Buntong hininga ang palagi kong ginagawa at bagsak din ang balikat ko na nilakad ang daan pauwi sa aming baryo. Galing ako sa tinatrabahoan kong karinderya at sinabihan nga kami ni Aling Sanya, na hindi na raw niya kayang pasahorin kami. Marahil ay nalulugi na sila sa itinayo nilang karinderya.
Mag dadalawang buwan na rin ang nakalipas simula noong sabay na hospital ang dalawa kong kapatid at ang nangyari noong gabi ring iyon. Bumalik naman sa dati ang lahat at unti-unti ko na ring nakakalimutan ang ginawa ko. Hindi pa masiyadong nakakalakad si Jerome kaya ang naiwang pera sa akin ay ipinagbili ko na lang ng wheelchair para hindi siya mahirapan.
*Peep* *Peep*
Napatalon ako sa gulat nang may biglang bumusina sa aking likuran na isang sasakyan. Nang lingonin ko ito ay nakita ko ang may-ari ng sasakyan na tumatawa pa habang bumaba ng kaniyang mamahaling kotse. Tinapunan ko na lang siya ng masamang tingin na siya namang ikinatigil niya rin sa pagtawa.
“Ihahatid na kita,” malambing niyang usal.
“Hindi na, Gabriel. Kaya ko naman at saka umuwi ka na bago pa may makakita sa atin at isumbong na naman ako sa mama mo. Alam mo namang parang isang tigre na nakawala sa halwa iyong mama mo kapag nabalitaan niyang nagkikita na naman tayo,” sabi ko at ngumiti ako nang pilit sa kaniya.
Kababata ko si Gabriel. Bata pa lang kami ay magkasama at magkaibigan na kaming dalawa. Dati kasi nilang driver si itay at palagi rin akong nakakapunta sa mansyon nila kaya naging magkalapit ang loob naming dalawa. Apo siya ng may-ari ng pinakamalaking hacienda dito sa lugar namin. Matunog ang apilyedo ng kaniyang pamilya, hindi lang sa negosyo kung hindi pati na rin sa politika. Sa katunayan nga niyan ang kaniyang lolo ang gobernador ngayon sa aming lugar at hindi pa raw ipinapanganak sila inay at itay ay naikwento nila na ang pamilyang Sagrado na ang namumuno dito mula noon at hanggang ngayon. Maganda naman daw ang pamamalakad at pamumuno nila kaya parati silang ibinoboto ng mga tao rito.
Kakauwi lang niya galing sa America, doon na kasi siya nag-aaral ng kolehiyo at umuwi lang siya upang magbakasyon. Una nga niya akong hinanap at pinuntahan pagkababa ng eroplanong sinasakyan niya. Noong una ay hindi ko siya nakilala pero masaya ako dahil nagkita kami ulit.
Sa loob ng isa at kalahating buwan ay mas lalo kaming naging malapit ni Gabriel hanggang sa humantong sa punto na umamin siya sa akin at niligawan niya ako. Hindi ko ninanais na ligawan niya ako, sadyang mapilit lang talaga siya.
Magkaibang-magkaiba kami ng istado sa buhay ni Gabriel. Uling at ginto kaming dalawa kapag nag kasama kaya kahit may kaunting nararamdaman ako sa kaniya ay kailangan ko pa rin itong pigilan dahil alam kong ang walang pinag-aralan at mahirap na babaeng ito ay hindi nararapat sa isang katulad niya.
“Huwag mo ng pansinin si mommy. Nag-iisa niya lang akong anak kaya sobra ang paghihigpit niya sa akin.”
Napangiti ako nang mapakla nang maalala ko na naman ang panunugod ng kaniyang ina sa akin sa baryo. Ayoko ng maulit pa ang nangyari noong araw na iyon. Tama na ‘yong mga masasakit at panlalait na salitang natanggap ko at ng pamilya ko galing sa ina niya. Ayoko rin lumapit sa gulo.
“Uuwi na a…”
Hindi ko na natapos ang sasabihin ko nang malapit na akong matumba nang makaramdam ako bigla ng pagkahilo. Inalalayan naman agad ako ni Gabriel.
“Ayos ka lang ba? Huwag ka na kasing makulit at ihahatid na kita sa inyo,” malumanay at may halong pag-aalala ang boses ni Gabriel nang sabihin niya iyon sa akin.
Hindi ko alam pero napapadalas na ang pagkahilo ko. Siguro hindi bababa sa tatlo sa isang araw akong hindi nahihilo.
“Huwag na Gabriel at umuwi ka na lang sa mansyon ninyo. Nahilo lang ako dahil sa sobrang tirik ng araw at hindi rin ako kumain ng agahan kanina,” pag pipigil ko sa kaniya.
Ayaw kong pumunta na naman siya sa baryo namin. Maliban sa lagi siyang pinagloloko ng mga kapitbahay namin doon ay hindi ko rin gustong magkita sila ni inay at itay. Baka kung ano pang masabing masasakit na salita ni inay sa kaniya dahil sa ginawang pamamahiya ng mommy niya sa amin.
Hindi na rin ako kumain ng agahan kanina bago umalis dahil parang bumabaliktad ang sikmura ko kapag naaamoy ang ulam nila. Hindi naman bago sa akin ang buyad at kung tutuosin nga ay lumaki kaming magkakapatid na ganoon lagi ang nakalagay na ulam sa hapagkainan namin. Napapadalas na rin ang ganitong pakiramdam ko. Sabi nga nila inay na baka raw may sakit ako kaya nag-iipon sila ngayon para sa pagpapa-check up ko.
Nag-umpisa na akong maglakad at iniwan siyang nakatayo pa rin doon. Hindi pa nga ako nakakalayo nang mapatigil ako dahil nag-sisimula na namang umiikot ang paningin ko. Sinubukan ko ulit humakbang kahit hilong-hilo na ako pero hindi na kinaya ng katawan ko at bumagsak na lang ako bigla. Mabuti na lang ay may mga kamay akong naramdaman na sumalo sa akin.
Narinig ko pa ang boses ni Gabriel bago ako tuluyang nilamon na ng dilim.
Naalimpungatan ako nang may maramdaman akong kamay na marahang humahaplos sa buhok ko. Nang imulat ko ang mga mata ko ay agad na bumungad ang nag-aalalang mukha ni Gabriel. Tumigil siya sa paghaplos sa buhok ko at umayos ng upo nang makita niya akong gising na.
Bumangon ako sa pagkakahiga at inilibot ang paningin ko sa lugar na kung saan ako ngayon. Pero amoy pa lang ng lugar ay alam ko na kung saan ako dinala ni Gabriel kaya hindi ko na kailangan pang magtanong sa kaniya.
“Hindi mo na dapat ako dinala rito. Mainit lang ang panahon at gutom lang ako kaya nawalan ako ng malay. Halika na at umuwi na tayo,” pag-aaya ko sa kaniya bago tinanggal ang dextrose na nakadikit sa akin.
Wala siyang imik at palagi lang siyang nakatitig sa akin na pawang wala siya sa kaniyang sarili.
Tinawag ko ang pangalan niya at doon lang siya bumalik sa sarili.
“Ano bang nangyayari sa iyo? Halika na at tutulungan ko pa sila inay sa koprasan at ulingan,” usal ko at tumayo na.
“D-dumito ka muna at magpahinga," wika niya.
Kumunot ang noo ko dahil sa isinagot niya. Kakagising ko lang galing sa pagkakatulog at saka maayos-ayos na rin naman ang pakiramdam ko kaya kailangan ko ng umuwi. Kung gusto niyang magpaiwan ay okay lang din naman sa akin. Maglalakad na lang ako papuntang baryo.
“Kung ayaw mong umuwi puwes maiwan ka dito,” may halong inis na sabi ko sa kaniya at lumakad na papuntang pintoan. Hindi ko alam kong bakit madaling uminit ang ulo ko ngayon. Hindi naman ako ganito noon.
Pipihitin ko na sana ang doorknob ng pinto nang magsalita siya na ikinatigil ng mundo ko.
“B-buntis ka.”
Humigpit ang pagkakahawak ko sa doorknob nang marinig ko ang sinabi niya. B-buntis ako? Buntis ako? Matagal pa bago nag proseso sa utak ko ang lahat. Kaya ba lagi akong nahihilo? nasusuka sa mga pagkain at wala sa mood dahil rito? Hindi pwedeng mangyari ito sa akin! Hindi pwede. Unti-unti ko ng kinalimutan ang gabing iyon kaya bakit kailangan kong mabuntis.
“You’re 6 weeks pregnant, Esperanza. I really don’t know why it feels so weird for me na palagi kitang nakikitang nahihilo o palagi kang moody at masama ang pakiramdam. Now, I know the reason. There’s a little angel living inside you,” mahinahong sabi niya sa akin.
Mabilis kong pinahiran ang luhang kumawala sa mga mata ko bago ako tuluyan ng lumabas ng silid. Lakad-takbo ang ginagawa ko para makaalis na rito pero hindi ko inaasahan na sinundan pala ako ni Gabriel hanggang sa labas ng hospital.
Alam niyang buntis ang babaeng nililigawan niya. Alam niyang may gumalaw na sa akin.
Pero bakit wala man lang akong nakitang ano mang bahid na galit at pagkadismaya sa mukha niya kanina?
May humawak sa kamay ko kaya napatigil ako sa paglalakad. Hindi ko siya nilingon at tahimik lang akong umiyak. Hindi ko alam kong blessing bang maituturing ang dinadala ko o dagdag na kamalasan lang ito sa buhay ko.
“Ngayong alam mo na, na nagdadalang tao ako ay kailangan mo ng tumigil sa ginagawa mong panliligaw sa akin. Mas lalo akong pag-iinitan ng mama mo kapag nalaman niyang buntis ang nililigawang babae ng anak niya. Mas mabuti pang kalimutan na lang natin ang isa’t-isa, Gabriel," ani ko nang nakatalikod pa rin sa kaniya. Wala kasi akong mukhang maihaharap sa kaniya. Nahihiya ako dahil sobrang dumi kong babae.
Hindi pa rin niya binibitawan ang kamay ko at naramdaman kong hinigpitan niya pa ang pagkakahawak dito.
“T-tanggap ko.”
Bumilis ang t***k ng puso ko nang marinig ang sinabi niya.
“Tanggap ko ang pagbubuntis mo. Tanggap ko rin kung ano ka at nirerespeto ko rin ang nakaraan mo. Esperanza, kalahati ng buhay ko ay kasama kita. Naging parte ka na ng buhay ko simula pa lang noong magkaibigan tayo. Matagal ko ng ipinangako sa sarili ko na mamahalin ko ang babaeng ito kahit sino pa siya at kahit ano pa siya. Sa iyo lang ako nagkaganito, Esperanza. You are the most precious gift I ever receive in my entire life and I can’t afford to lost it. Kaya kahit matagal ay kaya kung maghintay kahit sampung taon pa iyan bago mo ako sagutin. Sinabi ko na ito sa iyo noon at hindi hinding din ako magsasawang sabihin nang paulit-ulit ito sa iyo ngayon na hindi kita minahal dahil sa kagandahan na mayroon ka. I’ve love you because my heart beats just for you. I’ve love you because you make me feel this way," puno ng sinsiridad ang mga mata at boses na sabi ni Gabrriel.
Hindi ko na napigilan ang mga luha ko at tumulo na lang ito lahat na parang isang bukas na gripo. Mabait siyang tao at palagi niya akong inuuna sa lahat. Ipinaglalaban niya ako at ang pamilya ko sa panlalait ng mama niya. Mula pa noong mga bata pa kami ay may lagtingin na ako kay Gabriel. Masaya nga ako nang umuwi siya at ako ang unang taong pinuntahan niya.
May kaunting pagmamahal akong naramdaman sa kaniya pero hindi iyon sapat para sagotin ko siya. Simula pa lang noon ay sinabi ko na sa aking sarili na kahit ano mang gawin ko ay hindi puwedeng maging kami dahil alam kong sa huli ay ako pa rin ang maiiwang masasaktan. Kailanman ay hindi magsasama ang tubig at langis, ganon din kami.
“Kaya……” tumigil siya at hinila niya ako bigla palapit sa kaniya at niyakap niya ako nang mahigpit bago nagsalita, “Kaya kong maging ama ng bata. Kaya kong akoin lahat ng responsibilidad. Mamahalin ko siya gaya ng pagmamahal ko sa iyo, Esperanza.”
Umiiling-iling ako at pinilit kumawala sa yakap niya. Ayoko! Ayokong maging ama siya ng anak ko. Ayokong akoin niya ang responsibilidad. Ayokong sirain ang buhay niya. Nag-aaral pa siya at alam kong babalik din siya agad sa America.
“Hindi! Hindi mo aakoin ang responsibilidad, Gabriel. Magtatapos ka pa ng pag-aaral at marami ka pang babaeng makikilala na mas higit pa sa akin na alam kong magugustuhan ng mama mo. Kaya kong buhayin mag-isa ang anak ko. Kung kinakailangan ay kakayod ako ng doble ay gagawin ko. Tumigil ka na Gabriel dahil hindi mo na mababago ang desisyon ko.”
Pabagsak kong binitawan ang kamay ni Gabriel at nagsimulang maglakad. Narinig ko pa ang basag niyang boses habang tinatawag ang pangalan ko pero hindi ko na siya nilingon pa. Natatakot ako. Natatakot ako na baka kusang bumalik ang mga paa ko sa kaniya at pumayag sa gusto niya.
Mas mabuti ng ganito.
Mas mabuti ng wala akong madamay na tao.