Chapter V

1985 Words
  IYON ang unang beses na naranasan ni Angela ang galit ni Cedrick. Sa loob ng maraming taon na magkasama sila ay ngayon niya lamang ito nakitang galit. At ang masakit pa ay sa kaniya ito galit. Siya ang dahilan kung bakit ito nagkaganoon. Labis ang lungkot niya nang mag-isa siya kanina na nakaupo para maghapunan. Itinabi na lang niya ang mga pagkain dahil hindi niya kayang kumain ng mag-isa lalo na at alam niyang galit ang asawa niya sa kaniya. Pinuntahan niya ito sa kanilang kwarto. Nakahiga ito sa kama. Nakatagilid at nakatalikod. Umupo si Angela sa gilid ng kama at muling humingi ng tawad. “Cedrick, sorry kung hindi ko sinabi sa iyo ang totoo. Aaminin kong natakot ako na baka magalit ka kapag nalaman mong hindi na ako makakatulong sa pagpapa-expand ng business ninyo. Sorry talaga…” Taos sa puso ang paghingi niya ng tawag. Kung matatagalan bago siya mapatawad ni Cedrick ay tatanggapin niya. Iintindihin niya ito. “Ganoon ba ang tingin mo sa akin? Magagalit dahil sa pera?” Marahang humarap si Cedrick. Bumangon ito at umupo sa harapan niya. “Hindi ako ganoong kababaw na tao. Matagal na tayong magkakilala pero ganoon pala ang pagkakakilala mo sa akin?” Umiling siya. “H-hindi. Nagulat kasi ako nang malaman ko na wala na akong mamanahin. Magulo lang siguro ang utak ko ng oras na iyon at hindi ako nakapag-isip ng maayos.” Pag-amin niya. Huminga ng malalim ang kaniyang asawa at masuyong kinuha ang isa niyang kamay para hagkan. “Okay. Naiintindihan na kita. Basta, huwag mo nang uulitin, ha?” anito. “H-hindi ka na galit sa akin?” Hindi makapaniwalang tanong ni Angela. “Actually, hindi ako galit sa iyo. Nagtampo lang ako dahil hindi ka nagsabi ng totoo. Pero wala na iyon. Hindi makakatulong sa problema mo kapag nagtampo ako sa iyo. Ang kailangan nating pagtuunan ng pansin ay kung pa’no mababayaran ang utang ng pamilya mo.” “C-cedrick…” Sumabog ang luha niya. Mahigpit niyang niyakap si Cedrick. Hindi siya makapaniwala na mabilis siya nitong mapapatawad. “Thank you! Thank you!” Hinaplos nito ang likod niya. “Tutulungan kita. Ang totoo niyan ay nakapag-isip na ako kung ano ang gagawin natin kung paano makakabayad sa utang na dapat mong mabayaran agad. `Di ba, kailangan mong mabayaran iyon agad?” anito. Kumalas siya sa pagkakayakap sa asawa. “O-oo. Lalaki kasi ang tubo kapag hindi ko nabayaran agad lahat, e,” aniya. “Teka, tama ba ang narinig ko. Meron ka nang naisip na paraan para makabayad ako sa utang ng pamilya ko?” Tumango ng marahan si Cedrick. “Itong bahay. Ibebenta natin.” “Ha? Seryoso ka ba?” Muli itong tumango. “Pero bago pa ang bahay natin na ito. Saka nabili natin ito gamit ang savings natin.” “Ito lang ang paraan na naiisip ko para magkapera tayo. Ayokong humingi kina mama at papa. Problema nating dalawa ito kaya tayo ang magso-solve. Malaking halaga ang makukuha natin kapag ibinenta natin itong bahay. Pansamantala, pwede tayong tumira sa bahay namin. Wala namang problema kina mama dahil kahit siya ay hinihiling na sana ay doon muna tayo sa amin kahit isang taon. Hindi ko nga lang sila napagbigyan dahil meron na tayong bahay.” Hindi malaman ni Angela kung ano ang mararamdaman at sasabihin. Wala siyang ibang naiisip na paraan para makapagbayad sa utang nila sa banko. At hindi niya rin inaasahan na manggagaling mismo kay Cedrick ang ganoong solusyon. Kapag pumayag siya sa gusto nito ay mawawala ang bahay na ito sa kanila at makikipisan siya kasama ang pamilya nito sa iisang bahay. Kung hindi siya papayag ay baka lumaki ang tubo ng utang. Baka dumating ang panahon na hindi na niya iyon kayang bayaran. Wala siyang trabaho. Wala na ang lahat sa kaniya. Si Cedrick at ang bahay na ito na lamang ang meron siya. “Angela, ayokong