Naalimpungatan ako dahil sa pananakit ng buo kong katawan lalo na ang hapdi at sakit na nanggagaling sa pang-ibaba kong parte.
Hinanap ko kaagad ang lalaking bumili sa akin kagabi, ngunit hindi siya mahagilap ng mga mata ko.
Tanging limpak-limpak lang na pera ang nakita kong katabi ko sa kama. Nanliit ako bigla sa sarili ko nang makita ko ang mga pera na nagkalat sa higaan. Hindi ko maiwasang tanongin ang sarili ko kung ganito ba ang naramdaman ni Lara noong una siyang pumasok sa ganitong trabaho.
Nagpakawala ako ng malalim na buntong hininga bago dahan-dahang tumayo. Nakita ko sa kulay puting higaan ang kulay pulang dugo na nagpapahiwatig na may gumalaw na sa akin.
Napaawang din ang bibig ko nang inilibot ko ang paningin ko at nakita ang kabuoan ng silid. Para itong dinaanan nang malakas na bagyo dahil sa sobrang kalat. Nagulat din ako nang maibaling ko ang tingin sa baling bente ng kama.
Napahawak din naman agad ako sa ulo ko nang bigla itong sumakit. Wala akong maalala sa nangyari kagabi. Ang huling naalala ko lang ay iyong may pinainom siya sa akin.
Napahigpit ang hawak ko sa kumot na nakapulupot sa katawan ko ngayon nang may biglang pumasok sa loob ng kuwarto. Gumaan ang pakiramdam ko nang makita si Lara ito.
Gulat ang nabasa kong expresyon sa mukha niya habang inilibot ang paningin niya sa loob ng silid. Hindi siya makapagsalitang nakatingin sa akin na para bang hindi siya makapaniwala. Nakaawang lang ang kaniyang bibig.
“Ang tibay,” rinig kong komento niya nang makalapit siya sa akin. Kumunot naman ang noo ko dahil doon.
"Nakakaloka! Hindi ko alam na ganito ang madadatnan ko. Masyado mo namang pinasaya ang customer mo Esperanza," pabirong wika ni Lara sa akin habang inilibot niya ang kaniyang tingin sa kabuoan ng kuwarto.
Napapailing na nga lamang ako bago nagpakawala ng malalim na buntong hininga.
"Gusto ko ng umuwi, Lara," matamlay na ani ko.
Umupo ako sa higaan dahil sa naghihina pa ang buo kong katawan. Masakit din ang bawat sulok ng katawan ko. Hindi ko maalala kung anong ginawa nong lalaking ‘yon sa akin kagabi at ganito na lang ka sakit ang buo kong katawan.
"Oh ito, may dala akong mga damit mo. Magbihis ka na rin at nandiyan na ang perang kinakailangan mo," wika ni Lara nang ilahad sa akin ang isang paper bag. Kinuha ko naman ito at nagbihis na ng damit. Uwing-uwi na talaga ako at ayaw ko rin magtagal sa lugar na ito. Madagdaggan lang ang sakit na nararamdaman ko sa tuwing magtatagal pa ako rito.
Mapait akong napangiti nang makita ko sa loob ng paper bag ang kalahating milyon. Ito ang naging presyo ko kagabi, ang halagang kapalit ng dignidad at sarili ko.
Hindi ko maiwasang hindi humagulgol habang nasa loob ng banyo at hinahayaan ang malamig na tubig na dumaloy sa buo kong katawan. Labis ang pandidiring naramdaman ko ngayon sa aking sarili, pero kailangan kong tanggapin ang lahat dahil ito ang naging desisyon ko.
Nang matapos akong makapaghanda ay lumabas na ako sa banyo. Nakita ko namang masayang pinupulot ni Lara ang mga perang nagkalat sa kama.
"Ang laki ng tip na nakuha mo, Esperanza," mangha sambit sa akin ni Lara nang mabilang niya lahat. Maikli na pag ngiti lang ang itinugod ko kay Lara
Paika-ika akong lumabas ng silid na iyon at sumakay na kami ng taxi pauwi. Binigyan ko rin si Lara ng pera, bayad sa utang ko noong operasyon ni Sarah at sa pagsama sa akin dito.
Tulala akong nakatingin sa tanawin sa labas habang papauwi kami. Kahit anong buntong hininga ko ay pakiramdam ko mas lalong bumigat ang puso ko sa tuwing inaalala ang ginawa kong desisyon.
“Kalimutan mo na ang nangyari,” narinig kong sabi ni Lara at naramdaman ko rin ang paghawak niya sa balikat ko.
Hindi ko namalayan na tumulo na pala ang mga luha ko, pero kaya ko bang kalimutan ‘yon? Naging bayarang babae ako ng isang gabi at pakiramdam ko rin ay sobrang dumi ko na. Hindi ko alam kung paano naatim na sikmurain ni Lara ang ganitong trabaho.
Kahit pagod at nanghihina pa ako ay dumeretso ako sa hospital. Bumili na rin ako ng maraming masasarap na pagkain para sa pamilya ko. Maraming tawag at text si inay na hindi ko nasagot kagabi. Hindi pa kasi ako nawawalay sa kanila ng isang gabi lang kaya alam kong sobra ang pag-aalala nila sa akin.
Nagbayad muna ako ng pampapaopera at sa iba pang kakailanganin para gumaling si Jerome. Isinama ko na rin doon ang hospital bills ni Sarah bago pumunta sa ER kung saan ang kapatid ko.
Masaya ako ngayon dahil magiging okay na ang lahat. Maooperahan na rin siya sa utak at makakalakad nang maayos. Hihintayin na lang namin ang paggaling niya.
Pumunta ako sa kuwarto ni Sarah at bago ko pihitin ang pinto ay tiningnan ko muna ang kaharap nitong kuwarto. Wala lang, may naalala lang ako. Pumasok na ako sa loob at lahat naman sila ay napatingin sa akin. Masaya akong ngumiti sa kanila.
“Ate!”
Sinalubong ako ng mahigpit na yakap nina Lito at Nina. Nakita rin nila ang dala kong pagkain kaya masaya nilang kinuha ito. Hinalikan ko sa noo si Sarah na natutulog pa at kita ko naman na bumalik na ang sigla niya.
“May nahiraman ka bang pera anak?” tanong agad sa akin ni inay nang makalapit ako sa kanila.
Nakangiti naman akong tumango bilang sagot ko sa kanila.
"Opo inay, maooperahan na si Jerome at makakalabas na rin ng hospital si Sarah. Binayaran ko na kanina sa ibaba ang lahat ng gastosin," nangingilid ang luhang balita ko sa kanila.
"Salamat sa diyos naman, anak," iyak ni inay.
Hindi ko maipaliwanang ang saya nang makita ko kung paano umiiyak sila inay at itay nang ibalita ko iyon sa kanila.
“Saan ka naman nakakuha ng ganoong kalaking pera anak,” biglaang tanong sa akin ni itay na siyang ikinatigil ko naman. Matagal akong hindi nakasagot sa tanong niya na parang umurong ang dila ko dahil hindi ko alam ang idadahilan sa kanila. Ayaw kong malaman nila kung saan nanggaling ang perang ipinangbayad ko sa hospital.
“U-umutang po ako sa bangko, itay. Huwag po kayong mag-aalala malaki po ang ibinigay nilang taon para mabayaran natin iyon,” pagsisinungaling ko naman.
Kung maaari ay gusto kong ilihim ito sa kanila habang buhay. Mas mabuting wala na silang alam sa ginawa kong pambababoy sa sarili kong katawan. Gusto ko na lang kalimutan ang lahat at mag simulang muli. Isang gabi lang naman nangyari iyon kaya madali lang sigurong kalimutan. Ibubuhos ko na lang lahat ng atensyon ko sa mga kapatid ko at sa pagtatrabaho.