Chapter 1
Tunog ng telepono ang nakapagpa-balikwas kay Steffi sa harap ng computer. Kung kailan naman at nasa 'kainitan' na siya ng ginagawang nobela ay doon pa may sumingit. "Tiyakin mo lang na maganda ang sasabihin mo kung hindi ay sasakalin talaga kita." Gigil niyang dinampot ang aparato. "Hello." Biglang nagbago ang tono ng boses niya. Baka mamaya ay Mama pala niya ang nasa kabilang linya. Nasa States ito at doon nakatuloy sa bahay ng kapatid niya.
"Hello, Steffi," sagot ng baritonong boses ng lalaki sa kabilang linya na pamilyar na pamilyar sa kanya. "I've got good news for you!"
"Dean! Wrong timing ka. I'm in the middle of a new novel and this scene is a very critical one. Hindi makaka-paghintay ang good news mo?"
Sinagot nito ng machong halakhak ang pagsisintir niya. Sa tono ng tawa nito ay mukhang good news nga. "Sweeti, I don't know that you are in a middle of a love scene. If ever I bothered you, I'll provide you kahit ilang information pa diyan para maibalita ko lang sa 'yo ang good news ko."
Nanlaki ang mata niya. As a romance novel writer, hindi maiiwasan ang love scenes. According to the rule: 'It's either you do it or you research.' Siyempre sa research na. Ayon din sa friend niyang author, huwag na huwag siyang magtatanong sa mga lalaki. Hindi sila magaling sa pagkukuwento tungkol 'doon'. And her bestfriend is not an exemption. Kahit siguro I-claim nitong ito ang pinaka-passionate na lover sa mundo, at kahit patunayan pa ng siyensya, hinding hindi siya magtatanong dito. Magbabasa na lang siya.
"No thanks, I can create my own love scene."
"Don't tell me you did it?!" Naalarma agad ito. "I could kill you for that!"
Natawa siya. Over-protective ito sa kanya. Kahit nga sa lamok ayaw siyang ipakagat. Kaya walang tumatagal na manliligaw sa kanya. At mapapatay siya oras na malaman nitong nakipag-s*x siya. Ipapasalang siya nito sa lethal injection.
"Calm down, Dean. Marami akong sources, okay?" sabi niya para hindi ito maghurementado. Isinampa niya ang mga paa sa swivel chair para maging komportable. "So ano na nga ba ang mahalagang dahilan at napatawag ka?"
"I got a new girlfriend!"
"I'LL be damned!" Di mapigil na bulalas ni Steffi. Muntikan na siyang malaglag sa swivel chair. Daig pa niya ang sinabugan ng hydrogen bomb sa narinig. "Tell me it's a joke, Dean."
"Hindi ako nagbibiro," seryosong wika nito. Narinig na niyang ginamit nito ang full name niya. So she therefore concluded that he was not kidding.
"Sabihin mo sa akin na fling mo lang iyan. Patatawarin na kita sa pambubulahaw mo." Humigpit ang hawak niya sa cord ng telepono.
"Seryoso ako!"
"Seryoso ako!" She mimicked his voice. "Where the hell are you? Sinong kasama mo? What are you doing?" sunud-sunod niyang tanong habang sine-save ang nabitin na nobela.
"Hey, isa-isa lang. Mahina ang kalaban. Nandito ako sa bahay ko. Kasama ko ang girlfriend ko. Want to..."
Hindi pa natatapos ang sinasabi nito ay nagsalita na siya. "Wait for me. Darating ako diyan," wika niya habang sina-shut down ang computer gamit ang isang kamay.
Umungol ito. "Steffi, may ginagawa ka."
"Shut up! I'm coming. Bye!"
Hindi siya magkandatuto sa pagsusuot ng tsinelas. Mas prefer niyang magsulat nang nakapaa dahil carpeted naman ang kuwarto niya. Mabilis din siyang nagpalit ng damit dahil nakapantulog na siya.
Nanlaki ang mga mata ng katiwalang si Tekla nang makitang pababa siya ng hagdan at nakabihis. "Ate, saan po ang sunog at mukhang susugod kayo nang dis-oras ng gabi?"
"Diyan lang ako sa kabila." Itinuro niya ang bahay ni Dean na nasa tapat.
Napakamot ito sa ulo. "Wala naman pong sunog sa kabila, ah."
"May sunog sa kabila pero invisible ang apoy," makahulugan niyang sabi. "Sige babalik din ako mamaya." Tuluy-tuloy na siyang lumabas.
Hindi yata niya maatim na tumagal pa ito sa kamay ng kung sinong girlfriend daw nito. Wala siyang paki-alam kahit reincarnation pa ito ni Princess Diana. Ayaw pa rin niya dito. Simple lang ang rason. Hindi ito si Reena.
AKMANG kakalampagin ni Steffi ang gate ng bahay ni Dean nang mapuna niyang bukas na iyon. Mabilis niyang tinungo ang pinto at iyon ang binayo.
"Dean! Buksan mo ang pinto!" masaya pa niyang sabi. Pero sa loob niya ay nanginginig ang mga laman niya. Nangangati na ang mga kamay niyang makaliskisan ang bago nitong nobya.
Nang pagbuksan siya nito ay nakaroba ito. Hindi niya gusto ang makalokohang ngiti sa labi nito habang naghahagilap ang mata niya sa paligid ng sala. Daig pa niya ang misis na gustong mahuli ang nangangaliwang asawa.
"Take your seat Steffi," wika nito nang wala yata siyang balak na maupo.
Hindi niya pinansin ang paanyaya nito. Tuloy-tuloy niyang tinungo ang direksiyon ng silid nito nang walang sabi-sabi.
"Steffi!" Sumunod ito sa kanya. Naabutan na siya nito na binubuksan ang pinto ng silid nito. "Ano sa palagay mo ang ginagawa mo?" Humarang ito sa pinto.
"Papasok ako sa loob. May gusto akong patunayan. Kaya tumabi-tabi ka diyan dahil mamaya tayo maghaharap. 'Yung babae muna ang haharapin ko."
"E, bakit kuwarto ko agad ang titingnan mo? Pwede namang sa kusina. Sana tiningnan mo muna sa ilalim ng sofa, o sa loob ng TV o kaya sa garahe ng kotse. O kaya sa lungga ng mga daga..."
"Alam mo ang rason diyan, Dean!" Kung wala itong itinatago, hindi siya nito pipigilang buksan ang pinto.
Nang mag-side step ito para bigyang daan siya ay binuksan niya agad ang pinto. Nahagip agad ng paningin niya ang gusot nitong kama. Halatang may milagrong nangyari. Iginala niya ang paningin.
Nang walang makita ay ang nakangiting binata ang kanyang hinarap. "Dean, nasaan ang bruha mong girlfriend? Ilabas mo na!"
"Aba! Nahalughog mo na ang silid ko 'di ba?"
"Oo!"
"May nakita ka ba?"
"Wala. Pero hindi pa tapos ang paghahalughog ko." Tumutok ang paningin niya sa kama at sa closet. "Malay ko ba kung nasa ilalim ng kama mo o sa loob ng closet. Mahirap nang mautakan."
Napahalakhak ito sa inakto niya. Wala na itong choice kundi ang pagbigyan siya. "Suit yourself." Nasisiyahan itong panoorin ang pag-I-inspeksyon niya.
Hindi pa rin nawawala ang inis sa magandang mukha niya matapos silipin ang ilalim ng kama at ang closet.
"Satisfied?" may paghahamon sa tinig nito.
"Nasaan ang bruha? Pinatakas mo sakay ng walis tingting?"
"Hindi bruha si Margot," pagtatanggol nito sa nobya.
"So it's Margot. Ang bago mong playmate." Sa tingin niya ay nakaalis na ang babae bago pa man siya tawagan nito. Hindi naman niya naririnig ang tunog ng mga sasakyan kapag nagsusulat siya.
Iniikot niya ang mata sa kuwarto nito. Animo'y may iniisip na kakaiba.
"I don't like the way your eyes roam around my room. Let's get out of here." Kinaladkad siya nito palabas.
"Pikon!" pahagikgik niyang wika. Oras kasi na pumasok ang malisya sa utak niya ay naiinis na ito. "Ikaw, ha, palibhasa wala kang kasama ngayon dahil isinama ng Mama mo ang katulong mo sa probinsiya. Isusumbong kita pagbalik niya."
"Steffi---Steffi!!" Mataas na ang boses nito.
Natigil siya sa pang-iinis at maang na napatingin dito. "Bakit?"
"Ibahin mo si Margot. Hindi siya katulad ng ibang girlfriend ko. Seryoso ako."
"Ikaw? Seryoso?" Hindi niya alam kung tatawa o iismiran ito. Paano'y ganito rin ang sinasabi nito kapag may bagong nobya. Wala nang bago.
"Kailan mo ba nakita ang Margot na ito, aber?"
"Uhmm.. yesterday sa office."
"Seryoso ka na niyan?" Ipinasya niyang kumuha ng juice sa ref. Tumagaktak na lahat ng pawis niya. Nauhaw siyang bigla.
"Stop being sarcastic. Love at first sight ang naramdaman ko!" he insisted.
"LAFS? Baka l**t at first sight. Look Dean, kilala kita kapag seryoso ka. Iginagalang mo ang babaeng sineseryoso mo. Nililigawan ng matagal. Si Reena lang ang iginalang at niligawan mo sa line up girlfriends mo so far."
Tuluyan nang sumama ang timplada nito pagkarinig sa pangalan ng dating nobya. Kung may bagay silang pinagtatalunan ay ang tungkol sa kaibigan niyang si Reena. Kamag-aral nila si Reena noong high school. Siya ang naging tulay ng mga ito. Kung may gusot at tampuhan ang mga ito ay siya ang troubleshooter. Ngunit nang pare-pareho na silang makatapos ng kolehiyo ay ipinasya ni Reena na mangibang-bansa. Tinutulan iyon ng todo ni Dean ngunit wala ding magawa. Hindi rin naman masisi ni Dean ang nobya dahil may pamilya itong binubuhay.
Bago tumulak si Reena sa States, ibinilin nito si Dean sa kanya. Patuloy ang komunikasyon nila hanggang maputol ang kanilang pagsusulatan. Magmula noon ay hindi na mapigil si Dean na magpapalit-palit ng nobya. Kaya nga daig pa niya ang PSG sa pagbabantay dito. Hindi sa kung sino lang babae ito babagsak.
She can't blame those women. Her bestfriend ooze s*x. From his jet-black hair, chinky eyes, proud nose and kissable lips that was worth for your thumb to trade for his kiss. He was 5' 10" with lean muscles all over his body. Hindi na nga siya nagtaka nang may offer dito noon upang sumali ng Ginoong Pilipinas. But it was not his cup of tea. That's why she patterns most of her heroes to him.
"Dean, alam kong nagtatampo ka dahil hindi pa rin siya sumusulat o tumatawag. Kahit naman kailan tamad sumulat iyon. Baka busy lang siya."
Iniiwas nito ang paningin sa kanya. Subalit kabisado niya ito. Kapag si Reena ang paksa ay parang may nais itong sabihin sa kanya ngunit hindi rin naman naitutuloy. Napakagat-labi siya. Magda-dalawang taon na palang walang sulat si Reena sa kanya. Kahit naman siya ay nagtatampo na rin.
"Ever loyal ka talaga kay Reena, huh?!" may animosity sa tinig nito.
"Talaga! At gagawin ko ang lahat magkabalikan lang kayo." Prente siyang tumabi dito.
"Kung pwede, tigilan mo na ang pakikialam sa love life ko. Malaki na ako. Lovelife mo kaya ang asikasuhin mo?"
Naitirik niya ang mga mata. "Paano kaya ako magkakaroon ng lovelife kung ayaw mo pang sagutin ko si Chad?"
_=&