Chapter 1
GIA’S POV
“Walang hiya kang bata ka! Lumayas ka sa pamamahay ko, wala kang ginawang tama! Malas ka, malas!” galit na sigaw ni Tita sa akin habang itinutulak ako palabas ng gate. Hindi ko mapigilang mapaluha dahil iniisip ko kung saan ako titira.
Saan ako kukuha ng makakain? Saan ako makikituloy? Paano na ako ngayon? Paano na 'yong mga taong iniwan at 'di pinili? Paano na 'yong mga mahihirap at walang makain? Paano na ang mundo?!
“Iyan ang bagay sa'yo! Masyado ka kasing bida-bida.” mataray na saad ni Hazel, ang pinsan ko na anak ni Tita Angie at Tito Harold na apo nina Lolo't Lola. Naiinis ako sa kaniya dahil mas mukha siyang bida-bida, sa sobrang inis ko at kahit naluluha na ako, tinarayan ko pa rin siya. Tse! Fake naman yung braces mo!
Ngunit napatulala na lamang ako sa kawalan nang tuluyan na akong pagsarahan ng gate ni Tita.
Hindi ko na alam kung saan ako pupunta, kung sa south ba o sa north?
“Hindi ko naman sinasadyang maiwan na bukas yung gasul eh. Kasalanan ko bang hindi sila kumuha ng maid?! Kasalanan ko bang nasunog yung kusina nila?!” naiinis na sigaw ko habang naglalakad. Di ko naman kasi talaga kasalanan'yon, ako na nga ang nagluluto, ako pa ang naglalaba, ako nalang lahat-lahat!
Wala na akong mapuntahan ngayon, wala akong kakilala. Wala akong kaibigan na pwedeng lapitan. Wala pa akong dala na kahit ano. Nakakainis!
Naglakad ako kahit saan patungo habang naghahanap ng pwede kong masilungan dahil medyo mainit na, napadaan din ako sa palengke pero siksikan lang ang mga tao kaya nagpatuloy nalang ako sa paglalakad hanggang sa marating ko ang park na palaging kong pinapasyalan tuwing may problema ako, at dahil araw-araw naman akong may problema, syempre araw-araw din akong nandito. Kung maaari nga lang na dito ako tumira, ginawa ko na, kaso bawal eh at saka walang kama.
“Ate, ate, gusto mo?” napalingon ako sa batang kumalabit sa akin, nakita ko ang burger na inilalahad niya sa kamay niya. Sakto at nagugutom ako! Kukunin ko na sana ito nang bigla niyang itago sa kaniyang likuran. “Gusto mo pala, edi bumili ka! Ble hahaha!” nang-aasar na saad nito saka tumakbo palayo.
“Kung hindi ka lang bata, kanina pa kita sinabunutan! Nakakabwisit!” nanggigigil na saad ko bago humiga sa damuhan at pinagmasdan ang kalangitan. “Mama? Dada? Nandiyan po ba kayo? Tulungan niyo naman ako oh! Hindi ko na alam kung anong gagawin ko ngayon.” naluluhang saad ko habang nakatingin sa kawalan. “Miss na miss ko na po kayo.”
Wala na akong pakealam kung mapagkamalan akong baliw ng mga taong dumaraan sa harapan ko dahil kinakausap ko ang hangin, ang mahalaga ay nailalabas ko ang sama ng loob ko.
“Paano na ako ngayon? Bigyan ni'yo naman ako ng sign kung anong mangyayari sa akin oh!” nakatulalang saad kong muli sa kalangitan.
Maya-maya ay gulat akong napalingon nang biglang magsigawan at magsitakbuhan ang mga tao. “Anong meron? May sunog ba? May mga terorista?!” nagtatakang tanong ko sa isang babae habang hindi ko namamalayan na nahihila ko na pala ang off shoulder dress niya.
“Ano ba?! Bitawan mo nga ako!” mataray na saad ng babae kaya binawi ko na ang kamay ko saka naglakad papunta sa nagkakagulong mga tao.
