"Mauro?" balik-tanong ni Kassie. Nagtataka ang mga mata niya na bumaling kay Dr. Pierro.
"Kahina-hinala ang mga kilos niya nitong mga nakaraang araw," sagot ng lalaki.
"Ha? Hindi ko naman napapansin," pagtatanggol niya. Kahit kailan ay hindi niya pinanghinalaan si Mauro.
"Hindi mo napapansin dahil occupied ang utak mo sa mga problema. Pero kung pagtutuunan mo ng pansin, makikita mo rin ang nakikita ko," makahulugang sagot nito.
Hindi tuloy alam ni Kassie kung maniniwala siya sa doktor. Paano kung pinaglalaruan lang pala siya nito? Paano kung sinabi lang nito na may kinalaman si Mauro, para kay Mauro siya mag-focus at makalimutan niya ang panghihinala niya sa doktor?
Ngunit nararamdaman niya na mabuting tao ang kaharap. Isa pa, nakikita ni Kassie ang ama niya kay Dr. Pierro. Hindi ito gagawa ng kabalastugan dahil mahal na mahal nito ang anak. Gumawa ito ng mali, siguradong madadamay si Liesel.
Napabuntong-hininga siya. Simula nang maganap ang robbery, wala nang mapagkakatiwalaan sa loob ng St. Luis Mortuary. Sina Rica, Keith at Aaron ay may tinatago. Ngayon naman ay si Mauro.
Lumalalim na ang gabi nagpaalam na si Kassie kay Dr. Pierro. Nagpasalamat siya at humingi muli ng paumanhin dahil sa ginawa niya, pero sinabi lang ng doktor na kalimutan nila ang mga nangyari.
Nang makauwi si Kassie ay naiwan si Dr. Pierro sa sala. Malalim ang iniisip niya at nakatingin sa malayo habang humihithit ng sigarilyo.
"Bakit hindi mo sinabi sa kaniya ang totoo?"
Napalingon siya sa anak na nasa likod. "Nakikinig ka sa usapan namin?"
"Yes dad, I'm sorry." Lumapit si Liesel sa ama. "Pero nagsinungaling ka. Dapat sinabi mo sa kaniya ang totoo."
"Hindi ako nagsinungaling. Hindi ko lang sinabi ang lahat ng alam ko." Mapang-asar na ngumisi siya. "Pero huwag kang mag-alala. She will know the truth eventually," makahulugang dugtong ni Dr. Pierro at nagbuga ng usok sa hangin.
***
Kinabukasan, maagang pumasok si Kassie. Nag-commute siya dahil iniwan niya kagabi ang kotse niya sa parking lot ng Mortuary.
Umaga pa lamang ay masakit na ang katawan niya, pati na rin ng ulo niya. Ang dami niya kasing pinagdaanan kahapon. Nabalitaan niya na wala na si Frederick, may nag-stalk sa kanila ni Brandon na dalawang lalaki, kakaiba sila Rica sa burol, pumasok siya sa bahay ni Dr. Pierro. Ang daming nangyari!
Pero hindi pa natatapos ang lahat. Wala pa ring kasagutan sa mga tanong niya. Dumaan si Kassie sa funeral home para makita niya si Frederick sa chapel. Pero wala na roon ang katawan at kabaong ni Frederick. Sa halip nakita niya sa loob sina Rica, Keith at Aaron. Nag-uusap na naman ang tatlo.
"Rica?" nagtatakang tanong niya.
Nagulat si Rica na napalingon sa kaniya. "Kassie? Anong ginagawa mo rito?"
"Dadalaw sana ako kay Fred."
"Ah wala na si Fred. Nailibing na," sabi lamang ni Keith.
Kumunot ang noo ni Kassie. "Agad?"
"Yes." Tumango si Aaron. "Kaninang madaling araw."
"Nasaan ang parents niya at mga relatives?" tanong muli ni Kassie.
"Umuwi na," sagot lamang ni Keith.
"What?" Napanganga siya. "It doesn't make any sense."
"Ah eh Kassie, k-kinuha nila ang bangkay rito at dinala sa probinsya. Doon nila ililibing si Fred," paliwanag ni Rica.
"Bakit hindi n'yo man lang ako kinontak? Hindi n'yo man lang sinabi sa 'kin," nakasimangot na sabi niya. Nakaramdam siya ng hindi maipaliwanag na kalungkutan. Kung ganoon, hindi na pala niya makikita si Frederick.
Nakita ni Rica ang lungkot sa mukha niya. Lumapit ito at umakbay sa kaniya. "Kassie don't be sad. In the afterlife you can meet him again."
"Parang sinasabi mong mamatay na rin siya," biro ni Aaron.
Siniko ni Keith si Aaron, masamang tiningnan at sinenyasan na manahimik. Nakuyom naman nito ang bibig at nahiyang napakamot sa ulo.
"Huwag mo nang pansinin ang dalawang 'yan. Halika na, pumunta na tayo sa trabaho," sabi ni Rica na hinila na siya palabas ng funeral home.
***
Sa oras ng trabaho, tahimik lamang siya. Nakapokus siya sa ginagawang autopsy sa bangkay ng isang lalaki. Paminsan-minsan ay sumusulyap siya sa dalawang assistant na sina Rica at Mauro. Kung dati ay buo ang tiwala niya sa dalawa, ngayon ay hindi na. Bawat galaw ng mga ito ay sinisiyasat niya.
Natapos nilang kunin ang internal organs, at kasalukuyang tinitimbang na nila ito at sinusuri. Nakakailang. Ang awkward nilang tatlo sa isat-isa. Nag-uusap lang sila kapag kailangan nilang mag-usap.
"Nakita na ang katawan ni Jobert. Pinatay rin siya." Sa gitna ng katahimikan ay biglang nagsalita si Rica.
Nakuha ang interest ni Kassie sa narinig. Magsasalita sana siya pero naunahan siya ni Mauro. "Saan?"
"Sa masukal na lugar. Malayo rito. Hindi ako sigurado pero nabalitaan ko na sa iba raw sila magpapa-autopsy." Nakatingin na sagot ni Rica kay Mauro.
"Sino naman ang nakakita?" Nagbaba ito ng tingin.
"Mga pulis."
"Oh..."
"Patuloy ang imbestigasyon. Ewan ko lang baka maisipan ulit ng mga pulis na pumunta rito," patuloy na paliwanag ni Rica na hindi inaalis ang mga mata kay Mauro.
"Kawawa naman sina Jobert at Frederick. Sino naman kaya ang papatay sa kanilang dalawa?"
"Hindi ko rin alam." Kibit-balikat ni Rica.
Nagtataka ang mga mata ni Kassie na nakatingin lamang sa dalawa niyang assistant. Maniniwala ba siya sa sinabi ni Rica na patay na si Jobert?
"Paano ako maniniwala kay Rica kung may tinatago rin siya?" sa isip niya.
Napabuntong-hininga siya na lumakad sa pinto. Kailangan niyang makaalis sa nakakailang at intense na atmosphere sa loob ng postmortem room. Hindi na siya makahinga sa loob.
"Magbabanyo lang ako," paalam niya na hindi tumitingin sa dalawa.
Pagkalabas niya ay itinapon niya agad ang disposable gloves, mask at cap sa basurahan. Dumiretso siya sa exit door ng mortuary. Tumambay siya sa labas.
Nahihirapan siyang alamin ang katotohanan. Hindi na niya alam kung mabibigyan pa niya ng hustisya ang pagkamatay ni Frederick. Ngayong patay na rin 'daw' si Jobert, wala na siyang lead sa katotohanan. Wala nang makakatulong sa kaniya. Kailangan niyang kumilos nang mag-isa.
Ang mga pulis naman ay parang walang pakialam at hindi pa rin sila kinokontak hanggang ngayon. Noong nakaraan ay sinubukan niyang tumawag sa pulis pero walang sumasagot sa linya.
Pero hindi siya susuko. Hindi siya dapat sumuko. "Aalamin ko ang totoo. Bibigyan ko ng hustisya ang pagkamatay ni Fred. Aalamin ko kung sino sa kanila ang tunay na magnanakaw," determinadong sabi niya sa sarili at tumingin sa kabuuan ng St. Luis Mortuary.
***
Kaya buong tapang na bumuo ng plano si Kassie. Kinuha niya lahat ng magagamit niya sa morgue. Bumili siya ng mga self defense items sa malapit na mall. Hiniram din niya ang baril ni Dr. Pierro. Mabuti na lamang at 'friends' na sila ng doktor. Buo ang tiwalang ibinigay iyon ni Dr. Pierro sa kaniya.
Ngayong gabi hindi siya uuwi sa bahay. Mag-oovertime siya sa trabaho at sasama kay Dr. Pierro sa shift. Gagawin niya ito araw-araw hanggang bumalik ang magnanakaw sa morgue. Kung hindi magawa ng security guards ang trabaho nila, siya ang gagawa.
Malaki ang paniniwala niyang pinatay sina Jobert at Frederick ng notorious robber. Bumalik ang mga magnanakaw sa mortuary upang kumuha muli ng bangkay, pero nakita sila nila Frederick, dahilan para patayin nila ang dalawa.
Hindi siya titigil hangga't hindi nakikita ng dalawang mata niya ang mga magnanakaw. Huhulihin niya sa akto ang mga ito! Buo na ang loob niya.
Alas-dyis ng gabi, kasama niya si Dr. Pierro sa postmortem room at kunwaring tinutulungan ang doktor sa trabaho. Nakasuot silang dalawa ng facemask. Sila na lamang ang nasa mortuary. Si Dr. Lambert ay may emergency call kaya wala ito roon.
"Kassie, alam ko kung anong pinaplano mo pero huwag kang magpapahalata," bulong ni Dr. Pierro na narinig niya.
Napalingon siya sa doktor. Nakapokus ang mga mata nito sa microscope at may sinusuring blood sample.
Tumango siya. "Salamat dok. Lalabas po ako. Lilibot lang nang saglit."
"Mag-iingat ka."
Nag-thumbs up lang siya bilang sagot bago lumabas ng post-mortem room.
Tinaggal niya ang mask sa mukha at naglakad sa hallway. Walang tao roon at napakatahimik. Lumibot siya sa buong lobby. Sumilip sa mga kwarto habang naglalakad sa pasilyo. Sinipat niya pati ang loob ng mga cubicles ng banyo. Sinigurado rin niya na walang tao sa labas.
Clear. Wala namang kahina-hinala ngayong gabi.
Pabalik na siya sa loob ng building pero natigilan siya sa paglalakad.
Dalawang lalaki na nakasuot ng PPE, ang nakita niyang pumasok sa loob ng mortuary. May hila-hila sila na stretcher at nakahiga roon ang katawan ng isa pang lalaki. Hindi niya alam kung bakit pero nagtago siya sa likod ng bench.
Normal lang naman na may dumarating na bagong bangkay sa mortuary. Kahit anong oras ay may namamatay na tao, pero hindi siya pamilyar sa mga nurses na humihila sa stretcher.
"Wait? Baka naman bago silang mga nurse?"
Hindi sigurado si Kassie pero naisipan niyang sundan ang mga ito. Mas mabuti nang makasigurado. Libre naman ang manghinala.
Nagtago siya sa kung saan-saan habang sumusunod. Nakita niya na nakasalubong pa ng dalawang nurse si Dr. Pierro sa hallway pero hindi sila pinansin ng doktor.
Nakapasok ang dalawang nurse sa morgue. Isinara agad nila ang pinto.
Nagtago naman siya sa loob ng kwarto na katabi ng morgue. Hinintay niya na lumabas muli ang dalawang nurse. Kung lumabas ang mga ito na walang laman ang stretcher, hindi sila ang magnanakaw. Pero kung lumabas sila na may dalang katawan ng patay na babae, may hindi na tama.
Natahimik siya nang may lumabas na isang nurse mula sa morgue. Napaupo siya at nagsumiksik sa taguan.
"Forget about Jobert. Rica said he's already dead!"
Nabigla si Kassie sa narinig. Napasapo siya sa bibig at pinigilan ang singhap. Paano nalaman ng nurse iyon? "Teka nga lang. May hindi tama rito." Sumilip siya sa maliit na glass window ng pinto. Nakita niya ang nurse na may kausap sa phone. Binabalita nito sa kausap ang tungkol kay Jobert.
"Pamilyar ako sa boses niya," sabi niya sa isip.
Hiniling niya na tanggalin ng lalaki ang disposable mask nito sa mukha para makasigurado siya sa hinala. At mukhang tinupad naman ng Diyos ang hiling niya. Naiinitan ang lalaki kaya pansamantalang tinanggal nito ang mask.
Nanlaki ang mga mata ni Kassie nang makita ang mukha nito. Tama si Dr. Pierro sa hinala. "Mauro? Pero bakit?"