NASA malalim na pag-iisip si Logan nang may tumawag sa cellphone niya. Isa sa mga tauhan niya. May ilang tao siya na binabayaran para gawin ang mga gusto niya. Mga taong kayang gumamit ng dahas kapag may mga humahadlang sa gusto niyang mangyari o makuha. Siya ang klase ng tao na hindi tumatanggap ng “hindi”. Kay Roxanne lang talaga siya mahina. Ito ang kahinaan niya dahil mahal niya ito. Kahit pa alam niyang malaki ang tampo nito sa kaniya dahil ayaw pa niyang magkaroon sila ng anak.
“Hello, Sir Logan!” Si Markus iyon. Ang pinaka pinagkakatiwalaan niya sa kaniyang mga tao.
“Markus, may balita na ba sa lupang gusto kong bilhin?” May lupa kasi siyang gustong bilhin kaya lang ay may mga bahay na nakatayo. Maganda ang pwesto ng lupang iyon para sa maliit na gym dahil malapit iyon sa dalawang subdivision.
“Meron, sir. Ayaw umalis ng mga nakatira, e. Matagal na raw sila doon. Pero nakausap ko na iyong may-ari. Willing siyang ibenta ang lupa pero nahihirapan din daw siyang paalisin ang mga nakatira doon—”
“Tell that useless man na bawasan niya ang presyo ng lupa niya dahil tayo na ang magpapaalis sa mga nakatira sa lupa niya!” In-end niya ang tawag. Para sa kaniya ay narinig na niya ang dapat niyang marinig.
NASA harapan na si Angela ng bahay nina Cedrick. Kinukuha lang ng asawa niya ang isang maleta na dala nila na nasa compartment ng kotse. Nandoon na ang lahat ng kakaunting gamit nila na hindi nadala noong unang nagpahakot sila ng mga gamit.
May kalakihan ang bahay na nasa harapan niya. Mukhang luma na ngunit masasabi niyang matibay pa iyon. Ang dingding sa unang palapag ay sementado habang ang sa pangalawang palapag ay makakapal na uri ng kahoy. Ang ilang bintana ay capiz kaya nagmumukha iyong lumang bahay. Malawak ang lupang kinatatayuan niyon. Sa harapan ay may mga tanim na bulaklak. Iba’t ibang klase. May malaking puno siyang nakikita sa likuran. Mukhang puno ng mangga. Sa sobrang taas at laki ay makikita iyon mula sa harapan.
Panibagong kabanata na naman ito ng kaniyang buhay. Kabanata na kasama niya na ang buong pamilya ni Cedrick sa iisang bahay. Ipinapangako niya sa sarili na gagawin niya ang lahat para makisama sa bawat miyembro ng asawa niya.
Sa pagpasok nila ni Cedrick sa bahay ay sumulubong ang isang batang babae. Yumakap iyon sa binti nit. “Kuya Cedrick!” Masayang sabi ng bata.
Ang batang iyon ay ang bunsong kapatid ni Cedrick. Apat na taon na ito. Madaldal at bibo.
Masayang binuhat ni Cedrick ang kapatid at niyakap. Nakita niya ang isa pang kapatid ng asawa niya na si Kakay. Kung hindi siya nagkakamali ay sixteen years old na iyon. Nakaupo sa pang-isahang upuan at nanonood ng cartoons sa telebisyon. Tutok ang mata nito sa screen at hindi man lang sila tiningnan.
Naiintindihan niya kung bakit hindi sumalubong sa kanila si Kakay. Espesyal kasi ang kundisyon nito. Ayon kay Cedrick ay hindi masyadong nagdevelop ang pag-iisip nito kaya isip-bata ito. Sixteen years old na ito pero hindi nalalayo kay Lala ang edad ng utak nito. Nang minsan nga siyang nagpunta noon ay bigla na lang umiyak si Kakay na parang bata habang kumakain sila ng dinner. May gamot itong iniinom sa tuwing nagwawala ito at hindi na kayang makontrol.
“Nasaan ang mama at papa?” tanong ni Cedrick kay Lala.
“Luto kusina!” Itinuro ng bata ang daan papunta sa kusina.
Mula sa kusina ay lumabas ang isang may edad na babae ngunit makikitaan pa rin ng kagandahan. “Cedrick!” Masaya nitong tawag sa asawa niya at nakangiti itong lumapit sa kanila.
Niyakap ng babae si Cedrick. Iyon ay si Lorena—ang ina ng kaniyang asawa.
“Mama! Kumusta kayo?”
“Ayos naman. Tamang-tama ang dating ninyo ni Angela. Luto na ang mga pagkain para sa tanghalian. Ilagay niyo na sa itaas ang mga gamit ninyo at bumaba na kayo. Kakain na tayo,” ani Lorena. Niyakap din siya nito. “Welcome home, Angela. Ituring mong bahay mo ang bahay namin, ha. Huwag kang mahihiya.”
“T-thank you po, mama…” Nahihiya niyang sagot.
Nang bumalik si Lorena sa kusina ay umakyat na sila ni Cedrick sa second floor. Pumasok sila sa unang pinto na naroon. Iyon ang magiging kwarto nilang mag-asawa habang dito sila nakatira. Malaki nga iyon at may malaking kama. Nakaayos na ang ibang gamit nila.
Nagpalit lang sila ng pambahay at bumaba na rin sila sa kusina. Nakahain sa isang mahabang lamesa ang masasarap na pagkain. May dalawang platter ng seafood na merong crabs, sugpo, baked mussels at kung anu-ano pa. May sinigang na baboy din, isang bandehadong kanin at chopseuy. Nakaupo na rin sa dining area ang buong pamilya ni Cedrick. Naroon din ang papa nito na si Sergio.
Malaki ang ngiti nito sa kanila. Mukhang tama ang sinabi ni Cedrick na masaya ang mga ito na dito muna sila titira ng pansamantala. Nasa kabisera si Sergio at sa kaliwang upuan ay ang asawa nito. Katabi naman nito ang anak na si Kakay. Si Lala ay katabi ni Kakay. Isang matandang babae ang nasa likurang ni Lala. Iyon ang kasambahay na si Manang Gemma. Mukha itong masungit. May kapayatan at maliit na babae.
“Umupo na kayo. Kakain na tayo,” ani Lorena.
Inalalayan siya ni Cedrick na makaupo. Uupo sana siya sa bakanteng upuan sa kanan ni Sergio pero pinigilan siya ni Cedrick.
“Dito ka na lang…” ani Cedrick. Sa upuang katapat ni Kakay siya nito pinaupo. “Nakalaan kasi kay Joshua ang upuan na iyan.”
Si Joshua ang kapatid na pangalawa ni Cedrick na sa pagkakaalam niya ay matagal nang wala sa bahay ng mga ito. Naglayas kasi ito sa dahilang hindi niya alam. Hindi kasi sinabi ni Cedrick sa kaniya ang dahilan kung bakit iyon naglayas.
Ngumiti si Angela sa kaniyang asawa at umupo na rin ito sa tabi niya. Maya maya pa ay sinimulan na nila ang pagkain ng tanghalian. Naiilang pa rin si Angela kapag kinakausap siya ng mama at papa ni Cedrick. Normal lang naman siguro iyon. Kapag nakapag-adjust na siya ay mawawala na rin marahil ang ilang nanararamdaman niya.
Habang kumakain sila ay pasimpleng sinusulyapan ni Angela ang katapat na si Kakay. Nangngunguyngoy kasi ito na parang may sinasabi na hindi nila maintindihan. Nakasimangot ito at panay ang bagsak ng kutsara at tinidor sa pinggan.
“Kakay, kumain ka ng ayos. Nakakahiya kay Ate Angela mo,” mahinahong saway ni Lorena sa anak na katabi.
“Ayos lang po, mama,” ani Angela sabay ngiti.
“Ayoko ng ulam, sabi. Ayoko lahat niyan, e!” Mahinang sabi ni Kakay. Akala mo ay isa itong batang mahirap na pakainin.
Magandang dalagita sana si Kakay. Maputi ito at ang buhok ay hanggang balikat. May diretso itong bangs na umaabot sa itaas ng kilay. Iyon nga lang ay hindi ito marunong mag-ayos at pambata ang damit. Palaging nakasuot ng bestida.
“Kakay, kumain ka. Hindi pwedeng hindi. Hindi ka makakainom ng gamot mo—”
“Ayoko sabi ng pagkain na iyan, e!” Malakas na wika ni Kakay. Inihampas pa nito ang dalawang kamay sa ibabaw ng lamesa.
Nagulat si Angela sa pagsigaw na iyon ni Kakay. At hindi niya inaasahan ang pagdampot nito ng pinggan nito sabay balibag sa sahig. Nabasag iyon at kumalat ang pagkain na naroon. Sigaw nang sigaw ito na ayaw nito ng pagkain.
Kinakabahan si Angela sa nasaksihan. Bagaman at nakita na niya si Kakay na nagwala ng ganoon ay hindi siya handa na gagawin ulit nito iyon ngayon. Mabuti at katabi niya si Cedrick. Kinuha nito ang isa niyang kamay at pinisil iyon. Kahit paano ay nabawasan ang kabang nakalukob sa kaniya ng sandaling iyon.
“Manang, alisin mo muna si Kakay! Dalhin mo siya sa kwarto niya! Doon mo na siya pakainin!” utos ni Sergio. Tumalima agad si Manang Gemma. Inalalayan nito si Kakay paalis ng kusina. Panay ang iyak nito na parang may umaway dito.
“Pasensiya ka na, Angela, ha. Minsan talaga ay hindi namin alam kung kailan siya magiging ganoon,” turan sa kaniya ni Lorena.
“Naiintindihan ko po, mama. Wala po kayong dapat ihingi ng pasensiya. Alam ko naman po ang kondisyon ni Kakay,” aniya.
Nginitian siya ni Lorena. “O, kumain na tayo. Lumalamig na ang mga pagkain. Ako na ang bahala dito sa aking bunso na si Lala!” Tumayo ito saglit at inilipat si Lala sa upuang inalisan ni Kakay.
Maya maya ay bumalik si Manang Gemma upang linisin ang kalat na ginawa ni Kakay. Ipinagpatuloy na ni Angela ang pagkain. Pilit niyang inalis sa isip ang hindi inaasang nangyari kani-kanina lang. Ipinakita niya sa mga naroon na kumportable siya kahit sa loob niya ay may kaba pa rin siya sa ginawang pagwawala ni Kakay.