“Arte, wala namang kinakapitan,” bulong ko sa sarili saka nakisiksik sa maraming tao. “Ano kayang pinagkakaguluhan nila? May artista ba?” lilinga-lingang saad ko habang pilit na inaalam kung ano ang pinagkakaguluhan nila.
“Kung sino man po ang nakakakilala sa babaeng 'yan, at makakapagturo kung nasaan siya ngayon, may free kiss na matatanggap mula sa amin!” narinig kong sigaw ng isang lalaking nakasuot ng damit na itim.
“Free kiss? Tch. Wala naman palang kwenta.” saad ko sa sarili at akmang aalis na sana nang biglang hawakan ng isang babae ang mukha ko at tila sinasaliksik niya ito.
“Ikaw ba 'yong babaeng nasa picture?” tanong nito na ikinagulat ko. Anong picture? “Ikaw nga! Mga papa nandito siya! Nandito ang hinahanap ninyo!” natatarantang sigaw nito saka ako hinila papunta sa harapan.
Anong nangyayari? Bakit sinasabi niyang ako ang babaeng nasa picture?
“Ikaw nga,” nakangising saad ng lalaking nakaitim at may suot na eyeglasses. “Sir, nahanap na namin siya... yes sir.” saad nito sa parang telepono bago pinatay iyon. Bumilis ang t***k ng dibdib ko nang bigla itong lumingon at pinagmasdan ako.
“N-nahanap? Sino kayo? Anong kailangan niyo sa akin?!” kinakabahang tanong ko saka iniharang ang dalawa kong kamay sa dibdib ko habang isa-isang pinagmamasdan ang mga lalaking kasamahan niya. Well, may mga hitsura.
Lahat sila ay malalaki ang katawan, nakasuot ng black suit na parang may pupuntahang burol, ang iba naman ay nakasuot ng black shades, at kung ako ang tatanungin, ang guwapo nilang lahat beh!
“We want to offer you something, miss Yno. Alam namin ang nangyari sa buhay mo at gusto ka naming tulungan,” nakangiting saad ng lalaking sumigaw kanina. “By the way, I'm Daniel.” pagpapakilala nito.
“Talaga? Daniel? Daniel the Great?” sarkastikong tanong ko habang hindi pinapansin kung anong offer ba ang tinutukoy niya.
“Daniel Mori. So, will you please come with us?” sagot ni Daniel at pilit na lamang ngumiti.
“Kapag ba sumama ako sa inyo, gaganda ba ang buhay ko o paglalamayan ako kinabukasan?” tanong ko muli at napansin kong nagsitawanan ang iba pang kasamahan niya na kapwa nakasuot ng kulay itim. “Nagtatanong ako ng maayos.” seryusong saad ko saka isa-isa silang tinitigan.
Nang makita ang mga suot nila'y bigla kong naisip na bansagan silang ‘Men in black’.
“Napag-utusan lang po kami, at base sa hitsura mo hindi ka naman paglalamayan. Mabubuti kaming tao at gusto ka lang naming tulungan.” seryusong saad ni Daniel kaya napatango-tango ako.
Kung sa bagay, kung ganito ba naman kapopogi ang susundo at tutulong sa akin, syempre sasama ako. Isa pa, wala naman na akong matutuluyan. “Sige, papayag na ako,” nakangising saad ko dahilan para biglang lumiwanag ang mga pagmukha nila. “Sa isang kondisyon...”
“Anong kondisyon?” Sabay-sabay na tanong nila, ang iba ay nabulol pa. Akala mo naman may mga lahi.
Naalala ko ang sinabi ni Daniel kanina, na kung sino man daw ang makakapagturo kung nasaan ako, may free kiss sa kanila. Napangisi ako dahil sa naisip.
“Pst! Sis!” tawag ko sa babae kanina at agad naman itong lumapit sa akin habang hihimatayin na sa kilig. “Halikan mo na sila isa-isa.” saad ko habang pinipigilang hindi matawa.
Nagsimula namang magsigawan ang mga tao habang nanonood sa amin, makikita mo sa mga mata nila na gusto nilang lahat makatanggap ng free kiss.
“WHAT?!” sabay-sabay na sigaw ng men in black habang tawang-tawa naman ako sa reaksyon nila.
“Watawat. Sabi mo kanina may free kiss ang makakapagturo kung nasaan ako, 'di ba?” saad ko kay Daniel dahilan para sunod-sunod itong mapalunok.
“Eh si Daniel lang naman ang may sabi non eh, kaya siya lang ang magbibigay ng free kiss sa kaniya.” sambit ng isang lalaki na kabilang sa Men in black, napalingon ako sa kaniya at dahan-dahan siyang pinagmasdan mula ulo hanggang paa. Grabe! Napakapula ng mga labi niya, medyo singkit ang mata, at antangos ng ilong na bumagay sa kulay brown niyang buhok.
“Ang swerte ko naman ngayong araw, nakatagpo ko ang mga nilalang na ito.” wala sa sariling bulong ko.
“Oh ano na, Daniel? Hindi mo pa ba siya bibigyan ng free kiss mo at para makaalis na tayo?” kunwari ay naiiritang saad ko, kaya't naglakad na palapit sa babae si Daniel saka niya ito pilit na hinalikan sa pisngi.
“Papa, pwede ba sa lips?” kinikilig na saad ng babae kaya ako na mismo ang lumapit sa kaniya saka hinila palayo si Daniel.
“Ay beh, tama na! Huwag kang abusado, masama 'yan! Minor ka pa naman din.” saad ko sa babae kaya napanguso ito at naglakad palayo. Nilingon ko naman isa-isa sina Daniel na masama ang tingin sa akin. “Hindi pa ba tayo aalis?”
“Boys, let's go.” saad ni Daniel kaya nagsimula nang sumakay sa kotse ang mga lalaking kasamahan niya. In fairness! Bongga yung mga sasakyan!
“Hindi ka pa ba sasakay?” supladong tanong ni Daniel habang naghihintay na pumasok ako sa loob ng kotse na pinagmamaneho niya. Hindi ko kasi namalayan na binuksan niya na pala ang pintuan sa front seat. Napaka-gentleman naman pala nito.
“Salamat,” sambit ko nang makapasok sa loob. “Saan ba ninyo ako dadalhin? At bakit ni'yo 'ko gustong tulungan?” Maya-maya ay tanong ko habang seryuso siyang nagmamaneho, nakasunod sa amin ang ibang kotse na sinasakyan ng Men in black kuno.
“Malalaman mo rin mamaya.” nakangising sagot niya.
Nang mga sandaling iyon ay parang pinagsisisihan ko na sumama ako sa kanila. Feeling ko may gagawin silang masama sa akin. Ayoko pa mamatay! Char, baka OA na ako, eh gusto nga nila akong tulungan.
Inaliw ko nalang ang sarili ko sa mga punong-kahoy na nadadaanan namin, pinagmamasdan ko ang daan na tinatahak namin at hindi ko mapigilang mamangha sa mga nakikita ko. Sari-saring kulay ng mga punong-kahoy at mga bulaklak na tila bago ko lang nakita. Saang planeta kaya ito galing? Bakit hindi ko ito nakita sa amin?
Hindi ko namalayan na nasa harap na kami ng isang napakataas na gate na kulay itim at tila sinauna pa ang style at design, dahan-dahan itong bumukas at bumungad sa akin ang napakalawak na tanawin. “Wow!”
Hindi ko mapigilang mamangha sa mga nakikita ko. Nasa unahan ang isang napakalaking mansion na tila isang palasyo, ang malawak na damuhan naman ay napapalibutan din ng mga halaman at puno ng inyam.
“D-daniel, may hari at reyna bang naghihintay sa akin sa loob?” wala sa sariling tanong ko kay Daniel nang ihinto niya ang sasakyan sa harap ng mansion. Paano ba naman kasi, mala palasyo sa laki at ganda ang mansion na ito.
