Kabanata 12

2026 Words
Anabella Sweet Anabella’s Diary Day 1 “Nay! Nay!” Muntik na akong matisod sa nakausling lupa kaya napangiwi ako. Mabuti na lang at agad kong naibalanse ang hawak na malaking mangkok na may lamang ulam, kundi ay palo at luha ang aabutin ko kay Nanay. Napangiti ako nang makarating sa malaking silungan nila rito. Naroon at naghihintay sina Nanay at Tatay, maging ang mga amo namin na silang may-ari nitong lupa na sinasaka ni Tatay—ang mag-asawang sina Ma’am Austrianna at Sir Martin. Nasumpungan ko rin doon ang mga binatilyo’t dalagita na anak ng mag-asawa na nag-uusap. “Eto na ho ang ulam! Pasensiya na po!” maligalig kong sambit at bahagyang yumuko sa magpamilya. Inilapag ko ang mainit-init pang Tinola sa malaking mesa at tumabi kay Ate Hope na nag-aayos ng mga kubyertos. Palihim naman akong kinurot sa tagiliran ni Nanay at hinila palayo roon na ikinangiwi ko. Pinandilatan ako nito ng mga mata at piningot ang tainga na ikina-aray ko. “Ano ka ba naman, Kring-Kring! Huwag kang tatabi roon at baka malaglagan mo ng dumi ang pagkain nila,” matigas na sita nito sa akin kaya napakamot ako ng ulo. “At nasaan si Criza? Siya dapat ang naghahatid ng pagkain, hindi ikaw!” Napanguso ako kay Nanay, saka nginitian ito nang tipid. “Hindi naman, ‘Nay. Naligo kaya ako kanina bago magpunta rito,” depensa ko at hinatak pababa ang sleeve ng shirt ko na bahagyang umangat dahil sa paghawak ni Nanay sa braso ko. Abot iyon hanggang sa pulso ko at nakakahiya naman sa amo namin kung makikita pa nila ang mga peklat ko na mula pa sa kakulitan ko. Baka mandiri sila at masuka sa kinakain. Alam naman ng lahat na ganoon ang balat ko mula pa noong bata. Maitim at puno ng mga peklat at sugat. Mataba rin ang katawan ko kaya hindi na bago sa akin kung palagi akong pinalalayo ng magulang ko sa magpamilya na pinagsisilbihan namin. Marumi raw kasi ako tingnan. “Kahit na! Doon ka na lang maupo muna sa duyan. Mamaya na kita pakakainin pagtapos nila,” pinal na sambit ni Nanay at tuluyan akong tinangay palayo roon. Sa ‘di kalayuan ay may duyan na bakante at nasa lilim ng puno, roon ako pinaupo ni Nanay na ikinanguso ko. Bumalik ito agad sa puwesto kanina upang pagsilbihan ang mga amo, kasama si Ate Hope na todo kung magpapansin sa hambog na si Evan. Lahat kaming magkakapatid ay nagsisilbi sa magpamilya, sa kadahilanang gipit din kami sa buhay. Si Tatay ay magsasaka sa lupain ng pamilyang Montehermoso, si Nanay ay kusinera dahil sa galing nitong magluto, at ako ay kahit ano lang na trabaho ang ginagawa sa malaking bahay ng magpamilya para makatulong. Napahinga ako nang malalim at pinagmasdan ang kalangitan ng katanghalian. Kanina pa ako nagugutom dahil wala pa akong nagiging tanghalian. Palagi kasi akong hinuhuli tuwing kakain dito, na naiintindihan ko naman kasi wala talagang gustong makisabay sa akin. Sa hitsura kong ito? Tsk. Nawala ang pagkakunot ng noo ko nang mapagmasdan si Ate Hope na tumatawa habang katabi si Señorito Evan. Sa ganda, sexy, puti, at kinis ba naman ng ate ko ay kahit sino ay mahuhulog sa kaniya, pero mukhang hindi talaga siya tipo ng kinababaliwan niyang lalaki. Samantalang ako, palaging babad sa araw na dahilan ng pagka-itim ko. Ako lang naman ang palaging nauutusan at ang masunuring bata sa pamilya. Ang mga kapatid ko ay maaarte at hindi mapapabilad sa araw kahit ilang minuto lang, kaya naman nanatili ang pagiging maputi nila. Tahimik kong ibinaling kay Señorito Alessandro ang atensiyon dahil ito na ata ang pinaka-guwapong lalaki na nakita ko rito sa probinsiya. Ito ang panganay na anak ng mag-asawang Denson, na pinsan naman ni Señorito Evan. Suwerto ko na lamang dahil nagbakasiyon na naman sila rito matapos ang isang taon mula nang huli silang magtungo rito. Inspired na inspired na naman akong mag-ayos at magsipag. Hay! Hindi man halata na humahanga ako sa isang lalaki, pero totoong may paghanga ako sa lalaki sa kabila ng hitsura kong ito na kahit aso ay hindi ako papatusin. Ayaw ko lang ibulgar dahil tiyak na kahihiyan ang aabutin ko. Wala naman akong balak na manira ng relasiyon, at wala namang pag-asa na makatuluyan ng isang prince charming ang isang bullfrog na gaya ko. Wala akong panama kay Señorita Sealana. “Hoy!” “Aray ko po!” Nakangiwing nilingon ko si Kuya Efren na siyang pumalo sa ulo ko. Sinamaan ko ito ng tingin at eksaheradang napasabunot ng buhok. “Ano ba! Palagi n’yo na lang akong sinasaktan, ha!” Hinaplos ko ang nasaktang bahagi ng ulo at napabuga ng hininga. Tinulak ako nito paalis ng duyan kaya lalo akong nabanas sa kapatid. Humalakhak ito at siya na ang naupo sa duyan. “Mas bagay ka pa riyan sa lupa. Diyan ka na lang, Kring-Kring.” Talagang napaka-bully niya sa akin, pati na ng ibang mga kapatid ko. Hindi naman Kring-Kring ang palayaw ko, pero talagang nakasanayan na nila dahil naiinis sila sa akin at iniisip na may kring-kring ako sa utak dahil sa kakulitan ko. Umismid ako at hindi na ito pinansin pa, ayoko na ng gulo. Che! Nagmartsa ako papunta sa tabi ng puno ng mangga at naupo sa ugat niyon na nakausli. Inipit ko pa ang mahabang palda na suot ko sa pagitan ng mga binti upang hindi sumayad sa lupa. Nangalumbaba ako at nagkasya na lang sa pagmamasid sa mga nagkakasiyahang tao. Sana ako rin. . . piping hiling ko. Mabuti pa ang mga kapatid ko ay kinakaibigan ng mga anak ng amo namin. Kahit naman pala-kaibigan ako at maligalig ay wala pa ring nais na makipaglapit sa akin o makipagkaibigan man lang, maliban na lang kay Malik. Hindi naman nakakapagtaka dahil hindi ako maganda. Walang maganda sa akin, ang akin lang ay masarap ako magluto. Iyon lang ang kaya kong maipagmalaki. Napa-iwas ako ng tingin kay Señorito Cain nang lumingon ito sa puwesto namin ng kapatid ko. Nakita ko agad ang pagsilay ng ngisi nitong mapang-asar at nilapitan kami. Ang bilis naman nitong lumamon. Ganiyan siguro talaga kapag may binabalak na namang manukso at manakit ng damdamin ng ibang tao. “Kring-Kring!” tawag nito na ikinapikit ko. Ano ba naman ‘yan! Ako na naman ang napansin! Wala akong panahon para makipagbiruan sa kaniya, at kahit na anong pagsusungit ko sa lalaki na iyon ay ayaw pa rin akong tantanan ng lait. Palibhasa ay namana sa mga kapatid kong lalaki na kaibigan niya ang pagiging laitero. Tumayo ako mula sa pagkaka-upo at inayos ang palda ko, saka nagmartsa paalis nang sumigaw ito. “Manang Kring-Kring! Ano ‘yang tinatago mo sa ilalim ng saya mo? Wew!” panimula nito na mas matanda lang sa akin ng apat na taon. Hindi ako nag-react sa sinabi nito pero nakaramdam ako ng hiya dahil tiyak na narinig ng iba ang sigaw nito. “Peklat at galis! Ano pa ba?” Nagtawanan sila ni Kuya Efren na siyang panganay sa aming magkakapatid. At talagang ginatungan pa nito. Nilingon ko silang dalawa at palihim na sinamaan ng tingin. Kung makatawa sila, grabe. Dapat nga ay magpasalamat na lang sila dahil maayos at malinis tingnan ang balat nila. Mabuti nga’t ganoon sila. Normal na normal. Hindi gaya ko. ‘Di bale, sanay naman na ako sa pang-aasar kaya kahit ano pa ang sabihin nila sa akin ay wala na akong pakialam. Wala nga ba? “Uy, iiyak na ‘yan!” gatong pa ng kararating lang na si Señorito Zeus, ang ikatlo sa mga anak ng amo namin. Hindi ako umimik at lumayo na lamang doon. Kumuha na lamang ako ng pagkain sa bahay namin bago tumakbo papunta sa tambayan ko. Nauna pa sa akin ang limang asong alaga ko na maliliksi kaya naman natawa ako. “Saglit lang, Chocho!” hingal kong sigaw at napahawak pa sa mga tuhod. Mariin kong pinahid ang butil-butil ng pawis sa noo ko dahil sa ilang minutong paglakad-takbo. Sunod kong hinaplos ang tapat ng puso dahil sa lakas ng t***k niyon. Kailangan ko na talagang magbawas-bawas ng kinakain at mag-ehersisyo na nang madalas. Kaso ang hirap naman niyon. Maliban sa tinatamad pa ako, wala pa ako gaanong motibasiyon. Pagdating ko sa tambayan ay nauna nang magtampisaw sa tubig ang mga alaga ko. Gustong-gusto nilang lumangoy-langoy roon kaya hinahayaan ko lamang. Pati sa dagat ay gusto nila. Marahan kong itinulak ang sarili sa duyan at taimtim na pinagmasdan ang mga aso ko na nag-e-enjoy sa tubig. Mabuti pa sila, magkakaibigan. Masayang tingnan at nakatutuwa isipin na magkasundo silang lahat. Nangalumbaba ako at natulala sa kawalan. Hindi ko mapigilan ang sarili na makaramdam ng kilig lalo na at naririto ang aking prince charming na si Señorito Alessandro Apollo. Hay, ka-guwapo na nga, pati pangalan ay guwapo rin. Literal na siya ang prince charming ko, papaano ko naman makakalimutan ang pagligtas niya sa akin noong nakaraang linggo mula sa mga nang-aaway sa akin sa daan? Habang-buhay ko yata iyong aalalahanin. “Ang ganda ng ngiti natin, a? Sino naman ang iniisip mo, Sweetie?” Daglian akong napaigtad at nag-angat ng tingin kay Malik na bigla na lamang sumulpot. Tipid na ngiti ang pinakawalan ko rito. “Wala, natutuwa lang ako sa mga alaga ko. Ano pala ang ginagawa mo rito?” Hindi ito sumagot, at sa halip ay may kinuha lamang na mangga sa gilid. Namilog ang mga mata ko at agad na naibaba ang hawak na pagkain. “Para sa iyo. Alam ko paborito mo ito kapag ganitong manibalang,” ngiting sambit nito na ikinatuwa ko lalo. “Salamat, Malik. Ang bait mo talaga sa akin,” masayang turan ko at umalis sa duyan. Kumindat lamang ito habang hindi mapuknat ang masasayang ngiti sa mga labi. “Walang anuman, Sweetie. O, siya! Hugasan mo muna ito sa batis at balatan, kukuha lang ako ng asin at toyo sa bahay, ha? Hintayin mo ako.” Tumakbo ito palayo matapos kong tumango. Dinala ko ang mga mangga sa gilid ng batis at hinugasan iyon sa talon. Hindi naman ganoon kalakas ang bagsak ng tubig mula sa maliit na talon kaya hindi ako nahirapan. Matapos kong mahugasan ay ginamit ko ang kutsilyo na dala ni Malik at kumuha ng dahon ng saging. Doon ko inilagay ang mga nabalatan na medyo hinog na mangga habang hinihintay ang pagdating ng lalaki. Hindi naman nagtagal ang pagkawala nito sa paningin ko, agad ding bumalik na hingal na hingal at may bitbit na asin at toyo. Akin ang toyo at kaniya ang asin. Tinulungan pa ako nito na dalhin ang dahon ng saging na may mga mangga sa puwesto namin kanina. “Ang sarap talaga ng mangga ninyo, Malik,” turan ko habang ninanamnam ang sarap niyon. Natawa naman ito at tumingin sa mga mata ko. “Kung nais mo ay punta ka lang sa taniman namin ni Tatay. Maraming bunga roon ng mga puno namin. Libre lang,” aniya at sumubo ng hiniwang mangga. Natahimik kami ng ilang minuto dahil sa pagkain, ngunit binasag din nito ang katahimikan. “Malungkot ka na naman, ano? Sino na naman ang nang-away sa iyo?” tanong nito na ikinabigla ko. Makaraan ay sunod-sunod akong sumubo ng mangga at tumungo. “Paano mo naman nalaman na malungkot ako?” halos pabulong kong tanong. Nahihiwagaan talaga ako rito kay Malik mula pa noon. Una niya akong nilapitan noong nakaraang taon na onse anyos pa lamang ako at nakipag-usap sa akin. Ni minsan ay hindi ako nakatikim ng lait mula sa kaniya, ni ang pansinin niya ang mga kapintasan ko ay hindi niya ginawa. Napakabuting binatilyo. Nakakapagtaka lamang na ang dami niyang alam patungkol sa akin kahit na hindi naman ako nagkukuwento sa kaniya palagi tungkol sa mga nangyayari sa buhay ko. “Iyon ang napapansin ko sa iyo, e. Madalas kitang nakikita rito noon kapag malungkot ka. Dito ka nagda-drama mag-isa kapag inaaway ka. Kaya kabisado ko na ang mga gawain mo.” Natawa ito at napailing. Ako naman ay biglang nahiya rito. Sabagay, daanan nilang mag-ama ang tambayan kong ito kapag galing sila sa lupain nila. Dito ang shortcut pauwi sa bahay nila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD