Third Person’s POV
Habang pinagmamasdan ni Jenlie ang kanilang tahanan ay hindi niya napansin ang pagpasok ng kaniyang ama at ina doon. Napayakap lang naman silang mag-asawa habang tinitingnan ang anak na nakatuon ang atensyon sa kaniyang litrato noong siya’y nagtapos sa kolehiyo. Nakakaiyak mang tingnan ngunit pinigilan nila ito.
Hindi man sila mayaman sa pera at mga ari-arian ngunit mayaman naman sila sa pagmamahal. Wala man silang pera ngunit mayroon naman silang limang anak na may ginintuang puso at pagkatao. Sila ang kayamanang maipagagmamalaki nila nang buong puso.
Tahimik nila itong nilapitan at saka mahigpit na niyakap. Hinagkan nilang pareho ang anak upang iparamdam ang kanilang pagmamahal at suporta sa mga desisyon niya sa buhay. At sa pagkakataong iyon ay hindi na napigilan ng ina ang kanina pa niya pinipigilang luha.
Bago pa man dumating ang araw na ito ay hindi na din mapakali si Aling Milda pati na rin si Mang Jonie. Iniisip kasi nila ang pag-alis ng anak kahit pa pinahintulutan na nila ang kagustuhan nitong magtrabaho sa abroad. Bago din sila matulog sa gabi ay lagi nila itong pinag-uusapang mag-asawa at syempre, dahil hindi sila sanay na mawalay ang kahit na sino man sa kanila, ay hindi nila maiwasang mapa-isip nang kung anu-ano. Pero kahit na gano’n ay naniniwala sila sa kakayahan nito.
Nang kumalas sila sa kanilang yakapan ay biglang bumusangot na parang bata si Jenlie sa kaniyang ina dahil sa pag-iyak nito, hindi niya kasi maiwasang madala sa pagtangis ng ina.
“’Nay, naman eh… Bakit ka umiiyak? ‘Di ba napag-usapan na natin ito?” Nagpunas siya ng mata at saka ulit niyakap ang ina.
“Hindi ko na mapigilan, anak eh, pasensya ka na. Ngayon pa lang kasi ay mami-miss na kita nang sobra. Alam mo namang hindi ako sanay na hindi makitang kompleto ang mga anak ko. Gusto ko ‘yung sama-sama tayo sa hirap man o karangyaan, Jenlie, anak,” madamdaming saad ni Aling Milda sa pinakamamahal na anak.
Sa puntong iyon ay pumasok din ang kaniyang mga kapatid at yumakap na rin sa kanila. Kanina’y nasa labas ang mga ito habang pinapakinggan ang mahinang pag-iyak ng kanilang Ate at Nanay. Hindi na rin nila mapigilan ang sariling hindi mapaluha, kahit na kanina din lang ang nakikitawa at nakikipagkulitan pa sila dito.
“Palagi kang mag-iingat doon, Jenlie. ‘Wag na ‘wag mong kakalimutan ang mga bili naman sa’yo ng Nanay mo. Alagaan mo ang sarili mo dahil sobrang layo namin sa’yo. At kung nahihirapan ka na, anak, humingi ka lagi ng lakas ng loob sa panginoon. Mahal na mahal ka namin.” ani Mang Jonie sa panganay nito.
“Opo, ‘Tay,” puno ng pusong sagot ng dalaga. “Lagi niyong tatandaan na para sa ating lahat din ito, ha? Kasi nasasaktan ako na makita kayong ganyan, walang makain at walang maayos na matulugan. Kaya magbabakasakali ako sa ibang bansa, para soon ay makapag-ulam na din tayo ng masasarap, ‘di ba, Junwell? Hindi mo na din poproblemahin ang tuition mo, Justin. Hindi na magkukulang ang baon mo sa eskwela, Andres. At mabibili na din natin iyong magagandang sandal na gustong-gusto mo, Aiza. ‘Nay, soon makakapagpatayo na din tayo ng pangarap mong sari-sari store at ‘yung jeep na mas malaking pamasada ni Tatay.” Mahabang saad niya habang humihikbi. Nihagkan niya din isa-isa ang noo ng mga kapatid nang buong puso. Mami-miss niya talaga sila.
“Mahal na mahal ka namin, Ate Jen! Tumawag ka po lagi ah?” sumingit naman ang cute na cute nilang bunso.
Muli ay yumakap siya sa mga ito. Hinding-hindi siya magsasawang yakapin sila dahil ito ang kaniyang hahanap-hanapin kapag nasa abroad na siya. Wala na ‘yung mga masyadong clingy na taong hahalik na lang bigla at higit sa lahat ay wala siyang anim na katabi sa pagtulog.
“Mas mahal ko kayong lahat.”
Matapos ang makabagbag damdaming pag-uusap nila ay magkakasamang lumabas na din sa kanilang bahay ang pamilyang Delgencio. Gano’n man sila kahirap ngunit maraming silang mga kapitbahay na bumabati sa kanilang paglalakad sa makipot na daan, dito sa kanila. Karamihan sa mga ito ay binabati si Jenlie na mag-ingat lagi. Pati na ang mga tambay at kilalang adik sa kanilang lugar ay nakikibati din. Mayroon silang respeto at pagmamalaki dito sapagkat siya lamang sa kanilang lugar ang nakapagtapos ng pag-aaral, sa kalagitnaan ng kahirapan.
Pero bago pa man sumakay ang dalaga sa tricycle ay nakipagyakapan pa ito kay Aling Martha, ang ina ng kaniyang kababata na si Jandie at kaibigan din ng kaniyang ina. Malaki ang pasasalamat niya dito lalo na sa kaniyang anak dahil sa pagtulong nito sa kaniya upang makapagtrabaho siya sa abroad, kung saan din naroroon ang kaniyang kaibigan, sa Paris, France.
“’Wag mo nang alalahanin pa ang mga magulang at kapatid mo, Jenlie, anak. Ako na ang bahala sa kanila habang wala ka dito. Makakasama mo naman si Jandie doon, kaya hindi na ako mag-aalala pa sainyo. Laging kang magpapakabait, dahil tutulungan at sususportahan ka namin sa lahat ng bagay,” saad nito at hinimas ang kaniyang likod nang makita tutulo na ang luha nito.
“Salamat po, Aling Martha. Habang buhay ko po itong tatanawing utang na loob sainyo…kayong dalawa ng anak niyo,” pagpapasalamat niya, bago kumalas sa kanilang yakapan at magpunas ng mga mata.
“Ano ka ba? Mama Martha na din ang itawag mo sa akin, dahil anak na din ang turing ko sayo, kayo ng mga kapatid mo. Hindi ba’t sinabi ko na rin ito sa’yo dati? Wala nang naiiba pa sa atin dito, anak, dahil parang iisa na din kami ng nanay mo.” dagdag na sabi pa ng matanda at humawak sa kamay ng kaibigan nitong si Milda.
Hindi na din pa sila nagtagal doon at sumakay na sila sa tricycle na pinampapasada ng kanilang ama. Siksikan man sila doon ngunit puno naman ng saya dahil sa matibay na pundasyon ng kanilang pamilya. Sa mga mata ng iba ay sia silang kahanga-hangang pamilya na dapat nilang tularan. Salat man sa buhay ngunit hindi sumusuko sa minimithing pangarap, hindi lang para sa sarili, kun’di para sa lahat ng taong nakapaligid sa kanila.
Kumaway pa si Jenlie sa mga taong sumusuporta sa kaniya bago sila umalis. Lilisanin man niya ang lugar na ito ngunit babalik at babalik din siya dito, para sa kanila. Dito na siya lumaki, na sa tingin man ng iba ay puno ng masamang tao, ngunit hindi nila alam na may mga natatagong ginintuang puso. Naniniwala siyang walang gagawa ng masama kung pinapakitaan mo sila ng kabutihan at wagas na pagmamahal.