bumbilya sa ulo niya at nagliwanag ang mukha. "Si Tito Lucas, Ate! Sama mo siya para siya na lang ang maglaro, ha? Please, please?" Nakonsensya naman ako kaagad dahil hindi pa rin kami magkasundo ni Lucas. Dalawang araw na ang nakararaan mula nang gabing magtalo kami at mula rin noon ay hindi pa siya nadalaw ulit. Hanggang ngayon lang rin ay hindi ko mapaniwalaan ang sarili ko na biglaang nagtapat ng nararamdaman sa kaniya.

