Tinawanan ko na lamang ito nang mahina. “Wala, wala lang iyon. Sanayan na lang iyan,” pagyayabang ko upang isipin nito na ayos lang ako. Alam ko naman na mangungulit lang ito kapag sinabi ko ang totoo.
“Wala ka bang gagawin sa Linggo? Punta sana tayo ng perya dahil nakapagbenta ako ng mga prutas at gulay kahapon. Ang narinig ko ay bubuksan na raw nila ang mga pailaw roon. Tiyak na mawawala ang lungkot mo,” aya nito na ikinabigla ko.
Perya? Maganda nga roon lalo na kapag binubuksan na nila ang mga pailaw tuwing Abril. Dinadagsa ng mga tao para magsaya. Pero ni isang beses, hindi ko tinangka na magpunta roon nang mag-isa.
Isang beses lamang akong dinala roon ni Itay, pero matapos niyon ay hindi ko na ginusto pang bumalik.
Napahinga ako nang malalim at umiling dito. Kita ko pa kung paano bumagsak ang mga balikat ng binatilyo.
“Pasensiya na, Malik. Ang dami kasing tao roon, e. Hindi ko kaya,” nakokonsensiya kong sambit.
Nauunawaan naman ako nitong tinanguan kaya nakahinga ako nang maluwag. “Okay lang. Punta na lang tayo ng parke, gusto mo? Wala masiyadong tao roon.”
Nagawa ko itong tanguan sa suhestiyon nito at napangiti. “Sige ba.”
“Saan ka pala mag-aaral ngayong mag-uumpisa ka na sa unang taon mo sa high school?” mayamaya ay daldal nito at naniningkit ang mga matang tinanaw ang batis na pinagliliguan ng mga doggie ko.
Hindi ko namalayan na lumapad na pala ang pagkakangiti ko. Ang ideya na tutungtong na ako sa high school ay nagpapakilig sa akin lalo. Sa wakas ay naka-graduate na rin ako sa elementarya. Uunti-untiin ko nang tutuparin ang mga pangarap ko sa buhay.
Sumubo ako ng mangga bago sumagot. “Sa paaralan kung saan ka nag-aaral ngayon. Iyon lang ang naisip ko na pinakamalapit.”
“Tamang-tama. Edi sabay na tayo sa pagpasok araw-araw. Ililibre pa kita ng kwek-kwek sa tapat ng school namin,” pagyayabang nito sa huli kaya naman napahalakhak kami pareho.
Eto ang gusto ko sa kaniya. Hindi man kaguwapuhan na tipong pinag-aagawan ng mga babae rito tulad ng mga lalaking Montehermoso, mabait naman ito at simpleng lalaki lang. Magkakulay lamang kami dahil alam kong madalas itong nasa palayan kasama ang kaniyang ama. Masipag na binatilyo at napakagalang pa sa kahit na sino. Kaya hindi ko maintindihan ang ibang mga kababaihan dito, mas gusto nila ng guwapo pero napakabulok naman ang ugali.
“Oo, tapos magkukuwentuhan tayo palagi sa kalsada,” dugtong ko sa sinasabi nito at napangiti lalo. “Ano ba ang pangarap mo, Malik? Tingin ko kasi ay malayo ang mararating mo sa buhay. Sa sipag mong iyan? Tsk. Tiyak na maiaahon mo rin sa hirap ang buhay ninyong mag-ama. Kapag nangyari iyon, may balato ako, a?” sambit ko na hinaluan ng biro sa dulo.
Natawa naman ito at sunod-sunod na tumango. “Oo naman, bakit hindi? Kapag naging isang tanyag akong engineer, ililibre kita sa mamahaling restaurant.”
Awtomatikong namilog ang mga mata ko sa sinabi nito. “Wow, engineer! Good luck sa iyo, Malik. Alam kong matutupad mo iyan,” pagpapalakas ko sa loob nito.
Umiwas ito ng tingin at pinigil ang mga ngiti. “Oo, kung ganiyan ba naman kaganda ang mga ngiti ng nagsasabi ng good luck sa akin, talagang pag-iigihan ko,” mahinang aniya na umabot naman sa pandinig ko.
Napanguso ako rito at tinanaw ang payapang paligid. Walang ingay ng mga tao o kahit na ng mga sasakyan. “Ako, kapag tumuntong ako ng kolehiyo, gusto kong mag-aral ng agriculture. Tapos magkakaroon ako ng sariling lupain at kami ni Itay ang mamamahala niyon. Patatayuan ko rin ng sariling pala-isdaan iyon at babuyan para kumita kami nang kumita. Sa gayon ay hindi na kami magtatrabaho pa para sa ibang tao,” may bahid ng kaseryosohang sambit ko.
Malayo pa ang tatahakin kong landas bago maabot iyon. Marami pa akong kahaharapin na pagsubok at mga sakit, at itong nangyayari sa buhay ko ay umpisa pa lamang ng pagsubok. Kaya hindi dapat ako sumuko.
