"AKO?!" magkasalubong na ang kilay ni Dean habang nakatingin sa kay Steffi. "Paano akong nadamay dito?"
"Dean, hindi ba't nakiki-usap ka sa akin na maging mabait ako kay Margot? Kaya lang naman masama ang pakita ko sa kanya dahil wala na sa akin ang atensyon mo. Nagseselos ako."
"Bakit ka naman magseselos? Magka-iba naman ang estado ninyong dalawa. ikaw bestfriend ko. Siya, girlfriend ko."
"Dean, bestfriend mo ako. Sanay akong nasa akin lahat ng atensyon mo. Pero naisip ko na mali din ang ginagawa kong pagpigil sa pakiki-pagrelasyon mo. So naisip ko na kailangan ko ng diversion para hindi na ako makahadlang sa relasyon ninyo."
"Diversion? Iyon lang ang rason kung bakit mo siya sasagutin? Para lang magkaroon ng diversion? Hindi nga ako romance writer pero kahit minsan hindi ko naisip na gawing diversion ang pagkakaroon ko ng girlfriend."
"Ows? Hindi kaya gusto mo nang makalimutan si Reena kaya hanggang ngayon wala ka pa ring matinong girlfriend?" pananalakab niya.
"Hindi kasali si Reena dito. Kung sakali man na iyon nga ang rason ko, hindi diversion ang tawag doon. Karapatan kong humanap ng ibang magmamahal sa akin. Unlike you...."
"Ano ang kaibahan natin, aber?" hindi niya mapigil ang pagtaas ng boses. "Wala ba akong karapatang humanap ng magmamahal sa akin? Dean alam mo bang dalawa lang ang iniikutan ng mundo ko? Ikaw at ang pagsusulat ko! Kapag sinabi mong ayaw mo kay ganito, binabasted ko. Kasi iyon ang gusto mo. Si Chad na nga lang ang tumagal sa manliligaw ko, inaayawan mo pa. Now you want me to understand you?"
"Ayoko kay Chad!" madiing wika nito. "Hindi mo ba ako naiintindihan? A-yo-ko sa kanya!"
"At ayoko din sa girlfriend mo! Pero may magagawa ba ako? Wala! Hindi ka naman mapigil." Humalukipkip siya upang pigilin ang inis.
"Stop being childish and listen to me. Chad is not the right guy for you."
"Then sino pa?" Natigilan ito sa pagsigaw niya. "Twenty four na ako pero hindi ko pa naranasang mag-boyfriend. Dahil lagi akong nakikinig sa gusto mo. At kailan ko pa mami-meet ang lalaking gusto mo? Kapag may apo ka na? Dean, hindi naman pwedeng tayo lang dalawa habang-buhay. At sa tinatakbo ng utak mo ngayon, imposibleng hindi ka mag-asawa. At maiiwan ako."
Subalit hindi ito natinag ng dialogue niya. "Basta sumunod ka sa gusto ko! Wala na tayong dapat pang pag-usapan." Tahimik nitong itinuloy ang pagkain.
Hindi niya mapigil na sumama ang loob. Napaka-selfish naman nito. Walang pakialam kung ano ang nararamdaman niya. At mukhang balak nga yata siya nitong patandaing dalaga. Naturingan siyang romance writer, siya pa ang mawawalan ng romance sa buhay. Mag-aasawa din si Dean. Iiwan siya.
Sa pinagsama-samang sama ng loob at takot na tumandang mag-isa ay napahikbi siya. Natigilan ito sa pagkain nang makita siyang umiiyak. Lumambot ang anyo nito nang kabigin siya palapit.
"Steffi, sorry na. Hindi ko naman sinasadyang magalit sa iyo." Hinagkan nito ang buhok niya.
"Ikaw kasi. Nagtatanong lang naman ako, galit ka na. At totoo naman na namimiligro na akong tumandang dalaga sa kagagawan mo." Patuloy pa rin siya sa paghikbi. "Hindi naman kita mapipigil mag-asawa. Iiwan mo rin ako."
"Shhh..." Pinahid nito ang luha niya. "Kung iyan lang ang inaalala mo, we'll deal about Chad some other time."
Tumatango niyang pinahid ang luha niya. "Nakakahiya, sa harap pa tayo ng pagkain nag-away."
"Peace naman na tayo, hindi ba? Sa ngayon, pag-usapan muna natin ang birthday ko, okay?"
Sumang-ayon siya. Ang mahalaga ay maayos na ulit ang lahat sa kanilang dalawa.
EXCITED na ipinarada ni Steffi ang kotse sa tapat ng bahay nila Dean. Sabado noon at nataon ding kaarawan nito. Idinala niya ang regalo para dito.
Hindi na niya maipapakita pa iyon mamaya dahil marami nang bisita. Gusto rin niyang siya ang unang-unang magreregalo dito.
"Good morning Tita Constancia," bati niya sa mama ni Dean nang salubungin niya ito.
"Saan ka ba nanggaling?"
"Ibinili ko po ng regalo ang magaling ninyong anak. Nasaan na po si Dean?" tanong niya matapos itong halikan sa pisngi.
"Nasa itaas at natutulog pa rin. Ano ba ang regalo mo sa kanya?"
Itinaas niya ang kulungan na kinalalagyan ng tuta. "A St. Bernard dog." Isang buwan pa lang iyon at napaka-cute. Iningutan niya sa tita niya.
"Mahal ito, hija," komento nito.
Nagkibit balikat siya. "Hingi ko lang po iyan sa tita ko na may ganyang aso. Kapapanganak pa lang kasi ng aso niya. Huwag po kayong maingay na libre lang ito, ha?" bumungisngis siya.
"Bakit naman aso?" takang tanong nito.
"Kasi Tita, dati gustong-gusto niya ng aso pero hindi ninyo siya ibinili."
Pitong taon pa lang sila ni Dean noon. Naaalala pa niya kung paano ito maglupasay noon nang ayaw itong pagbigyan. Wala siyang nagawa kundi aluin ito. Alam niyang matagal na iyon pero napagkatuwaan lang niyang iyon ang ibigay dito.
"Hanggang nakalakihan na niya, wala pa rin siyang aso. Ako lang naman ang tutupad ng chilhood wish niya. Pwede ko na po bang pasukin ang lalaking iyon sa taas? Gusto ko pong ipakita sa kanya ang gift ko."
"O sige, tumuloy ka na." Sanay na itong ginigising niya si Dean. Kampante itong hindi niya pagsasamantalahan ang unico hijo nito. "Dito ka na lang mag-lunch mamaya."
Isang positibong sagot ang iniwan niya bago tumuloy sa silid ni Dean. Kinatok niya ang pinto ng silid nito. Nang wala pa ring sagot ay pinihit niya ang seradura. Hindi iyon naka-lock. Iniwan niya ang aso sa labas bago pumasok.
Tumambad sa kanya ang maskuladong disenyo ng silid nito. Nadodominahan ito ng kulay gray at blue. Nang ibaling niya ang paningin ay nakita niya itong himbing na himbing sa kama.
Lumapit siya. Niyugyog niya ang balikat nito. Hindi man lang natinag.
"Aba, birthday na birthday pero sinisikatan ng araw sa higaan." Lumundo ang kama nang upuan niya iyon. "Dean, gising na."
Umungol ito subalit hindi pa rin tuminag. "Ayaw mo pa ring gumising, ha?"
Inisip niya kung ano ang epektibong pampagising dito. Dumukwang siya at inilapit ang labi sa tainga nito. "Dean?" bulong niya. Nang wala pa ring epekto ay mabini niyang hinipan iyon.
Napangiti siya nang gumalaw ito. He mumbled something she can't understand. Hindi niya inaasahan ang pagpaling nito. Di naglipat oras ay naramdaman niya ang pagkabig nito sa ulo niya.
Then his lips met hers.