Chapter Seven

2733 Words
          WALANG imik si Chaia habang hinihintay ang mga kasama niya sa trabaho. Iyon ang araw na pupunta sila ng Laguna para sa outing nila. Habang excited ang mga ito. Siya naman ay tahimik lang na nakaupo sa loob ng kotse niya.           “Hoy, anong problema mo?” untag sa kanya ni Lani.           Lumingon siya dito, bago umiling. “Wala,” pabulong na sagot niya.           “Weh? Wala daw? Eh nakasimangot ka nga diyan.” Anito.           Pilit siyang ngumiti dito. “Okay lang ako.” Sabi pa niya.           Mayamaya, dumating na si Karl. Sinikap niyang hindi pansinin ito, kahit na taliwas ang reaksiyon ng kanyang puso. Huminga siya ng malalim, saka pinaling sa iba ang kanyang paningin.           “Is everybody ready? Nandito na ba lahat?” tanong pa nito.           “Yes Sir! Kumpleto na!” sagot ni Lani.           “Good!” anito. Ilang sandali pa, dumating ang isang Coaster Bus. “Sumakay na kayo at nang makaalis na tayo.” Anito.           Bumaba siya ng kotse, saka nilapitan ang Security Guard na naka-duty sa mga sandaling iyon at doon binilin ito. “Kuya, kayo na po bahala kay Sangchu.” Sabi pa niya dito.           Napakunot ang noo ng guard. “Sinong Sangchu?” tanong nito.           Napangiti siya ng wala sa oras. “’Yung kotse po. Sangchu pinangalan ko sa kanya.” Paliwanag niya.           “Tunog aso,” sabi pa nito.           Natawa na siya ng tuluyan.           “Chaia…”          Napalingon siya dito. Unti-unting napalis ang ngiti niya nang makitang si Karl ang tumawag sa kanya.           “Sumakay ka na.” anito.           Tumango lang siya. Pag-akyat niya sa Coaster Bus. Puno na ang mga upuan. Maliban na lang sa unahan at kanan bahagi ng sasakyan. Napabuntong-hininga siya. Wala man lang siyang katabi. Mukhang mababato siya sa biyahe, wala siyang makakausap.           Ngunit agad siyang napakunot noo ng biglang sumakay si Karl.           “Wow Sir, dito din kayo sasakay?” tanong pa ng mga kasama niya.           “Bakit? Hindi ba puwede?”           “Hindi po! Buti nga po makakasama namin kayo sa biyahe. Diyan na lang kayo umupo sa tabi ni Chaia.” Sabi pa ni Lani. Marahas siyang napalingon dito, sabay senyas dito. Pero ngumiti lang ito sa kanya, sabay nag-peace sign ito.           “Okay.” Ani Karl.           Mabilis na kumabog ang puso niya ng umupo nga ito sa tabi niya. Pakiramdam niya ay may umiikot na paruparo sa tiyan niya. Nang umandar na ang sasakyan, wala pa rin siyang kibo. Nakatingin lang siya sa labas ng bintana. Hanggang sa mukhang hindi na ito nakatiis at nagsalita ito. Tumikhim pa ito.           “Mahirap ang walang kausap. Mahaba pa naman ang biyahe.” Sabi pa nito.           “Okay lang ako,” mahina ang boses na sagot niya.           “Ah okay. Kaya lang ako hindi okay.”           Napalingon siya dahil sa sinabi nito, sabay kunot-noo. Tinitigan niya ito, mukha naman okay ito. Hindi gaya ng sinabi nito.           “Bakit? Masama ba pakiramdam mo?” tanong niya. Alanganin itong ngumiti sa kanya. “Hindi naman pero parang ganon na nga,” sagot nito.           Naguluhan siya sa sinabi nito. “Ano? Linawin mo nga.” Sabi niya dito.           Pinalapit siya nito, saka may binulong sa kanya. Hindi na napigilan ni Chaia ang matawa sa sinabi nito sa kanya. Naitulak pa niya ito palayo sa kanya.           “Yuck! Ang baho naman.” Sabi pa niya habang tumatawa.           “Grabe ka naman! Wala pa nga eh.” Anito.           Dahil sa sobrang tawa ay hindi na siya nakapagsalita. Mayamaya, natahimik ito. Paglingon niya, nakatitig lang ito sa kanya habang nakangiti.           “Oh? Bakit? Mukha ba akong inidoro?” tanong pa niya dito.           Umiling ito. Sabay buntong-hininga, nahigit niya ang hininga ng bigla nitong haplusin ang kanyang pisngi. Kasunod ng muling pagkabog ng dibdib niya.           “Ah…A-anong gi-naga-wa mo?” nauutal na tanong niya.           “I missed that.” Anito.           “Ang alin?”           “’Yan, ang ngiti mo. Ilang gabi ko rin hindi nakikita ‘yan. Makita man kitang nakangiti, pilit naman dahil sa trabaho. But I never saw your eyes smile.”           Naumid ang dila niya. Mas dumoble ang bilis ng pintig ng puso niya. Lahat ng mga alalahanin niya nitong mga nakaraan araw ay tila hinipan ng malakas na hangin.           “Sinabi ko na sa’yo noon. I’ll be the wall that you can lean on. Hindi mo kailangan solohin ang problema. Handa naman akong tulungan ka.” Sabi pa nito.           Napangiti siya. “Salamat ah. Pero, kaya ko pa naman. Problema ko ito. Dapat ako lang din ang makaayos nito.” Aniya. “Kailangan ko lang unahin ang dapat unahin.” Aniya. Ikaw nga ang problema ko eh! Dugtong niya sa isip.           Tumango ito. Narinig na naman niyang huminga ng malalim si Karl. “I’m sorry if you think I’m crossing the lines. Ang ibig kong sabihin sa personal na buhay mo. Ewan ko ba kasi, kahit ako hindi ko maintindihan. Pero ayokong nakikita kang malungkot, lalo na kapag umiiyak.”             Bakit mo kailangan maging ganito kabait sa akin? Ayokong lalong mapamahal sa’yo? Tanong niya dito sa sarili niya. “Ayos lang, salamat.”           “Go to sleep. Wala ka pang tulog. Alam kong may problema ka. Pero sa ngayon, huwag mo munang isipin ang mga iyon. It’s time for you to relax a bit. Okay?” sa halip ay sabi nito sa kanya.           “Okay.” Nakangiting sagot niya.           Bago pumikit ay tumingin muna siya sa labas. Bukod sa naganap na panibagong komprontasyon sa kanilang dalawa ng Ate niya. Iniisip din niya kung saan siya lilipat. Ayaw man niyang iwan ang Mama niya, ngunit wala siyang mapagpipilian sa mga sandaling iyon. Hindi matatapos ito kung hindi siya ang magpaparaya. Bukod pa ang pag-iisip niya sa relasyon nito sa Ate niya.           Pinilig niya ang ulo. Tama si Karl. Saka na niya iisipin ang mga iyon. Sa ngayon, pagbibigyan naman niya ang sarili na mag-enjoy at kalimutan ng panandalian ang mga problema. Pumikit siya at ni-relax ang isip. Hindi pa nagtatagal ng maramdaman niyang hinilig nito ang ulo niya sa balikat nito. Napangiti siya. Saka lang niya naramdaman ang kapanatagan ng loob, dahil alam niyang nasa tabi lang niya ito.           Karl. Pogs. Please, sabihin mo naman sa akin kung ikaw nga si Pogs, bakit hindi mo sinasabi sa akin? Nakita mo na ang kwintas ko. Hindi mo na ba natatandaan?              DAHAN-dahan minulat ni Chaia ang mga mata niya. Kinusot pa niya iyon bago ginala ang paningin sa paligid. Napakunot noo siya ng mapansin na nasa isang estrangherong silid siya. Kung tama ang pagkakatanda niya, nasa loob pa sila ng Coaster Bus kanina. Napahawak siya sa noo, nang bigla niyang naalala ang nangyari. Nakatulog nga pala siya kanina habang nasa biyahe. Dahil pagod at puyat. Napahimbing ang tulog niya. Pagdating nila sa Resort ay ginising siya ni Karl. Dahil bangag pa siya sa antok, naalala niyang inaalalayan pa siya nito pababa ng Bus, hanggang sa makarating sila doon sa silid na inookupahan nila ngayon. Ang una nga pala niyang ginawa pagdating sa loob ng kuwarto ay binaba ang mga gamit niya, at nahiga sa kama. Hindi niya namalayan na nakatulog pala siya ulit ng mahimbing. Napailing siya, sabay buntong-hininga. Nakakahiya kay Karl. Tinulugan pala niya ito kanina. Hindi man lang siya nakapagpasalamat dito na hinatid pa talaga siya nito doon. Nang sumulyap siya sa oras, alas-sais pasado na pala ng gabi. Napasarap ang tulog niya. Agad siyang bumangon at nagpunta sa banyo. Pagdating niya doon, bigla na naman siyang may naalala. Wala sa loob na napahawak siya sa labi. Nanaginip siya. Kasama daw niya si Karl, at naglalakad daw sila sa tabing dagat. Doon, nagpahayag daw ito ng pag-ibig dito. Pagkatapos ay hinalikan daw siya nito sa labi. Ngunit ang nakakapagtaka sa panaginip niya. Parang totoo ang halik na iyon. Parang hindi isang ordinaryong panaginip. Mabilis siyang napailing, saka sunod-sunod na umiling. Natapik niya ang magkabilang pisngi ng mapansin niyang namumula na ang mga iyon. “Hindi Chaia, panaginip lang ‘yon. Hindi totoo. Huwag kang assumera! Panaginip lang ‘yon! Panaginip lang!” mariin pa niyang pangungumbinsi sa sarili. Napalingon siya sa may pinto ng marinig niya na tila may pumasok doon sa kuwarto. “Chaia!” narinig niyang tawag sa kanya ni Lani. “Nandito ako sa banyo! Maliligo lang ako.” sagot niya. “Ah okay, sige hintayin ka namin ni Miss Anne.” Sabi pa nito. Muli niyang tiningnan ang sariling repleksiyon sa salamin. “Relax ka lang, Chaia. Panaginip lang ‘yon. Hindi ka dapat mapraning.” Mahina ang boses na pagkausap niya sa sarili.           Pagkatapos niyang maligo at magbihis. Agad siyang lumabas ng banyo. Nadatnan niya ang dalawa na nakaupo sa ibabaw ng kama at nag-uusap. Kapwa napalingon ang mga ito sa kanya.           “Sa wakas, nagising na rin si Sleeping Beauty!” sabi pa ni Lani sa kanya.           “Pasensiya na kayo, ha? Antok na antok talaga ako saka pagod ako. Ang dami kasing customers eh.” Hininging paumanhin niya.           “Okay lang ‘yon, ano ka ba? Tulog pa rin naman ‘yong ibang mga kasamahan natin eh.” Anito.           Napansin niyang nakangiti sa kanya si Miss Anne at tila titig na titig ito. “Bakit ganyan ang tingin mo sa akin, Miss Anne?” tanong pa niya.           “Wala,” tila pigil ang tawa na sagot nito.           Mayamaya, nagulat siya ng bigla din tumawa si Lani.           “Hoy, ano ba ‘yan? Bakit ba kasi kayo tumatawa?” tanong na naman niya sa dalawa.           “Eh kasi, nakakakilig kayong dalawa ni Sir Karl kanina eh.” Sa wakas at sagot ni Miss Anne.           Napakunot-noo siya. “Anong ibig n’yong sabihin?”           Nagkatinginan pa ang mga ito. Si Lani ang nagsalita. “Kasi pagdating natin dito, di ba tulog ka pa? Alam mo ba? Nakasandal ang ulo mo sa balikat niya. Pagkatapos, iyong paraan niya ng paggising niya sa’yo. Ang sweet!” pagkuwento pa nito habang kinikilig.  “Grabe girl, habang gingising ka niya. Titig na titig siya sa mukha mo, tapos parang hinahaplos pa ng likod ng palad niya ang pisngi mo. My Goodness! Tapos noong magising ka na, di ba nakaalalay siya sa’yo? Noong hinatid ka niya dito sa, oh my! As in! Para kayong bagong kasal!” pagpapatuloy pa ni Miss Anne.           Natutop niya ang bibig. Kasunod niyon ay malakas na kumabog ang puso niya. Totoo kaya iyon? Biglang umahon ang hiya sa katawan niya. Anong sasabihin niya pag nakaharap dito? Anong gagawin niya? Pagkatapos hindi pa pala siya nakapagpasalamat dito. Sa halip ay tinulugan niya ito. Napapikit siya, sabay iling. Nakakahiya talaga. Idagdag pa sa mga iyon ang panaginip niya. Tuluyan nang lumakas ang kaba sa dibdib niya. Isipin pa lang niya ang lahat ng iyon, pakiramdam niya ay nagkukulay pula na ang buong katawan niya sa sobrang hiya.           