Anabella
“Ano ba namang klaseng tanong iyan, Sweet? Siyempre mayroon. Hindi naman lahat ng tao ay bumabase sa hitsura. Tulad ko, sa personalidad ako tumitingin pagdating sa babae. Aanhin ko naman ang hitsura kung hindi naman pasado bilang asawa na panghabang-buhay,” tugon nito na bahagya pang natawa nang banggitin ang salitang asawa.
Napanguso tuloy ako at agarang tinuyo ang mukha. Kahit papaano ay gumaan ang loob ko sa sinabi nito.
Mariin kong ipinaglapat ang mga labi at hinigpitan ang yakap sa mga tuhod. “M-Magbabawas na lang ako ng timbang, Malik,” nanginginig kong turan at napapikit. “Gusto kong . . . Gusto kong maging payat naman, tulad ni Ate. Ayoko ng ganito, para akong balyena . . .”
“Okay ang magbawas ng timbang, Sweetie. Pero ang tawagin mong balyena ang sarili mo ay hindi maganda,” putol nito sa sinasabi ko, dahilan upang matuptop ko ang sariling bibig. “Halika na nga. Naghihintay na ang abokado natin, o.”
Wala akong nagawa kundi ang lumabas ng kinalalagyan. Natigilan pa ito nang makita ang lagay ko matapos buksan ang ilaw ng bahay. Bagamat hindi ito umimik ay pansin ko ang pagtingin-tingin nito sa akin.
Nagpasalamat ako nang iabot nito ang isang baso ng abokado na may gatas.
Huminga ako nang malalim.
Huli na ito. Babawasan ko na ang kakainin ko simula bukas.
“Si Evan ba ang gumawa nito?” anito nang mapansin ang manika ko na sira-sira na.
Marahang kumibot-kibot ang mga labi ko at napatungo. Ilang sandali pa ang nagdaan bago ko nagawang tumango rito. “O-Oo, siya nga . . .”
“Tarantado talaga ang isang iyon! Walang magawa sa buhay! Porke mayaman siya ay nanggaganoon na lamang siya ng ibang tao!” gigil na turan nito at inayos ang natuping katawan ng manika. Ikinabit din nito ang mga braso’t binti niyon, pati na ang ulo na wala nang buhok. Tuloy ay ang pangit na ng manika ko, kalbo na. “Hayaan mo at bibilhan kita sa bayan ng manika sa Linggo. Mayroon doon na mga ganito, tag-singkuwenta lang o mahigit pa roon.”
Doon ako napangiti at nagpasalamat dito.
SUMAPIT ang Linggo at nagtungo kami sa bayan ni Malik. Gamit ang kinita namin sa pag-aani ng mangga ay bumili kami ng mga damit na panlakad at pang-araw-araw. Tuwang-tuwa pa ako nang bilhan ko ng damit si Itay, tiyak na matutuwa iyon. Nais ko sanang bumili ng maraming damit at sapin sa paa na pang-alis, ngunit nag-aalangan ako at baka kailanganin ko ang pera sa susunod. Isa pa, nais kong makapagpatayo ng sarili kong bahay para sa aking kinabukasan. Nais kong mag-ipon.
Nagtabi ako ng pambili ng gatas at tinapay ni Nanay Lucia, at ang natirang limang daan ay itinago ko upang hindi na magastos pa.
Nagkuwentuhan lamang kami ni Malik habang papunta sa parke upang tumambay.
“Ang ganda ng damit ng manika, o. Haba pa ng buhok, foreigner ang hitsura,” puna nito habang pinagmamasdan ang binili niyang manika para sa akin na tinititigan ko kanina pa.
Nakangiting nilingon ko ito bago yakapin nang mahigpit ang box ng manikang iyon. “Oo nga, e,” pagsang-ayon ko at ibinaling sa mahabang kalsada ang tingin. “Alam mo, hindi pa ako nakakakita ng banyaga na dilaw ’yong buhok, at saka blue eyes. Naalala mo ’yong mga napanood natin sa telebisyon? Ang tatangkad nila, ano? Parang mga higante, ang galing!”
