Pagkatapos makipag-usap ni Mauro sa phone ay bumalik ito sa loob ng morgue. Tumayo si Kassie at lumabas siya sa tinataguang kwarto. Humilig siya sa double swing door ng morgue at sumilip sa glass window ng pinto. Nakita niya ang ginagawa nila sa loob.
"Hay nakakangawit," sabi ng lalaking nakahiga sa stretcher at tumayo. Nagpapanggap lang pala na patay iyon.
"Mang Johnny, bilisan n'yo na. Baka bumalik si Dr. Pierro. Swerte lang tayo na hindi tayo nakilala n'on kanina," paalala ni Mauro sa lalaking naka-disguise ng nurse uniform.
"Hanapin n'yo ang bangkay na ito." Nag-abot si Mauro ng picture kina Mang Johnny at sa isa pa nilang kasamahan. Assistant si Mauro sa mortuary kaya may kopya siya ng mga larawan ng mga patay.
Kumilos na si Mang Johnny. Isa-isa nitong binuksan at hinila ang drawers ng freezer. Hinahanap nito ang bangkay na nasa larawan. "Oy Bruce tignan mo 'yong mga nasa trolley," utos pa nito. Isa ring sepulturero si Bruce at tagapaglinis ng mga puntod sa Heaven's Peace Memorial Garden.
Sumunod naman si Bruce at isa-isang binuksan ang mga puting kumot na tumatakip sa mga bangkay.
Natuwa si Mang Johnny nang makita na rin nito sa wakas ang hinahanap. "Ito ba 'yon?" Nakangiting tinuro nito ang katawan ng babae.
Lumapit si Mauro at hinawakan ang toe tag sa paa ng bangkay. "Oo. Siya nga si Bernadette. Si Kassie ang gumawa ng autopsy ng babaeng ito. Probinsyano ang mga magulang at walang mga pera. Hindi pa sila nakakabayad sa bill ng ospital. Limang araw nang hindi kinukuha ng pamilya ang katawan niya."
"Maganda siya," komento ni Bruce. Mukhang may gustong gawin na hindi kaaya-aya sa katawan ng babae.
"Huwag mong gagalawin. Magagalit ang boss natin," giit ni Mauro. Magnanakaw siya pero may dignidad pa rin siya bilang tao.
"Oo na. Oo na... nagbibiro lang e," awat ni Bruce.
"Ito na ang huli ko. Pagkatapos nito, magkalimutan na tayo." Bumaling si Mauro kay Mang Johnny.
"Okay sige," sang-ayon naman ni Mang Johnny. "Tara na. Ilabas na natin 'to."
"Teka lang magpapalit ako ng damit," sabi ni Bruce na kinuha sa ilalim ng stretcher ang nurse uniform at PPE. Magbibihis siya ng disguise para walang manghinala sa kanila.
Hindi napapansin ng tatlo ang mga mata na nakamasid sa kanila sa labas ng morgue. Nakita ni Kassie na inilipat nila ang katawan ni Bernadette sa stretcher at tinakpan nila ito ng puting kumot.
Napaisip siya. Anong gagawin niya? Tatawag ba siya ng security guard? Hindi pwede. Baka maalarma ang mga ito at makatakas pa. Paano niya mapipigilan ang mga ito? Kailangan niyang bumuo ng plano, kung hindi ay makakawala pa ang mga magnanakaw.
Ano ang mga gamit na hinanda niya? May dala siyang pepper spray, taser, ball gag, at isang handcuff. Hiniram niya ang mga ito mula sa kaniyang ama o sabihin nating kinuha niya iyon nang walang paalam. Sa gitna ng pag-iisip niya ay muling tumunog ang phone ni Mauro sa bulsa.
"Hay, siya na naman?" Buntong-hininga nito at dumiretso sa pinto.
Kinabahan si Kassie nang makitang lalabas ulit ito. Mabilis siyang nagtago muli sa kabilang kwarto. Sumilip siya sa labas at nakita si Mauro sa pasilyo. May kausap na naman sa phone ang lalaki.
"Anong sinasabi mo? Ano? P-Paano nangyari 'yon?" Iyon ang mga bulaslas ni Mauro.
Habang abala sa pagkausap si Mauro sa phone, nakaisip siya ng magandang plano. Inihanda niya ang mga gamit at kinuha niya ang pepper spray sa bulsa.
"Ang mahal ng bili ko rito," sa isip niya habang nakatingin sa spray.
Naghintay siya ng tyempo. Nakatalikod si Mauro sa pinto ng kwarto. Pagkakataon na niya. Binuksan niya ang pinto at sinunggaban ang lalaki.
"Ha?!" Nanlaki ang mata nito pero hindi nakasigaw dahil maagap na natakpan ni Kassie ang bibig. Nahulog tuloy ni Mauro ang phone sa sahig at hindi na nakasagot sa kausap.
Kinaladkad niya ang lalaki papasok sa kwarto. Nagpumiglas ito pero walang laban dahil mas matanda at mas matangkad si Kassie. Pagmulat nito ng mata ay bumulaga sa paningin nito ang pepper spray. "Ah!" napasigaw ito sa hapdi.
Kinabahan si Kassie. Mukhang narinig ng dalawang magnanakaw ang ingay nila. Pero kailangan niyang maagapan ang pagpupumiglas ng lalaki. Mabilis na kinuha niya ang handcuff na nakasabit sa holster. Tinulak niya ito sa sahig at napasubsob ang mukha nito roon. Nagpupumiglas man ito pero nagawa niyang maposasan ang kamay ng lalaki sa likod.
"Ano—" Hindi na natapos nito ang itatanong dahil pinasukan ni Kassie ng ball gag ang bibig nito.
Umupo si Kassie sa likod ni Mauro para hindi ito makatayo. Kinuha niya ang robber shoes nito at tinaggal ang sintas. Ang sintas ang ginamit niyang pantali sa dalawa nitong paa, para hindi ito makalakad.
"Hmm! Mmmh!" Halata sa mga huni ni Mauro ang inis. Nakapikit pa rin ito at panay ang pag-ungol dahil sa sakit na dulot ng pepper spray.
Kinuha ni Kassie ang taser sa likurang bulsa.
May dalawa pang magnanakaw na nasa morgue. Kailangan niyang makaisip ng plano kung paano matatalo ang dalawang 'yon.
"Paano ba 'to? Bahala na!"
Agad siyang lumabas sa kwarto. Sinigurado niyang naka-lock iyon para hindi makatakas si Mauro. Pagkalabas na pagkalabas niya ay sinalubong siya ni Bruce.
"Anong gina—" Hindi na nito nadugtungan ang sinasabi dahil agad niyang ginamit ang taser sa lalaki.
"Ah!" Napasigaw ito sa sakit at natumba agad dahil sa kuryente.
Lumabas si Mang Johnny nang marinig ang sigaw. Mabilis na hinugot ni Kassie ang handgun na nakasukbit sa holster niya. Pero nagulat siya nang makitang may baril din si Mang Johnny. Nagkatutukan sila.
"Baba mo iyan miss," banta ni Mang Johnny.
"Ikaw ang magbaba!" Masama ang tingin na sumagot siya. Patigasan na lang sila ngayon.
Tatayo naman ulit si Bruce pero muling pinindot ni Kassie sa kaliwang kamay ang taser. Natumba na naman ito at namilipit sa sakit.
Nagkatitigan nang masama sina Kassie at Mang Johnny. Parehong ayaw magpatalo. Parehong matatapang at may pinaglalaban.
"Baba mo na 'yan."
Nagulat si Kassie nang may magsalita sa likod niya. Kilala niya ang boses na iyon. Lumingon siya at nakita si Dr. Pierro. Lumapit ang doktor sa kanila at may kasama itong dalawang security guard. Nakatutok ang mga baril nila kay Mang Johnny.