“Wala naman, pero may beast sa loob na kanina pa galit na pinaghihintay. Hahaha!” hindi ko alam kung pabirong saad niya ba iyon o seryuso siya. Lumabas siya ng kotse saka ako pinagbuksan at inalalayang bumaba.
Hanggang ngayon ay namamangha pa rin ako habang pinagmamasdan ang buong paligid, pero ang nakaagaw ng aking pansin ay ang mga kasambahay na abot-langit ang ngiti habang nag-aabang sa amin. Napansin ko rin ang Men in black na nakahilera na sa entrance ng mansion.
“Maligayang pagdating, ma'am.” nakangiting bati ng mga kasambahay kaya bigla akong napahawak sa dibdib ko kahit mukhang wala ako non. Ma'am? Really? Ano ba role ko dito?
“Hi! Hello! What's up? Hehe.” nahihiyang bati ko pabalik sa kanila habang kumakaway, narinig kong napahagikgik si Daniel sa likuran ko kaya agad ko itong nilingon. “May problema ba tayo?” nakataas-kilay kong tanong at napailing lamang siya.
“Pasok na po kayo sa loob, Ms. Yno.” magalang na saad niya saka ako muling inalalayan papasok ng mansion.
Napanganga ako sa nakita nang makapasok kami sa loob, napakalawak at punong-puno ito ng mga mamahaling kagamitan. Hindi bale mamaya, ibubulsa ko nalang ang flower vase nila na tila totoong ginto.
“Nasaan si Sir?” tanong ni Daniel sa isang lalaking medyo may edad na at agad naman nitong itinuro ang direksyon sa isang silid.
Sino kaya ang sir na timutukoy nila? Presidente ba ng bansa? Teacher? Artista? Hari? Prinsipe? Hays 'di bale na! Ang mahalaga ay nakapasok ako sa ganitong lugar hihi.
Sumunod ako kay Daniel patungo sa silid na itinuro ng lalaki, kumatok siya ng tatlong beses at pasimple ko munang inayos ang buhok ko, baka kasi makita ni Sir yung kuto ko eh, charot wala ako non.
“Come in.” narinig kong saad ng isang malamig na boses ng lalaki mula sa loob kaya pumasok na si Daniel saka bigla akong hinila. Pinagmasdan ko ang silid at masasabi kong isa itong opisina, punong-puno kasi ng mga libro, ng mga files, at iba pang kagamitan na alam kong makikita sa office.
“She's here, sir.” saad ni Daniel kaya napalingon ako sa kaniya at makikita ko talaga sa kaniyang mukha ang pagiging seryuso, ibang-iba sa hitsura niya kanina na tumatawa.
“K, I want to talk to her.” sagot naman ng lalaki kaya napalingon naman ako sa kaniya, ngunit hindi ko makita ang mukha niya dahil nakatalikod ang swivel chair na kinauupuan niya at tanging likuran niya lang ang nakikita ko.
So, siya pala si Sir. Akala ko kung sino na.
“Hi, sir! What's our lesson for today po?” nahihiyang bati ko rito at narinig ko naman si Daniel na nagpipigil ng tawa habang lumalabas ng opisina. Bakit? May nakakatuwa ba sa sinabi ko? Malay mo kasi may ituturo siya sa akin kasi kakausapin niya raw ako, oh 'di ba?
Nabalot ng katahimikan ang buong silid at nanatili pa rin akong nakatayo habang hinihintay kong lumingon itong si Sir. Nangangalay na nga ako eh, ang tagal lumingon, masyadong pa-mysterious!
Sa wakas! Unti-unti itong lumingon nang umikot ang swivel chair niya, “Nice to see you again, Ms. Yno.” nakangising saad nito na ikinanganga ko. Yung mukha niya, parang... Ewan.
‘S-sana pala hindi ka nalang lumingon...’
To be continued...