NAKATANAW si Jeff Mitchel sa bintana ng sasakyan. Bulubundukin na ang kanyang nakikita kaya alam niyang malapit na sila sa Mahiwaga, ang lugar kung saan ipinanganak at lumaki ang kanyang ama. Doon nakatira ang kanyang Lola Ancia.
Kasama niya sa pag-uwi ang dalawang pinsan niya na sina Eduardo at Cecilio. Silang tatlo ay malapit sa isa’t isa. Best friends niya ang dalawa. Silang tatlo ang mga panganay na anak ng mga ama nila. Mas bata siya nang isang taon sa dalawa ngunit maaga siyang nagsimula sa pag-aaral kaya magkaklase sila mula pa kindergarten.
He sighed. He loved going to Mahiwaga. He loved spending summer vacations in Villa Cattleya. The place was very beautiful. It was private and very peaceful. Ito ang unang pagkakataon na hindi siya excited sa pag-uwi sa probinsiya ng kanyang ama.
For one, it was not a vacation. First week na ng July. Mananatili silang magpipinsan doon hanggang sa Marso. They were transferring schools. Mula sa isang prestihiyosong private school sa Maynila, lilipat sila sa isang pipitsuging eskuwelahan sa probinsiya. Ang gusto nga ng mga ama nila ay sa public school sila mag-aral ngunit tumutol ang mga ina nila. They were in their last year of high school. Baka raw makaapekto iyon sa college application nila. Hindi lamang doon natatapos ang kanyang kalbaryo. Ang sabi ng kanyang ama, tutulong siya rito sa bukid.
Nasa Mahiwaga rin ang kanyang ama. Katulong ito ng kanilang lola sa pagpapatakbo ng hacienda. Ang totoo, mas kilala ang bayan ng Mahiwaga bilang Hacienda Cattleya. Halos pag-aari ng pamilya nila ang buong bayan ng Mahiwaga.
Pauwi-uwi lamang ang kanyang ama sa Maynila para makasama sila. Career woman ang kanyang ina at hindi ito sanay na nasa bahay lamang. Hindi rin ito sanay sa buhay sa probinsiya. Kapag wala namang masyadong ginagawa sa hacienda ay kasama nila ang kanyang ama sa lungsod. He was a great father. Masama lang itong magalit.
Pinoprotektahan sila ng pamilya nila kaya sila naroon. Iniisip din marahil ng mga ito na hindi sila susundan ng gulo roon.
“Masama pa rin ang loob mo, Mitch?” tanong sa kanya ni Eduardo nang marinig nito ang muling pagbuntong-hininga niya.
Umiling siya. “Hindi na. Wala naman na akong magagawa. Makabubuti rin marahil ang pag-stay natin dito sa probinsiya. Baka sakaling tumino ka na.”
Aminado siyang nainis siya kay Eduardo. Ito ang sinisisi niya sa lahat ng kaguluhang naganap. Naiinis siya na nadamay siya sa parusa. Ngunit tapos na ang lahat. Damay naman talaga siya dahil nakigulo rin siya.
“I’m so sorry, guys. Sinabi ko naman na kahit na ako lang ang parusahan at huwag na kayong idamay. Ayaw naman nilang makinig sa `kin.”
Napaaway silang tatlo noong nakaraang linggo. Unang linggo pa lamang ng klase ay may girlfriend na kaagad si Eduardo. Isang miyembro ng cheering squad sa college department ng eskuwelahan nila. Hindi na nagtaka si Jeff Mitchel kung bakit nakabingwit ng college chick ang kanyang pinsan. Napakahilig ni Eduardo sa babae. Hindi nakakatulong na madalas ay mga babae pa mismo ang lumalapit sa pinsan.
Hindi nila alam na two-timer ang college chick. At miyembro ng isang gang ang isa pang boyfriend ng babae. Isang gabi ay inabangan sila ng lalaki kasama ang dalawang alipores nito. Sa palagay ni Jeff Mitchel ay talagang naghahanap ng away ang mga lalaki dahil hindi naman nakikinig sa rason ang mga ito.
Ang akala yata ng mga ito ay wala silang laban na magpipinsan por que mga high school student lamang sila. Hindi alam ng mga ito na pinaturuan sila ng mga ama nila ng karate mula pagkabata. Nanalo sila sa away na iyon.
Inasahan na nilang babalikan sila ng mga lalaki. Bumalik nga ang mga ito na mas maraming kasama. Nabugbog sana sila nang husto kung hindi dumating ang mga driver at bodyguard ni Uncle Intoy, ang ama ni Eduardo. Doon nalaman ng mga ama nila ang pangyayari. Pinagalitan sila nang matindi ng mga ama nila. Hindi raw sila pinalaking mga basag-ulero.
Sinikap nilang umiwas sa gulo, ngunit sadyang hindi sila tinigilan ng mga kaaway nila. Ilang beses na nilaslas ang gulong ng mga sasakyan nilang tatlo. Ang mga gamit nila sa lockers ay nawala. May mga pagkakataon na inabangan sila ng ilang mga lalaki at dinala sa bahagi ng eskuwelahan na hindi gaanong pinupuntahan ng mga estudyante. Siyempre ay hindi sila nanahimik lamang. Lumalaban sila hanggang sa kaya nila. Napadalas ang pag-uwi nila na may mga pasa sa mukha at katawan.
Hanggang sa mapuno na ang mga ama nila. They decided to just send them to Mahiwaga. Tahimik daw doon at walang gulo. Hindi na nila kailangang makipag-away sa kung sino-sino.
He felt like he had disappointed his parents. Hindi sila palaaway mula pa noong mga bata sila. He had always been the quiet boy. He was at the top of his class. Kaya lang, hindi naman niya maaaring pabayaan na lamang sina Eduardo at Cecilio. Hindi maaaring hindi siya makisali sa gulo dahil kawawa naman ang kanyang mga pinsan.
“Magiging maayos naman tayo sa hacienda, guys,” ani Cecilio na unti-unting nagmulat ng mga mata. Ang akala ni Jeff Mitchel ay natutulog pa ang pinsan. “Pustahan, Mitch, isang linggo lang may bagong chick na naman itong si Eduardo. Eh, wala namang matinong babaeng nahahanap ang lalaking ito kaya malamang na gulo na naman ito.”
Binatukan ni Eduardo si Cecilio. “Hindi na, mga `tol. Magbabagong-buhay na ako. Palagi na lang akong sinasaktan ng mga babaeng `yan. Ibinibigay ko naman ang lahat ng makakapagpaligaya sa kanila pero sinasaktan pa rin nila ako.” Nagyuko ito ng ulo na animo tunay na nasasaktan.
Binatukan naman niya si Eduardo. “Gago!” Alam ni Jeff Micthel na magkakatotoo ang sinabi ni Cecilio. Hindi magtatagal, makakahanap na naman ng bagong girlfriend si Eduardo. His cousin just loved women. Sana lang ay walang bitbit na gulo ang babaeng mapipili nito.
Sa kanilang tatlo, si Jeff Mitchel lamang ang hindi pa nagkakaroon ng girlfriend. Ayaw kasi niyang tumulad sa dalawa na nanligaw ng babae para lang masabing may nililigawan. Ni hindi nga totoong mahal ng dalawa ang mga naging girlfriend. Ang nais niya ay maging espesyal ang lahat para sa kanya—para sa espesyal na babaeng kanyang iibigin. Nais niya na may nararamdaman talaga siyang pag-ibig para sa isang babae bago niya ligawan.
“That’s so gay, Mitch!” kantiyaw sa kanya ni Cecilio dati. He didn’t care.
“Magiging masaya tayo rito, mga `tol,” ani Eduardo. “Maganda ang tanawin, sariwa ang hangin, at higit sa lahat ay makakasama natin si Lola Ancia.”
Tumango si Jeff Mitchel kahit na hindi siya gaanong kumbinsido. Mahal niya ang Hacienda Cattleya, ngunit hindi siya sanay sa lugar na iyon. Dalawang buwan ang pinakamatagal na inilagi niya roon. Mananatili silang tatlo roon nang mahigit siyam na buwan. Sa kanilang tatlo, alam niyang siya lamang ang nag-aalala sa pananatili roon. Eduardo loved it there. He could live there forever. Nasabi na sa kanila dati ng pinsan na gusto nitong magtrabaho sa hacienda. Mahilig namang sumunod sa agos si Cecilio. Mahilig din itong magliwaliw. Madali itong maka-adapt sa kapaligiran. Kaya nitong mabuhay kahit na saan.
Siya ay nasanay sa lungsod. Kahit ang kanyang mga pangarap ay nakasentro sa lungsod.
Pagdating nila sa Villa Cattleya ay nakaabang na sa kanila si Lola Ancia. Isang masayang ngiti ang nakapaskil sa mga labi ng matanda. Nag-unahan silang bumaba ng sasakyan upang mayakap ito at mahagkan. Mahal na mahal nila ang matanda.
Gumaan ang pakiramdam ni Jeff Mitchel habang yakap siya ng lola. Masaya siya na makita itong muli. Masasanay rin siya marahil sa paninirahan doon. Magiging masaya siyang kasama ang mga pinsan at lola. At isa pa, naroon ang kanyang ama. They could bond if he was not that busy. Mas mapapalapit sila sa isa’t isa. Wala siyang magiging kahati sa atensiyon ng ama.