American style ang bahay ni Dr. Pierro at may garahe sa gilid. Dalawa ang palapag ng bahay at may terrace sa itaas. Maganda at sosyalin. Pumunta si Kassie sa gilid ng bahay at sumilip sa bintana.
Nakita niya si Dr. Pierro sa loob ng sala at may kausap na babae. Maganda ang babae, mahaba ang itim at tuwid na buhok. Napapansin niya ang pagkahawig ng mukha nito kay Dr. Pierro. Nakasalamin nga lang ang babae at hindi katangkaran.
"Nandito na, Dad! Tignan mo at siguradong matutuwa ka," nakangiting sabi ng babae. Anak pala iyon ni Dr. Pierro.
"Nasaan Liesel?" tipid na sabi lamang ni Pierro na tinatanggal ang necktie sa polo. Pagod itong umupo sa sofa.
"Wait lang, Dad. Kukunin ko sa kwarto para makita mo," sabi ni Liesel na halata sa boses ang kasabikan. Saglit itong umalis at dumiretso sa loob ng isang kwartong katabi lamang ng sala.
Sinundan ni Kassie ng tingin ang babae. Hinintay niya kung ano ang ipapakita ni Liesel kay Dr. Pierro. Namilog ang mga mata niya at napasapo sa bibig nang makita ang inilabas nito sa kwarto. Hila-hila ng dalaga ang isang trolley bed at nakahiga roon ang katawan ng isang babae. Hubo't hubad ang bangkay at kapansin-pansin ang mga tahi nito sa katawan.
"Oh my God!" Napasinghap siya kasabay ng pagkagulantang ng isipan. "Kung ganoon, si Dr. Pierro nga ang magnanakaw ng mga bangkay sa morgue? Siya ang notorious robber ng mga patay?"
"Ito na Dad, oh. Anong masasabi mo?" Nakangiting lapit ni Liesel sa ama.
Tumayo si Dr. Pierro at nakangising lumapit sa trolley bed. Hinawakan nito ang bangkay at sinuri ang katawan niyon. "Wow. Ang galing talaga ng anak ko. Manang-mana sa ama niya pagdating sa katalinuhan at talento," sabi nito na inakbayan ang anak.
"Oh Dad, bolero talaga." Ngumiti naman ang babae. "Lahat ng ito ay para sa 'yo."
Ganoon na lang ang gulat ni Kassie sa mga narinig. Kasabwat ni Dr. Pierro ang anak nitong babae sa pagnanakaw ng mga patay? At ano ba ang balak nila sa mga bangkay na nakukuha nila?
Baka naman — they experimented it?
Hindi siya sigurado sa motibo ng mga ito pero kailangan niyang malaman kung ano pa ang tinatago ni Dr. Pierro.
"Sige na. Gabi na, anak matulog ka na. Kailangan mo ng lakas bukas," paalala pa ng lalaki sa anak niya.
"Sige, Dad. Pahinga ka na rin, ha?" malambing na tugon naman nito at hinila muli ang bangkay pabalik sa loob ng kwarto. Humalik ito sa pisngi ng ama bago umakyat ng hagdan patungo sa second floor.
Nakangiti lamang si Dr. Pierro habang sinusundan ng tingin anak. Masungit at malamig ang pakitungo niya sa ibang tao pero pagdating sa anak niya, nag-iiba ang ugali niya. Simula nang mamatay ang kanyang asawa, si Liesel lamang ang naging tanging kaligayahan niya sa buhay.
Nakita naman ni Kassie mula sa labas ng bintana na pumunta si Dr. Pierro sa kusina. Hindi niya masyadong makita ang ginagawa ng doktor doon. Pero mukhang nagtitimpla ito ng kape.
"Napaka-humble rin pala ni Dr. Pierro. Walang katulong sa bahay at ito ang nag-aasikaso sa sarili. Nyek. Ano bang naiisip ko?" parang nababaliw at naguguluhan pang pagkausap ni Kassie sa sarili. "Angala namang magpasok siya ng maids dito e, nagtatambak sila ng mga ninakaw na bangkay. Grabe ang mag-ama na 'to. Mga kampon ng demonyo!"
"Kukunan ko ng video ang loob ng kwarto na 'yon. Ang video ang magiging ebidensya na si Dr. Pierro nga ang magnanakaw." Kinuha niya ang phone sa bulsa at inilagay niya sa total silence mode.
Napatingin siya sa terrace na nasa ikalawang palapag. Kailangan niyang mag-isip kung paano makakaakyat doon. Humawak siya sa baba at taimtim na nag-isip ng plano. Nakita niya ang malaking puno na nasa likod ng bahay.
"Alam ko na!"
***
Luminga-linga si Kassie sa paligid. Tinignan niya kung may makakakita ba sa kaniya, pero mabuti na lang at mukhang tulog at walang pakialam ang mga kapit-bahay ni Dr. Pierro.
Umakyat na siya sa puno nang masiguradong walang makakakita at mahigpit siyang kumapit sa mga sanga dahil baka mahulog pa siya. Maingat na umurong siya sa dulo ng malaking sanga. Narinig niya na tumunog ang kahoy. Kinakabahan na napa-sign of the cross pa si Kassie.
Malapit na siya sa ledge ng bahay. Kaunting tiis na lang. Tumalon siya patungo sa ledge at kumapit sa pader. Dahil sa ginawang pagtalon, tumunog ang mga sanga ng puno. Ninerbiyos na napalingon siya roon. Mukhang wala namang nagising o nakarinig sa langitngit ng kahoy. Nakahinga siya nang maluwag.
"Mukha akong magnanakaw, sh*t!" nasabi ni Kassie sa sarili.
Tumingin siya sa ibaba at nalula sa kaniyang nakita. Lalo siyang napakapit sa pader. Lumunok muna siya at nanalangin ulit sa Diyos. Inipon niya ang lahat ng lakas ng loob bago nagsimulang maglakad nang patagilid.
Unti-unti lang ang mga hakbang niya hanggang makarating siya sa terrace ng second floor. Umupo siya at nagtago sa gilid ng rocking chair. Sumilip siya kung may tao sa loob. Nakita niya si Liesel na dumaan sa pasilyo, papunta sa kwarto nito. Nang makapasok ang dalaga ay naglakad na si Kassie papasok sa loob.
Ang galing niya. Nakapasok siya sa bahay nang walang nakakapansin. Mabuti na lang at madilim din sa pasilyo at sa bungad ng hagdan. Walang ingay na bumaba siya sa tatlong baiting ng hagdan, tumigil sa kalagitnaan at sumilip muna sa ibaba. Nandoon pa rin si Dr. Pierro sa kusina. Nanonood ng laban ng basketball sa phone habang umiinom ng kape.
Maingat na naglakad siya patungo sa kahina-hinalang kwarto. Paminsan-minsan ay sumusulyap siya kay Dr. Pierro. Mahirap na. Baka mahuli siya. Tumayo bigla ang doktor. Kinabahan si Kassie na nagtago sa likod ng malaking aquarium ng koi fish. Akala niya ay pupunta si Dr. Pierro sa sala pero dumiretso ang lalaki papasok ng banyo. Nakahinga siya nang maluwag at napasapo sa dibdib.
Pagkakataon na niya na pumasok sa kwarto. Determinado ang mga mata na tumayo siya at dire-diretsong pumunta roon. Isinara muna niya ang pinto bago binuksan ang ilaw. Nanlaki ang mga mata niya at napasinghap sa nakita.
May putol na ulo ng tao sa gilid at mga putol na parte ng katawan na nakalagay sa bote. May isang trolley bed at nakahiga roon ang katawan ng babae pero may dalawa pang bangkay na nakahiga sa sahig. May mga nakakatakot na maskara na naka-display sa pader at mga art materials na nasa study table. May iba pang kakaibang kagamitan na nasa loob ng cabinet at tatlong mannequin na nakasuot ng mga pang-horror cosplay o costume.
"What kind of place is this?" Nangilabot na sabi ni Kassie at inilabas ang phone sa bulsa. Nanginginig ang mga kamay niya pero pinakalma niya ang sarili. Binuksan niya ang camera at kinunan ng video ang buong kwarto.
Pero natigilan siya sa ginagawa nang biglang bumukas ang pinto. Napalingon siya roon at nanlaki ang mga mata niya nang makita si Dr. Pierro na may hawak na baril. Nahuli siya ni Dr. Pierro!
Nagulat din si Dr. Pierro nang makita siya pero agad na naka-recover sa shock ang doktor at tinutukan siya ng baril sa ulo. Natatakot na napaurong siya.
"Anong ginagawa mo rito, Kassie?! Nagnanakaw ka?!" galit na sabi nito.
Inipon ni Kassie ang lahat ng tapang niya. Bakit siya matatakot? Si Dr. Pierro dapat ang matakot sa kanya dahil may katibayan na siya. "Ako pa ang magnanakaw? Ikaw ang magnanakaw!"
Kumunot ang noo ni Dr. Pierro.
"Akala mo ba matatago mo lahat ng krimeng ginawa mo?!" Dinuro niya ang mukha nito.
"Ha?" Napanganga lang ang doktor. Tanging pagtataka lamang ang nasa mukha nito.
"Huli na kita, Pierro! Wala ka nang ligtas ngayon! Nakikita mo ba 'to?!" Ipinakita niya ang video sa phone.
"Ha?" Nagsalubong ang kilay ng doktor at naningkit ang mga mata. Hindi pa rin niya maintindihan ang sinasabi ni Kassie.
"Nasa akin na ang katibayan! Ise-send ko ito sa f*******: at sa lahat ng dako ng social media! Kaya kahit patayin mo ako ngayon, malalaman pa rin nila ang totoo!" Pagbabanta niya na akma nang isha-share ang video sa social media.
"Kassie, anong pinagsasabi mo?" nagtatakang tanong ni Dr. Pierro na ibinaba ang baril. "Nasisiraan ka na ba ng tuktok?"
Natigilan siya at napatingin sa doktor. "Ikaw ang baliw, Pierro! Paano mo mapapaliwanag ang tungkol dito!" Tinuro niya ang bangkay na nasa trolley bed.
Napanganga si Dr. Pierro at tumingin sa tinuro niya. Saglit itong natahimik hanggang maintindihan na rin nito kung ano ang ibig sabihin ni Kassie. Bigla itong humalakhak. "Hahaha!" Tawang tawa si Dr. Pierro at napasapo pa sa noo.
Nagtaka si Kassie sa reaksyon ng doktor. Anong nakakatawa? Anong nangyayari dito? Nababaliw na yata ang lalaking ito.
Halos hindi na makahinga si Dr. Pierro sa kakatawa. "Oh my God, ngayon lang ulit ako tumawa nang ganito." Nakahawak sa tiyan nitong baling sa kaniya. Namumula ang mga pisngi nito at nangingilid ang luha.
Naiinis na si Kassie. Namula ang buong mukha niya dahil sa galit. "Anong nakakatawa?!"
"Kassie, hindi iyan totoong bangkay."
Nawala bigla ang inis sa mukha niya at agad nag-iba ang ekspresyon ng mukha. Natameme siya sa narinig at napanganga nang bahagya ang bibig.
"Props maker ang anak ko sa mga indie horror films. Ginawa niya 'yan para sa pelikula na isho-shooting ngayong linggo."
"W-What?" Hindi pa rin siya makapaniwala.
"It's a dummy, you dummy!" pang-aasar ni Dr. Pierro.
Napahawak sa ulo si Kassie. "s**t. Totoo ba iyon?" Lumapit siya sa katawan na nakahiga sa trolley bed at hinawakan niya iyon. Pinisil niya ang mga braso. Hindi nga tao. Gawa nga sa polyfoam ang dummy.
"Oh no..." Ganoon na lang ang pag-aalala ng mga mata niya nang tumingin muli sa doktor. "Oh my God..." Napasapo siya sa bibig.
"Totoo nga... hindi siya tunay na bangkay..."
"You're an idiot," sabi lamang ni Dr. Pierro na mukhang naaaliw sa reaksyon niya.
"Dad? Dad? Anong ingay 'yon? May bisita ka ba?"
Sabay silang napalingon sa labas. Mukhang nagising si Liesel sa ingay at bumaba ng hagdan para makita kung sino ang kausap ng ama.
"Ah wala anak! May bumisita lang sa 'kin ngayong gabi! Matulog ka na!" sigaw ni Dr. Pierro na narinig naman ni Liesel. "Gusto mong magkape?" biglang tanong nito kay Kassie na mukhang nalilito pa rin sa mga nagaganap.
***
Nahihiya siya sa ginawa niya. Hindi niya alam kung sino ang demonyong sumapi sa kaniya para gawin ito. Pero masisisi ba niya ang sarili? Sa totoo lang ay marami pa rin siyang katanungan.
Naglapag si Dr. Pierro ng kape, spaghetti at ice cream cake sa dining table. Napatingin siya sa pagkain at naramdaman ang pagkulo ng tiyan. Nakalimutan niya na buong araw siyang hindi kumain. Hindi na siya nakatiis sa gutom at sumubo na siya ng cake.
Naaaliw naman na nakatingin lamang si Dr. Pierro sa kaniya. Umiinom ng kape ang lalaki habang nakaupo sa dining chair. Napansin niya ang tingin ng doktor. Nahihiya siya na nagyuko ng ulo. "Sorry talaga dok... akala ko kasi..."
"Kalimutan mo na. Akala ko talaga magnanakaw ang nakapasok sa bahay. Dapat pala paputol ko na 'yong puno sa likod. Ang dali palang makapasok dito," sabi nito.
Hindi sumagot si Kassie. Kumain na lang siya.
"Pangarap ng anak ko na makapagtayo ng Props Shop. Sinusuportahan ko naman siya sa hilig niya. Ang galing niyang gumawa ng props 'di ba? Realistic," proud na proud na kwento ni Dr. Pierro.
Ngayon lang napagtanto ni Kassie na mapagmahal na ama ang lalaki. "Opo dok. Mukha talagang totoong-totoo."
"Bakit naman ako ang pinanghihinalaan mo na magnanakaw ng mga patay?" diretsong tanong ng doktor.
Natigilan siya sa pagsubo ng spaghetti. Naging mailap ang mga mata niya at nahihiya na nagpaliwanag. "K-Kasi kanina pag-uwi namin ni Brandon. Nakita namin kayo na may kausap na dalawang lalaki. Tapos 'yong dalawang lalaki sinusundan kami pauwi."
"Iyong dalawang lalaki ba?"
"Opo. Gamit po nila ang kotse n'yo. Kaya naisip ko na inutusan mo sila na sundan kami ni Brandon."
Napatawa ang doktor. "Bakit ko naman gagawin 'yon, Kassie?"
"Eh bakit naman po gamit nila ang kotse n'yo?" tanong naman niya.
"Hindi lang ako ang nag-iisang tao sa 'Pinas na may ganoong kotse, Kassie," malumanay na sagot ni Dr. Pierro.
Natahimik siya. Oo nga naman. Dapat i-consider din niya iyon. "Eh sino po ang dalawang lalaki na kausap n'yo kanina?"
Hindi muna nakasagot ang doktor. Nanatiling nakangiti at nakatingin lang ito sa kaniya. Sumandal ito sa upuan at ipinatong ang mga kamay sa tiyan. "Iyong dalawang lalaki ay empleyado rin ng St. Luis Public Hospital. May tinatanong lang sila sa 'kin."
"Empleyado rin po sila?"
"Kassie, nagtratrabaho tayo sa loob ng mortuary ng hospital pero hindi lang tayo ang empleyado roon. Naisip mo ba na maaaring nurse iyon, doctors, assistants o magulang ng mga pasyente?" Naiiling na paliwanag ni Dr. Pierro. "At medical examiner din ako, pwede rin 'yong mga pulis o imbestigador."
Nakadama ng guilt si Kassie. Tama naman ang sinabi ng doktor. Ang t*nga niya. Hindi siya nag-iisip. Wala siyang ginawa kundi manghinala kahit wala namang pruweba.
"At hindi naman kayo nakakasigurado na 'yong dalawang lalaki na kausap ko kanina ay 'yong dalawang lalaki na sumusunod sa inyo, 'di ba?" tanong ni Dr. Pierro.
Napabuntong-hininga siya. "Opo dok."
Natahimik na siya at kumain na lang ng spaghetti. Hindi na niya alam kung ano pa ang itatanong o sasabihin. Sigurado na siya na inosente si Dr. Pierro. Wala itong kinalaman sa mga nakawan na naganap.
"Pero alam mo Kassie, may kakaibang kinikilos si Mauro."
Napalingon muli siya sa doktor. Ano raw?