Buong araw kong inisip ang sinabi ni Lani. Buong araw kong pinag-isipan. Buong araw kong halos baliwin ang sarili ko sa pagkokonsidera, ngunit sa tuwina ay para namang pinipiga ang puso ko at hindi ako makahinga. Buong buhay ko ay ang mga kapatid ko ang kasama ko. Sila ang nakikita ko sa paggising ko, bago pumasok sa trabaho at sa pag-uwi at bago matulog. Kaya paano? Paano ko silang iiwanan o ilalayo sa akin gayung sa akin din sila lumaki? Paano ko ba naman silang iiwan sa tatay kong sugarol, manginginom, at sa kabit niyang butangera at makapal ang mukha? Pero wala kaming ibang kamag-anak na mapag-iiwanan sa kanila at kung sa DSWD naman ay baka magkahiwa-hiwalay sila. Nakatulala at hindi malaman ang gagawin ko habang binibilang ang natira kong pera sa paluwagan, sa tirang kita at iba p

