Anabella
“May gusto ka roon sa pinsan ni Evan, ano?”
Hinabol ko ang bawat hakbang nito habang kinakabahan. Mariin ko pang nakagat ang ibabang labi habang iniisip kung aamin ba ako rito o hindi.
Ngunit sa huli ay inilingan ko ang sarili. Mas mabuti nang ligtas. “Wala, naga-guwapuhan lamang ako sa kaniya lalo na at mabait.”
Mahina itong natawa sa tinuran ko. “Papaanong mabait? Suplado nga iyon, e.”
“Uy, hindi, a! Mabait si Señorito Alessandro. Ipinagtanggol niya nga ako noong nakaraang linggo mula sa grupo ni Criza. Mabait siya sa akin,” paliwanag ko ngunit wala itong naging reaksiyon maliban sa isang tipid na tango.
Pagdating namin sa tapat ng bahay ay hinarap ako nito at nginitian nang tipid. Hinaplos pa nito ang ulo ng mga aso ko na naging maligalig nang makita ako.
“Magpapalit lang ako ng damit, a? Sabay na tayong bumalik doon para kumain,” anito na sinagot ko agad ng sunod-sunod na tango.
Patakbo akong pumasok sa bahay at nagpalit ng pang-itaas na saplot. Nagbaon pa ako ng panyo para mamaya, tiyak na maliligo na naman ako sa pawis.
“Sweetie!”
“Lalabas na!” sigaw ko at lumabas ng bahay. Agad ako nitong hinila papunta sa likod ng bahay ng aming amo. Naroon na ang ibang mga kabataan na tulad namin ay naghahanap din ng pera.
Kaniya-kaniya silang hawak ng pagkain na ang ulam ay lechon kawali.
Napalingon pa sa akin si Ate Hope na tipid na tipid kung kumain habang katabi ang tulala sa kawalan na si Señorito Evan. Magkasiklop pa ang mga kamay ng lalaki, at nang mapansin ang presensiya ko ay umirap ito.
Huh?
“Ate . . .”
Bumaba bigla ang tingin ko kay Megan na humawak sa kamay ko. Ang buhok nito ay naka-braid pa rin, talagang hindi ito naliligo kapag tinatalian ko. Hanggang kinabukasan pa ang pagkakatirintas ng buhok niya, panigurado.
Napangiti ako at sumunod dito. Pumasok kami sa backdoor kaya naabutan namin si Ma’am Ria na nakaupo sa mataas na upuan at nakikipaglampungan sa asawa. Nagsusubuan ang mga ito kaya tila ba nahiya kami ni Malik.
Nabigla pa ako nang sumunod sa amin si Evan na padaskol na naupo sa upuan at sinimangutan kami ni Malik.
“Huwag nang pakainin itong si Kring-Kring at lalong tataba,” pag-uumpisa na naman nito kaya nakatikim ito ng matatalim na tingin mula sa mga magulang.
“Tumigil ka nga, Jackson. Lagi mo na lang pinag-iinitan ang bata.” Matalim na tingin ang ipinukol dito ng kaniyang ina bago ako harapin nang nakangiti. “Hija, hijo, kuha lang kayo ng paper plate riyan at kumain. Huwag mahihiya,” anito na ikinangiti ko at ipinagpasalamat.
Kumuha kami ng makakainan ni Malik, habang ako ay takam na takam sa ulam.
“Paanong hindi ko titigilan iyan? Nakakainis palagi ’yang si Kring-Kring. Palagi na lang nandito,” reklamo pa ng lalaki, dahilan para matigilan kami ni Malik at nagkatinginan.
Nilingon ko nang bahagya si Evan na agad piningot ng ina. “Itikom mo ’yang bibig mo at masasapok ko iyan, Jackson. Ganiyang ugali ba ang itinuturo namin sa iyo, ha? Kung maka-asta ka, akala mo kung sino kang bata ka. Ilang beses ka nang sinasabihan, ang tigas talaga ng ulo mo. Lumayas ka na nga lang dito sa kusina,” asar na sambit ng Señora kaya naman napayuko ako.
Seryosong sumimsim ng tubig ang ama ni Evan bago mapailing-iling. “For sure, kapag tumanda ito ay maiisip niya rin ang mga pinagsasasabi niyang katarantaduhan kay Sweet. Baka nga kapag umalis dito ang bata ay hanap-hanapin niya. Naku ka, Jackson.”
“No way, Dad!” agad na sambit ng lalaki at matalim akong tiningnan. Umalis na lamang ito bigla kaya nakahinga ako nang maluwag.
Bakit kaya ganoon siya? Napakagaspang ng ugali sa akin. Sa iba namang tao, lalo na sa mga babae ay hindi siya nang-aasar at ganitong nananakit ng damdamin. Sa akin lang siya nanggaganoon, iyon ang napapansin ko.
Siguro ay dahil sa hitsura ko. Hindi naman ako maganda at sexy tulad ng ibang mga kababaihan dito, kaya siguro hate na hate niya ako.
“Pasensiya ka na talaga sa anak ko, hija. Hindi ko na maintindihan ang ugali ng lalaking iyon,” pagpapakumbaba ni Ma’am na agad ko namang sinagot ng isang magalang na ngiti.
“Okay lang po . . .”
“Aist! Ang sama talaga ng ugali ng lalaking iyon!” gigil na turan ng kasama ko na tinawanan ko lamang habang sumusubo ng pagkain. “Nasobrahan sa aruga ata ang Evan na iyon. Tingnan mo, hindi magtatagal ay babagsak din iyan dahil sa kayabangan niya at kagaspangan ng ugali.”
“Hayaan mo na iyon. Baka may iba pang makarinig at gantihan ka ng lalaking iyon,” awat ko rito habang nasa lilim kami ng puno, hindi kalayuan sa mga kasamahan namin.
Tinanaw ko pa ang ate ko na naglalagay ng kulay pula sa labi—iyong tinawag niyang liptint. Katatapos lamang nitong kumain at nakikipagtagisan na ng ganda laban sa grupo ni Criza—na tulad namin ay ume-extra rito habang wala pang pasok.
Parehas lamang sila na may gusto kay Evan, kahit pa hindi naman sila pinapansin ng lalaki. Hindi naman nagkakalayo ang edad namin ng grupo ni Criza, at ni minsan ay hindi ako nakipaglapit sa kanila dahil sa ugali nila sa akin.
“Basta, nakakairita talaga ang ugali ng lalaking iyon. Sana nga mag-disi ocho na siya para ipasok na ng ama sa pagsusundalo sa malayong lugar.”
Nabalik ang tingin ko kay Malik at napahinga nang malalim. “Seventeen na rin siya, sa susunod na dalawang buwan ay tiyak na ipapasok na siya ni Sir sa military school,” segunda ko rito. Iyon ang narinig ko sa mga magulang niya noong mga nakaraan. Ganoon din ata ang gagawin nila kina Señorito Cain at Zeus kapag tumuntong na ang mga ito sa tamang edad.
Ibinaba nito ang paper plate nang maubos ang kinakain, saka tumungga ng dala nitong inumin. Nilingon ako nito bago muling tanawin ang malawak na taniman. “Ni minsan ba . . . pinangarap mong mapadpad sa Manila? O kahit saang lungsod na may mga malalaking building?” bigla na lamang nitong tanong.
Tumigil ako sa pagnguya at nilunok ang kinakain habang nakakunot ang noo. “Oo naman, lalo na kung may magandang oportunidad doon na naghihintay sa akin oras na lumaki na ako. At saka, nahihiwagaan ako kung ano ang buhay roon.”
“Palakasan daw ng loob doon, sabi ni Aling Rosal. ’Yong dalagang anak niya na nakipagsapalaran sa lungsod ay napunta raw sa squatter. Pero nagsikap at kung ano-anong trabaho ang pinasok para lang may maipadala sa tatay niyang may sakit, kaya nakaipon din siya at nakapagpatayo ng sariling bahay ngayon doon,” pagkukuwento nito na ikinangiti ko nang tipid.
Narinig ko nga iyon na ipinagsasabi ni Aling Rosal sa mga kapit-bahay, ang nanay ni Criza. Balita ko nga ay tumigil na sa pagpapadala ang anak niya sa lungsod noong nagkapamilya, kaya nagkasamaan sila ng loob.
“Oo nga pala, kumusta na si Nanay Lucia mo?”
Sa naging tanong nitong iyon ay natigilan ako. Nag-iwas ako ng tingin sa lalaki at taimtim na tinanaw ang malawak na taniman. Tirik ang araw ngunit hindi na namin gaanong ramdam ang init, hindi katulad kanina.
Suminghap ako at bago ipatong ang noo sa mga tuhod. “Ganoon pa rin siya noong huli kong bisitahin sa bahay-ampunan,” marahang sambit ko at payapang ipinikit ang mga mata.
Naiinis at nalulungkot ako sa kaalamang hindi ako makilala ng totoo kong ina. Pero ano nga ba ang magagawa ko? May sakit sa pag-iisip ang aking ina, tiyak na darating din ang araw na magiging maayos na rin siya. Kung kaya ko nga lang na alagaan siya ay gagawin ko. Kaso wala na nga akong sapat na pera para sa mga gamot niya, magagalit din si Nanay Criselda. Mapait ang damdamin ng aking ina-inahan sa ginawa ni tatay noon na pumatol sa may sakit sa pag-iisip na dalaga.
Lumala pa nga ang sitwasiyon ni Nanay Lucia nang abandunahin na nang tuluyan ng pamilya niya at pinaampon na sa bahay-ampunan. At ako? Napilitan lang na kupkupin ni Nanay Criselda dahil wala naman na akong ibang mapupuntahan kundi sa puder ng aking ama.
“Ganoon ba. Kailan mo siya ulit bibisitahin?” tanong pa nito na ikinaangat ng ulo ko.
Lumaylay ang aking mga balikat dahil kahit ako ay hindi ko rin alam kung kailan ko ba ito madadalaw muli. Ayoko namang magtungo roon na walang dalang gatas at tinapay, tiyak na magwawala si Nanay Lucia.
“Ewan ko. Mag-iipon pa muna ako, Malik. Kaya tara na at maghugas ng mga kamay para makapagsimula na ulit,” aya ko at agad na tumayo nang matapos sa pagkain.
Matapos naming maglinis ng mga kamay ay bumalik kami sa ginagawa.
Hindi ko na inisip pa ang pagod dahil nais kong magkaroon ng pera sa murang edad.
Ilang sako rin ang napuno namin ni Malik kaya tuwang-tuwa kami. Naka-isang libong piso kami na suweldo kaya kapuwa kami masaya nang umuwi. Medyo madilim na ang paligid nang salubungin ako ng mga aso ko.
Kinabukasan ay maaliwalas ang aking mukha dahil sa saya na hindi mapapantayan. Diniligan ko ang mga halaman matapos kong magluto ng agahan namin.
Naglinis ako ng katawan bago lumabas at salubungin ang magandang sikat ng araw.
“’Tay!” hiyaw ko nang masumpungan ito sa likuran ng aming bahay at naggagapas ng palay.
Hinagisan ko muna ng pagkain ang mga alaga naming manok bago tumakbo papunta rito. Ang aking mga aso ay masayang naglaro sa palayan kaya naman napangiti ako nang todo.
“Oh, magandang umaga sa aking dalaginding,” turan nito na ikinanguso ko.
Niyakap ko ang lumang manika na bitbit at tiningala ito na halatang nananakit na ang likod sa pagyuko.
“Magandang umaga rin, ’Tay. Nagluto na po ako ng agahan,” imporma ko rito bago tanawin ang iba pa nitong kasamahan na abala sa ginagawa.
Nangunot pa ang noo ko nang mapansin si Evan sa ’di kalayuan na binubuhat ang sako-sakong naaning palay. Kasama nito ang iba pang mga kalalakihan doon, lalo na ang dalawa kong kapatid na lalaki. At, oh, naroon din ang aking ate!
“Mabuti, anak. Doon ka muna sa lilim at tatapusin ko lang itong ginagawa ko bago kumain, ha?”
Tinanguan ko ito nang marahan at gumilid nga sa lilim. Naupo ako sa nakausling lupa na may mga damo at tahimik na pinagdiskitahan ang mga makahiya na naroon. Isa-isa ko iyong sinundot, dahilan upang magsara ang mga dahon niyon.
Nang magsawa ay binalingan ko ang mga tao na nagtatrabaho. Napadpad pa ang tingin ko kay Ate Hope na nakaupo banda sa puwesto ni Evan at halatang nagpapa-cute, ganoon din ang grupo ni Criza na panay ang hagikgik sa gilid. Minsan, ako na lang ang nahihiya sa ginagawa nilang pagpapapansin.
Hindi ba nila nahahalata na ayaw sa kanila ni Señorito Evan? Naku.
“O-Oy!” gulat kong naibulalas nang may biglang nagtakip ng kamay sa mga mata ko. Umalingawngaw sa tainga ko ang halakhak ni Malik kaya naman napasimangot ako. “Baliw.”
Natatawang naupo ito sa tabi ko at inilahad sa akin ang isang halaman, isang maliit na klase ng rosas na may mga ugat pa.
Literal na namilog ang mga mata ko sa nakita at napatanga rito.
“Itanim mo ito at alagaan. Nahingi ko iyan noon sa kapit-bahay at inalagaan ko kaya lumaki nang ganiyan,” anito kaya naman napangiti ako bago iyon tanggapin. “Teka, kukuhanin ko lang sa bahay ang ginawa namin ni Tatay na abokadong may gatas.”
“Naku! Maraming salamat, Malik. The best ka talaga!” tuwang-tuwang sambit ko at napatayo.
Hinaplos lamang nito ang ulo ko bago humarurot paalis. Tuloy ay ngingiti-ngiti kong pinagmasdan ang bulaklak na hawak ko. Tamang-tama ito sa tambayan ko para magkaroon lalo ng kulay. Sa tabi ng puntod ni Lolo ko iyon balak na ilagay—na siyang unang nagmay-ari ng kakarampot na lupang iyon, ilang taon bago ito pumanaw dala ng katandaan at sakit na nakuha nito mula pa noong kasapi pa ito ng armadong pakikibaka. Matanda na ito nang sumuko sa mga sundalo, at nag-ipon ng pera upang may maipamana sa aming kakarampot na lupa. At nagpapasalamat ako rito dahil ang lupang iyon ang naging tambayan ko at kasiyahan.
“Ang pangit naman ng bulaklak na ’yan. Mayroon kaming bulaklak na mas maganda pa riyan, Kring-Kring. Gusto mo?”
Awtomatikong nawala ang mga ngiti ko sabay lingon sa lalaking huminto sa likuran ko. Kapag ibubuka talaga nito ang bibig, palaging lait na lang ang lumalabas. Nakakainis na siya, laging panira ng araw.
Nginitian ko lamang ito nang tipid bago umiling. “Hindi na, hindi ko kailangan ng bulaklak na galing sa iyo. At saka hindi naman pangit ang bulaklak na bigay ni Malik, pintasero ka lang talaga,” marahan kong sambit, wala namang intensiyon na awayin ito at nais lamang pagsabihan.
Ngunit hindi nito nagustuhan ang narinig mula sa akin. Mula sa nakangiting mukha ay nandilim iyon at tumalim ang mga tingin sa akin. Ibinagsak nito sa harapan ko ang buhat-buhat na sako ng naaning palay na ikina-atras ko habang kinakabahan.
Muli ko itong tiningala at hinigpitan ang yakap sa manika at bulaklak na hawak.
Mayamaya ay pilit itong ngumiti sa akin nang mapansin ang nahihintakutan kong mukha. “E, manika? Ayaw mo ng bagong manika? May mga laruan si Venus at Megan sa bahay na hindi na ginagamit. Puwede ko iyong nakawin para sa iyo,” pilit pa nito ngunit umiling lamang ako. Ayoko talaga kung galing lamang sa kaniya. Baka pinaglololoko niya lamang ako at gawan ng kalokohan. “Ayaw mo talaga?”
“Ayaw ko nga.”
Ngumisi ito nang pagalit. Hindi lamang ito makita ng iba dahil isang malaking katawan ng puno ang humaharang sa amin.
“Ayan ang ikinaiinis ko sa iyo minsan, Kring-Kring. Kapag si Malik ang nagbigay, tinatanggap mo agad at tuwang-tuwa ka pa. Kapag ako, laging ayaw mo,” pagalit na turan nito na ikinasalubong ng mga kilay ko. Nang bahagya itong umabante palapit sa akin ay daglian akong umatras. Pinaningkitan ako nito ng mga mata. “May gusto ka roon, ano? Pati nga sa pinsan ko na ang laki ng agwat sa iyo ay pinagpapantasyahan mo. Bakit, akala mo ba papatusin ka niyon? Sa hitsura mong iyan? Walang magkakagusto sa iyo, Kring-Kring. Pangit ka na nga, napakataba mo pa. Para kang balyena.”
Kumibot-kibot ang mga labi ko sa narinig. Sa paraan ng pananalita nito at pagdidiin sa bawat salita ay tila ba itinatatak nito sa isip ko ang mga masasakit niyang salita sa akin.
At sa bata kong isip at damdamin, tila ba namanhid ang dalawang iyon sa sakit at lungkot.
Wala na nga atang magkakagusto sa akin. Isa lamang akong katawa-tawang bata rito sa lugar namin, isang balyena na mukhang palaka.
Napayuko ako nang haklitin nito sa akin ang manika kong nilipasan na ng panahon, at saka pinagtatanggal ang kaunting buhok niyon.
Para bang nalagutan ako ng hininga nang pagtatanggalin din nito ang mga braso at binti’t ulo niyon, saka pinisat ang malambot na katawan. Ibinalik niya iyon sa akin bago ngumisi at iniwan akong tulala.
Huli ko nang namalayan na tumatakbo na ako pauwi sa bahay nang luhaan. Ibinaba ko sa gilid ng bahay ang bulaklak bago sumiksik sa itaas na papag na higaan ko.
Doon ko ibinuhos ang mga luha habang yakap-yakap ang manika ko na sinira ng aroganteng iyon. Ang sama-sama talaga ng ugali niya!
Hindi ko maintindihan kung bakit ganoon ang ginagawa niya sa akin palagi. Hindi ko naman siya inaano. Tapos siya, galit na galit sa akin! Ano ba ang mali sa akin? Bakit ganito?
Luhaan ang aking mga mata, at kahit nanlalabo ang paningin ay pinagmasdan ko ang sarili. Pinasadahan ko ng tingin ang mga braso ko at hita na malalaki, pati ang mukha kong bilugan ay hinaplos ko ng palad upang damhin.
Makaraan ang ilang sandali na reyalisasiyon ay dumiin ang pagkakapikit ng mga mata ko at bumuhos ang luha. Inis kong pinukpok ang sarili dahil sa pagkainis. Ang mga hita ko na hindi kaaya-aya sa paningin ko ay makailang ulit kong sinuntok, dala ng maintinding inis para sa sariling hitsura.
Ayoko ng ganito! Ayoko! Ang pangit-pangit ko!
Mariin kong hinila ang buhok at nagwala. Ang bintana ko na nakabukas ay ibinagsak ko ang pagkakasara, saka inihagis ang bag kong naglalaman ng mga kagamitan sa pag-aaral.
Paulit-ulit na umalingawngaw sa isip ko ang sinabi ng hambog na iyon kanina na wala raw magkakagusto sa akin dahil sa hitsura ko.
Napahikbi na lamang ako at niyakap ang sarili habang nakaupo sa gilid. Napuno ng pasa ang aking katawan dahil sa paulit-ulit kong pananakit sa sarili. Nakakainis tingnan, ang pangit-pangit!
Habang-buhay ko na atang kalbaryo ang sarili kong hitsura, at habang-buhay ko na rin atang mararanasan ang laitin nang laitin.
Naramdaman ko ang pagpait ng lalamunan sa ideyang iyon.
Natigilan lamang ako nang makarinig ng tinig mula sa labas. Si Malik na hinahanap ako.
“Sweetie, papasok ako, a?”
Hindi ako umimik at hinayaan lamang ito. Isiniksik ko ang mukha sa mga braso at itinigil ang paghikbi.
“Uy, nasaan ka?”
Hirap akong lumunok. “S-Sa higaan ko,” mahina kong tugon, sapat na para umabot sa pandinig nito.
Narinig ko ang malalim na paghinga nito at pag-upo sa kawayang upuan. Hindi na nito tinangka pang hawiin ang kurtina na tumatakip sa higaan ko. Madilim ang buong bahay kaya kampante akong hindi nito masisilayan ang hitsura ko ngayon.
“Inaway ka na naman ba ni Evan? Narinig ko ang mga hikbi mo kanina.”
Mapait akong ngumiti at ipinikit ang nahahapong mga mata. “M-Malik, may t-tanong lang ako.” Garalgal ang aking tinig, ngunit alam ko na hindi naman ako nito aasarin sa bagay na iyon.
“Sige, ano ba iyon?” sagot nito, dahilan para i-angat ko ang ulo.
Tinanaw ko ang kadiliman ng paligid, saka huminga nang malalim. “Tingin mo ba . . . w-wlang magkakagusto sa akin?”