NATAMEME si Lorena sa mga pinagsasabi ni Mrs. Del Mundo. Walang pagsidlan ang kasiyahan ni Angela habang pinapanood ang tila eksena sa teleserye na nangyayari sa kaniyang harapan. Namumutla na si Lorena habang si Sergio ay hindi malaman ang gagawin ngunit bakas sa mukha nito ang inis sa asawa. Hindi niya kilala si Mrs. Del Mundo pero sa reaksiyon nina Sergio at Lorena ay masasabi niyang importante sa dalawa ang naturang ginang. Wala siyang ideya na si Mrs. Del Mundo talaga ang kinita ni Sergio. Talagang inatake ng labis na selos at pagdududa si Lorena ng araw na iyon kaya nangyari ang nakakatawa at nakakahiyang pangyayari. “Ano, Lorena? Hindi ka makasagot?” Pilit na humihinahon si Mrs. Del Mundo. “Pinahiya mo ako—kayong dalawa!” Dinuro-duro nito ang mag-asawa. “Mrs. Del Mundo—”

