HIS LOVE, HIS MADNESS
Anabella
Napahinga ako nang malalim at nag-search na lamang sa internet kung ano ang gagawin. Ngunit sa huli ay hinayaan ko na lamang itong manganak dahil sa napansin.
“Oh, there’s already the—” bulalas ko na hindi na naituloy dahil sa tuwa. Matapos ang ilang minutong pagtitig dito ay sa wakas unti-unti nang lumalabas ang ulo ng anak nito.
“Hala, ayan na nga!” bulong nito na tuwang-tuwa. “Naku! Thank you talaga, Ate. Ang mga kuya ko kasi, ayaw akong tulungan.”
Hindi ko pinansin ang huling sinabi nito at ngumiti lamang. Wala naman akong inambag doon. Parang nakinood lang.
Inabot kami ng ilang oras doon kaya lalong lumalim ang gabi. Madaling araw na nang mailabas na ng aso niya ang lima nitong anak.
“Medyo malaki pa rin ang tiyan niya, Ate. Wala na bang laman iyan na tuta? Baka mayroon pa,” puna ni Meg na inilingan ko agad at namaywang.
“Wala na. Baka ilang araw lang din ay liliit na iyan. Ganiyan din ang mga pusa ko kapag nanganganak, ilang araw pa bago tuluyang lumiit ang tiyan nila,” tugon ko dahilan para makahinga ito nang maluwag.
“Mahilig ka pala sa pusa, Ate?”
Agad akong tumango at muling pinagmasdan ang mga tuta na natuyo na ang katawan. “Yep, lahat sila ay rescued cats. Ang dami sa lansangan, e.”
Umawang ang bibig nito at napapalakpak. “Wow, ang galing naman. Thank you ulit, Ate Bella! Naku, hindi ko na kasi alam ang gagawin ko kanina,” anito na tila nabunutan ng tinik ang dibdib. “Oo nga pala, baka gutom ka na, Ate. Nagutom ako sa panganganak ni Sachi, e. Tara? Kain muna tayo. Ang daming pagkain sa kusina,” aya pa nito na hindi ko na tinanggihan.
Kumukulo na rin ang tiyan ko sa gutom.
Eksaktong paglakad namin papunta sa kusina nila nang masumpungan namin si Sir Guevarra na may iniinom na kape. Natigilan pa ito nang mapansing may kasama si Megan na estranghera.
“Oh, Megan, nangungulit ka na naman ng kaibigan. Saan kayo pupunta?” anito at pinasadahan ako ng tingin, tila ba inaalala kung saan niya ako nakita.
Agaran kong inilihis ang tingin.
“Tito naman, niyaya ko lang kumain si Ate kasi tinulungan niya ako sa panganganak sa doggie ko.” Ngumuso ang babae at iniharap ako sa Tito niya na ikinailang ko lalo.
Pansin ko ang pagtahimik ng matandang lalaki habang nakamasid sa akin. Mayamaya ay umangat ang sulok ng labi nito at nilingon ang mga kalalakihan sa likuran namin. Muli ako nitong binalingan at natawa. “Ikaw pala ’yong babae kahapon na nakita namin sa gubat,” anito na lalo kong ikina-asiwa.
Tumango lamang ako rito at pilit na ngumiti bago magpaalam si Meg na kakain na kami.
“Ang dami namin, ano? Halos buong angkan kami rito, e,” tatawa-tawang ani Meg na inaya akong maghugas ng mga kamay.
Ngumiti lamang ako rito. Mabuti pa nga sila, kung mag-bonding ay buong angkan ang kasama. Maganda ang samahan nilang magkakaanak kaya natutuwa ako sa kanila kahit papaano.
“Nasaan pala si Venus?” makaraan ay tanong ko matapos naming umupo sa magarang upuan. Ang mga kasambahay nila ay agad kaming inasikaso.
Marami ang natirang pagkain sa kanila dahil sa paghanda ng magpamilya sa pagdating ng mga kaanak nila rito. Iyon ang inihain nila sa amin dahil wala nang bagong lutong ulam.
“Nasa kuwarto niya, Ate. Masakit ang ulo niyon kaya hindi ko na ginising kanina,” anito at inaya akong sumandok ng pagkain.
Nasa kalagitnaan kami ng pagkain nang lumitaw si Evan upang uminom ng tubig. Hindi ko alam kung anong trip nito at humarap pa talaga sa direksiyon ko habang umiinom.
Aaminin kong kumukulo ang dugo ko sa paninitig nito nang may kakaibang mga tingin. Seryoso iyon ngunit tila may kakaiba.
Tumikhim na lamang ako at ngumiti sa babae na naglapag ng chicken sa plato ko.
“Saan pala kayo banda sa Manila nakatira, Ate?” tanong nito.
Matagal bago ako nakasagot dahil sa pag-aakalang aalis na ang lalaki. But no, nagtimpla pa ito ng kape roon sa napakabagal na paraan. Binalingan ko si Megan na naghihintay ng sagot ko at napahinga nang malalim.
“Secret,” pabiro kong turan na ikinanguso nito.
“Gusto ko lang naman malaman, Ate. Kasi may house kami roon at minsan ay napunta sa Manila. E, papaano pala kapag umuwi na kayo, Ate? Hindi ka na ba babalik dito?” hirit pa nito kaya tumigil ako sa pagkain.
Tipid ko itong nginitian matapos uminom ng tubig. “Hindi ko rin alam. Pero siguro ay aabutin pa ako ng ilang taon bago magbakasiyon muli rito. Malay mo, pamilyado na ako kapag nagkita ulit tayo. Ikaw rin,” ngiting saad ko rito na ikinatigil nito.
Mayamaya ay namula ang mukha nito dahil sa huling sinabi ko. “Kahit man lang next year ay hindi ka po magbabakasiyon ulit dito? At saka sana ay makapangasawa ka ng isa sa mga pinsan ko, Ate. Para lagi tayong nagkikita.”
Muntik na akong masamid sa sariling laway. Mabilis akong napainom ng tubig habang bumibilis ang kabog ng dibdib.
Ang bibig nito, walang preno. Ni hindi ko nga pinangarap na mapalitan ang apelyido ko ng sa kanila, kahit pa mag-asawa ng isa sa mga lalaki sa kanila. Maliban sa kahihiyan na kambal na ng pangalan ko noon—na kapag nalaman nila ang totoong ako ay tiyak na maaalala rin nila ang nangyari noon. Isa rin sa mga dahilan kung bakit hindi ko pinangarap ang buhay nila ay dahil nakakatakot. Masaya nga ang pamilya nila ngunit hindi talaga ako sanay sa karangyaan. Isa pa, parang mga baliw ang mga kalalakihan sa kanila. Dito ko na halos iginugol ang childhood days ko kaya alam na alam ko ang kuwentong pag-ibig ng mga magulang ng magpipinsan.
Hindi ko rin pinangarap na mapunta sa loko-lokong lalaki na baliw sa hanay nila.
Upang hindi ito mapahiya ay idinaan ko na lamang sa tawa at biro ang lahat. “Na-ah. Sa dami ng mga babaeng nagkakagusto sa mga Adan ninyo, hindi na ako nakikisali. Ayokong masabunutan ng mga warfreak na babae sa paligid,” tatawa-tawang turan ko, pertaining to Hope, Criza and her group.
Napansin ko na lamang ang pagbagsik ng mukha ng babae at galit na iwinasiwas ang tinidor na hawak sa ere. “Edi poprotektahan ka namin! Wala namang laban ang mga iyon kapag kami na ang nakaharap. Ayaw namin sa mga babaeng maldita, warfreak at nang-aaway ng ibang mga babae na may crush sa mga lalaki namin, major turn off. Marami na ang nagtangka, pero hindi naman nila naakit ang mga lalaki namin sa ganoong ugali.”
Umalingawngaw ang boses nito kaya halos gusto ko itong awatin. Sa huli ay napailing na lamang ako at ipinagpatuloy ang pagkain. “Hindi mo naman ako kilala nang lubos. Major turn off nga ako dahil maldita ako,” turan ko at muling napasulyap sa lalaki na ayaw pa ring umalis sa puwesto nito.
Nakatindig pa rin ito habang hinahalo ang kape, seryoso na ang mukha habang tila pinag-aaralan ang pananalita at kilos ko. Lihim na nagtagis ang aking bagang sa pagkainis.
“Pero nagmaldita ka lang naman dahil sa kagaspangan ng ugali ni Hope lalo na sa mga Puspin. Kahit ako ay sasagut-sagutin ko ang ganoong klaseng babae. Walang respeto at awa sa buhay ng ibang nilalang. At ’yong tungkol kagabi, bagay lang naman iyon kay Kuya Jackson. Pangit naman ng ugali ng isang iyan,” walang prenong anito at sinulyapan si Evan na walang reaksiyon ang mukha. Pinasadahan lamang kami nito ng tingin bago lumapit, bitbit ang mug nito.
Sa paraan pa lang ng paghawak nito sa hawakan ng mug, halatang may galit. At alam kong para iyon sa akin. Ibinaling nito sa akin ang tingin matapos dakmain ang ulo ni Megan na sumimangot.
“Bakit ba nagdadala ka ng kung sino-sinong tao rito sa bahay, Megan? Hindi mo alam na baka may iba itong misyon dito,” mapanuya na saad ng lalaki.
Aaminin kong natigilan ako roon dahil ganoon pala ang iniisip nito sa akin ngayon. Yeah, the old version of Evan. Hindi na nga lang mapang-asar at mapang-insulto tungkol sa hitsura ko, pero masama naman ang iniisip sa akin.
Wow, so, ano namang misyon ang gagawin ko rito sa kanila? Mangulimbat ng yaman nila? Ilaglag sila sa mga kalaban? O baka iniisip niya na tipo ko ang isa sa kanilang mga kalalakihan?
Natawa tuloy ako sa isipan. Hindi ba niya naisip na hindi ako makalalabas nang buhay rito kung sakaling gumawa ako ng kalokohan?
Bumagsik lalo ang mukha ng kapatid nitong babae. “Bakit ba ang gaspang ng ugali mo kay Ate Bella, ha, Kuya Jackson?” Bahagyang tumaas ang tono nito kaya lalong nablangko ang mukha ng lalaki.
Muli itong tumitig sa mga mata ko na para bang may alam ito na hindi ko alam. Tila ko nahigit ang hininga. Ang sistema ko ay bigla na lamang dinagsa lalo ng takot dito.
“Sinungaling ang isang iyan, Megan. Hindi mapagkakatiwalaan, napakamaldita pa sa akin,” anang lalaki na ngumisi bigla.
Bumaba ang tingin ko sa braso nitong namumutok sa laki nang ilapag nito ang mug sa mesa. Daglian ko ring ibinalik dito ang tingin at lihim na nagtagis ang bagang.
Ang mga kamay ko sa ilalim ng mesa ay ikinuyom ko, pigil na pigil ang sakit at galit na nararamdaman. Nilabanan ko ang tingin ng lalaki at ngumisi nang pagak. “Alam mo, may problema rin kasi sa ugali mo, manong. Napakagaspang ng ugali mo. Akala mo rin kung sino kang perpektong tao kung makatingin sa isang tulad ko. Mahiya ka naman, judgemental masiyado.” Marahan akong tumayo at binalingan ang babae na natitigilan. Nginitian ko ito nang tipid. “Maraming salamat sa pagkain, Megan. Pero kailangan ko nang umalis. Congrats pala sa mga tuta ng aso mo,” dagdag ko pa at dagliang umalis doon.
Nagdire-diretso lamang ako sa paglabas ng bahay nila, ni hindi pinansin ang pagtawag sa akin ni Megan at paghabol nito.
Saka ko pa lamang pinakawalan ang mga luha paglabas ko ng gate nila.
Just like before, he made me cry again. Nafa-frustrate kong pinukpok ang tapat ng puso at nagtago sa gilid ng van. Tahimik akong umiyak doon, mariing nakalapat ang mga kamay sa bibig.
Wala naman akong napala sa pag-iyak kong iyon maliban sa pagkapagod ng damdamin.
Nang bahagya nang kumalma ang sistema ko ay nagpahinga ako roon saglit bago pumasok sa kubo. Wala akong naabutan doon na gising pa kaya naisipan kong maglinis ng katawan at nagbihis ng isang magandang bestida. Nagbalot pa ako ng ilang mga pinamili kong grocery bago lumabas at nilapitan si Tita Karina at Nanay na nagbabantay sa lamay. Nag-uusap ang mga ito at halata ang pamamaga ng mga mata, marahil ay dahil sa pag-iyak. Si Tito naman sa tabi ay kausap ang ilang mga lalaki roon na kaibigan ni Papa.
“Oh, saan ka tutungo, Bella?”
Pilit akong ngumiti kay Tita at bahagyang napayuko. “May . . . May dadalawin lang ho ako,” tugon ko at alam na nito agad ang ibig kong sabihin.
Hindi ako nito pinigilan dahil alam niyang gusto ko na ring makita ang isa sa mga taong minahal ko sa lugar na ito.
“Napakadilim pa ng paligid. Sino ang dadalawin mo, hija? Bago ka pa lang dito, may mga kaibigan ka na?”
Tumango ako kay Nanay Criselda at agad na nagpaalam, maiwasan lamang na bumato pa ito ng tanong.
Alas cuatro ng umaga ay napakadilim pa nga. Tahimik kong tinahak ang napakatahimik na daan papunta sa highway. Bahagya pang humigpit ang pagkakahawak ko sa plastik bag at strap ng sling bag kong dala.
Hinayaan ko na paliparin ang isipan sa kung saan-saan habang tinatahak ang sementadong kalsada. May iilan pang mga dumadaan na bus ngunit hindi ko masiyadong iniinttindi.
Nadaanan ko pa ang pagawaan ng mga kabaong ni Tita Karina sa probinsiyang ito na halos dalawang dekada na rin ang edad. Dito nagmula ang van na ginamit namin upang makalibre ng pamasahe after naming mag-eroplano.
Napailing na lamang ako bago ipagpatuloy ang paglalakad.
Kalahating oras din ang nagdaan bago ako tumapat sa isang bahay-ampunan. Hindi ko na nakontrol pang muli ang mga luha ko nang masilayang muli ang lugar na iyon.
Napangiti ako bago lumapit sa guard na naroon.
“Mang Berong!” maligayang bati ko sa pamilyar na matandang lalaki na hanggang ngayon ay rito pa rin pala nagseserbisyo.
Natigilan pa ito nang makita ako at napakunot ang noo. Natawa tuloy ako pagtapat ko rito.
“Maaga pa, Miss. Mamaya pa ang bukas ng bahay-ampunan,” anito na nagtataka kung sino ako.