Kabanata 14

2634 Words
“. . . Naku! Kagaganda talaga ng mga babae roon. Kaya kayo, Efren at Hiraldo—lalo ka na, Efren, at bente anyos ka na, akitin mo ang isa sa mga pinsan ng kaibigan mong mga anak ni Madam! Tiyak na hindi ka na maghihirap dahil mayaman na sila!” mariing bulong sa amin ni Nanay na ikinabagal ng pagsubo ko. Hindi naman nagpatalo ang aking ama na ayaw sa mga plano ng aking ina at mga kapatid. Hindi ko maintindihan kung yaman at magandang lahi lang ang habol nila sa mga iyon, pero ngayon pa lamang ay naaawa na ako sa kanila kung sino man ang makatuluyan ng isa sa mga kapatid ko. “Isa ka pa, Criselda. Imbis na kunsintihin mo ang mga bata ay turuan mo sa tamang landas. May tiwala sa atin ang mga amo natin at huwag mo sanang sisirain iyon dahil tiyak na madadamay tayong lahat.” “E, bakit? Masama bang mangarap na yumaman? Wala naman akong sinabing pagnakawan nila ang mga iyon. Ang nais ko lang iparating ay kung may tyansang makabingwit sila kahit isa sa mga anak ni Señora, edi mas maganda!” paglalaban pa ng aking ina na ikinayuko ko na lamang. Halos naman lahat ng kababaihan at kalalakihan dito ay pangarap ding makatuluyan ang isa sa mga iyon. Palibhasa’y mayayaman at may mga hitsura. “Ew, Kring! Bawas-bawasan mo kaya ’yang pagkain mo. Para kang kargador kung makakain. Kaya ka lalong tumataba, e. Sa susunod niyan ay malalampasan mo na ang baboy, hindi ka na chubby.” Gumalaw ang mga mata ko upang tingnan ang nagsalitang si Kuya Efren. Hindi ko sana ito papansinin kung hindi lang nito tinangka na kuhanin ang plato ko. “Bitiwan mo nga iyan,” wika ko na napatigil sa sunod-sunod na pagsubo. “Gutom ’yong tao.” Nagtawanan ang mga kaharap ko, dahilan para mapatungo ako at mariing kinagat ang ibabang labi. “Kailan ka ba hindi gutom? Tingnan mo kaya ang katawan mo at manalamin ka kung gaano ka kalosyang tingnan. Hindi ka pa nga nagdadalaga ay mukha ka nang may dosenang anak,” tawang anas ni Ate at dinuro pa ako. Ngunit imbis na pakinggan ay inignora ko lamang ito. Pagkain na nga lang ang isa sa mga nagpapasaya sa akin. Gustuhin ko mang bawasan ay hindi ko naman mapigilan ang sarili. Masarap kumain, at nahihirapan akong magpigil. . . Matapos maghapunan ay ako pa ang pinagligpit at pinaghugas ng mga ito ng pinagkainan. Wala silang narinig na reklamo mula sa akin, kaya nang matapos ay agad kong pinakain ang mga alaga, bago magtungo sa higaan. Tahimik kong tinanaw ang malawak at madilim na palayan mula sa bintana sa aking tabi. Malamig ang simoy ng hangin na tumatama sa aking mukha, ngunit hindi ko iyon alintana dahil para sa akin ay tamang-tama iyon para damhin ang kalungkutan ng aking gabi. Pangit na nga ata talaga ako habang buhay. Hindi ko maintindihan, maganda naman at maputi ang aking ina. Ngunit bakit ganito ako? Natampal ko ang sariling noo. Bilad nga pala ako palagi sa araw kaya sunog ang balat. Ngunit ang mukha ko, hindi pa rin kaaya-aya sa paningin ng iba. Kulot na buhok lang ata ang namana ko sa aking ina. Nangalumbaba ako roon at tinanaw ang kalangitan. Wala akong masabi dahil sa ganda niyon, lalo na ng mga bituin. Kay ganda ng pagkakagawa sa kanila ng Bathala. Isang maliit na ngiti ang namutawi sa aking mga labi bago isara ang bintana. Kinuha ko ang papel at ang aking pluma, saka sinimulang isulat sa aking ginawang talaarawan ang mga nangyari sa araw na ito. KINABUKASAN ay maaga akong naligo at nag-ayos para mag-ani. Sumama ako kay Itay papunta sa bahay ng aming mga amo, bitbit ang ilang pirasong sako na paglalagyan ng mga maaani. Alas seis pa lamang ng umaga pero gising na gising na ang mga tao roon. “Ate!” pukaw sa akin ni Megan nang makarating kami sa likuran ng kanilang bahay. Naroon ang paslit at ang ama nito’t mga kalalakihan. Wala na naman doon si Venus na palaging nagkukulong sa kuwarto. Tuwing kainan ko lamang ata nasisilayan ang kagandahan niyon. Nais ko sanang makipagkaibigan sa kaniya dahil dalawang taon lang ang agwat namin, ngunit napakatahimik naman at hindi nakikihalubilo. “Hello, magandang umaga,” bati ko sa paslit na nakakapit sa leeg ng ama. Agad naman itong bumaba at lumapit sa akin para magpatali ng buhok, kahit na sobrang aga pa. Napangiti na lamang ako at pinaupo ito sa gilid. “Psst! Tabachoy!” Inignora ko si Señorito Evan na nag-uumpisa na naman kahit pa nariyan ang aking ama. Nasanay na ata ang tainga ni Itay sa pang-aasar sa akin ng lalaki kaya hindi na ito naninita. Tinapos ko rin agad ang pagtirintas sa buhok ng paslit kaya tuwang-tuwa ito kahit kagigising lamang. Inaya ako nito sa kusina nila kung saan ko nasumpungan si Señora Ria na naghuhugas ng mga kamay. “Good morning po,” bati ko rito nang lingunin kami nito. “Oh, Sweet hija! Magandang umaga rin. Nag-almusal ka na ba? May saging at kamote riyan, kuha ka lang,” anito na ikinangiti ko nang malapad. “Sige po. Salamat po!” Hinila ako ni Megan upang bigyan ng kanilang almusal. Nagpasalamat pa muli ako sa aking amo bago kami bumalik sa labas. Bitbit ko ang pagkain nang masilayan ko ang mga kapatid ko sa labas na handa na ring maghanap-buhay. Diring tiningnan ako ni Ate Hope bago hawiin ang buhok at nauna na. Agad naman akong nagpaalam kay ama na magsisimula na upang makarami. Tiyak na dadami na ang mga kabataan mamaya na mag-aani. Kinawayan ko si Megan bago magtungo sa manggahan. Hindi naman ganoon kahaba ang lakaran kaya hindi ako hiningal masiyado. Kailangan kong makarami, kating-kati na akong bumili ng mga maaayos na damit na magagamit ko pang-alis at sa araw-araw. Halos lahat kasi ng kinikita ng aking pamilya, napupunta sa pinag-iipunan nilang tuition fee ni Kuya Efren sa kolehiyo, lalo pa at magkokolehiyo na rin si Ate Hope sa susunod na mga taon. Halos wala na ngang natitira para sa amin. “Sweet!” Tumigil ako sa isang puno bago lingunin ang tumawag. Si Malik ang bumungad sa akin na patakbong lumapit. Lumapad ang mga ngiti ko rito. “Uy.” Tumapat ito sa akin at kinuha ang mahabang panungkit na hawak ko. “Magandang umaga. Mabuti at nakita kita. Kain muna tayo, may dala akong sopas.” “Wow!” naibulalas ko at inaya itong maupo sa tabi. Ibinigay nito sa akin ang nakabalot pa ng plastik labo na sopas. Nagtawanan kami dahil sa paraan ng pagkain namin niyon. Binutasan lamang ang gilid at saka sinipsip. Kinagat ko ang dulo ng saging na hawak habang pinagmamasdan ang payapang umaga. “Dalian lang natin para makarami tayo,” anito na tinanguan ko lamang. Agad kong inubos ang pagkain bago damputin ang panungkit na inilapag nito sa tabi. Inakyat nito ang isang puno kaya sinimulan ko na rin ang gawain. Hindi naman na ako nahirapan gawa ng sanay na ang aking katawan sa panunungkit. Ngunit nang tumirik ang araw ay unti-unti akong naghabol ng hininga. Inis kong pinahid ang basang-basa sa pawis kong mukha bago tanawin si Malik na kabababa lamang sa punong inakyatan nito. Ilang puno na rin ng mangga ang nadaanan namin at inalisan ng bunga. Tinambak namin ang sako-sakong napuno sa tabi at saka napaupo sa gilid. “Kapagod!” bulalas ko at inilabas ang dila sa pagkahingal. Dala ng init at gutom ay sumuko ang aking katawan. Tinanggap ko ang tubig na baon nito bago magpasalamat. Nilingon ako ng lalaki na tulad ko ay pawis na pawis din. Wala na itong suot na pang-itaas dahil inalis niya iyon upang gawing pamunas ng mukha. Sakto naman na dumating sina Kuya Efren at Hiraldo, kasama ang tatlong magkakapatid na mga kuya ni Megan, kasama pa nila si Kuya Kyle na mahilig mang-asar. “Hi, tabachingching! Para ka nang lechon baboy na iniihaw ngayon.” Sabi ko na nga ba. Ayoko nga ng gulo pero sila itong nag-uumpisa. Inilabas ko lamang sa kabilang tainga ang sinabi ni Kyle at ipinagpatuloy ang pagpupunas ng pawis. “Tumigil nga kayo. Hindi na nga kayo nakakatulong kay Sweet, nakakasakit pa kayo ng damdamin. Ang perpekto ninyo, a,” may halos sarkasmo na turan ni Malik na agad kong pinigilan. Inilingan ko ito upang ipabatid na hayaan na lamang sila. Mga abnormal pa naman ang mga taong iyon, baka siya naman ang pagbalingan. Napahinga naman ito nang malalim at itinikom din ang bibig. Binalingan ko pang muli ang mga lalaki at napailing-iling. Napansin ko roon si Evan na masama ang tingin sa akin kahit na hindi ko naman inaano. “Huwag kang mangialam dito, Malik. Hindi ka naman prince charming ng palakang iyan. Huwag mong sabihin na may gusto ka kay Kring-Kring?” sabat ni Kuya Hiraldo at nagtawanan pa sila. Napangiwi ako nang yumuko. Palaka? Ako? Ako lang ang may karapatan na tumawag sa sarili ko na palaka, wala nang iba. Hindi umimik ang katabi ko ngunit tinapunan nito ng masasamang titig ang mga kalalakihan. Nang magsawa sa amin ang mga ito ay kusa rin silang nagsialisan. Binalingan ako ng katabi at hinawi ang buhok na tumabing sa aking mukha. Hinawakan pa nito ang baba ko upang iangat ang mukha ko ngunit hindi ko ito hinayaan. Doon ito napahinga nang malalim at hinayaan na lamang ako. “Kung nais mong umiyak, umiyak ka lang. Hindi kita aasarin.” Alam ko. . . Pinigil ko ang paglabas ng luha at mariing kinagat ang ibabang labi. “Malik,” marahan kong tawag dito. “Hmm?” Hirap kong nilunok ang bagay na nakabara sa lalamunan ko. Lasang-lasa ko ang pait niyon na lalong nagpapabigat sa nararamdaman ko. “H-Hindi ka ba. . . Ni minsan ba, hindi ka nandiri sa akin?” tanong ko na siyang nagpatigil dito. Kinunotan ako nito ng noo at ilang segundong tinitigan, bago ako taasan ng kilay. “Ano namang klaseng tanong iyan? Siyempre hindi. Wala namang nakakadiri sa iyo.” Pinasadahan ako nito ng tingin. Hindi agad ako naka-imik. “Alin ba ang tinutukoy mong nakakadiri? Iyang kulay mo? E, parehas lang naman tayong sunog. ’Yan bang timbang mo? Hindi rin. ’Yong Mama ko nga na sumakabilang-bahay ay na-diagnose na may eating disorder. Kain siya ng kain dala ng natamo niya noong pagkabata niya. Lagi siyang inaasar na baboy hanggang pag-edad niya, kaya ayun, lumala lang ang sitwasiyon niya at wala nang kontrol sa pagkain. Nakikita kita sa kaniya kaya ramdam ko kung ano man ang dinaramdam mo ngayon. Walang nakakadiri roon.” Natuptop ko ang bibig sa narinig. Wala sa sariling napatitig ako rito. Eating disorder? Ngayon ko lamang narinig iyon sa tanang buhay ko. “Doktor ang kailangan mo para kahit papaano ay matulungan ka sa problema mo ngayon. Tingin ko kasi ay parehas kayo ng kondisiyon ni Mama. Kaso, sa hirap ng buhay ay ang hirap kahit makapagpa-check up man lang, ano? Si Tatay nga ay may dinaramdam ngayon na sakit, hindi ko lang maidala sa hospital dala ng kagipitan sa pera. Kaya heto, dapat kumayod tayo nang kumayod habang wala pang pasok.” Napatango-tango ako rito. “Tama ka. At kung wala ka talagang pera at hindi ka pasok sa standard ng pisikal na kagandahan ng iba, hindi ka rin gaganda, ano? Kukuhanin ko nang halimbawa ang pinakamayaman dito sa ating lugar, kay gaganda ng mga balat nila at mababango pa. Parang mga artistahin, maganda na ang lahi, mayaman pa. May pangbili ng mga kailangan nila at luho.” Tipid akong napangiti sa kawalan at inisa-isang inalala ang mga napansin ko sa pamilya ng aming amo. “Oo nga pala,” putol nito sa iniisip ko. Tumayo ito at inilahad ang kamay upang tanggapin ko—na agad ko namang ginawa. “Nakapunta ka na ba sa Bahay Pag-asa?” “Huh? Bakit mo naitanong? Hindi pa, e. Hindi ako pinapayagan ni ama magtungo riyan,” kunot-noo kong tugon. Sa pagkakaalam ko ay isa iyong lugar rito, ngunit halos kalahating oras ding lakaran iyon at tago pa. Pabahay iyon para sa mga dating rebelde na nagbagong-buhay na. Itinayo ng mga sundalo ang pabahay na iyon na sinuportahan naman ng mga Montehermoso. Malapit iyon sa kampo ng mga sundalo, kaya hindi basta-basta napapasok ng mga may masasamang balak na rebelde. Balita ko pa mula kay ama na nanggaling doon noon ay mas pinaganda na raw ngayon doon ang lugar at lumago na ang mga tao. Ang iba ay mas piniling magkapamilya sa labas—dito, tulad ng ginawa ni ina at ama. Hindi naman kami delikado rito kahit pa mga dating rebelde ang mga magulang ko. Malapit lang kami sa kampo ng mga sundalo at isa pa, nariyan naman ang mga Montehermoso na handang tumulong sa aming komunidad kung sakali mang magkaroon ng gulo rito. “Narinig ko kasi na pupunta roon si Madam Ria para magbigay ng mga makakain at gamit na rin. Gusto ko sanang sumama at tumulong upang makita ko ang aking mga pinsan.” Napangiti ako nang malungkot. “Hindi kasi ako puwedeng magtungo riyan. Pasensiya ka na kung hindi kita masasamahan, Malik. Nariyan kasi ang pamilya ng tunay kong ina, ayaw nila sa aking ama at sa akin,” turan ko na naiintindihan naman nito. “Okay lang, Sweetie. O, siya! Ipalista na natin ito para makakain na tayo at makapagsimula muli.” Tulad ng sinabi nito ay iyon ang ginawa namin. Sa likod ng bahay ng aming amo ay naroon si Cain na naglilista ng kung ilan ang mga sakong napuno ng mga trabahador. Sa gilid ay si Megan na siyang nagbibilang, tumutulong lamang dahil iyon ang gusto niya palagi. Natatawa na lamang sa tuwa ang mga nakapaligid sa kaniya dahil mabait at matulungin ang paslit. Nilingon ko si Malik sa likod ko na siyang nagbuhat ng tatlong sako na napuno ko. Binalik-balikan pa nito ang ilang sako na napuno namin dahil isa lamang na sako ang nakakayanan ng binatilyo niyang katawan. Nang ako na ang magpapalista ay tumigil si Cain at pinatunog ang mga daliri. “Sipag ni Kring-Kring, a.” Tipid lamang akong ngumiti rito. “One, two, three. Three po!” maligalig na bilang ni Meg at itinaas pa ang tatlong daliri upang ipakita sa kuya niyang si Señorito Cain, ang sumunod kay Evan. Ngunit tila ba tumigil ang mundo ko nang makita ang pagdating ni Señorito Alessandro na walang suot na pang-itaas at may bitbit na mga dahon ng saging. Kasunod nito ang kapatid na si Señorito Armando na kay guwapo rin tingnan. Ngunit mas nakakakuha ng atensiyon ko ang aking tagapagtanggol. O, my prince charming. My knight in shining armor. . . Sinundan ko ito ng tingin nang pumasok ito sa bahay nila na seryoso ang mukha. Para bang ang pagod kong katawang-lupa ay nabuhayan dahil doon. Malaki lamang ang agwat ng edad nito kaysa sa akin, at alam ko naman na wala akong pag-asa rito. Hindi ako masiyadong umaasa rito, napakabata ko pa. Ni hindi pa nga ako dinadalaw ng aking buwanang dalaw. Napahinga ako nang malalim. Naalis lang doon ang tingin ko nang mapansin sa gilid si Señorito Evan na masama ang pagkakatingin sa akin. Ang mga mata nito ay tila ba nanghuhusga sa buo kong pagkatao, kaya tila ba umurong ang kaninang pantasya ko. “Masiyado mo namang nilasap ang tanawin ng pinsan ko, Kring-Kring. Tigilan mo iyan at napakabata mo pa. Next!” natatawang sambit ni Cain kaya napalunok ako. Gumilid ako upang bigyan ng daan si Malik na nag-isang linya ang mga labi. Nang muli kong balingan si Evan ay mabilis itong nagtungo sa bahay nila habang nakakuyom ang kamay. Nagtaka ang lahat habang nakasunod ang tingin dito. Ano naman kaya ang problema niyon?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD