Chapter 2

1296 Words
Matagal na niyang manliligaw si Chad at ilang buwan na lang ay sasagutin na niya. Pero hindi pa rin boto si Dean dito. Hindi kasi nito matanggap na kahawig nito ang lalaki. Pareho kasing chinito ang dalawa. Piloto si Chad ng Air Philippines. Hindi man aminin ni Dean ay insecure ito sa lalaki dahil pangarap nitong maging piloto. Iniyakan lang ng kanyang Tita Constancia dahil delikado daw maging piloto. Muntikan na itong atakihin sa puso nang may mapanood na death defying air show ng eroplano. Natakot na baka ganon din ang gawin ni Dean. At nasabay pa sa pagbagsak ng isang eroplano. Kaya ang pobreng Dean ay naging computer engineer upang pagbigyan ang ina. "Iba na lang, huwag lang si Chad." "Siya na ang pinakamatino kong manliligaw, Dean. Nagrereto ka nga sa akin pero Beauty and the Beast naman ang drama namin." Usapan nila, kapag nakakita siya ng mas hihigit sa qualities ni Chad ay doon na siya sa irereto nito. Mukhang tinitiyak din naman nitong hinding-hindi rin papasa ang inireto nito sa kanya. Wala pa rin tuloy siyang boyfriend. "Basta ihahanap kita ng iba. Huwag lang si Chad, okay?" "Pero dahil wala pang iba, kay Chad muna ako." "O sige, pero kay Margot pa rin ako." "Oo na, sige na," wika niya matapos lang ang usapan. Pero hindi pa rin siya susuko hangga't hindi nawawala si Margot o kung sino pang unwanted woman sa buhay nito. Panghahawakan niya ang pangako niya kay Reena. Pero bakit kahit si Reena ang naiisip niyang makakasa nito ay nasasaktan pa rin siya? No, she was not in love with him. She was just a possessive best friend. *** "Good morning, Marithe. Nasaan ang Sir Dean mo?" nakangiting bati ni Steffi sa sekretaya ni Dean. "Nasa loob pero may kasama siya. May lakad ba kayo?" "Oo, sabay kaming magla-lunch." Nagdaldalan muna sila nito habang naghihintay. Kasundo niya ito at kadalasan ay kakampi kapag nag-aaway sila ni Dean. Sumimangot lang ito. "Buti nakakatagal kayo na magkaibigan lang? Pinalalagpas ninyo ang pagkakataon. Bagay naman kayo 'di ba?" Matagal na silang gustong I-matchmake nito na sinasagot niyang palagi ng... "Sorry Marithe, si Reena ang gusto ko para kay Dean." Magsasalita pa sana ito pero lumabas na si Dean. Napalis ang ngiti niya nang makitang may babaeng parang sawa na nakalingkis dito. Sumakit ang mata niya sa damit nitong pula na parang pang-cabaret. O hindi niya matanggap na maganda ito? "Steffi, bakit ka nandito?" Ang ever organized niyang bestfriend, itinatanong kung ano'ng ginagawa niya sa opisina nito? "I thought we agreed to have lunch today?" "Ha?" Napapitik ito sa ere. "I forgot! By the way, meet my girlfriend Margot Valdez. Honey, my bestfriend Stephanie Morales." So ito pala ang ipinagmamalaki ni Dean? Alangan man ay napilitan siyang kamayan ito. Parang noon lang nagliwanag ang puro make-up nitong mukha. "Hi, Steffi! I learned that you are a writer." "Yes." Mukhang naidaldal na siya ni Dean. No choice siya kundi ang pakitaan ito ng maganda. "Tagalog novels?" "Oo, bakit?" "I don't read those stuffs, kasi. I prefer English novels." "Okay lang." Alangan siyang ngumiti. Wala siyang pakialam kung hindi ito nagbabasa ng Tagalog pocketbook o ng gawa niya. Si Dean ang binalingan niya. "Aalis na ba tayo for lunch?" "Dean honey," singit nito, "you already promised me a while ago." At kuntodo abrisyete pa ito sa lalaki. Bumaba na nga ang taste ni Dean. Sabi na nga ba niya at l**t at First Sight lang ang nararamdaman nito. Pero oras na ito ang paboran ni Dean, magwawala siya. Pero kampante naman siyang sa kanya ito sasama. Nagpalipat-lipat ang tingin nito sa kanila ni Margot. "Steffi, I hope you'll understand. Naka-oo na ako kay Margot. I forgot about our date. Some other time na lang." "Ha?!" Nabigla siya sa narinig. Totoo ba ito o binabangungot siya? Si Dean ba ang nagsasalita? Natauhan siya nang makita ang matagumpay na ngiti ni Margot. Ipinagmamalaking dito sasama si Dean. Parang nagdeklara na ito ng giyera. Ibig sabihin ay nanalo ito sa round one. "Sana sinabi mo agad nang kami na lang ni Chad ang sabay for lunch." Lihim siyang natuwa nang dumilim ang mukha ang mukha ni Dean. "Kami na lang ni Marithe ang magla-lunch. Marithe, try mo 'yung paella ko." "P-paella?" nausal ni Dean. Alam niyang paborito iyon ng binata. "Margot, kung gusto mo sa bahay na lang tayo ni Steffi mag-lunch. She's really good in cooking specially when it comes to paella." Nanulis ang nguso ni Margot. "I hate paella honey. I want Japanese cuisine for lunch." At lalo pang idinikit ang sarili kay Dean. The nerve! Paano niya ito makakasundo kung primerang bastos? Kung hindi pa nagyayang umalis si Marithe ay makakatikim talaga ito. "Bye Dean and nice meeting you Margot." Ngunit parang tila lason ang lumabas sa bibig niya. "I'll talk to you later." Nagi-guilting wika ni Dean. "Nice meeting you too, Steffi," malambing na wika ni Margot. Tumango siya nang may biglang naalala. "Oh Margot, may I remind you that only people who are dear to me call me Steffi. It would be better if you call me Stephanie. And Dean, huwag kang ma-guilty. Tatawagan ko naman si Chad para mag-lunch. I'm sure maa-appreciate niya ang paella ko." Hindi na niya hinintay pa ang sasabihin nito. Hinila niya si Marithe. Hindi niya matatagalang kausap si Dean. Masamang-masama ang loob niya. Noon lang niya naranasang balewalain nito. Dahil lang kay Margot. Makikilala ng Margot na 'yan kung sino talaga si Stephanie Morales! "OW! Superb talaga ang paella mo, Steffi." Napangiti na lang siya sa papuring narinig kay Chad. Dali-dali niya itong tinawagan para makasalo nila ni Marithe sa lunch. Kaysa naman mag-isa niyang ubusin ang paella. Mas nanaisin na niyang ang mga ito ang umubos kaysa si Dean na may kasama namang asungot. Baka kapag hindi siya makapagtimpi ay malagyan niya ng liquid sosa ang pagkain ng Margot na 'yon. Para wala nang bara sa buhay niya. "Ano nga pala ang rason at bigla-bigla kang nagyaya ng lunch?" nagtatakang tanong ni Chad. Hindi na kasi nila nagawang mag-usap kanina dahil gutom na sila ni Marithe. "Ah, eh, birthday ni Marithe," palusot niya. "Pero hindi naman..." Akmang tututol si Marithe nang tadyakan niya ang paa nito sa ilalim ng mesa. Pinanlakihan niya ito ng mata. "Ah, anong sasabihin niya?" tanong ni Chad. "Pero hindi naman daw siya nagtatampo dahil wala kang dalang regalo. Okay lang sa iyo iyon, hindi ba Marithe?" Nilakihan niya ito ng mata. "Oo, pwede na sigurong regalo sa akin ang wheelchair," nakangiwing sagot nito. Napalakas yata ang tadyak niya. "Palabiro ka talaga, Marithe. Nasaan nga pala si Dean?" "Ah, nasa site sa Laguna. At dahil wala ang boss, nananamantala kami," nakangiti niyang sagot. "Manlilibre daw siya mamayang gabi." Tumingin si Chad sa relong pambisig. "Gusto ko pa sanang mag-stay pero may flight pa ako mamayang alas singko. Tumakas lang talaga ako." "Okay lang. Pasensiya na, ha? Naabala ka namin." "Basta ikaw, Steffi. Saka Marithe, ipapadala ko na lang ang regalo ko sa iyo, ha?" Ihinatid nila ito hanggang sa gate. "Bye, anemic!" wika ni Marithe sa papalayong kotse ni Chad. "Anemic?" nagtatakang sabi niya. "Sobra ka naman!" "Bakit ba ipinagtatanggol mo si bakla?!" pang-iinis nito. Nanlaki ang mga mata niya sa narinig. "How dare you call him bakla? Neat lang siyang tignan pero hindi siya bading!" "Hindi na kung hindi. Pero kay Sir Dean pa rin ako." "Magkahawig lang naman sila." "Diyan ka mali. Sir Dean is every inch a man. Lalaking-lalaki ang kulay. Bagay kayo." Kinikilig ito. "Ayan ka na naman. Huwag mo na kaming tuksuhin ng boss mo. Lalo na't mainit ang ulo ko sa ginawa ng girlfriend niya." "Hay, sobra talaga ang ginawa ng Margot na 'yon. Kung hindi lang 'yon pamangkin ni big bosing, wala kang dapat ipag-alburuto diyan."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD