KABANATA 5: SI DR. PIERRO

2060 Words
Walang balak na pumasok si Kassie ngayong araw. Panay lang ang iyak niya sa kwarto. Nabigla siya sa balita at hindi niya ito matanggap. Paano mamamatay si Frederick? Sino naman ang gagawa niyon samantalang wala namang kaaway ang binata? Gulong gulo ang isipan ni Kassie. Hindi na rin siya nag-almusal. Wala siyang ganang kumain. Kahit ang papa niya ay nag-alala nang maabutan siyang umiiyak na mag-isa sa kwarto. Tinanong siya nito kung anong problema. Sinabi niya sa ama ang totoo. "H-Hindi! Hindi pa patay si Fred! Hindi ako naniniwala Papa!" Iyon ang kumbinsi niya sa sarili habang tumutulo ang mga luha. "Hanggat wala akong bangkay na nakikita, hindi ako maniniwalang patay na siya!" "Anak, puntahan mo siya. Tignan mo sa hospital," sabi lamang ng kaniyang ama habang hinihimas ang likod niya. *** Tanghaling-tapat nang maisipan niyang pumunta sa mortuary. Susundin niya ang sinabi ng ama. Kailangan niyang makita kung totoo ngang wala na si Frederick. Nag-commute na lang siya dahil wala siya sa mood na mag-drive ng kotse. Nabanggit ni Aaron sa text na nakita ang bangkay ni Frederick sa kalsada. May bumaril daw sa lalaki pero nasa isip pa rin niya na baka katawan iyon ng ibang tao. Masama man ang pakiramdam at namumugto man ang mata pumunta siya sa morgue para makita kung iyon nga ang katawan ni Frederick. Pagpasok niya ay naabutan niya sina Aaron, Keith, Rica at Mauro sa loob. Naroon din si Dr. Lambert. Lahat sila ay nakasuot na ng PPE. Napalingon silang lahat sa kaniya. Nag-aalala ang mga mata nila. Nakita ni Kassie ang katawan ng isang tao, nakatakip ng puting kumot sa ibabaw ng stainless steel stretcher. Unti-unti siyang naglakad palapit upang makita kung sino iyon. Tinanggal niya ang kumot at ganoon na lang ang hinagpis ng puso niya nang makita ang mukha ng bangkay. Napasapo siya sa bibig kasabay ng paghikbi, "F-Fred..." Hindi na napigilan ni Kassie ang damdamin patuloy lang ang pagdaloy ng luha niya. "Frederick!" sigaw niya at akmang yayakap sa katawan ng lalaki. "Kassie!" Mabilis na lumapit si Rica at niyakap siya. Nilayo nito si Kassie sa bangkay ni Frederick. "Huwag! Kailangan pa niyang ma-autopsy!" "Hindi ito totoo! F-Fred..." hagulgol niya habang umiiling. Hindi pa rin siya makapaniwala kahit nasa harap na niya. "Kassie, hindi ka pwede rito. Kami na lang ang bahala kay Fred. Sa lagay mong 'yan, hindi ka makakapagtrabaho," sabi naman ni Rica. "Halika, doon muna tayo sa labas." "Hindi! Ako ang mag-o-autopsy sa kaniya!" Pagpupumilit pa rin niya. "Kassie! Hindi pwede. Kami na ang bahala!" Lalong hinigpitan ni Rica ang yakap sa kaniya. "Mauro!" Bumaling si Rica sa lalaki. "Tulungan mo akong ilabas si Kassie." "Ano? Bakit ako pa?" reklamo lang nito. "Mauro, ilabas niyo muna si Kassie. Tulungan mo na si Rica," seryosong sabi lamang ni Dr. Lambert. Dahil nakakataas si Dr. Lambert, wala nang magawa si Mauro kundi ang sumunod. Hinawakan nito si Kassie. Hinila nila ang babae paalis sa morgue. Umiiyak na nakatingin pa rin si Kassie sa bangkay ni Frederick. Hindi matanggap ng puso niya. Hindi niya alam kung makakayanan pa niya. "Bakit? Bakit ngayon pa? Sana panaginip na lang ang lahat ng ito." *** Sa lobby ay pinaupo nila si Kassie at binigyan ng tubig. Nakatulala siya at naghihinagpis pa rin. Hinihingal siya dahil sa kakaiyak. "Kassie uminom ka. Tahan na." Pag-aalo ni Rica na inabot ang bote ng mineral water. "H-Hindi... Hindi ito totoo... Hindi.... Fred..." Umiling lang siya at hindi kinuha ang tubig. Tinakpan niya ng dalawang kamay ang mukha saka siya umiyak nang malakas. Wala na siyang pakialam kung marinig pa siya ng lahat ng tao sa mortuary. "Kassie." Nag-alala si Rica na hinimas ang likod niya. Napabuntong-hininga na lang si Mauro. Hindi sanay ang lalaki sa ganitong ka-dramahan. "Dito ka na lang Rica, babalik na ako sa morgue." Akmang aalis na ito. "Mauro, ako ang mag-aassist kay Dr. Lambert. Maiwan ka rito!" may diin na pigil ni Rica. "Ha?" Nagtaka naman ito. Hindi nito maintindihan kung bakit hindi siya isasama ni Dr. Lambert sa pag-autopsy kay Frederick. "Sabi ni Dr. Lambert isa lang daw na assistant ang kailangan. Puntahan mo raw si Dr. Pierro dahil baka kailangan ng tulong sa detail inspection," paliwanag ni Rica. "Ano?" Tumayo si Rica. "Kassie, mabuti pang umuwi ka muna." "Kailangan ba ako ni Dr. Pierro doon?" tanong muli ng lalaki. Hindi ito komportable na kasama ang doktor na iyon sa trabaho. "MALAMANG!" Naiinis nang sabi ni Rica. Kailangan pa bang tanungin iyon? "Kassie, dito ka lang ha?" Bumaling muli si Rica sa kay Kassie na tahimik lang na nakaupo sa bench. Hindi naman sumagot ang babae at umiiyak pa rin ito. Naglakad na paalis si Rica pabalik sa morgue. Samantalang si Mauro ay napabuntong-hininga na lang at pumunta sa opisina ni Dr. Pierro. Naiwang mag-isa si Kassie sa lobby. *** Ilang minuto lang ang dumaan, dumating na rin si Brandon. Nabalitaan nito ang mga nangyari at agad nitong pinuntahan ang dalaga. Naabutan nito si Kassie na nakatulala sa bench ng lobby. Mugto na ang mata ng dalaga at namumula ang mga pisngi. "Kassie." Nag-aalalang lapit nito na niyakap ang babae. Pero hindi gumanti ng yakap si Kassie. She feels so empty inside. Wala siyang maramdaman kahit yakapin pa siya ni Brandon. Ang tanging gusto lang niya sa oras na ito ay makita muli si Frederick. "I'll take you home," sabi ni Brandon na hinila na siya patayo. Parang zombie na sumunod lang siya. Nakaalalay si Brandon sa kaniya. Nakaakbay ang braso nito sa balikat niya. Wala pa rin siya sa sarili na lumabas sa lobby. Nakatulala na lamang at parang nawalan na ng kaluluwa. Nagpunta sila sa parking lot. Ipinasok siya ni Brandon sa loob ng kotse nito. Doon siya pinaupo sa passenger seat. Si Brandon na rin ang naglagay ng seatbelt sa kaniya dahil mukha talaga siyang lantang gulay na hindi makakilos. Pumasok na ang binata at umupo sa driver seat. Nag-umpisa na itong magmaneho. Walang pakialam si Kassie sa nangyayari sa paligid niya. Pakiramdam niya wala nang saysay ang buhay niya ngayong wala na si Frederick. Pero nang dumaan sila sa likod ng St. Luis Public Hospital, may namataan siyang pamilyar na tao. Dumako ang tingin niya roon. "Si Dr Pierro? Anong ginagawa ni Dr. Pierro doon?" May kausap ang doktor na dalawang misteryosong lalaki. Nakasuot ng facemask ang mga ito, naka-sunglasses, nakasuot din sila ng cap at long sleeves na polo-shirt. Kumunot ang noo niya. Sino ang dalawang lalaki na kausap ni Dr. Pierro? *** Naging tahimik sa loob ng kotse. Hindi nagsasalita si Kassie at pinili naman ni Brandon na manahimik. Kung minsan ay sumusulyap siya sa babae. Dati ay hindi siya sigurado pero ngayon ay kumpirmado na niya na may damdamin nga si Kassie para kay Frederick. "Sino? Sino ang gagawa nito?" mahinang tanong ni Kassie. Sa wakas, umimik na rin siya. "Hindi ko alam, Kassie. Baka naman may nakaaway si Frederick?" "Walang kaaway si Fred!" pagtatanggol agad ni Kassie. "Hindi masamang tao si Fred! Siguro magkasama sina Jobert at Frederick nang gabi na iyon. Maaaring pinatay sila ng magnanakaw para makakuha ulit ng bangkay sa morgue!" "Kassie..." Inawat niya ang babae. "Simula nang maganap ang robbery, pakiramdam ko malapit lang ang magnanakaw sa akin! Pakiramdam ko siya ang pumatay kina Fred at Jobert!" pagpapatuloy pa rin ng dalaga. "Teka lang, kung nawawala si Jobert baka buhay pa siya! Kailangan kong makita si Jobert! Siya lang ang makakapagsabi ng totoo— " Natigilan si Kassie sa pagsasalita nang biglang prumeno ang sasakyan. Muntik na siyang masubsob sa harap kung hindi lang agad nakakapit. "Ano ba Brandon?" Naiinis na baling niya kay Brandon. "May sumusunod sa atin." "Ha?" Napanganga siya nang marinig ang sinagot ng lalaki. Tumingin sila sa harapang salamin ng kotse. Nagre-reflect doon ang kulay itim na Mercedes na nakahinto rin sa likod nila. "Wait lang. Hindi ba kotse 'yon ni Dr. Pierro?" nagtatakang tanong ni Kassie. "May kausap na dalawang lalaki si Dr. Pierro kanina. Nakita mo ba?" balik-tanong ni Brandon. Tumango ang dalaga. "Oo." "Sa tingin ko sila ang nasa loob ng kotse. Kanina ko pa napansin na sinusundan nila tayo," wika lamang ni Brandon at muling nagmaneho. Lumiko siya sa kaliwang kalye. Ganoon din ang ginawa ng sumusunod na itim na Mercedes. Sinusundan nga sila nito. Iniba niya ang daan para makapunta sila sa Commonwealth Avenue. Doon ay mas marami ang sasakyan na dumadaan. Siguradong malilito ang sasakyan na sumusunod sa kanila. "Sino ang mga lalaking sumusunod sa atin?" nagtatakang tanong ni Kassie. "Hindi ko alam pero kanina ay kausap nila si Dr. Pierro. Ngayon ay gamit nila ang kotse ni Dr. Pierro. Ano sa tingin mo, Kassie?" Bumaling si Brandon sa kaniya, nagtatanong pati ang kislap ng mga mata. Malalim naman na napaisip si Kassie. Naalala niya ang gabing ninakaw ang bangkay ni Trisha. Nagunita rin niya ang dalawang lalaki na nahuling nagnakaw sa morgue. Hindi kaya sila iyon? May kinalaman nga kaya si Dr. Pierro sa mga nakawan na nagaganap? Kung ganoon, si Dr. Pierro rin ang maaaring nagpapatay kay Frederick? Nakaramdam siya ng hindi maipaliwanag na galit dahil sa naisip. Wala pang pruweba na si Dr. Pierro nga ang mastermind ng lahat pero kailangang mahanap ang katotohanan! "Para kay Fred... Para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Fred..." nasabi niya sa sarili. Nakisabay si Brandon sa mga kotse na nasa kalsada. Mukhang nalito na rin ang sumusunod sa kanila dahil pare-parehong kulay ng kotse ang nasa daan. Lumiko siya sa kanan. Hindi na nakasunod ang mga ito. "Naligaw ko na sila." Napabuntong-hininga na sambit ni Brandon. Sumandal siya sa upuan. Lumingon siya kay Kassie na malalim pa rin ang iniisip. "Pakiramdam ko may kinalaman nga si Dr. Pierro sa lahat ng nangyayaring ito!" determinadong sabi ng babae. "Bakit sa tingin mo ay pinapasundan niya tayo?" tanong naman ni Brandon. "Hindi ko rin alam." Iling lamang ang sagot ni Kassie. "Nagtratrabaho ka sa morgue, Kassie. Malapit ka kay Frederick. Sa tingin ko, nasa isip ni Dr. Pierro na may sinabi si Frederick sa 'yo bago mamatay ang lalaki na 'yon," wika naman no Brandon na nakatingin sa kalsada. "Anong ibig mong sabihin, Brandon?" "Nag-aalala ako sa 'yo. Huwag ka na sana makisawsaw sa gulo. Natatakot ako na ikaw na ang isunod nila, kung sinuman sila." Tumingin si Brandon sa mga mata ng kasintahan. Hindi alam ni Kassie kung ano ang isasagot. Naiilang lamang na umiwas siya ng tingin. "Huwag ka munang pumasok sa trabaho hanggat hindi pa natin nasisigurado na walang kinalaman si Dr. Pierro. Gusto ko lang na maging ligtas ka sa kapahamakan." Inihinto ng lalaki ang kotse. Nasa tapat na sila ng bahay nila Kassie. "Salamat sa pag-aalala, Brandon." Nagbaba si Kassie ng tingin. "P-Pero kaya ko ang sarili ko." Hindi niya inaasahan nang hawakan ng binata ang kanang kamay niya. Bumalik ang paningin niya rito. "Mahal kita Kassie kaya gagawin ko ang lahat para sa kaligtasan mo," malambing na sabi. Tipid na ngumiti si Kassie ngunit naiilang na hindi makatingin nang diretso. "S-Salamat Brandon." "Mahal mo ba ako?" "Oo naman," simpleng sagot niya ngunit walang sinseridad. Parang automatic robot lang ang kaniyang tugon. Walang emosyon. Walang kasiguraduhan. Alam ni Kassie na nagsisinungaling siya hindi lang kay Brandon, ngunit pati na rin sa sarili. Sa katunayan, um-oo lang siya sa lalaki dahil na-prepressure siya sa Papa niya na laging nagtatanong kung kailan siya mag-aasawa. Totoo ang mga sinabi ni Frederick sa kaniya noon. Naghahabol lang siya sa edad. "Really?" Pero hindi manhid ng kaharap. Nararamdaman ni Brandon ang totoo. Hinawakan ni Brandon ang baba niya at itinaas ang mukha niya. Nagkatitigan silang dalawa. "S-Syempre naman..." sagot niyang tila napipilitan. Hindi nagsisinungaling ang mga mata ng tao. Kahit ano pang pagtatago ay lumalabas din ang totoo. Nahahalata ni Brandon sa mga mata ni Kassie ang guilt. Beep! May bumusina sa likod. Napatingin silang dalawa sa dilaw na kotse na nasa likuran nila. Hindi ito makadaan dahil nakaharang ang kotse ni Brandon. Makitid lang ang daan doon at one-way pa. "P-Pasensya na, Brandon. Salamat pala sa paghatid." Iyon na lamang ang sinabi ni Kassie at parang nagmamadali pang binuksan ang pinto ng kotse. "Sige. Mag-iingat ka lagi," walang gana na tugon ni Brandon. Walang lingon-likod na lumabas si Kassie at dumiretso sa loob ng bahay. Mabigat ang kalooban ng dalaga. Hindi pa rin niya matanggap ang sinapit ni Frederick. Mabigat din ang puso ni Brandon pero sa ibang dahilan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD