HIS LOVE, HIS MADNESS
Anabella
Nang mahablot nila ang buhok ko ay agad silang inawat, including the boys na nanonood lang kanina. Kahit mas malaki at mas matanda sa akin si Hope ay nagawa kong alisin ang kamay nito sa pamamagitan ng pagtadyak ko sa sugat nito. Doon ito napa-atras kaya binalingan ko si Criza na inaawat na pero sige pa rin sa pag-atake sa akin.
Sa pagkapikon dito ay malakas kong pinalo ang braso nito at ibinaon ang mga kuko sa isa pang braso nito na makulit. Napasigaw ito tulad ng kapatid ko kaya inis kong inayos ang buhok kong bahagyang nagulo.
Sinamaan ko ito ng tingin, ngunit nabaling kay Evan ang tingin at Malik na kanina pa nasa tabi ko at tumulong sa pag-awat sa dalawang babae.
“Tama na kasi iyan! Masiyado kayong mga pikon. Sa susunod ay huwag na kayong sumali sa laro kung tatanga-tanga kayo at pikunin,” galit na anang Evan na nilingon pa ako, dahilan para umawang ang bibig ko.
Natawa tuloy ako nang pagak. “Wow! So, damay pa ako? Edi huwag! Letse, aalis na nga ako at mas nakakabuwisit ka!” Iwinaksi ko ang mga braso dahil may ilang mga kamay roon na nakahawak.
“Ikaw ba ang tinutukoy ko?” blangkong tanong ni Evan nang amba akong aalis. Nanigas tuloy ako sa kinatatayuan at pagak na natawa.
“E, bakit ka sa akin tumingin kanina? Para kang galit sa akin,” pahiya kong sambit at sinamaan ito lalo ng tingin.
“Tama na iyan, tama na! Lamang ang score ng grupo ni Bella kaya sila na ang panalo,” anunsiyo ni Zeus na ikinairap ko na lamang kay Evan na pinamaywangan ako.
Nang lapitan kami ni Alessandro ay ngumisi ito nang pilyo.
“Winner na ang grupo nila kaya, boys, mamili na kayo ng gusto ninyong halikan. Dali na at baka magsitakbuhan pa ang mga magagandang dilag,” anito at kumindat sa Haponesang asawa.
Napatanga agad ako sa narinig.
“Yuck! Kadiri ang pota!”
Sabay-sabay silang napalingon sa nandidiri kong reaksiyon at nabigla.
Ano klaseng price iyon sa winners? Kung price pa ba ang tawag doon . . .
“Uuwi na ako,” matigas kong saad dahil iba na ang tingin sa akin ni Evan, tila ba naghahanda nang masunggaban ako.
Nang ambang lalayas ako ay daglian nitong hinuli ang pulso ko na siyang ikinatigil ko. Pansin ko ang paggalaw ng panga nito at seryoso akong pinagmasdan.
“Maglalaro pa kami ng basketball. You should at least stay here para manood, maldita,” anito na ikinatigil ko lalo.
Bagamat nakakairita ang itinawag nito sa akin ay naupo na lamang ako sa sementadong upuan. Saglit ko pang sinulyapan ang grupo ng mga babae sa kabila na bubulong-bulong habang ang masasamang tingin ay nasa akin.
Nagtitimpi kong hinagod ang braso at nag-thumbs up kay Malik na makikipaglaro ng basketball sa magpipinsan. Nabigla pa ako nang mapag-alaman na may pustahan doon. Hindi ko alam na may ganito pala silang kalokohan kaya nagbigay na lamang ako ng sampung piso at pumusta sa grupo ni Malik.
Alam ko na pumapait lalo ang nararamdaman ko sa mga kapatid ni Meg, lalo na kay Evan, ngunit hindi ko talaga mapigilan ang sarili. Tila mas lalo siyang nakaka-asar ngayon dahil ang lakas ng loob niya at makapal ang mukha para kausapin ako nang ganoon.
“Ate, okay ka lang?”
Napalingon ako sa babaeng tumabi sa akin. Umiinom pa ito ng tubig kaya ibinaling ko na lamang sa harapan ang atensiyon.
“Yep, okay lang naman.”
Dinig ko ang malalim na paghinga ni Meg at ngumuso. “Ang sama ng titig sa iyo ng mga kurdapya. Hay! Akala naman nila magugustuhan sila ng mga kapatid ko sa pagpapakita nila ng ganiyang ugali. Pwe!” iritadong anito na tinawanan ko lamang. Tila marami pa itong hinaing sa buhay nang mag-umpisa na naman itong magdaldal habang nanonood sa mga kalalakihan na naglalaro. “Noon pa ako naiinis sa mga iyan. Laging papansin. Buwisit talaga. Kung puwede nga lang ay palayasin na ang mga iyan dito. Haist!”
Kayang-kaya naman nilang magpaalis ng mga tao rito dahil kanila itong lupa na tinitirhan naming lahat, ngunit saan naman patitirahin itong mga taong ito kung sakaling gawin iyon ng mga magulang niya? Kaya nga kahit sige na ang pagmamaktol ni Meg ay hindi nagpapalayas ang mag-asawa ng kahit na sino.
Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ko bago mapatingin sa mga kalalakihan na naglalaro. Nahuli ko pa ang mga tingin ni Evan na nakatarak sa akin na agad kong iniwasan. Hindi ko maintindihan ang larong basketball kaya sumabay na lamang ako sa agos ng buhay.
Sa hindi inaasahan ay napatitig akong muli kay Alessandro. He really got the features of his father. Habang nalilipasan ng panahon ay lalong lumalakas ang appeal, maihalintulad ko lamang ito sa isang wine. The older, the better. Napakasuwerte ng asawa niya, suwerte sila sa isa’t isa. Hoping na ako rin, makatagpo ng tulad niyang lalaki na husband material.
I need a man in my life, not a boy. A man is a good and a lifetime investment, the latter is a bill.
But Alessandro, he’s still my superhero. Kahit hindi niya alam, kahit hindi niya alam na nag-e-exist pa rin ako sa mundong ito.
“Panay ang sulyap sa iyo ng panganay ko, a.”
Magkapanabay kaming napaigtad nina Venus at Meg dahil sa biglaang nagsalita mula sa likuran namin. Nang lingunin ko ay tila ako namutla nang tumambad sa akin si Sir Martin na nasa likuran ang mga kamay habang tahimik na nagmamasid sa mga naglalaro.
Umawang ang aking bibig nang mapagtanto ang sinabi nito, at nang makahuma ay napatayo at bahagyang tumungo rito.
Ni hindi man lang namin naramdaman o narinig ang mga yabag nito. Parang pusa kung maglakad.
“Dad!” tili ni Meg at mabilis na sumampa sa likod ng ama. Ngunit wala roon ang atensiyon ng matandang lalaki, nanatili iyon sa akin. Matiim, seryoso at tila ba sinusuri ako.
Makaraan lamang ang ilang segundo ay umangat ang sulok ng labi nito at muli pang sinulyapan ang mga naglalaro. “Ingat ka, siraulo iyan.” At natawa ito nang mahina.
Parang walang nangyari nang maglakad ito palayo habang nakasampa sa likuran nito ang anak.
Siraulo ang anak niyang si Evan? Wala akong pagtutol.
“Ate Bella!”
Nalipat sa paslit ang atensiyon ko na tumatakbo palapit sa akin. May hawak itong papel at pluma kaya tiyak na papasok na naman ito sa aral-aralan nila.
Lumayo ako sa plaza matapos magpaalam upang salubungin ang paslit. Nagpahatid pa ito sa pagdadausan nila ng aral-aralan kaya sinamahan ko.
“Good luck, Cahel,” turan ko sa bata na ngumiti lamang nang malawak. Pagpasok nito sa loob ay napahinga ako nang malalim.
Pagbalik ko sa plaza ay napansin kong tila nagkakainitan ang dalawang grupo. Panay ang ngisi ni Evan at shoot ng bola sa ring. Kinakantiyawan siya ng mga pinsan. Ang kabila, aywan. Seryoso ang mga mukha.
Hindi ko naman gets ang laro nila kaya nang ideklara na panalo ang magpipinsan ay bagsak ang mga balikat ko. Nalagasan pa ako ng sampung piso. Tuwang-tuwa naman si Meg na kababalik lang.
Ngumisi sa akin ang grupo ni Criza at si Hope na tiyak niyayabangan ako dahil panalo ang manok nila.
“Paano ba ’yan, Malik? Sinayang mo lang ang pera ng kaibigan mo,” dinig kong maangas na turan ni Evan.
Agad na nalukot ang mukha ko at nilingon ang ungas na iyon. Nilapitan ko si Malik na dismayado ang mukha at hinila palayo roon.
“Hay! Sampung piso lang iyon. At saka laro lang naman iyon, hayaan mo na ang mayabang na Evan na iyon. Tsk,” pampalubag ko ng loob dito matapos nitong mag-sorry.
Akala ko pa naman noon, nagbago na si Evan. Hindi na mapang-asar. Nagkamali pala ako ng akala.
“Tss. Kung alam mo lang, nagpapapansin lang iyon sa iyo . . .”
“Ha?” tanong ko nang hindi umabot sa pandinig ko ang tinig nito.
Imbis na magsalita ay ngumiti lamang ito’t hinaplos ang buhok ko.
“Sasamahan na lang kitang magbantay sa ama mo. Baka loko-lokohin ka pa ng mga magpipinsan doon. Maiging nandito na lamang tayo,” aniya at hinila ako paupo sa tabi ng kabaong ng aking ama.
Walang ibang tao roon kaya napakatahimik. Isang buntong hininga ang kumawala sa bibig ko bago balingan si Malik na nakatingin pala sa akin.
“Nais ko na kapag bumalik na ako sa Manila, magkaroon naman tayo ng komunikasiyon. May social media accounts ka ba?” tanong ko na daglian nitong inilingan. “E, cellphone number?”
Doon ito tumango at ibinigay sa akin ang numero. S-in-ave ko iyon sa contacts ko bago itago ang phone.
“Nakaka-miss na rin si Tito, ano? Kaso wala tayong magagawa. Itinakda sa tao ang mamatay nang minsan,” anito na ikinangiti ko lamang nang tipid. “Noong malaman ko na wala na ang ama mo, ikaw agad ang una kong naisip dahil alam ko na mahal na mahal mo ang papa mo. Alam ko malungkot ka nang sobra.”
Humigpit ang pagkakalamukos ko sa laylayan ng shirt na suot. Wala akong nagawa kundi ang itungo ang ulo at mariing kagatin ang ibabang labi. “Yeah, si Mama na lang ang natitira sa akin. Balak ko ngang dalhin na siya sa Manila para maalagaan ko siya at makasama, hindi roon sa bahay-ampunan kung saan siya inabanduna ng pamilya niya.”
“Mas mabuti na rin iyon dahil tiyak na mabubusog mo sa pagmamahal ang ina mo roon. Oo nga pala, nagkita na ba kayo ulit?”
I smiled. “Yes, kaninang madaling araw. Kaso hindi naman ako maaaring magtagal doon kaya sandali lamang ako. Bitin ang ilang oras,” anas ko bago sipain ang bato na nasa paanan.
Pinigilan ko ang maluha, ayokong umiyak muli nang umiyak. Naiinis ako dahil napakalambot ng damdamin ko. Napakadaling lumuha. Tsk.
Nang dumating ang mga kapatid kong lalaki upang magbantay ay naisipan kong umalis na lamang doon at baka magkasagutan pa kami. Inaya ko si Malik sa kagubatan upang ipasyal ito sa tambayan ko matapos magpalit ng isang puting bestida.
Magtatanghali pa lamang kaya plinano ko na roon na lamang kami kakain. Tiyak naman na maraming prutas doon.
Ngunit nagulantang ako nang sobra nang masumpungan ang magpipinsan na naliligo sa batis malapit sa tambayan ko. Dinig namin ang bawat tawanan ng mga ito at hampas ng tubig.
Bigla ay nagngitngit ang mga ngipin ko sa pagka-inis. Ano ba ang ginagawa nila rito? Lupain ito ng aking ama!
Sinamaan ko ng tingin si Evan na siyang nakaupo sa gulong na duyan ko. Ang kapal talaga ng mukha nito!
“Sino’ng may sabi na upuan mo iyan?” nagtitimping tanong ko sa lalaki na hindi man lang ako pinansin. Marahan lamang nitong itinutulak ang sarili sa duyan, seryoso ang mukha ngunit wala akong pakialam. Nang wala itong naging tugon ay nagngitngit ang damdamin ko sa pagkapikon.
Sinubukan kong hilahin ang kamay nito upang paalisin doon nang dakmain niya ang pulso ko. Muntik pa akong masubsob dito, mabuti na lamang at naitukod ko ang siko sa tuhod nito bago ito sapakin sa mukha.
“Damn!” matigas na wika nito at sinapo ang panga na tinamaan.
Tumaas-baba ang aking dibdib sa pagkagigil dito. Ramdam ko pa ang pag-awat sa akin ni Malik ngunit wala rito ang atensiyon ko.
“Huwag na huwag mo akong mahawak-hawakan sa paraang ganoon, manong! How dare you!”
“Oy, oy! Ano ang problema rito?”