mabaon tayo sa utang. Ang pagbebenta na lang ng bahay na ito ang naiisip ko. Mahirap ito para sa akin pero sa ngayon ay wala na tayong magagawa. Kung iniisip mo na mawawalan tayo ng sariling bahay ay huwag kang mag-alala. Pwede pa tayong mag-ipon ulit at bumili ng mas maganda at mas malaki dito.” Patuloy na pangungumbinse ni Cedrick sa kaniya. Mabilis na nag-isip si Angela. Mabigat man sa kaniyang kalooban ay pumayag na siya sa naisip na paraan ng kaniyang asawa. Tama naman ito. Pwede pa nilang mapalitan ang bahay na mawawala sa kanila ngunit ang utang na lumulubo ay hindi nila kayang pigilan. Sa ngayon ay ang utang muna sa banko ang uunahin nila.        NAGING mabilis ang proseso ng pagbebenta ng bahay at lupa nina Angela dahil na rin kay Cedrick. Sa tulong ng kakilala nitong ahente ng bahay at lupa ay agad silang nakakita ng buyer. Sobra pa ang perang nakuha nila para sa pambayad sa utang ng pamilya ni Angela sa banko. Ang natirang pera ay itinabi nila para meron silang savings na mag-asawa. Hindi naman ganoon kalaki ang sobra. Nakapagsabi na rin si Cedrick sa pamilya nito na sa bahay muna ng mga ito sila titira pansamantala habang nag-iipon sila ng pera na pambili ng sarili nilang bahay. Pumayag naman ang mga ito. Ang balak nilang mag-asawa ay kumuha ng hulugang bahay sa pamamagitan ng PAGIBIG Housing Loan upang mas makatipid sila at hindi mabigla sa gastos. Malaki-laki nga lang ang kailangang downpayment kapag ganoon kaya dapat ay makaipon din sila ng malaking halaga ng pera. Pinoproblema lang ni Angela ay ang pakikisama sa pamilya ni Cedrick. Ang totoo niyan ay ngayon lamang niya makakasama ang mga ito. Hindi kasi siya masyadong dinadala ni Cedrick noong magkasintahan pa sila sa bahay nito. Nakilala na naman niya dati ang buong pamilya nito pero hindi sila nabigyan ng pagkakataon para makapag-bonding kaya malaking pag-a-adjust ang mangyayari sa parte niya. Dumating na ang araw ng pag-alis nina Angela at Cedrick sa kanilang biniling bahay. Nauna na ang ilang gamit nila sa bahay ng mga magulang ni Cedrick. Nang isarado na ni Cedrick ang gate at nasa labas na sila ay hindi naiwasan ni Angela ang malungkot ng sobra. Sa huling pagkakataon ay tiningnan niya ang bahay na ilang araw pa lang nilang natitirahan. Ang buong akala niya ay doon na sila titira ni Cedrick hanggang sa sila ay magkaroon ng anak at mga apo. Sandali mang panahon ang iginugol niya sa bahay na iyon ay masakit pa rin sa kaniya na ipagbili iyon. Ngunit wala na siyang magagawa. Kailangan niyang magsakripisyo. Atleast, wala na siyang utang na poproblemahin ngayon. Hindi na sasakit ang ulo niya sa kakaisip kung paano mababayaran ang utang na iniwan sa kaniya ng mga magulang niya. “Tara na, Angela…” Inakbayan siya ni Cedrick at iginiya siya papasok sa kotse. Ilang sandali pa ay bumabyahe na sila papunta sa bahay nina Cedrick. Kinakabahan pa rin siya kahit alam niyang mababait naman ang pamilya nito. “Doon nga pala tayo sa kwarto ko. Malawak naman iyon saka pinapalitan ko na rin iyong kama ng mas malaki. Alam mo na… para makapagpagulong-gulong tayo!” biro ni Cedrick. Hindi niya magawang matawa sa biro ng kaniyang asawa. “Sa totoo lang, nahihiya ako kina mama mo, Cedrick. Dapat kasi ay nakabukod tayo sa kanila. Baka sisihin nila ako dahil ako ang reason kung bakit nawala sa atin ang bahay natin,” malungkot niyang saad habang nakatingin sa labas ng bintana. “Ano ka ba? You have nothing to worry. Payag sila sa pagtira natin sa bahay namin. Saka pabor din ito kay mama dahil gusto nga niya na makasama niya tayo before tayo bumukod. Ako na ang nagsasabi sa iyo na hindi sila galit sa iyo. Naiintindihan nila ang lahat. Wala ka ring dapat ipag-alala dahil nandoon ako, magkasama tayo…”   NAKASUOT ng formal attire si Logan habang hawak ang ribbon na nasa entrance ng bagong branch ng kaniyang gym sa isang business building. Maraming tao ang dumalo sa opening. Lahat ng malalapit niyang kaibigan at pamilya ay naroon. Ang wala lang ay ang kaniyang asawa na si Roxanne. Tulog pa siya nang umalis siya sa bahay. Pinapakilos niya ito pero anito ay susunod na lamang ito. Ngunit tila napasarap ang tulog nito dahil hanggang ngayon ay wala pa rin ito. Sanay na siya sa ugaling iyon ni Roxanne. Kung hindi late ay hindi talaga ito darating sa mga ganoong event. Ayaw niya ng ganoon ngunit wala na nga yata siyang magagawa para baguhin ang kaniyang asawa. Si Roxanne ay isang materialistic na babae. Mahilig ito sa regalo at mamahaling mga bagay. Hindi na nga siya nahihirapan na mag-isip ng regalo dito sa tuwing may mahahalagang event gaya ng birthday at anniversary. Bilhan niya lang ito ng luxury bag or shoes ay masayang-masaya na ito. Ang asawa niya dapat ang gugupit ng ribbon pero dahil wala ito ay ang nag-iisa at mas batang kapatid na babae niya ang gumawa niyon. Nagkislapan ang camera na sinabayan ng palakpakan nang magupit na ang ribbon at opisyal nang mabuksan ang bagong branch ng gym ni Logan. May kaunting salu-salo sa loob para sa mga dumalo sa opening. Napakatikas ni Logan sa suot niyang formal attire. Maganda ang tindig niya at dagdag pa na matangkad siya kaya kahit anong isuot niya ay babagay yata sa kaniya. May mumunting balbas at bigote siya sa mukha. Bahagyang magulo ang buhok niya ngunit mas nakadagdag pa iyon sa kagwapuhan niyang taglay. Habang kinakausap ni Logan ang isang waiter ay nilapitan siya ng mommy niya na si Mara. Sa edad nitong fifty seven ay sopsitikada pa rin itong tingnan. Maganda pa rin ang mommy niya at mas mukhang bata sa edad nito. Nakasuot ito ng kulay pulang gown na kumikinang sa pagtama ng ilaw doon. Wala na ang daddy niya. Matagal na itong wala. Ang kasama ng mommy niya sa bahay nila ay ang nag-iisa niyang kapatid na si Arianna. Pagkatapos ng ribbon cutting ay umalis na ito dahil may pasok pa ito sa school. “So, where’s your wife, Logan? Hindi na naman ba siya makakapunta sa special event na ito?” tanong ng Mommy Mara niya. Hindi lingid sa kaniya na hindi nito gusto si Roxanne para sa kaniya dahil sa ugali ng kaniyang asawa. Masyado daw kasing nakadepende si Roxanne sa kaniya. Kahit pa tinutulungan siya ng kaniyang asawa sa negosyo at hindi pa rin iyon sapat para sa mommy niya. “She’s on her way na, mommy.” Hinalikan niya ito sa pisngi. “How are you?” “I’m okay.” Umismid ito. “Really? Roxanne is on her way? To where? Sa salon? Spa? Shopping mall? Where?” Napailing si Logan. “Papunta na siya dito.” Pagsisinungaling niya. “Special event ito, Logan. She’s supposed to be here in time. Si Arianna na nga ang nag-cut ng ribbon na siya ang dapat na gagawa. Mabuti pa ang kapatid mo kahit may school. Pumunta pa rin dito para suportahan ka. Bakit kasi hindi ka pa makipaghiwalay sa asawa mo? I can hel you with that, son. Madali lang magpa-annul—” “Mommy!” saway niya sa ina. Itinirik nito ang mga mata. “Okay. Fine! Bahala ka kung ayaw mo. I’m just suggesting!” Iwinasiwas nito ang isang kamay. “Anyway, where’s the wine section here?” “Drink moderately, mom…” Paalala ni Logan. Nagkaroon kasi ito ng problema noon sa alak nang mawala ang daddy niya. Palagi itong naglalasing dahil sa sobrang lungkot nito. Mabuti at napa-rehab nila ito at nawala na ang addiction nito sa alak. “I know! Hindi mo na ako dapat pagsabihan,” anito at iniwan na siya nito. Sinundan niya ito ng tingin. Maya maya ay tumingin siya sa entrance. Inaasahan niyang anumang sandali ay papasok na doon ang kaniyang asawa.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD