Hindi na siya lumabas ng kwarto simula makabalik sa bahay galing sa St. Luis Mortuary. Nakahiga siya sa kama. Nakatakip ng unan ang mukha at panay pa rin ang pag-iyak.
"Anak? Hindi ka pa kumakain. Buong araw na ang lumipas." Kumatok ng ama niya sa pinto pero wala siyang ganang sumagot. Pinag-aalala pa niya ang Papa niya.
Kauuwi lang ng ama niya galing sa trabaho at ang tanging nasa isip nito buong maghapon ay si Kassie.
"Basta may pagkain sa mesa. Kapag nagutom ka, bumaba ka roon. Hay..." malungkot na buntong-hininga ng kaniyang ama. Napagpasyahan nito na bigyan ng privacy ang anak at hayaan na magluksa. Bumaba na ito sa hagdan.
Suminghot ng sipon si Kassie. Narinig niya ang paalis na yapak ng ama. Ayaw niyang maging bastos sa magulang pero wala siyang lakas para magsalita o gumawa ng kahit na ano. Kapag naaalala niyang wala na si Frederick, may tumuturok sa puso niya at hindi siya makahinga sa sobrang sakit. Nailalabas na lamang niya sa pag-iyak.
Tumunog ang phone niya sa side table. Wala siyang balak sagutin kung sinuman ang tumatawag."Pero paano kung si Jobert pala ang tumatawag?" bigla niyang naisip. Napabangon siya sa pagkakahiga. "Oo nga pala! Si Jobert ay maaaring buhay pa!"
May pagkakataon pa siyang malaman ang totoo at si Jobert ang susi. Si Jobert ang magpapatunay kung ano ang kinalaman ni Dr. Pierro sa mga nakawan na naganap sa morgue. Nagtataka pa rin siya sa motibo ni Dr. Pierro. Bakit pinasundan siya nito kanina? Sino ang dalawang lalaki na kausap nito? Ang daming katanungan sa isip ni Kassie pakiwari niya ay sasabog na ang utak niya.
Kinuha niya ang phone pero nadismaya nang makita niyang si Rica lang pala ang tumatawag. Napabuntong-hininga siya at napilitan na sagutin iyon.
"Hello, Rica..." walang gana niyang tugon.
"Kassie, okay ka na ba?" nasa tono ni Rica ang pag-aalala.
"Hindi," mono-tone niyang sagot.
"I'm sorry sa nangyaring ito." Tila may bahid na konsensya ang boses nito.
"Bakit ka humihingi ng sorry? Wala ka namang kasalanan. Si F-Fred kamusta na? N-Nabihisan n'yo na ba?" Pinipigil na naman niyang umiyak.
"Oo. Sina Keith at Aaron ang gumawa."
"K-Kailan ang burol?"
Hindi sumagot si Rica. Biglang natahimik ang babae.
"Rica? Hoy, kailan ang burol?" ulit niya ng tanong.
"Ah.. B-Burol ba? N-Ngayon na eh..." nauutal pang sagot nito.
"Ha?" Kumunot ang noo ni Kassie. "Anong ngayon na? Ngayong gabi? Bakit hindi mo man lang sinabi kanina?!" nagtatampo niyang tanong.
"Ah eh.. k-kasi..." Mukhang hindi alam ng kausap ang isasagot.
"Bakit naman biglaan at agad-agad ang burol, Rica?"
"K-Kasi s-sabi ng parents niya? P-Para malibing na siya bukas?" Parang hindi pa ito sigurado sa sagot. Kahina-hinala ang boses ng babae. Kumunot lalo ang noo ni Kassie. Napapansin niya rin na sa tono ng boses ay parang may tinatago itong si Rica.
"Parents request pala? Pupunta ako sa funeral home. Kailangan kong makita si Frederick," pasya niya.
"Ha?!" Ganoon na lang ang gulat sa boses nito.
"Bakit yata gulat na gulat ka?"
"Ah eh K-Kassie... magpahinga ka na lang diyan! Hindi pa naman ililibing si Fred bukas kaya kinabukasan ka na lang magpunta sa funeral — "
"Ano?!" nairita niyang sagot, "Kasasabi mo lang na request ng pamilya ni Fred na maiburol siya ngayon at mailibing agad bukas!"
"Ha? S-sinabi ko ba 'yon?" nalilitong tanong nito.
"Oo! Kanina lang. May problema ka ba Rica?"
"Ha? Ano? W-wala ah..."
"Wala palang problema kung ganoon ay pupunta ako d'yan ngayon!" determinado niyang sabi.
"Oh sh*t" Narinig ni Kassie na mura ni Rica na tila namomoblema. "K-Kassie huwag ka munang pumunta ngayon dahil ano eh... ano..."
"Ah basta pupunta ako ngayon!"
"Kassie —"
"Bye!" Iyon lamang at pinatay na niya ang phone. Nagtataka man sa kinikilos ni Rica, hindi na niya masyadong inisip. May kailangan siyang gawin ngayon na mas mahalaga. Kailangan niyang mahanap at makita si Jobert.
Binuksan niya ang Messenger account at hinanap ang account ni Jobert. Inactive ang account ng lalaki simula nang mawala ito, pero naniniwala siya na makakarating kay Jobert ang mensahe niya. Naniniwala siyang buhay pa ito at marahil ay nagtatago. Matapos na makapag-send ng mensahe kay Jobert. Bumangon na siya sa kama at nag-ayos. Pupunta siya sa burol ni Frederick.
***
Dumating siya nang ala-syete ng gabi sa punerarya. Sa chapel ng funeral home, nandoon na ang kabaong ni Frederick sa tapat ng altar. May mga bulaklak na nakadisplay sa gilid. Maganda ang flower arrangement. Hula ni Kassie ay si Nicole ang nag-ayos niyon.
Pero wala man lang banner, poster at invitation cards. Parang tipid na tipid naman sila sa burol na ito. Mabait naman na tao si Frederick dapat pinaggastusan na nila. Iyong casket na ginamit ay mukhang mumurahin din. Nainis tuloy siya. Hindi karapat-dapat kay Frederick ang ganitong klaseng burol – ang cheap!
Nakasuot siya ng black dress na off-shoulder, long sleeves. Ito ang unang pagkakataon na nagsuot siya ng bistida pero bumagay sa kaniya iyon. Sayang, hindi nakita ni Frederick kung gaano siya kaganda sa suot na bistida. Nasa mata niya ang kalungkutan habang unti-unting lumalapit sa kabaong. Nakita niya roon ang gwapong mukha ni Frederick na mukhang natutulog lang.
"Fred...." Malungkot niyang tawag sa pangalan nito. Nag-iinit na naman ang mga mata niya. Hindi na niya mabilang kung ilang beses siyang umiyak para sa lalaki. Kung may kapangyarihan lang siya, ibabalik niya si Frederick sa lupa upang makapiling niya muli.
"Kassie."
May pumatong na kamay sa likod niya. Nandoon pala si Brandon. Hindi niya napansin ang fiance' dahil laman lang ng utak niya ay si Frederick. Saka lang niya napansin na kaunti lang ang mga tao sa loob ng chapel at puro co-worker lang niya ang naroon.
Nandoon sina Aaron, Rica, Keith, Nicole at Mauro. Pumunta rin ang dalawang pathologist na sina Dr. Lambert at Dr. Pierro.
Syempre naroon din si Brandon na piniling makiluksa para kay Kassie. Sila lang? Nakakapagtaka.
"Teka lang Brandon." Bumaling siya sa fiance' at tinanggal ang nakaakbay nitong kamay.
"Bakit?" tanong ni Brandon pero hindi na niya ito sinagot. Sa halip naglakad siya palapit sa grupo nina Rica, Aaron at Keith. Nag-uusap at nagbubulungan ang tatlo sa gilid. Pero anong pinag-uusapan nila?
"Rica?"
Natigilan sa pagsasalita si Rica at gulat na gulat na napalingon sa kaniya. Nagtaka siya sa reaksyon ni Rica. Mukha ba siyang multo? Bakit ganito ang kilos ng kaibigan niya?
"Ah y-yes Kassie?" Pilit na ngiti nito na tinatago ang kaba.
"Nagtataka lang ako. Tayo lang ang nandito? Akala ko pa naman nandito ang parents ni Fred at mga relatives niya?" nanghihinalang tanong niya.
"Ah... ano..."
"Kassie, papunta pa lang sila rito. Galing silang probinsya." Sa halip ay si Aaron ang sumagot.
Bumaling si Kassie kay Aaron. "Ganoon ba? Pero hindi ba request nila na maiburol agad ngayon dahil bukas ay gusto na nilang ilibing si Fred?"
"Ah 'yon ba?!" Biglang singit naman ni Keith. "K-kasi sa p-phone lang sila nakipag-usap pero bukas sa libing ay pupunta sila."
"Oo tama." Pilit na tumawa si Aaron kahit wala namang nakakatawa sa pinagsasabi nito.
Nanghihinala pa rin ang mga mata niya. "Oo nga pala. Gusto ko sanang mag-report sa pulis tungkol sa pagkawala ni Jobert," paalala niya sa mga ito.
"HUWAG!" sabay na sigaw ng tatlo.
Napatingin sina Mauro, Nicole, Brandon, Dr. Lambert, at Dr. Pierro sa gawi nila. Namilog ang mga mata niya nang sumigaw ang mga ito at lalo siyang nagtaka. What is going on? Bakit ganito ang kinikilos nina Aaron, Keith at Rica?
Nang mapansin ng tatlo ang mga nagtatakang mga mata na nakatingin sa kanila, nahiya ang mga ito at naging mailap ang mga mata.
"Ah ano k-kasi... nai-report na namin sa pulis ang tungkol kay Jobert," sabi ni Rica na hindi pa rin makatingin nang diretso.
"Ganoon ba?" nasabi na lamang ni Kassie pero hindi siya naniniwala. Napapaisip siya sa sinasabi ng tatlong 'itlog' na ito. Hindi normal ang mga kinikilos nila na para bang may pinagtatakpan sila o tinatago.
"Mauna na ako. Kayo na bang bahala rito?" singit ni Dr. Lambert sa kanila.
"Opo dok." Tumango si Aaron at nag-thumbs up pa. "Hihintayin na lang namin ang p-parents ni Fred, 'di ba guys?" Bumaling ito kina Keith at Rica.
Tumango naman ang dalawa. "Oo."
Nagpaalam na ang doktor dahil marami pa itong aasikasuhin.
***
Maya't maya pa ay sumunod na umalis sina Nicole at Mauro. Ang natira na lamang sa loob ng chapel ay sina Rica, Keith, Aaron, at Dr. Pierro. Nandoon din si Brandon na hindi umaalis sa tabi ni Kassie.
Umupo naman si Kassie sa pews. Malalim pa rin ang kaniyang iniisip. Nakatingin siya sa grupo nina Rica, Aaron at Keith. Ngayon ay kausap nila si Dr. Pierro. Nakakapagtaka. Sa pagkakaalam niya ay hindi naman sila close sa doktor.
"Really? What is going on?"
Nagsususpetsa na siya sa lahat ng empleyado sa mortuary. Parang lahat sila ay suspek. Lahat sila ay may tinatago.
Tumabi sa kaniya ang fiance'. "Hindi ka pa ba uuwi?" tanong nito.
"Hindi pa. Ikaw ba? Bakit ka pa narito? Kailangan ka sa hospital, 'di ba?" Lumingon siya sa lalaki.
"Oo pero nag-aalala ako sa 'yo."
"Huwag mo na akong alalahanin. Kaya ko ang sarili ko," sagot lamang niya. Wala siyang interest na makipaglambingan o makipag-usap ngayon kay Brandon.
"Sigurado ka ba?" paniniguro nito.
"Brandon." Pilit siyang ngumiti. "Huwag kang mag-alala. Ako na ang bahala."
Napabuntong-hininga si Brandon at sinabing, "Sige pero sumabay ka na kila Rica sa pag-uwi. Huwag kang magpapaiwan mag-isa."
"Sige. Salamat Brandon," tipid niyang tugon.
Hinalikan muna siya ni Brandon sa noo bago ito umalis. Kumaway lang siya sa lalaki.
Nang mawala ang lalaki ay napabuntong-hininga si Kassie. Napatingin siya kay Frederick na nasa kabaong. Napagtanto niya kung ano ang nawala sa kaniya. Kung gaano kahalaga si Frederick sa kaniya pero huli na ang lahat.
Hindi niya kayang ibalik ang binibigay ni Brandon na atensyon o pagmamahal. Hindi ngayon na nangungulila pa siya kay Frederick. Pero paano niya maipapaliwanag kay Brandon na ayaw na niyang magpakasal? Na gusto muna niyang makapagluksa?
Ang daming nasa isip ni Kassie pakiramdam niya ay sumasakit na ang ulo niya. Napasapo siya sa noo at naging problemadong-problemado ang ekspresyon ng mukha niya.
"Dok, mag-iingat po kayo."
Bumalik ang diwa niya nang marinig ang boses ni Keith. Tumingin siya ulit sa grupo nina Rica, Aaron at Keith. Nagpaalam si Dr. Pierro sa tatlo bago lumabas sa chapel. Oo nga pala. Nakalimutan na naman niya ang mga 'goals' niya ngayong gabi dahil kay Brandon. Next time na niyang proproblemahin ang tungkol sa engagement. Uunahin niyang imbestigahan si Dr. Pierro. Pangalawa niyang tutuklasin kung nasaan na si Jobert. Pangatlo niyang aalamin ang tinatago nina Rica, Keith at Aaron. Kailangan niyang maabot lahat ng hangarin niya para masagot ang lahat ng tanong at makamit ni Frederick ang hustisya.
Tumayo siya at sumunod kay Dr. Pierro palabas.
Napansin siya ni Rica. "Kassie, aalis ka na rin ba? Kaya mo bang mag-isa?"
Lumingon siya sa katrabaho at pilit na ngumiti. "Oo. Huwag kayong mag-alala. Bantayan n'yo si Fred para sa 'kin." Iyon lamang at lumabas na siya sa chapel.
Kailangan niyang makumpirmado ang hinala niya kay Dr. Pierro. Ngayong gabi ay aalamin niya ang mga tinatago ng doktor. Bahala na. Hindi niya gagamitin ang kotse niya dahil pamilyar si Dr. Pierro sa itsura ng sasakyan niya at natatakot siyang mabisto. Iiwan muna niya ang kotse niya sa parking lot ng hospital ngayong gabi.
Nagtungo si Kassie sa kalsada. Naghintay siya roon hanggang dumaan ang sasakyan ni Dr. Pierro. Nang makadaan ang Mercedes, nagpara agad siya ng taxi.
"Nakita n'yo ba 'yong itim na kotse? Sundan n'yo po magbabayad ako kahit magkano," bilin niya sa taxi driver na tinuro ang kotse na nasa unahan.
***
Dumaan ang kalahating oras na sinusundan lamang nila si Dr. Pierro. Salamat sa Diyos at mukhang hindi naman sila napapansin ng doktor. Iniisip ni Kassie kung saan pupunta si Dr. Pierro hanggang sa pumasok ito sa loob ng subdivision. Marahil ay dito nakatira ang doktor. Huminto sila sa tapat ng subdivision dahil mukhang hindi na makakapasok ang taxi roon.
"Ma'am pumasok siya sa loob." Lumingon ang taxi driver sa kaniya.
"Sige, dito na ako bababa," sabi niya at nag-abot sa tsuper ng bayad. Nagmamadali siyang bumaba sa taxi at lumapit sa dalawang guard na nakabantay.
"Kaibigan ako ni Dr. Kade Leonard Pierro. Kilala n'yo po ba siya?" tanong niya sa manong.
"Oo miss ganda. Dalaw ka ba niya?" sagot ng isang guard na mukhang nagpapa-cute pa kay Kassie.
"Yes. Saan po ang bahay niya?" Ginamit na rin ni Kassie ang ganda niya para mauto ang mga guwardiya.
"Doon po sa B-13. Hatid na po kita miss?"
"Ah, huwag na. Ako na ang bahala. Salamat." Peke niyang ngiti na nilagpasan na ang mga guwardiya. Nakapasok siya nang ganoon kadali.