SABI NILA, mga kuwentista, makata, historyador hindi mo na madadaanan ang daan na hindi mo pinili; gayundin naman, na nag-uulit ang kasaysayan. Sa una, mukhang magkaiba ang ibig nilang sabihin. Pero ang totoo, pareho sila: dalawang mukha sa iisang bagay. Isang beses lang tayo makapipili ng daan at pagkatapos noon, paulit-ulit na tayo sa daan na iyon paikot-ikot, habang kinukumbinsi natin ang sarili na umuusad naman talaga tayo, na nagpapatuloy tayo, na mayroon tayong pinatutunguhan kahit wala nga, wala naman talaga, paikot-ikot lang tayo sa iisang daan na noon, noong hindi natin alam, noong wala tayong kamalay-malay, ay nagpasya na pala tayo’t pinili nga ito.