Natawa ito sa reaksiyon ko at napailing-iling. “Ako nakakita na,” pagyayabang pa nito na ikinaawang ng bibig ko. Hala! Nakakita na siya? “’Yong asawa ng kapatid ni Mang Timoteo mo—ni Manang Karina, hindi mo pa ata iyon nakita. Nagpunta sila rito noon, pero saglit lang. Ang narinig ko ay Amerikano raw iyon. Sobrang tangkad nga, e. Mga kasing laki ni Señor Martin.”
Hala! Hindi ko alam iyon, a!
Napanguso tuloy ako. “Saan naman nakatagpo si Tita Karina ng banyaga?”
“Sa Boracay. Maraming banyaga roon, e. Doon siya nagtatrabaho noong matagpuan ang foreigner.”
Ay, medyo malayo iyon sa amin.
Sabay kaming napatingin sa unahan nang mapansin ang mga pamilyar na mukha. Natigilan pa ako nang mapansin ang magpamilya at mga kaanak nila na naglalakad at nagbibisikleta, tila papunta rin sa parke na siyang destinasiyon namin ni Malik.
Nagkatinginan kami ng aking kasama at nabahala.
“Ate!” maligalig na sigaw ni Megan sa aking ngalan habang sakay ito ng magarang bisikleta niya na kulay pink. Kumpleto ang mga ito, kaya nasilayan ko na naman ang kagandahan nilang lahat.
Taimtim kong pinagmasdan ang mga magagara nilang bisikleta—bagay na wala ako. Isang beses lamang akong nakasakay niyon nang pahiramin ako ni Kuya Hiraldo, taon na ang nakalilipas. At hanggang ngayon ay gustong-gusto kong maranasan muli iyon.
Napahinga tuloy ako nang malalim. Kung sana’y ipinanganak lamang akong mayaman, o kahit ampunin na lang ng mga Montehermoso, tiyak na ganiyan din ako kasaya sa mga laruan ngayon. Nakagagala sa kung saan-saan at hindi na kailangang maghirap pa nang husto. Ngunit mananatiling pangarap na lamang iyon dahil ito na ang reyalidad ko.
Kaya dapat lang na magsikap ako upang maiahon ko sa hirap ang sarili at pamilya. Ayokong maranasan ng mga magiging anak ko ang pinagdadaanan ko ngayon, tipong walang magawa kundi ang tumingin na lamang sa ibang mga bata na nag-e-enjoy sa mga laruan nila at buhay.
Tinugon ko ng kaway si Megan na imbis na dumeretso sa parke ay nagtungo sa amin. Kay galing nitong magbisikleta sa murang edad, may stand pa ang bike nito sa magkabilang gilid.
“Magpa-park din po kayo, Ate?” Ang matinis na tinig nito ay umalingawngaw sa paligid. Kami lamang ang tao sa tahimik na kalsadang iyon. Hile-hilerang malalaking puno ang nakapaligid sa kalsada kaya malamig at mahangin ang paligid. Kay sarap sa pakiramdam maglakad sa ganitong lugar.
Ngumiti ako sa paslit. “Oo, e. Ang ganda ng bike mo, Megan,” ngiting sambit ko rito na ikinatuwa naman ng bata.
Imbis na magbisikleta papasok sa parke ay sinabayan kami nito sa paglalakad at hinila na lamang ang bike. Kay bait talaga ng batang ito, malayong-malayo sa ugali ng mga kapatid niyang lalaki.
“Thanks po. Daddy bought this last month. Gusto niya kasi happy lang ako at play-play palagi, ganoon po,” daldal nito na hindi na bumalik sa pamilya.
Nagkatinginan kami ni Malik at sabay na humalakhak dahil sa tuwa. Ang cute talaga ni Megan. Kamukha lamang nito si Señora Ria kaya kay sarap panggigilan. Napakabibong bata, at iyon naman ang kabaliktaran ng ate niyang si Venus. Mailap masiyado sa mga tao.
Pagpasok namin sa parke ay naroon na at nagpaikot-ikot ang mga magpipinsan na nagbibisikleta. Ang mga magulang naman ay naglakad-lakad lamang upang magpapawis.
Sa entrada ng parke ay naroon naghintay ang van na tingin ko’y bantay nila.
Nang balingan ko si Malik ay masama ang pagkakatingin nito kay Evan na sakay ng itim nitong bisikleta at minsana’y sumusulyap sa amin.
“Malik, dito na lang tayo,” suhestiyon ko at excited na naupo sa duyan na naroon sa lilim. Mas maganda roon dahil malayo sa magpapamilya, iwas na rin sa gulo.
Kinuha nito sa akin ang mga pinamili namin kaya itinulak ko ang sarili upang gumalaw ang duyan.
Hinangin ang dulo ng bestida kong itim na kupas na. Natawa pa ako nang biglaan na lamang akong kuhanan ni Malik ng litrato gamit ang luma at de-keypad nitong cell phone.
“Huy! Huwag mo na akong kuhanan ng litrato,” sita ko rito. Ayoko lamang makita ang sarili ko sa litrato dahil alam kong masasaktan lamang ako.
“Bakit naman? Ang ganda nga ng kuha mo, e. Ang ganda ng ngiti mo rito, o,” ngiting turan nito habang kinakalikot ang cell phone.
Napasimangot na lamang ako, ngunit agad din iyong nawala nang mapansin si Megan na itinumba sa damuhan ang bisikleta at pinagmasdan ako.
Namaywang pa ang bata na tila hinihintay ako, kaya naman natawa ako at tumigil sa pagduduyan.
“Look who’s here. Date ninyo?”
Parehas kaming napatigil dahil sa mapanuyang tinig na iyon. Tila ba ako binagsakan ng malaking bato dahil narito na naman si Evan upang mang-away.
“Puwede ba, Evan? Tigilan mo na si Sweetie. Nakakaasar ka na kaya,” banat ni Malik sa lalaki kaya napakagat ako ng ibabang labi.
Ayoko naman na nag-aaway sila. Ayoko ng gulo.
Saglit kong sinulyapan si Evan na tumagal ang titig sa hawak ni Malik na bagong biling manika, saka natawa nang pagak. Inalis nito ang pagkakahawak sa manibela ng kaniyang malaking bike, saka humalukipkip sa amin.
“What? I’m just asking if you guys are dating. Hindi ko kasi alam na may mangangahas pang makipag-date kay Kring-Kring. Ang babata n’yo pa, ni hindi pa iyan marunong si Kring-Kring maglaba ng sarili niyang underwea—”
“Tarantado! Umalis ka rito dahil hindi ka namin gustong makasama! Ang sama ng ugali mo!” nanggagalaiti na turan ni Malik sa lalaki na nginisian lamang kami, tila ba nang-aasar pa.
“Why would I leave? Pamilya ko ang nagpagawa ng park na ito. Kayo nga ang dapat na umalis dito dahil ang sakit ninyo sa mata tingnan.” Ang yabang talaga nito. Nilingon ako nito at diring tiningnan. “Maligo ka nga, Kring-Kring. Ang asim mo tingnan. Palibhasa puro ka taba. Uso mag-diet.”
Hindi talaga nito pinalampas ang pagkakataon na saktan ang damdamin ko sa muling pagkakataon.
Ipinaling ko na lamang ang tingin sa kabila upang hindi ito makita.
“Manahimik ka! Wala ka namang alam sa sitwasiyon niya!”
“Malik, tara na,” awat ko sa kaibigan at baka rito pa sila mag-away nang husto. Nang hawakan ko sa braso ang kaibigan ay tumalim ang tingin sa akin ni Evan at napaasik.
Umalis na lamang ito bigla na ikinahinga ko nang maluwag.
Hindi ko na talaga alam ang gagawin ko sa lalaking iyon. Napakagaspang ng ugali sa amin ni Malik.
“Sasapakin ko na talaga iyon kapag hindi ako nakapagtimpi,” galit na usal nito habang tinatahak namin ang daan pauwi.
Mahirap nang manatili pa roon, baka magkagulo lang lalo.
“Hayaan mo na iyon. Pagtimpihan mo na lang. At saka mas malaki kaysa sa iyo si Señorito, baka ikaw naman ang mapuruhan,” nag-aalalang turan ko rito.
Tama naman dahil malaking bulas nga ang anak ni Señor Martin. Malaking tao at mas matanda sa amin pero isip-bata naman at masama ang ugali.
“Aist! Nakakainis talaga! Kung kailan naman tayo lumalayo sa lugar natin ay sila naman itong lumalapit.”
Tinawanan ko na lamang ito at napatingin sa unahan. May nagtitinda roon ng mga tusok-tusok kaya napangiti ako. Tamang-tama dahil wala pa akong almusal.
Huminto kami roon ni Malik at ibinaba ang mga hawak. Nilibre ako nito ng kwek-kwek at palamig na ipinagpasalamat ko rito. Doon muna kami tumambay upang makapagkuwentuhan kasama si Manong.
Magiliw itong kausap at hindi naman nanlalait kaya nakagaanan namin ng loob ni Malik.
Hanggang sa natahimik ako at gumilid nang mapansin ang pagdaan ng grupo ng mga kalalakihan na nakabisikleta.
“Uy, nagde-date sila!” tudyo ni Zeus na hindi ko na pinansin pa. “Witwew!”
Tumabi na lamang ako kay Malik at napakagat ng ibabang labi. Huwag na sana silang manggulo pa.
“Ang sweet, a,” anang Cain na huminto sa tabi namin. Hindi mawawala ang panunuya sa tinig nito, mana sa kuya niyang si Evan.
Daglian akong tumabi lalo at inubos ang kinakain.
“Tara na,” aya ko sa kasama upang umiwas na roon, ngunit hinarangan pa kami ng mga kapatid ni Evan.
Nang balingan ko si Evan ay nasa likuran ito ng mga kapatid niyang lalaki at blangko ang tingin sa akin.
“Angkas sana kita sa bike ko, kaso baka pumutok ang gulong ko, e.”
Nabigla na lamang ako nang mawala sa tabi ko si Malik. Hanggang sa unti-unti akong pinanlamigan ng katawan nang patamaan nito ng kamao sa mukha si Zeus na siyang huling nagsalita.
“Malik!” naiiyak kong pigil dito na bigla na lamang pinagtulungan nina Cain at Evan.
Sinubukan kong hilahin ang shirt nito upang ilayo roon ngunit itinulak ako bigla ni Evan, dahilan upang mapasalampak ako sa lupa.
Nanlisik na lamang bigla ang mga mata sa akin ng lalaki at dinuro pa ako. “Huwag kang makisali rito!” sigaw nito sa akin na ikinaiyak ko lalo.
Marahan kong hinilot ang balakang ko at sinubukang tumayo. Nataranta pa ako nang tadyakan nila ang kaibigan ko sa tagiliran. Nang patayuin ni Evan si Malik sa pamamagitan ng paghila sa damit nito at binigyan ng isang malakas na sapak sa mukha ay pinilit kong ibangon ang sarili.
“Tama na iyan! Ano ba!” luhaan kong sigaw at hinampas ang likod ni Evan. Tumigil ang lalaki at muli akong nilingon, nanlilisik pa rin ang mga mata.
Doon ako lalong nakaramdam ng takot, takot na baka pati ako ay bugbugin ng mga ito.
Marahan akong napalunok at agad na umatras.
“Sabi ko huwag kang mangingialam dito, taba. Gusto mong matulad sa kaibigan mong iyan?” pananakot nito sa akin.
Sunod-sunod na tumulo ang mga luha ko at nangatal ang mga labi. “B-Bakit ba hindi n’yo kami magawang pabayaan? Hindi naman namin kayo inaano!” galit kong saad. Binalingan ko ang mga ito bago itama ang tingin kay Evan na naging blangko na muli ang mukha. “Ikaw, Evan, napakasama ng ugali mo! Hindi ko alam kung ano ang problema mo sa amin at humantong pa talaga sa pananakit ninyo kay Malik! Asahan ninyo na makakarating ito sa presinto! Akala mo, ha!”
Napangisi ito sa huling sinabi ko at mapanuya akong pinasadahan ng tingin. “Sige, magsumbong ka sa pulis at may kalalagyan kayo sa akin,” delikadong banta nito na ikinaurong ng dila ko at tapang. Binalingan nito si Manong na halatang takot din kay Evan. Sa mga tingin pa lamang nito kay Manong ay halatang nambabanta ito. Nandamay pa talaga ng taong wala namang kinalaman dito!
Umalis na lamang ang mga ito na tila ba walang nangyari. Samantalang kami ni Malik ay dali-daling umuwi. Imbis na dumeretso sa sariling bahay ay nanatili ako pansamantala sa bahay ni Malik.
Nanguha ako ng mga halamang gamot upang ilapat sa sugat na natamo ni Malik dahil sa malakas na suntok ni Evan.
“Huwag kang mag-alala at ipaaalam ko sa mga magulang nila ang nangyari mamaya. Huwag ka nang matakot sa banta ng baliw na iyon,” alo nito sa akin nang mapansin ang panginginig ng mga kamay ko.
Napanguso ako at naibaba ang mga kamay matapos lapatan ng gamot ang sugat nito.
“P-Paano kung balikan niya tayo? Baka hindi lang bugbog ang maabot mo,” natatakot kong saad.
“Kainis kasi, e! Hindi naman maaaring ipakulong iyon dahil menor de edad pa,” anas nito at nahiga sa papag. “Sirang-sira ang dapat ay bonding natin kanina. Buwisit talaga ang Evan na iyon . . .”
Lulugo-lugo ang katawan ko nang makatulog sa bahay. Nagising na lamang ako nang palubog na ang araw. Maingay ang labas kaya napabalikwas ako.
Isang galit na galit na si Mang Solis na ama ni Malik ang bumungad sa akin paglabas ko ng bahay. Umawang ang aking bibig nang magkatitigan kami ni Evan bago ito sapakin ng ama niya sa gilid. Ang lahat ay natigilan—lalo na ako sa nasaksihan.
Naitakip ko ang palad sa bibig at pinagmasdan ito na agad bumangon mula sa pagkakaupo sa lupa.
“Humingi ka ng paumanhin at magbayad ng danyos sa kanila, punyeta ka!” Buong-buo ang boses ni Señor Martin. Tila ba kulog iyon na nagbigay kilabot sa mga nakarinig.
Hindi umimik si Señorito Evan ngunit blangko itong tumingin sa akin na ikinabahala ko nang bahagya.
“Sweet hija, halika,” malumanay na tawag sa akin ni Señora, dahilan upang lumapit ako roon nang nakatungo. Pinigil ko ang panginginig ng mga labi at ipinagsiklop ang mga daliri. “Sinaktan ka raw nito ng anak ko, hija. Ano ang ginawa niya sa iyo?” tanong nito na ikinatigil ko sa paghinga.
Sinulyapan ko agad si Evan na hanggang ngayon ay blangko ang tingin sa akin, tila ba anumang oras ay manunugod ito at papatay. Para bang nawalan ako ng dila upang sumagot dahil sa tingin niyang iyon. Ngunit sa huli ay nagawa ko pa ring ibuka ang bibig.
Nariyan naman ang mga magulang niya. Kapag sinugod niya ako ay marami naman ang aawat.
“I-Itinulak niya ho ako sa kalsada,” amin ko.
Kung tutuusin, pisikal na pananakit lamang ang inamin ko. Ni hindi ko na tinangka pang isiwalat ang iba pang mga masasakit na salitang binitiwan ni Evan para sa akin.
“Pasensiya na talaga kayo sa ginawa ng anak ko, hija, hijo. Hayaan ninyo at parurusahan namin ito at pagbabayarin ng danyos sa inyo. Pasensiya na talaga.”
Tila ba hindi na alam ng Señora kung ano ang gagawin dahil sa kahihiyan na tinamo mula sa anak.
Napayuko na lamang ako at tumango rito. Niyakap ko ang aking ama sa tabi at isinubsob ang mukha sa damit nito . . .
MARAHAN akong umiwas ng tingin sa lalaki at napalunok sa pagtataka at pagkailang.
“I’m really, really sorry, woman . . .” Hindi nakaligtas sa pandinig ko ang pait sa boses nito. “Pasensiya na sa naging ugali ko noong una. You remind me of someone I used to know, at hanggang ngayon ay dala ko pa rin guilt sa puso ko. Kaya nang makita kita, hindi ko nakontrol ang ugali ko. I am really, really sorry, Bella.”
Hindi ako nagsalita. Nanatili lamang ang mga mata ko sa kawalan. Who is he referring to? Who’s that someone? ’Yong batang dinurog niya ang damdamin noon?
“Hey,” pukaw nito sa akin na ikinabalik ng atensiyon ko rito. Inginguso nito ang pagkain sa harap ko at ngumiti nang tipid. “Kumain ka na. These are for you.”
“Why?” naitanong ko. Hindi naman nito gawain ang ganitong bagay. Is he planning something on me? Nangunot ang noo ko habang palipat-lipat dito at sa pagkain ang tingin.
“Anong why?”
Nag-isang linya ang mga labi ko bago sumagot. “Why are you doing this? Hindi naman tayo close,” iritadong tanong ko. Habang tumatagal na nakikita ko ang pagmumukha nito ay naaalala ko lang ang nakaraan ko. Tanging iyon lang. Tanging sakit, lungkot at kahihiyan lang.
I’m not happy to be with him . . . again.
“Bakit si Malik, binigyan ka lang niya ng almusal ay kinaibigan mo na?”
Malik? Really? Tumigil ako sandali upang mapagmasdan ang iritado nitong mukha. Sira-ulo na talaga ang isang ito.
Lihim akong umingos bago bumuntong hininga. “Hindi na ako nakikipagbiruan dito, Evan. Kailangan ko nang umalis.”
Nag-angat ito ng tingin mula sa pagsasandok ng pagkain. Walang emosiyon ang mukha nito na ikinalunok ko.
“Sino ba ang may sabing nakikipagbiruan ako sa iyo rito? You should at least eat before you go para may lakas kang makipagkita sa boyfriend mo. Wala namang lason o mahika itong pagkain,” anito na ikinatingin ko rito nang blangko. Hindi ako umimik upang pikunin ito. At mukhang tumalab naman dahil kita ko ang pasimpleng pagdaan ng iritasiyon sa mga mata nito. “So, talaga ngang may boyfriend ka?”
Huh. Pathetic.
Hindi na ako sumagot pa rito upang hindi na humaba ang usapan. Dinampot ko ang kubyertos at kumain kasama nito.
Natahimik ito ngunit maya’t maya naman ang sulyap sa akin, para bang kinukuha iyong pagkakataon upang suriin ang mukha ko. Sa hitsura nito ngayon ay halata namang pinagdududahan nito ang pagkatao ko.
“Can I ask something?” tinig nito na siyang nagpatigil sa akin sa pagnguya. Hindi ako tumugon at uminom lamang ng tubig. “Paano mo nalaman ang tungkol sa batis na iyon at duyan—if you are just new here?”