Hala! Anong gagawin ko?             MALAKAS ang kabog ng dibdib ni Chaia habang papalapit kay Karl. Simula ng magising siya kanina, hindi siya agad lumabas ng kuwarto. Nang malaman niya na nakatulog pala siya sa balikat nito, inunahan siya ng hiya upang lapitan ito. Bigla kasi niyang naisip. Paano kapag tumulo pala ang laway niya kanina habang natutulog siya.           Huminto siya sa paglalakad, saka pinilig ang ulo. Napapikit siya.           “Kasi naman eh,” pabulong na maktol niya sa sarili. “Bakit ba kasi mantika akong matulog?”           Lord, bigyan n’yo po ako ng lakas ng loob. Jusme, sasabog na yata ang dibdib ko sa lakas ng kaba ko.           “Ah, mas mabuti kung mamaya ko na lang siya lalapitan.” Sabi ulit niya sa sarili. Saka akmang tatalikod. “Kaya lang, ganoon din ‘yon. Magkikita din kami kapag kumain na ng dinner. Wala rin akong kawala. Makikita ko pa rin siya. Eh di kausapin ko na ngayon.”           Saglit siyang nag-isip, habang tinitingnan si Karl na nakaupo sa sun lounger na nasa gilid ng swimming pool. Nataranta siya ng bigla itong lumingon sa kinaroroonan niya. Agad siyang tumalikod at nagmamadaling lumakad palayo dito.           “You’re awake.” Anito.           Napahinto siya. Pagkatapos ay dahan-dahan siyang humarap dito. Awtomatikong napangiti siya. “Hi,” bati niya, sabay kaway dito.           “Hi,” bati din nito.           Nilapitan niya ito sa kabila ng hindi mawala-walang kaba. Saka umupo siya sa tabi nito.           “Kumusta ka na?” tanong nito.           “O-okay lang,” nahihiyang sagot niya.           Pagkatapos ay nabalot sila ng katahimikan. Nang hindi siya nakatiis, nagsalita na siya. “Uhm. Thank you pala.” Sa wakas ay sabi niya.           Napalingon ito sa kanya. “For what?”           “Sa paghatid mo sa akin sa kuwarto. Saka sa pag-alalay mo sa akin sa Bus kanina. Pasensiya ka na, ha? Wala pa ako sa ulirat no’n. Saka, pasensiya ka na rin. Hindi man lang ako nakapagpasalamat sa’yo kanina, tinulugan pa kita. Nakakahiya naman sa’yo. Sorry talaga.” Sabi pa niya.       “Ah, ‘yon ba? You’re Welcome. Actually, ang talagang plano ko. Kung hindi ka nagising kanina, bubuhatin na lang kita hanggang sa silid mo.” Paliwanag nito.           Nakagat niya ang ibabang labi, sabay takip ng palad niya sa kalahati ng mukha niya, saka sunod-sunod na umiling. Mas lalo siyang nahiya dito. Mantika pala siyang matulog kanina.           “Naku po, nakakahiya naman. Sorry. Naabala pa kita. Sorry talaga. Buti na lang pala nagising ako kanina. Mabigat pa naman ako. Sigurado, nangalay ka kung binuhat mo ako.” Hinging-paumanhin niya.           Hinawakan nito ang kamay niyang nakatakip sa mukha niya, saka binaba iyon. “Ano ka ba? It’s okay. Okay? Wala ka naman dapat ikahiya.” Sabi pa nito.           Bumuntong-hininga siya. “Basta, pasensiya na. Antok na antok talaga ko eh.” Paliwanag pa niya.           “Ay ang kulit,” sabi pa nito. Napaigtad siya ng bigla nitong kilitiin sa tagiliran.           “Hoy! Ano ba? Huwag kang mangiliti!” saway niya dito.           Tumawa lang ito. “Eh ang kulit mo eh,” anito.           “Masama bang humingi ng sorry. Naisip ko kasi baka mamaya natuluan kita ng laway!” walang prenong sabi niya. Agad niyang natakpan ang bibig pagkasabi niya niyon.           Tumawa ito ng malakas. “Actually, medyo.” Sagot nito.           “Ay! Nakakainis ka! Bakit mo sinabi?” protesta niya, sabay pabirong hampas sa braso nito.           “Aray ko! Ang bigat naman ng kamay mo!” daing naman nito, sabay kiliti na naman sa tagiliran niya.           Natawa na siya ng tuluyan ng hindi nito tigilan ang pangingiliti sa kanya. Kaya tumayo siya at bahagyang lumayo dito, pero sinundan siya nito. Napuno ng tawanan nilang dalawa ang buong swimming pool area. Hanggang sa hindi na nila namalayan na napapalapit na sila sa mismong pool, sa kakaatras nila, aksidenteng nahulog siya sa tubig. Napahiyaw siya ng malakas. Dahil hawak niya ito sa braso, kaya dalawa silang nahulog sa tubig. Habol niya ang hininga pag-ahon niya. Biglang bumilis ang t***k ng puso niya nang sumulpot sa harapan niya mula sa ilalim ng tubig si Karl. Biglang nanikip ang dibdib niya. Dumoble ang bilis ng pagpintig ng puso niya ng tumitig ito sa kanya, at mas lalo itong lumapit sa kanya. Isang maling kilos ay mahahalikan na siya nito.           Gusto niyang ibaling sa ibang direksiyon ang paningin niya. Ngunit ayaw naman kumilos ng ulo niya. Hindi siya sigurado, ngunit, huwag sana nitong marinig ang malakas na kabog ng dibdib niya sa mga sandaling iyon. Bakit ba kayhirap iwasan ang mga tingin nito? Sa tuwing nagtatama ang mga mata nila, pakiramdam niya ay naglalaho ang mga tao sa paligid nila. Kasama na roon ang mga problema niya. Kung sana’y maaari niyang sabihin dito ang tunay niyang damdamin. Kung sana’y malaya niyang isigaw ang pagmamahal niya dito. Gagawin na niya. Ngunit hindi puwede, may girlfriend na ito. Ang masaklap pa doon, Ate niya ang nagma-may-ari ng puso nito.           “Okay ka lang?” tanong nito.           Tumango siya. “Oo,” pabulong niyang sagot. Mabilis siyang tumalikod at lumangoy papunta sa gilid upang umahon.           “Chaia,”           Napahinto siya. “Ba-bakit?” nagkandautal na tanong niya.           “Uh, I have something to tell you.” Anito.           Kung ang tungkol sa relasyon nito at ng Ate Macy niya ang sasabihin nito. Mas pipiliin na lang niyang hindi marinig iyon.           “Pwede bang mamaya na lang? Uh, magbibihis lang muna ako. Nilalamig na kasi ako.” Paiwas niyang sagot. Hindi na niya hinintay pang sumagot ito, mabilis siyang umahon.           Agad din naman itong sumunod. Hindi pa siya nakakalayo nang marinig niyang nag-ring ang cellphone nito na nakapatong sa ibabaw ng sun lounger. Napahinto siya. Hindi niya napigilan ang sarili na lumingon dito.           “Hello, Macy.” Bungad ni Karl pagsagot nito.           May kung anong kumurot sa puso niya. Agad na umahon doon ang sakit. Nagtagumpay ang Ate niya, nag-uumpisa pa lang ang maganda nilang pagtitinginan nila ni Karl. Nagawa na itong maagaw ni Macy. At higit sa lahat, nasasaktan siya ngayon. Sobrang sakit. Kung may magagawa nga lang siya. Hindi na niya hinintay pang marinig ang paglalambingan nito, kaya mabilis siyang umalis doon.           Napahinto siya ulit sa paglalakad nang makitang naroon ang mga kasama niya at nakamasid sa kanila. Hindi na siya nagsalita, basta na lang siya umalis at iniwan ang mga ito. Mahal na mahal niya si Karl. Ngunit may mahal itong iba. Marahil, nararapat lang na umiwas na siya dito kagaya ng naumpisahan niya. Kailangan niyang isantabi ang personal na damdamin niya dito. Para sa ikatatahimik ng lahat. Dahil kapag nalaman ng Ate Macy niya ang tungkol sa pagtingin niya dito. Mas lalo lang itong magagalit sa kanya.      
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD