“HI.” Nanigas si Hannah nang marinig niya ang pamilyar na tinig na iyon mula sa kanyang likuran. Napagtanto niyang matagal din siyang nangulila sa tinig na iyon. Matagal niyang inasam na muli itong makita at makausap noon. Nasa malaking hardin siya ng villa. Natutuwa talaga siya sa mga bulaklak na naroon. Mukhang mahilig sa bulaklak ang lola nina Jeff Mitchel. Karamihan sa mga bulaklak ay mga orkidyas. Nakita rin niya ang malaking greenhouse sa isang panig ng hardin ngunit nakahiyaan niyang pumasok. Baka pribado ang lugar na iyon. Nilingon niya si Jeff Mitchel at nginitian. “Hi,” ganting-bati niya sa masiglang tinig. She was happy they were talking again. Nakaramdam man ng pagkailang, naisip niyang normal lamang iyon. Hindi naging maganda ang huling pagkakataon na nagkausap sila noon.