Ngunit papaano kung dumating ang araw na sobrang nakakapagod na at hindi ko na kaya?
Magagawa ko pa kayang lumaban? Kapag sobrang sakit na, kaya ko pa bang pahilumin? Hindi ko alam.
May kaunting pag-aalangan sa loob ko dahil baka dumating ang araw na sumuko ako. At iyon ang bagay na hindi ko gustong mangyari.
“ATE SWEET. . .”
Mula sa malalim na pagkakatulala ay nabalik ako sa wisyo nang marinig ang maliit at matinis na boses na iyon. Agad akong napangiti sa pagka-cute ng bata.
“Megan, magandang hapon,” bati ko rito.
Humagikgik ito at tinakbo ang distansiya namin habang naka-angat ang mga kamay na may hawak na maliit na suklay at panali ng buhok. Nakuha ko naman agad ang nais nitong mangyari kaya naman binuhat ko ito paupo sa kawayang upuan sa tapat ng bahay at tinirintas ang buhok.
Umabot na sa baywang ang buhok nito dahil hindi pinapaputulan. Kay kintab niyon at amoy baby talaga. Hindi magulo tingnan dahil tuwid na tuwid ang buhok. Ito lang ang madalas kong makita na lumalabas ng bahay dahil mahilig mag-alok ng pagkain sa mga kapit-bahay, at madalas ay nagpapa-braid ng buhok sa akin.
“May turon na ube sa bahay, Ate Sweet. Punta ka po, ha? Mommy and I prepared it, nagtabi po ako ng para sa iyo,” excited na pagsasalita nito na para bang matanda na.
Hindi ko tuloy napigilan ang damdamin. Tila ba iyon hinaplos ng anghel. Ni minsan ay hindi ako kinaligtaan ni Megan na ipagtabi ng meryenda nila. Napaka-sweet na bata.
“Salamat, Megan. Ang cute-cute mo talaga,” gigil kong sambit at tinapos ang pagtirintas sa buhok nito.
Tuwang-tuwa ito nang hilahin ako papunta sa bahay nila. Panay ang pagyayabang nito dahil tumulong daw siya sa kaniyang ina sa paggawa.
Walang katao-tao sa bahay nila pagpasok namin. Tanging guard lamang ang napansin ko sa gate nila kaya naman nangunot ang noo ko.
Baka nasa likod pa rin sila ng bahay ngayon.
Sa kusina kami huminto. Tumuntong pa ito sa upuan bago alisin ang takip ng turon na nakapatong sa island counter nila.
Napangiti ako nang iabot nito sa akin ang isang tinidor. “Masarap iyan, Ate,” anito kaya naman tumango ako at nagpasalamat, bago tuhugin ang isang turon at tinikman.
Natigilan ako matapos iyong nguyain. Kay sarap nga! Tama lamang ang tamis niyon, mainit-init pa.
Pinaupo ako nito sa mataas na upuan habang nakatungtong ito sa isang upuan na hindi kataasan.
“Salamat dito, Megan. Ang sarap-sarap ng gawa ninyo. Puwede mo itong ilako,” ngiting sambit ko na hinaluan pa ng biro sa dulo.
Kahit naman anong sabihin dito ng kaniyang magulang, paglakuin man ng panindang meryenda, ay game na game ito.
Humagikgik ang limang taong gulang na bata at inabot pa sa akin ang isa pang turon. Natawa na lamang ako bago iyon tanggapin.
Ngunit daglian kaming natigilan nang mapansin ang kapapasok lamang na lalaki mula sa back door nila. Natigilan din ito ngunit agad ding nakahuma at ngumisi.
“Ang taba mo na nga, kain ka pa nang kain,” bungad nito sa akin kaya tila ba binarahan ako ng kung ano sa lalamunan.
Imbis na patulan ito ay inignora ko na lamang at pilit na ngumiti sa inosenteng bata sa tabi ko. “Salamat ulit dito, Megan, a? Ang sarap-sarap. Paano, uuwi na ako?”
Marahan akong bumaba ng upuan at ngumiti nang malaki sa paslit na napanguso.
“Oh? Aalis ka na agad, Kring-Kring? Kuwentuhan mo naman ako kung ano ang ginawa ninyo ni Malik doon sa gubat kanina,” sabat ni Evan nang ambang aalis na ako roon.
Batid ko ang pang-iinsulto sa tono nito na hindi ko alam kung para saan. Nilingon ko ito nang bahagya at nagkibit-balikat, saka umalis doon. Ngunit hinabol pa rin ako nito hanggang sa gate nila kaya naman nagsalubong ang mga kilay ko.
“May kailangan ka ba, Señorito?”
Tumiim ang tingin nito sa akin at humigpit ang pagkakahawak sa pulso ko. “Akala mo ba hindi ko kayo nakita ni Malik sa gubat kanina? Para kayong magshota kung maglampungan.” Parang galit pa ito.
