8. Orange SA KINILANG TATLONG magkakapatid, una raw lumabas si Orange. Siya talaga ang ate sa kanila, kung maaari man iyon, kahit hindi naman siya tinawag na ate ng dalawa. Kaya siya rin ang pinakamahirap ilabas. Parang pinagpraktisan lang siya. Pagkasilang sa kaniya, naging madali nang sumunod sina Apple at Peaches bagaman maaaring nagkapalitpalit din naman sila dahil mahalaga ba sa mga doktor noon na nagsilang sa kanila kung sino talaga sa kanila ang nauna. May nabago kaya sa mga pangyayari kung sakali. Maaari kayang hindi ako nagkagusto sa kaniya, naisip ni Daniel. Imbes ay kay Apple, na una ko talagang nakilala. O kay Peaches na hindi ko naman nakilala talaga. Maaari kayang hindi ko siya nasaktan. At hindi siya umalis papuntang Japan, sa kung saan mang lupain doon ng taglamig na h

