Chapter XI

1840 Words
  MARAHANG lumapit si Angela kina Kakay at Lala habang naglalaro ng building blocks ang dalawa sa sahig ng salas. May dala siyang isang pinggan na may dalawang chocolate cupcake. May icing pa iyon sa ibabaw at sprinkles upang mas maging kaaya-aya ang hitsura sa mga bata. Kahit wala sa budget ay gumawa talaga siya niyon. Gusto niya kasing bumawi sa dalawang kapatid ni Cedrick dahil napagtanto niyang mali ang ginawa niya sa mga ito kahapon. Hindi niya rin masisi si Lorena kung bakit napagbuhatan siya nito ng kamay. Ina ito na ipinagtanggol lang ang mga anak. Nakangiti siyang umupo sa gitna ng dalawa. Kapansin-pansin ang takot sa mukha ng mga ito nang makita siya. “Papaluin mo ba kami ulit?” Parang batang tanong ni Kakay. Sumiksik dito si Lala at itinago ang mukha sa likod ng kapatid. “Hindi. Gusto lang mag-sorry ni Ate Angela sa inyo. Hindi ko gusto na sigawan at saktan kayo. Nabigla kasi ako kaya sorry na. `Eto nga, ginawan ko kayo ng cupcake na may icing! Mas masarap ito. Sige na, sa inyo itong dalawa ni Lala.” May pag-aalinlangan sa mata ni Kakay. Mukhang talagang natakot ang mga ito sa kaniya. Siya na mismo ang kumuha ng isang cupcake at ibinigay iyon kay Kakay. Tiningnan lang nito iyon kaya ibinalik niya sa pinggan. “Ayaw niyo ba? Kung ayaw ninyo ay ako na lang ang kakain nito…” Kunwari ay malungkot niyang sabi. “Ang sarap pa naman nitong cupcake. Madaming chocolate sa loob saka may sprinkles pa. Parang rainbow!” Napalunok si Kakay. Si Lala ay nakalabas na ang mukha at natatakam na nakatingin sa cupcake na dala niya. Nginitian niya si Lala at dito naman niya iniabot ang cupcake na nahihiya nitong kinuha. Dinilaan nito ang icing at ngumiti sa kaniya. “Masarap, `di ba?” Nakangiting tanong ni Angela. “Talap nga, Ate Angela!” ani Lala at kinagatan nito ng malaki ang cupcake. Sa tuwa niya ay pinisil niya ang matabang pisngi ni Lala. Ibinalik niya ang tingin kay Kakay. “Ikaw, Kakay… ayaw mo ba talaga nitong cupcake?” Mabilis na kinuha ni Kakay ang cupcake sa pinggan. Mukhang natakot ito na baka kainin niya talaga iyon. “S-salamat, Ate Angela…” Nahihiyang sabi ni Kakay sabay kagat sa cupcake. “Welcome!” Hinaplos niya ang buhok ng dalawa. “Sorry ulit, ha. Hayaan ninyo at hindi ko na iyon uulitin. Mahal ko kayo dahil mahal kayo ni Cedrick. Sorry…” “Okay lang, ate. Kasalanan din naman namin kasi kinain namin iyong cupcake na pangbenta mo. Sorry din po, ate,” ani Kakay. Masaya na si Angela dahil nagkaayos na sila ng kapatid ni Cedrick. Importante iyon dahil kabilang na siya sa pamilyang ito. Hindi maganda na meron siyang kagalit. Kapag may ganitong gusot ay inaayos dapat. Saka may punto rin si Cedrick sa sinabi nitong sila ang dapat na makisama dahil nakikitira lang sila. Dapat naman talaga ay wala sila dito kung hindi dahil sa utang ng mga magulang niya. Sandaling iniwan niya muna ang magkapatid upang ipagtimpla ang mga ito ng orange juice sa kusina. Habang hinahalo niya ang juice sa baso ay dumating si Lorena na may seryosong mukha. Simula kahapon ay hindi pa rin sila nag-uusap. “G-gusto niyo po bang ipagtimpla ko kayo ng juice, mama?” tanong niya sa biyenan. “Nakita ko ang ginawa mo kanina kina Kakay at Lala,” anito habang papalapit sa kaniya. “Gusto ko ang ginawa mo. Humingi ka ng tawad sa kanila. Mabuti at alam mong ikaw ang mali, Angela.” “Nakonsensiya po talaga ko. Hindi ko po dapat sila sinasaktan o kahit na sino sa bahay ninyo. Sorry po ulit.” “Sorry din kung nasaktan kita. Alam mo naman siguro kung bakit ko iyon nagawa.” Tumango siya ng may tipid na ngiti. “Opo, mama. Salamat po at `di na kayo galit sa akin.” Tinanguhan lang siya ni Lorena at iniwan na siya sa kusina.   BAGO tuluyang umalis si Roxanne sa bahay ni Logan ay nagpatulong na siya sa kaibigan niyang si Inah na ihanap siya ng condo unit na makukuha niya agad. Maaasahan si Inah pagdating sa ganoong bagay dahil iyon ang trabaho nito. Nagbebenta ito ng condo units at mga house and lot. Walang problema sa pera dahil meron siyang personal bank account na si Logan din ang nagde-deposit ng pera. Magka-sosyo sila sa lahat ng negosyo nito kaya dapat lang na bigyan siya nito ng pera. Saka ano pa’t naging asawa siya nito kung wala siyang makukuhang pera mula rito, `di ba? Isa sa dahilan kung bakit wala siyang balak na makipaghiwalay kay Logan sa ngayon. Kailangan pa niya ang pera ng asawa niya. Naihanap siya ni Inah ng isang condo unit sa Makati at papunta na siya doon. Ayon sa Waze app niya ay malapit na siya. Isang liko pa ang ginawa niya at narating na niya ang isang pangmayaman na condominium building. Nasa ika-sampung floor ang unit niya kaya pagkababa niya ng kotse at pagkapasok sa building ay sumakay siya sa elevator. Pagdating sa 10th floor ay hinanap niya ang Unit 10-4 at agad niya iyong nakita. Alam niya na nandoon si Inah dahil ang sabi niya ay ito dapat ang magtu-turn over sa kaniya ng unit. Pinindot niya ang buzzer at bumukas ang pinto. “Hey, Roxanne!” tili ni Inah at sinalubong siya ng mahigpit na yakap. Maliit na babae si Inah at chubby. Palaging fit at maiikli ang suot na damit. May hitsura naman ito kahit paano. Nadadala sa make up. Hinila siya nito papasok at binigyan siya ng mabilis na tour sa unit. May spacious na living room at kitchen. Maayos ang dining area at isang CR. Gusto niya rin ang bedroom dahil may malaking kama. Maging ang kulay ng dingding ay nagustuhan din niya. May ilang appliances na rin na ipinabili niya kay Inah. Minadali niya talaga ito kahit pa sinabi nitong mangangarag ito nang husto. “Girl ang dating may-ari nito kaya maayos pa. Iyong ibang gamit ay bukas na ide-deliver. O, baka naman pwedeng dagdagan mo ang TF ko. Talagang pinush ko ang self ko para magawa lahat ng demands mo, ha!” sabi ni Inah. Nasa kwarto sila. “Don’t worry. You know me. Saka you deserved a tip. Maganda nga itong unit!” Umupo siya sa gilid ng kama. Dinama ng kamay niya ang bed sheet. Napangiti siya dahil nai-imagine niya agad ang mga gagawin nila doon ni Cedrick. Isang malaking hakbang ang ginawang pagpayag ni Roxanne sa sinabi ni Cedrick na hiwalayan na niya si Logan at sila na ang magsama. Noong una ang akala niya ay nagbibiro ito kaya tinanong niya kung bakit nito iyon naisipan… “Dahil ikaw talaga ang mahal ko at hindi si Angela. Lahat ng pagmamahal ko sa iyo noon ay nabuhay nang makita kita. Pinagsisisihan ko nang nagpakasal pa ako. Kung alam ko lang sana na muli tayong magtatagpo ay hindi na ako nagpakasal sana.” Iyon ang eksaktong salita ni Cedrick sa kaniya. “But how about Angela? Papayag ba siya na makipaghiwalay ka sa kaniya? Bago lang kayong kasal. Baka itakwil ka ng family mo,” aniya. “Sa ngayon ay