“E, ano naman ngayon sa iyo kung nakita mo kami? Wala naman kaming ginagawang masama roon dahil friend ko lang si Malik, at saka mabait siya sa akin. Kumain lang naman kami roon ng mangga, hindi naglampungan,” pagtatama ko rito at agad na binawi ang pulso.
Natigilan naman ito ngunit naroon pa rin ang dilim sa mukha na hindi ko maintindihan kung para saan. Kung nagagalit siya sa hitsura ko, puwede naman siyang tumalikod at layuan na ako. Hindi ganito na kailangan niya pang ipangalandakan sa mukha ko na ayaw niya sa akin.
“Ano naman ngayon sa akin kung nakita ko kayo?” Pagak itong tumawa at hinuli ang braso ko nang tangkain kong umatras. “Ang sa akin lang, nakakadiri kayo tingnan. Hindi kayo bagay. At puwede ka naman kumuha ng mangga riyan sa tapat namin dahil libre naman iyon, bakit mo pa kailangang kumain ng mangga ng payaso na iyon?”
Nalukot ang mukha ko sa sinabi nito. Tinawag niyang payaso si Malik? Napakasama talaga ng ugali niya.
Hinigit ko pabalik ang braso at blangko itong tiningnan. “Ewan ko sa iyo, Evan. Nakakainis ka talaga kausap.” At hinding-hindi ako kakain ng mangga na pagmamay-ari nila dahil tiyak na puno iyon ng bitterness na mana sa ugali niya.
Ambang lalapit pa itong muli sa akin nang lumitaw si Señor Martin na agad tumama ang tingin sa amin ng kaniyang panganay na anak.
Tinaasan nito ng kilay si Evan. “Tigilan mo nga ang bata, Evan. Inaaway mo na lang lagi ’yang si Sweet,” suway nito sa anak bago ako makalabas ng kanilang tarangkahan.
Isang malakas na buntong-hininga ang pinakawalan ko bago sulyapan ang hawak na turon na nakabalot pa ng plastik. Napangiti na lamang ako at masayang kinain ang hawak.
“Itay!” pukaw ko sa aking ama na papasok pa lamang sana sa aming kubo. Nilingon ako nito at agad na ipinaskil ang pinakamatamis na ngiti na lagi nitong inilalabas. Daglian akong tumakbo upang yakapin ito nang mahigpit. “I miss you, ’Tay!”
“Aba, aba! Naglalambing na naman ang aking dalaginding.”
Napanguso ako. “Pero, Itay, dose anyos pa lang ho ako. Hindi pa ako dalaginding,” katuwiran ko.
Sa halip na sumagot ay tinawanan lamang ako nito at inayang pumasok sa loob.
Pinaupo ko ito sa upuan at excited na nagtungo sa aming munting kusina sa labas. Doon ko iluluto ang kakainin namin para sa hapunan. Tiyak na pagod ang aking pamilya pag-uwi nila mamaya. Alas cinco pa lamang, may oras pa ako para maghanda.
Nagluto na lamang ako ng sinabawang baboy dahil iyon lamang ang nakayanan ko, gawa ng kaunting kakayahan na bumili ng maraming rekados ng aking pamilya.
Matapos kong asikasuhin ang kakainin para sa hapunan ay tahimik kong hinintay ang iba para sabay-sabay kaming kakain.
“Anak, may anihan ng mga mangga bukas sa mga Montehermoso. Sama ka sa akin para magkapera ka, ha?”
Tila naman ako ginanahan sa narinig mula sa aking ama. Oo nga pala! Bakit ko naman nakalimutan na anihan na nga pala bukas? Tiyak na magkakapera na naman ako.
“Sige po. Sasama ako bukas.”
Hindi rin naman nagtagal ang paghihintay namin dahil dumating na rin sa wakas ang aking Nanay Criselda at mga kapatid sa ama.
Natigilan pa ako nang mapansin ang kilig at tuwa sa mukha ni Ate Hope habang namumula ang mga labi.
“Ano ba naman iyan, Hope? Diyan ka lang nagtutungo sa tabi-tabi ay pulang-pula pa ang tuka mo. Alisin mo nga iyan,” sita ni ama sa babae na ikinailing ko.
Sumimangot ang babae bago iyon alisin at padabog na naupo sa harapan ko. “Uso na kasi ang liptint ngayon, Pa. At saka, papaano naman ako makakabingwit ng isang mayaman at poging tulad ni Jackson kung ka-level ko lang ng hitsura si Kring-Kring? Duh!”
Natigilan ako sa sinabi nito. Bakit naman ako pa?
Nang-aasar na ngumiti si Ate Hope sa akin at dumila pa.
“Huwag ka ngang ganiyan sa kapatid mo. At hinay-hinay sa pagsasalita ng ganiyan at baka marinig ka ng ibang tao,” ani ama at nagsandok ng pagkain.
Tahimik kong pinagmasdan ang mga ito bago bumuntong hininga. Sinimulan ko na lamang ang pagsandok ng kakainin habang nakikinig sa aking pamilya.