"Barilin mo siya, babarilin ka namin. Kahit subukan mong lumaban, matatalo ka pa rin," malamig na sabi ni Dr. Pierro kay Mang Johnny. "Akala n'yo hindi ko napansin na hindi kayo taga-rito? Huwag n'yong maliitin ang observation skills ko. Nahalata ko kayo kanina sa hallway," paliwanag nito at kumindat pa kay Kassie.
Natuwa ang dalaga at napangiti.
Nalito naman si Mang Johnny at hindi na alam kung sino ang tututukan sa kanila.
"Kassie, bigyan mo nga ng sample." Nainis si Pierro dahil sa tigas ng ulo ng magnanakaw.
Tumango si Kassie at nagpaputok sa gawi ni Mang Johnny. Dahil security guard din ang ama, naturuan siya kung paano humawak ng baril. Kung minsan nga ay nagbo-bonding sila sa private range sa isang Hotel sa Isabela Province.
Pero sinadya niya na hindi patamaan si Mang Johnny. Tinakot lang niya ang lalaki. Nagulat naman ang kalaban. Nanlaki ang mata nito at naniwalang kaya nga siyang patayin ni Kassie.
"Bitawan mo ang baril!"
Parang tuta na sumunod sa utos si Mang Johnny at inilapag ang sandata sa sahig.
"Taas ang kamay!"
Unti-unting umangat ang nanginginig na mga kamay nito.
"Luhod at dapa!" matalim na utos niya. Humanga naman ang dalawang guard sa tapang niya.
Hindi na nanlaban pa si Mang Johnny kaya lumapit ang mga guard sa mga suspek at pinosasan. Tumawag din sila ng pulis.
Nakahinga nang maluwag si Kassie at ibinaba na ang baril. At last, nahuli na rin ang mga magnanakaw pero hindi pa tapos. Hindi ba nabibigyan ng hustisya si Frederick. May mga tanong pa na kailangang sagutin.
Naalala niya si Mauro na kinulong niya sa kwarto. Pupuntahan na sana niya ang lalaki pero may natamaan ang paa niya sa sahig. Yumuko siya at nakitang may phone pala siyang nasipa.
Dinampot niya iyon at pinasadahan ng daliri ang nabasag at madumng screen nito. Gusto niyang malaman kung sino ang kausap ni Mauro kanina, pero hindi niya mabuksan ang phone dahil kailangan ng password.
"Sino? Sino ang kausap ni Mauro?"
Biglang tumunog ang notification at may nag-text kay Mauro. Hindi niya mabuksan ang text message dahil kailangan nga ng password, pero nakita naman niya kung saan galing na numero ang mensahe.
Nanatiling nakatitig si Kassie sa cellphone number. Pamilyar sa kaniya ang numero. Tinakasan ng kulay ang mukha niya, bumilis ang t***k ng puso at naramdaman ang panlalamig ng mga kamay.
Lumapit si Dr. Pierro sa kaniya."Anong problema Kassie?" nag-alala nitong tanong dahil napansin ang pamumutla ng mukha niya.
"Hindi..." naibulong niya. May suspetsa na siya kung sino pa ang kasabwat ni Mauro pero kailangan niyang makasigurado.
"Dok, tulungan mo ako." Lumingon siya kay Dr. Pierro.
***
Pumasok sina Kassie at Dr. Pierro sa kwarto. Kinaladkad nila si Mauro palabas. Akmang lalapit ang isa sa mga security guard pero pinigilan ito ni Dr. Pierro. Sinabi ng doktor na sila na ang bahala kay Mauro.
Hindi pa rin makapagsalita si Mauro dahil may ball gag pa rin ito sa bibig. Masakit at namumula rin ang mga mata nito dahil sa pepper spray. Pinilit nitong makatakas pero pinagtulungan ito nina Kassie at Dr. Pierro. Ipinasok nila ito sa loob ng post-mortem room at inihiga sa stainless trolley bed.
"Mm mmmm mm?" tanong ni Mauro na ang ibig sabihin ay 'anong ginagawa n'yo?'
Kumuha si Dr. Pierro ng lubid sa kabinet at tinali nito si Mauro sa higaan para hindi makaalis. Lalong nahintakutan si Mauro nang maramdaman na naglagay sila ng wooden block sa likod niya. Tinanggal ni Kassie ang ball gag sa bibig niya para bigyan siya ng permisong makapagsalita. "Ah! A-Anong g-gagawin n'yo?!" Hinihingal na tanong niya sa dalawa.
"Magsalita ka na Mauro kundi..." sabi ni Kassie na poker-face at may hawak na panghiwa. Iyon ang ginagamit nila para mahiwa ang anit sa ulo ng patay.
Halata sa mukha ni Mauro ang takot. Namumutla at pinagpapawisan ito nang butil-butil. "Pero seryoso? I-o-autopsy ba nila ako nang buhay?"
"P-Patawad, Kassie! Patawarin mo na ako! G-Ginawa ko lang naman 'yon d-dahil sa gipit ako e," pagmamakaawa niya.
"Pwedeng magpatawad pero kailangan pa ring magparusa. Magsabi ka ng totoo. Sino ang kausap mo sa phone? Sino ang nag-utos sa inyo na magnakaw ng bangkay rito?" seryoso at malamig na tanong ni Kassie na binabale-wala ang pagmamakaawa ng kausap.
Tila hindi alam ni Mauro ang sasabihin. Malakas ang t***k ng puso at kinikilabutan siya sa gagawin nila Kassie. "H-Hindi ko kilala," pagkakaila na umiling.
Sumama ang tingin ni Kassie at mukhang lalong nairita. "Hindi ka magsasalita? Bubuksan ko ang bungo mo!"
"H-Hindi pwede iyan Kassie... makukulong ka... k-kapag pinatay mo ako."
"Wala akong pakialam!" may diing sagot, "Simula nang patayin n'yo si Frederick, wala nang saysay ang buhay ko!" Makikita sa mga mata ni Kassie na hindi nga siya nagbibiro. Matalim ang tingin niya sa lalaki. "Hindi ka naniniwala Mauro?" tanong pa niya. Napataas ang isa niyang kilay.
Hindi naman makasagot si Mauro.
"Pakihawak ang ulo niya, dok. " Lumingon si Kassie kay Dr. Pierro. Ginawa naman ng doktor ang utos ng babae. Hinawakan nito ang ulo ni Mauro para hindi iyon gumalaw. Lumapit siya at nagsimula na sa operation. Walang pakundangan na tinurok niya ang kutsilyo sa itaas ng kanan na tainga ni Mauro.
"Ah!" Napasigaw si Mauro sa sakit at takot. Totoo nga na gagawin ni Kassie ang nasa isip. Nagpumiglas ang lalaki at napaiyak. "H-huwag! Ah! M-maawa ka, Kassie! Oo na! Oo na sasabihin ko na!" pagmamaktol pa na tumutulo ang luha at sipon. Naihi pa nga sa pantalon dahil sa sobrang pagkagimbal.
Natigilan si Kasse at gigil na sumigaw."Sino Mauro?! Sabihin mo!"
May sinabi si Mauro na pangalan pero hindi nila masyadong naintindihan dahil nagsasalita habang umiiyak ang lalaki.
"Hindi ko marinig, Mauro! Sino?! Sino ang nag-uutos sa inyo?!"
Naiinis at nagmamaktol na sumigaw si Mauro. Isinigaw nito ang pangalan ng lalaking kausap sa phone kanina.
Nanlaki ang mata ni Kassie nang marinig niya ang pangalan. Nabitawan niya ang panghiwa at lumagapak ito sa sahig ng kwarto. Bahagya siyang napaurong habang namimilog ang mga mata. Ilang saglit na huminto ang t***k ng puso niya dahil sa sobrang pagkagulat. Tama ang suspetsa niya. Kaya pamilyar siya sa cellphone number na iyon dahil number iyon ng fiance' niya.
"Si Brandon! Kassie, si Brandon ang nag-uutos sa 'min."