Gabi na at nasa hapagkainan kaming lahat. Maingay ang mga kapatid ko habang ako ay walang imik simula kanina noong umuwi ako. Hindi ko pa rin alam kung anong gagawin ko o kung paano ko sasabihin sa kanila ang lahat.
Naramdaman kong bumabaliktad na naman ang sikmura ko kaya tumayo ako bigla at pumunta sa labas ng bahay namin para doon sumuka. Sinundan nila ako kaya napaayos agad ako ng tayo. May pag-aalala nilang tiningnan ako.
“Parang lumala yata ang sakit mo anak. Mag pa check-up ka na lang kaya. May naitabi naman kaming pera ng nanay mo," nag-aalala ang boses na sabi sa akin ni itay.
“Huwag na itay. Itabi mo na lang ‘yan para sa pag-aaral ng mga kapatid ko. Kaya ko na ho ang sarili ko,” sagot ko at bumalik na kami sa hapagkainan pagkatapos.
Lagi naman akong umiiwas ng tingin kay inay nang may pagdududa niya akong tinitingnan hanggang sa matapos kaming kumain.
Nagpa-alam na rin muna ako sa kanila na aalis ako at may bibilhin lang ako kila Mang Samuel. Ngunit hindi talaga doon ang sadya ko kun’di ay kay Lara. Si Lara lang ang makakatulong sa akin sa problemang ito. Siya lang ang matatakbohan ko ngayon dahil siya lang naman ang may alam sa ginawa ko.
“Ha? Ano? Buntis ka? Pu*cha naman girl! Bakit hindi ka nag-iingat. May condom naman doon, bakit hindi niyo ginamit?”
Iyan agad ang natanggap ko galing kay Lara nang sabihin ko sa kaniya ang pagbubuntis ko. Umurong ang dila ko at hindi ako nakaimik. Para ng mababaliw si Lara dito sa loob ng bahay niya dahil sa pabalik-balik ang kaniyang lakad at parati rin siyang napapasambunot sa sariling buhok.
Pinanood muna ng palabas ni Lara ang kaniyang mga kapatid sa kapitbahay para wala silang marinig sa anomang pag-uusapan namin.
“Anong gagawin natin?” tanong niya at umupo sa tabi ko.
Niyuko ko ang ulo ko bago sumagot, “Hindi ko alam.”
“Ipalaglag mo!” Naiangat ko naman bigla ang ulo ko dahil sa isinambit niya.
“Wala na tayong choice, okay? Ito na lang ang nakikita kong paraan. Kailangan mong ipalaglag ang bata dahil kong hindi malalaman ng pamilya mo ang ginawa natin.”
Tumayo ako at hinarap siya.
“Hindi ko kaya ‘yon, Lara. Ayokong dagdagan ang pagkakamali ko. Inosenteng bata lang ito at walang alam," pagtutol ko sa gusto niyang mangyari.
Tumayo na rin siya at hinarap ako. “Kung hindi mo kayang ipalaglag ang bata ay iako mo na lang kay Gabriel ang responsibilidad. Mahal ka non at sigurado akong papayag 'yon," aniya na ikinagulat ko ulit.
“Lara!” mahina kong sigaw sa kaniya.
“Esperanza! Iyon lang ang pagpipilian mo. Kung hindi ka mamili sa dalawa ay malalaman ng pamilya mo ang lahat. Isipin mo na lang kung anong mararamdamn nila kapag nagkataon." Madiin ang bawat salitang binitawan niya.
“Hindi pwede, Lara. Nag-usap na kami ni Gabriel at ayokong akoin niya ang responsibilidad sa batang dinadala ko. Nag-aaral pa siya at ayoko ring sirain ang buhay niya nang dahil lang sa batang ito,” sagot ko na nakapagpatahimik sa kaniya.
Ilang segundo kaming walang imik ni Lara at nagulat na lang kaming dalawa nang biglang bumukas ang pinto at mas lalo kaming nagulat nang makita namin si inay sa labas na sobrang sama ng tingin sa aming dalawa.
"N-nay," natatakot ang boses na tawag ko sa kaniya.
Tumalikod si inay at naglakad paalis kaya wala akong ibang ginawa kun ‘di ang sundan siya.
“Nay! Nay!” tawag ko sa kaniya pero hindi man lang niya magawang lingonin ako. Binilisan ko pa ang lakad para makahabol sa kaniya.
"Nay, makinig naman po kayo sa akin saglit," nagmamakaawa kong sabi kay inay pero hindi na naman niya ako pinanasin.
“Pablo! Magbihis ka at samahan mo ako sa mansyon ng mga Sagrado. Hindi porket mas mahirap tayo sa daga ay pagsasamantalahan na nila ang kahinaan ng anak natin,” galit na sigaw ni inay. Lumabas naman si itay at ang mga kapatid ko na naguguluhan sa mga nangyayari.
“Nay, mag-usap naman tayo pakiusap.” Habol ko kay inay pero mabilis ang pagkakalakad niya kaya hindi ko siya maabotan. Kahit naguguluhan ay sumunod si itay at ang mga kapatid ko. May iilan ding mga kapitbahay namin ang nakikiusyoso na.
“Tama na, Esperanza! Kailangan kang panagutan ni Gabriel!” sigaw niya. Umiiyak na ako habang hinahabol si inay. Hindi pwedeng makarating kami sa mansyon ng mga Sagrado. Hindi lahat narinig ni inay kaya mali ang pagkakaintindi niya. Hindi si Gabriel ang ama ng anak ko.
“GABRIEL LUMABAS KA! KAILANGAN MONG PANAGUTAN ANG ANAK KO!” sigaw agad ni inay nang makarating kami sa harap ng gate ng mansyon nila Gob. Kinakalabog ni inay nang malakas ang malaking gate kaya umiiyak akong pinigilan siya. Pinipigilan din siya ni itay pero hindi siya nagpatigil.
Hindi ko masabi ang lahat kay inay ngayon dahil alam kong sobra pa ang galit niya. Kailangan niya munang huminahon.
“GABRIEL LUMABAS KA AT MAG-USAP TAYO!!” sigaw ulit ni inay. Marami ng tao ang nakikichismis dito.
Bumukas ang malaking gate at lumabas sila Gob, Gabriel at ang mama nito na alam kong galit din base sa mukha nito.
“Anong ginagawa ng mga hampaslupa dito at bakit kayo nambobolabog? Guard paalisin niyo nga itong mga taong ‘to,” galit na usal ng mama ni Gabriel.
Nagkatinginan kami ni Gabriel kaya iniwas ko ang mukha ko na puno na ngayon ng luha.
“Hindi kami aalis dito hanggat hindi pinapanagutan ng anak mo ang anak ko,” matapang na sambit ni inay. Hinawakan ko siya sa kamay para pigilan siya sa susunod niyang sasabihin pero malakas niya lang itinaboy ang kamay kong nakahawak sa kaniya
“What?” kunot ang noong tanong ng mama ni Gabriel.
“Ano ang ibig mong sabihin?” tanong din ni Gob., ang lolo ni Gabriel na halatang pagod ang mukha.
“Nay, umuwi na tayo,” umiiyak na pakiusap ko kay inay.
“Binuntis ng apo niyo ang anak ko, Gob ” basag ang boses na wika ni inay. Gulat ang lahat ng nandito nang marinig nila ang sinabi ni inay. Galit din si itay na sinugod si Gabriel ngunit napigilan siya ng mga guard.
“Mahirap lang kami, oo. Pero kahit ganoon ay hindi niyo pwedeng pansamantalahan ang kahinaan ng anak ko. Maayos ang pagpapalaki namin kay Esperanza kaya masakit sa amin ang nangyari sa kaniya ngayon.”
Tiningnan ni inay si Gabriel. “Gabriel, alam kong mabait kang bata at alam ko ring mahal mo ang anak ko pero kailangan mong gampanan ang responsibilidad mo bilang ama ng dinadala niya. Mahirap magpalaki ng bata ng mag-isa. Magpakalalaki ka naman, Hijo.”
Hindi umimik si Gabriel. Nagkatinginan kaming dalawa kaya umiiling-iling ako sa kaniya upang tumutol siya sa gusto ni inay.
“Gabriel, magsalita ka," maawtoridad na nagsalita si Gob. kaya pigil hininga ang lahat na naghintay sa sasabihin ni Gabriel.
“Totoo lolo na nabuntis ko si Esperanza…” umiiyak akong umiiling-iling ng pauli-ulit na naman kay Gabriel. Ayokong akoin mo ang lahat, Gabriel.
“Ngunit, hindi po totoo na hindi ko siya papanagutan. Mahal ko siya kaya tanggap ko ho ang bata. Gagawin ko ang responsibilidad ko biglang ama ng anak namin kaya wala ho kayong dapat na ipag-aalala pa," dagdag niya kaya napapikit ako nang mariin.