Third Person’s POV
Inabot din nang halos isang oras ang byahe nila papunta sa paliparan. Dahil nga sa tricycle lang ang kanilang sasakyan, ay medyo natagalan sila sapagakat ito’y may kabagalan. Mabuti na lamang at bente minutos pa silang mas maaga, bago lumipad ang eroplanong sasakyan ni Jenlie.
Mabilis naman silang nakapasok sa loob ng airport. Pilit man pigilan ng kaniyang ina na hindi mapaiyak, ay ‘di pa rin niya maiwasan ito. Sinong ina ang gugustuhing mawalay ang kaniyang anak sa loob nang napakahabang panahon? Kaya gano’n na lang kung malungkot si Aling Milda.
“’Nay, ‘wag ka na pong umiyak. Sige ka, baka sumpungin ka na naman ng asthma mo?” ani Jenlie sa kaniyang ina sa nababasag na din nitong boses.
“S-Sige…hindi na iiyak ang nanay para sa’yo,” himihikbing saad ng kaniyang nito at halatang pinipigilan ang sarili. Pinunas naman niya ang gilid ng mga mata nito.
“Oh, sige na… Justin, Andres, Aiza at Junwell, ‘yung bilin ko sainyo ah? Laging magsisipag at magpapakabait. Tulungan niyo lagi sila nanay at tatay, habang wala ako. Galingan niyo lagi sa school. ‘Wag kayong mag-alala dahil tatawag lagi si ate, kapag may free time siya,” mahabang pagpapaalala niya sa mga kapatid na ‘di maipinta ang mga mukha. Lumapit pa siya sa mga ito at saka hinalikan ang kanilang mga noo, sa huling pagkakataon.
Gusto pa sana niyang makasama ang pamilya ngunit tumawag na ng pasahero ang eroplanong sasakyan niya. Dinama na lamang niya ang presensiya ng mga ito habang nagyayakapan silang lahat. Gustong-gusto man ng mga mata niyang umiyak ngunit pinigilan na lamang niya upang magmukhang matapang sa harap ng kaniyang pamilya. Kung maaari din lang ay ayaw na ayaw niyang nakikita siyang umiiyak ng mga ito, dahil marami na siyang luhang naibuhos noong bata siya’t nag-aaral pa. Maraming paghihirap, gutom at panghuhusga mula iba ang dinanas niya, pero ginamit niya itong motibasyon upang magpursige sa pag-aaral.
Nang talikuran na niya ang mga ito ay sunud-sunod na lumandas sa kaniyang pisngi ang mga maiinit na luhang dala ng kaniyang paglisan. Hindi niya naman inaasahan na sa parteng iyon ay bubugso ang kaniyang damdamin, na mula sa kaniyang lukuran ay kitang-kita ng kaniyang pamilya ang paggalaw ng kaniyang balikat. Kasabay pa iyon ng kantang tumutugtog sa paligid, ang Don’t Say Goodbye ni Ylona.
Don’t say goodbye
Just see you later yeah
Don’t say goodbye
I’ll see you soon again
‘Cause if you really want me there
I’ll be there to take your hand
Gonna tell you it’s alright
As long as you don’t say goodbye
Bahagya siyang huminto mula sa paglalakad at doon ay tumingila siya sa itaas upang pigilan ang mga luhang nais na namang tumulo sa kaniyang mga mata.
‘Hindi ito masasabing paalam kung mawawala na ako sa kanila, kagaya ng liriko ng kanta, bagkus ay bagong yugto pa lamang ito ng aking buhay kasama ang aking pamilya,’ aniya sa kaniyang isipan at pinunas ang kaniyang mga mata. Doon ay nagpatuloy siyang muli sa kaniyang paglalakad hanggang sa makapasok na siya sa eroplano.
Para sa kaniya ay ayos lang ang lumayo hangga’t nananatiling nasa kaniyang puso ang mga ito ay hindi siya mag-iisa doon. At sa susunod na pag-alis niya sa ipinangako niya sa sariling kasama na niya ang kaniyang pamilya nang masaya at puno ng excitement.
NAPAYAKAP na lang si Aling Milda sa kaniyang asawa at mga anak nang makitang huminto ang kanilang panganay. Akala niya ay nagdadalawang-isip na ito at pipiliin na lamang na manatili kasama sila. Ngunit nagkamali siya nang inakala, nang tumuloy muli ito sa paglalakad.
‘Gabayan ka nawa ng Diyos, Jenlie, dalaga ko,’ aniya sa kaniya isipan at napapikit na lamang.
Hindi na rin naman sila nagtagal doon nang makitang lumipad na ang sinasakyan ng anak. Napapakaway na lamang sila dito at umaasang makikita ito ng kaniyang anak.
“Mag-iingat ka lagi doon, Ate! Mahal na mahal ka namin!” Sigaw pa ng apat niyang natirang anak. Tanging paggulo na lamang sa buhok ng mga ito ang kaniyang nagawa.
Jenlie’s POV
Bago pa man ako makapasok sa eroplano ay inayos ko muna ang aking sarili. Huminga muna ako nang malalim nang dalawa beses bago pumasok doon. Sa pagkakataong iyon naman ay naalala ko ang sinabi sa akin ni Jandie sa akin noong tumawag siya sa akin kaninang umaga, na kapag oras na nakasakay ka na sa eroplano ay wala nang bawian pa. Dahil naman doon ay ngumiti na lang ako habang naglalakad patungo sa aking upuan.
Ngunit habang naglalakad ako papunta roon ay unti-unting sumagi sa aking isipan ang nakaraan.
“’Nay, nagugutom na po ako,” naiiyak na saad ko sa aking ina, na mahimbing na natutulog sa aking tabi. Napapahawak na lang ako sa kumakalam kong tiyan at sa masakit kong ulo, na dala ng walang making pagkain sa gabing napakalamig.
Mula sa aming mahabang paglalakad kaninang umaga ay dito na kami naabutan ng gabi sa isang madilim na bangketa. Hindi ko alam pero nasanay na akong ganito ang takbo ng buhay namin. Sa umaga ay magpupulot kami ni nanay ng mga plastic, bote at lata na pwede pang ibenta, upang mayroon kaming maipangbili ng tinapay sa mga nadadaanan naming bakery shop. Maswerte na lang kami kung walang makakauna sa amin at talagang mapupuno iyong dala-dala naming sako. Sa gabi naman ay tumitingin si tatay ng pwede naming matulugan, katulad na lang nitong kinaroroonan namin ngayon, dito sa ilalim ng tulay. Mahirap, nakakatakot at maraming lamok pero nasanay na lang din siguro ako at ang balat kong may bakas ng pinagkagatan ng mga insekto.
Paminsan-minsan nama’y dito na din kami naliligo kahit na madumi, pero ayos na din dahil enjoy naman ang malamig na tubig. Ngunit hindi gano’n ang iniisip kong buhay para sa amin. Sa bawat pangangalkal kasi namin ng aking ina sa mga basurahan sa harap ng eskwelahan, ay naiinggit ako sa mga kapwa ko batang nakakapag-aral, hindi naghihirap, malinis at laging may nakakain. Minsa’y nasasabi ko din sa mga magulang ko na gusto kong makapag-aral upang hindi na kami tumira sa silong ng tulay, pero tanging, “Kapag nakahanap na kami ng Nanay mo nang mas maayos na trabaho,” ang laging sagot ni Tatay sa akin.
Dahil naman sa sinabi kong gano’n ay mabilis na napabalikwas si nanay at mayroon siyang kinuha sa kaniyang likuran, bago tinanggal ang sakong nagsisilbi niyang kumot. Doon ay malungkot niyang iniabot ang sa akin ang maliit na bote ng tubig at isang piraso ng paborito kong kendi. Sa kabila naman niyon ay dinig ko din ang malakas na tunog na nagmumula sa kaniyag tiyan.
“Ito na lang muna ang kanin mo, anak, habang wala pa ang iyong Tatay. Siguradong pagkabalik niya at makakabili na naman tayo ng paborito mong tinapay,” aniya at tinunukoy ang pandesal na may malunggay at umaasa sa pagbalik ng aking amang pumasukang kargador sa palengke, sa kabilang bayan.