ililihim ko muna ang lahat kay Angela. Pero `wag kang mag-alala dahil makikipaghiwalay din ako sa kaniya. Hahanap lang ako ng tiyempo.” “Ang unfair naman yata, Cedrick. `Di ba, dapat ay sabay nating hiwalayan ang mga asawa natin?” “Roxanne, trust me. Hihiwalayan ko rin si Angela. Hindi ko na kasi kayang isipin na umuuwi ka pa rin sa asawa mo. Mababaliw ako sa pagseselos!” Hinapit siya nito sa beywang at hinagkan ng mabilis sa labi. “Ako ang magbibigay sa iyo ng anak na hindi niya kayang ibigay sa iyo. Kayang-kaya kitang anakan kahit ilan ang gusto mo!” Naging mahaba ang usapan nila ni Cedrick. Plinano nila ng mabilis ang lahat at heto na ang paunang resulta. Kumuha siya ng condo unit kung saan sila pansamantalang titira. “So, baka pwedeng sabihin mo na ang nangyayari sa akin kung bakit nagpahanap ka sa akin ng condo?” Nakahalukipkip na tanong ni Inah sa kaniya. “Nakipaghiwalay na ako kay Logan.” “OMG! Really?!” “Magpapahanap ba ako sa iyo ng condo kung hindi?” Umupo ito sa tabi niya. “But why? Girl, jackpot ka na kay Logan! Gwapo, rich, yummy and I bet he’s good in bed. Don’t tell me, lesbian ka? OMG! Baka bet mo na ako, ha!” Exxagerated na humawak sa dibdib si Inah. “b***h! Kung lesbian ako, hindi kita papatulan. Babaeng gasul!” “Ouch naman… Ang sakit naman po!” arte nito. Sa pagkakataong iyon ay sinabi na niya kay Inah ang lahat. Simula sa muling pagtatagpo nila ni Cedrick hanggang sa ma-realize niya na ito pa rin pala ang mahal niya. “`Buti hindi ka binugbog ni Papa Logan! Kamay na bakal iyon, right? Karinyo brutal! Rawr! Bet!” Kinikilig na sabi ni Inah matapos niyang magkwento. “Hindi niya kayang gawin `yon sa akin, Inah. When it comes to me, nawawala ang tapang niya. Ganoon kapag mahal na mahal ka ni Logan. I can control him!” “Wow naman!” Nag-slow clap si Inah. “So, ayaw mo na pala kay Logan? Pwede bang sa akin na lang siya? You know… I can handle him with more care. And besides, mas gusto ko ang secondhand. Atleast, alam kong subok na.” “In your f*****g dreams! Hindi pumapatol sa babaeng Doraemon si Logan!” “Hoy! Kanina ka pa, ha! Baka gusto mong bawiin ko itong condo unit na `to?” “Bayad na ito, Inah. And I will pay you more!” Tumayo na si Roxanne. “You can leave now. Papunta na dito si Cedrick at gusto kong binyagan agad itong bed!” “Kainggit!” Akala mo ay bulateng nalunod sa asin na nagpapadyak si Inah. “Dito muna ako, girl. Hihintayin ko ang bago mong boylet. I want to meet him. Rawr!” “Leave!” Pinanlakihan niya ng mata ang kaibigan. “Ano ba `yan?! KJ naman, e!” Wala nang nagawa si Inah kundi ang umalis. Alam kasi nito kung paano siya magalit. Takot ito sa kaniya kahit pa magkaibigan silang dalawa. Nang wala na si Inah ay iginala ni Roxanne ang mata sa kabuuan ng kwartong kinaroroonan niya. Simula sa araw na ito ay ito na ang magiging love nest nila ni Cedrick. Hindi na sila magkikita sa hotel kundi dito na. Alam niyang malaking pagkakamali ang ginagawa nilang ito dahil kapwa meron na silang mga asawa. Ngunit mahirap kalaban ang puso? Habang pinipigilan mo ito sa tunay nitong gusto ay mas lalo itong kumakawala! Saka kasalanan ba talagang matatawag ang isang bagay kung dito ka naman masaya? Sa tingin niya ay hindi. Hindi kasalanan ang ibigay sa sarili ang bagay na totoong magpapasaya dito.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD