PAPUNTA sa direksiyon ni Angela ang hangin kaya sa bawat buga ng usok ng lalaki ay sa kaniya iyon napupunta. Mabait siyang tao ngunit kapag ganito ang ugali ng tao ay parang kaya niyang kalimutan ang pagiging mabait. Dalawang beses na niyang pinagsabihan pero tila wala itong balak na umalis o itigila ang paninigarilyo.
“Bingi ka ba o hindi marunong makaintindi?” Inis na tanong ni Angela sa lalaki.
Gwapo nga, pangit naman ng ugali. Isang malaking sayang.
“Hindi ako mag-a-adjust sa iyo, miss. Ikaw ang umalis kung ayaw mo sa usok ng sigarilyo ko.” Malalim ang boses nito. Lalaking-lalaki.
Nanlaki ang mata niya at nameywang na. “Hoy! Nauna ako dito at saka hindi ito smoking area. Alam mo bang bawal na ang mag-sigarilyo sa public places? Pwede kang makulong sa ginagawa mo! Siguro, hindi mo alam kasi kung alam mo ay hindi ka magsisigarilyo dito!” Kulang na lang ay ang ilong niya naman ang magbuga ng usok sa inis niya sa lalaki.
Ibinuga ng lalaki ang huling usok ng sigarilyo nito at pinitik sa hangin ang upos. Talagang walang modo. Hindi man lang itinapon sa basurahan ang kalat nito. Mabuti at hindi ganoong klase ng lalaki ang asawa niya. Mabuti at responsableng tao si Cedrick kaya nga nahulog ang loob niya doon, e. Kahit siguro ligawan siya ng ganiyang kagwapong lalaki ay hindi niya sasagutin. Mas pipiliin niya pa rin ang kagandahan ng ugali kesa sa magandang panlabas na anyo tapos basura ang kalooban. Talagang napakaswerte niya kay Cedrick!
Umismid si Angela sa lalaki. Umiinit ang ulo niya kapag nakikita niya ito. “Balahura! Walang modo…” nguynguy niya.
“Are you saying something, miss? Say it straight to my face.” Mahinahon na sabi ng lalaki pero puno iyon ng authority.
“Wala. Ang sabi ko, may mga tao talaga na walang modo. Walang disiplina. Hay, naku… Iba na yata ang mga tao ngayon.”
Narinig niya ang mahinang pagtawa ng lalaki.
“Ang laki siguro ng problema mo, miss. May choice kang umalis kanina pa pero nandiyan ka pa rin.” Mayabang na ang dating ng pananalita nito. Tiningnan niya na ito at pinanlakihan ng mata.
“Aba’t—” Hindi na nagawang ituloy ni Angela ang pagsasalita nang may isang magandang babae ang dumating at umangkla sa braso ng lalaking kinaiinisan niya. Girlfriend siguro ng walang modong lalaki. O baka asawa.
Ang malas mo naman, miss, kung asawa o boyfriend mo ang lalaking iyan! Turan ng isip ni Angela.
“Is there a problem, hon? Hina-harrass ka ba ng babaeng iyan?” Kung makalingkis ang babae sa lalaki ay para bang aagawin niya iyon.
“Excuse me…” Hindi napigilan ni Angela ang sarili na huwag magsalita. Sa sinabi kasi ng babae ay parang siya ang may ginagawang hindi maganda. “Pagsabihan mo iyang kasama mo. Wala akong ginagawang mali.”
Tumaas ang isang kilay ng babae. “Sa hitsura mo kasi ay parang ikaw ang may hindi gagawing hindi maganda. Are you selling sampaguita ba? You’re in a wrong place, girl.”
“Hindi ako nagtitinda—”
“Well, you look like one!” Mabilis nitong putol sa sasabihin ni Angela.
Wala na siyang nasabi at nagawa nang umalis na ang dalawa at sumakay sa isang mamahaling kotse. Naiwanan siyang nakatulala at hindi makapaniwala sa nangyari. Hindi siya makapaniwala na may mga ganoon pala talagang tao na nag-e-excist sa tunay na buhay. Ang akala niya ay sa mga soap opera lang nangyayari ang ganoon.
Maya maya pa ay dumating na si Cedrick. Pinili niyang huwag nang sabihin dito ang pangyayaring iyon at baka uminit ang ulo nito. Ayaw niyang masira ang mood ng kaniyang asawa.
KINABUKASAN ay dinalaw siya ng matalik niyang kaibigan na si Liya sa bahay nila ni Cedrick. Wala si Cedrick dahil pumasok ito ng araw na iyon sa trabaho. Sakto na nagluluto siya ng ginataang halo halo nang dumating si Liya kaya may ipinameryenda siya sa kaibigan.
Nasa may dining area sila at kumakain ng kaniyang niluto.
Malaki ang tiwala niya kay Liya kaya dito niya naisipang sabihin ang nakalagay sa last will ang testament ng kaniyang daddy. Alam niya kasi na hindi iyon sasabihin ni Liya sa iba. Bata pa lang sila ay ang isa’t isa na ang pinagsasabihan nila ng kanilang mga sikreto at problema.
“Totoo ba iyan? Wala na sa inyo ang lahat ng ari-arian ninyo? Tapos may utang ka pa na dapat bayaran?” Hindi makapaniwalang turan ni Liya matapos nitong malaman ang lahat.
Malungkot na tumango si Angela. “Six million pesos pa ang kailangang bayaran. May nine hundred thousand pesos na iniwan sina daddy sa akin pero sinabi ko kay attorney na ibabayad ko na lamang iyon sa banko. Kaya may natitira pang five million pesos mahigit na utang na kailangan kong bayaran…” aniya.
“Ano kaya kung magbenta ka ng properties—Ay, wala na nga palang natira.” Bumagsak ang balikat ni Liya. “Hala! Paano na `yan? Malaking pera ang five million, bessy!”
“Iyan nga din ang iniisip ko. Sabi ni attorney, dapat ay mabayaran ko agad iyon at habang natagal ay nalaki ang tubo. B-baka mabaon ako sa utang, bessy.”
“Gusto mo bang ibenta ko katawan ko, bessy? Itong dede ko, bet na bet ito ng mga foreigner sa chat!” biro ni Liya. Lumiyad pa ito para mas lumaki ang dibdib.
Natawa si Angela. Bentang-benta kasi sa kaniya ang mga jokes nito. Natural na sa kaibigan ang pagiging masayahin at mapagbiro. Kaya gusto niya itong kasama palagi.
“Ano ba, bessy? Hindi mo kailangang gawin iyan!”
“E, kasi ayokong nai-stress ka, bessy! Kakakasal mo pa naman. E, si Cedrick… anong sabi niya tungkol diyan?”
“H-hindi ko pa sinasabi sa kaniya.”
“Ano?! Bakit?”
“Ewan ko ba. Natakot kasi ako na ma-disappoint siya. Bago ko kasi malaman ang laman ng last will and testament ay naka-oo na ako sa sinabi niya na gamitin ang manang makukuha ko para i-expand ang business ng parents niya.”
Bumuntung-hininga si Liya. “Hay, naku. Kailangang malaman iyan ng asawa mo. Baka mag-expect iyon.”
“Alam ko… Sasabihin ko rin naman sa kaniya. Naghihintay lang ako ng magandang pagkakataon. Natatakot pa din kasi ako sa magiging reaksiyon niya.”
“Bessy, payong matino lang, ha. Kung ako sa iyo, sasabihin ko na kay Cedrick. Kasi kapag pinatagal mo pa ay baka mas magalit siya sa iyo…”
PINAG-ISIPANG mabuti ni Angela ang ipinayo sa kaniya ni Liya at napagtanto niyang tama ito. Kaya bago pa makauwi si Cedrick mula sa trabaho ay nakapag-desisyon na siyang sabihin dito ang totoo. Malaki ang pang-unawa ng kaniyang asawa. Maiintindihan naman siya nito siguro. Saka hindi rin niya kasalanan kung bakit nawala na ang lahat ng ari-arian ng pamilya niya. Baka nga tulungan pa siya ni Cedrick na makabangon.
Ganoon ang mag-asawa, `di ba? Nagtutulungan.
Habang nagluluto ng hapunan ay dumating na si Cedrick. Hinalikan siya nito sa labi.
“Ang sipag naman ng misis ko!” pakli nito.
“Alam ko kasi na padating ka na kaya nagluto na ako…” May kaba sa ngiti ni Angela.
“Are you okay? You look nervous…”
“M-may sasabihin kasi ako—”
“Buntis ka na?! Magiging daddy na ako?!”
Medyo natawa siya. “Of course not. Hindi pa. Ilang araw pa lang simula no’ng… alam mo na.” Namula ang magkabilang pisngi niya.
“Alam ko naman. I was just joking. Ang seryoso mo kasi, e!” Pinisil ni Cedrick ang kanang pisngi niya. “Magpapalit lang ako ng damit, ha. Sa dinner mo na sabihin ang sasabihin mo. I love you, Angela!”
“I love you too.”
Hinalikan siya ni Cedrick sa labi ng mabilis at iniwan na siya nito sa kusina.
Huminga nang malalim si Angela. Pinapakalma niya ang sarili. Kanina pa siya kinakabahan.
Binalikan na niya ang pagluluto. Matatapos na niya ang menudo. Kaunting pagpapakulo na lang ay tapos na iyon. Kakain na silang mag-asawa.
Makalipas ang ilang minuto ay natapos na ang niluluto ni Angela. Inayos na niya ang lamesa. Naglalagay na siya ng mga pinggan nang marinig niya ang yabag ng paa ni Cedrick.
“Tamang-tama. Naghahain na ako. Kakain na tayo,” ani Angela. Abala siya sa paglalagay ng kubyertos sa lamesa.
“Bakit hindi mo sinabi sa akin ang tungkol dito?”
“Ang alin—” Natigilan siya nang pagtingin niya sa asawa ay hawak nito ang envelope kung saan nakalagay ang kopya ng last will and testament ng daddy niya. Naroon din ang papel na nakalagay ang lahat ng utang ng pamilya niya sa banko.
Hindi niya alam kung paano nito iyon nakita. Inilagay niya iyon sa pinaka ilalim ng mga damit niya. Marahil ay naghalungkat ito doon.
“C-cedrick…” Nauutal niyang turan.
“Wala na ang lahat ng ari-arian ng pamilya mo kaya wala kang nakuhang mana, Angela. Tama ba ako?” Kitang-kita niya ang disappointment sa mukha ng kaniyang asawa.
Nahihiya siyang tumango. “S-sorry kung hindi ko agad sinabi sa iyo. Baka kasi magalit ka kapag nalaman mo. Lalo na at naka-oo ako sa iyo na tutulong ako sa pagpapa-expand ng negosyo ng mama at papa mo.” Sa labis na kahihiyaan ay nakayuko na si Angela. Hindi niya yata kayang salubungin ang tingin ni Cedrick.
“Angela, wala akong pakialam kahit naka-oo ka na doon. Hindi iyon ang ipinupunto ko. Ang masakit para sa akin ay nagsinungaling ka. Hindi mo sinabi sa akin ang totoo tungkol sa last will na ito! Pakiramdam ko ay wala ka na agad tiwala sa akin kaya nagsinungaling ka!”
Luhaang umangat ang mukha ni Angela. “Sorry, Cedrick… N-natakot lang ako.”
“Saan? Sa sasabihin ko? Are you thinking na magagalit ako dahil wala ka nang pera? Iyon ba ang inisip mo kaya hindi mo ito sinabi?” Hindi nagawang makasagot ni Angela. Aaminin niya, iyon ang unang pumasok sa isip niya.
“f**k!” Mariing mura ni Cedrick. Itinapon nito sa sahig ang envelope at bumalik sa kwarto nila sa itaas.
Napapitlag si Angela sa malakas na pagsara ng pinto sa kanilang kwarto. Wala na siyang nagawa kundi ang umiyak. Kasalanan niya ang lahat. Hindi niya pwedeng sisihin si Cedrick kung bakit ganoon ang naging reaksiyon nito. Naglihim siya. Hindi siya nagsabi ng totoo. Normal lang na magalit ito sa kaniya. Deserved niya ang galit ng kaniyang asawa.