KABANATA 4: PAALAM NA FRED

2070 Words
Ayon kay Jobert napansin daw niya ang isang lalaki na aali-aligid sa facilities kapag gabi. Pabalik-balik daw ito sa mortuary at tila may hinahanap. Naisip niya na baka may kinalaman ito sa nakawan na nangyari. Pero mali ang magbintang na walang pruweba kaya kailangan niyang makumpirma ang hinala. Si Frederick ang pinakamalapit na empleyado sa kaniya. Nagkataon din naman na hanggang alas-otso ngayon ang kaibigan. Niyaya niya si Frederick na tingnan kung kilala niya ang misteryosong lalaki. Pasado ala-syete ng gabi nang maisip nila na magmanman sa mortuary. Hinila niya si Frederick at nagtago sila sa likod ng dalawang mobile waste container. Hinintay nila roon na dumating ang lalaki. "Dapat siguro i-report natin ito sa pulis," bulong ni Frederick sa kaniya. "Shhhh..." Inilagay niya ang hintuturo sa labi. "Gusto ko lang makita mo 'yong mukha. Baka kasi kilala mo pala 'yon. Lagi kasi 'yon nandito. Nanghihinala na ako." "Sigurado ka bang pupunta siya rito?" tanong muli nito. "Oo. Tahimik! Nandyan na siya," pansin niya na nakita ang isang lalaki na papalapit sa lugar nila. Sumilip si Frederick para makita ang dumating. Isang payat na lalaki na may sombrero sa ulo. Nakasuot ng white t-shirt na maluwag, tattered jeans at flip flop slippers. Mukhang lagpas trenta na ang edad niyon. Malaki rin ang cheekbone ng lalaki at moreno. Mahaba ang itim at nakalugay niyang buhok. Mukhang hindi siya nagsusuklay. Naninigarilyo pa ito at nagbuga ng usok sa hangin. "Lagi siyang nagpupunta rito sa likod ng building para manigarilyo," bulong ni Jobert sa katabi. "Madalas siyang may kausap sa phone." "Jobert naman. Malay mo gusto lang talaga niya rito manigarilyo dahil walang tao," sagot ni Frederick sa mahinang tinig. "Tingnan mo iyong mukha. Baka kasi kilala mo," paalala niya. Muling sumilip si Frederick at nakita nitong nakasandal lang ang lalaki sa poste ng ilaw habang naninigarilyo. Kahit malabo ang ilaw ay namukhaan nito ang lalaki. "Oo, namumukhaan ko. Nakita ko na iyan sa funeral home. Siya 'yong madalas kunin ng mga pamilya sa paglilibing. Kung hindi ako nagkakamali isa siya sa mga sepulturero ng Heaven's Peace Memorial Garden," paliwanag nito. "Oh?" Tila nagulat pa si Jobert nang matuklasan niya iyon. "Sepulturero siya r'on? Eh 'di ba may bangkay rin na ninakaw sa sementeryo na iyon?" "Hindi ko alam," kibit-balikat nito. Hindi naman siya nanonood ng balita. "Anong pangalan niya?" "Mang Johnny ang tawag nila sa kaniya. Bakit mo siya pinanghihinalaan eh natural lang naman na madalas dito 'yong tao." "Fred, maniwala ka sa akin. Kakaiba talaga iyang tao na 'yan." "Paano mo nasabi?" tanong ni Frederick na ginaya pa ang viral memes sa internet. "Aalis na siya. Tara sundan natin." "Ano —" Pero hindi na siya nakatutol pa nang muling hilahin ni Jobert. Lumipat sila ng puwesto at sinundan nila ng tingin ang lalaki. Luminga-linga ito sa paligid habang naglalakad patungo sa exit-gate. Mukha ngang kahina-hinala ang kilos nito. Nakita ni Jobert na lumabas sa gate si Mang Johnny. "Tara! Sundan natin," sabi niya at hinila muli si Frederick. "Ano ba, Jobert? Huwag na. Baka may mangyari pa sa ating masama," tutol ni Frederick dahil ninenerbiyos nang sobra sa ginagawa nilang panunubok. "Fred, hindi ka ba naaawa sa pamilya ni Trisha? O sa pamilya ng mga taong ninakawan ng bangkay?" Bumaling si Jobert sa kaibigan. Saglit na natahimik si Frederick. "Syempre naman naaawa ako pero ayaw ko lang madawit sa gulo." "Pero hindi mo ba gustong tumulong? At bigyan ng leksyon ang mga taong 'yon? Patay na nga; ginagambala pa nila," dugtong pa ni Jobert na hinawakan ang balikat ng kausap. "Jobert, alam ko na kailangan nating irespeto ang mga patay pero mas mahalaga pa rin na irespeto ang mga buhay," malumanay na sabi ni Frederick at tinanggal ang mga kamay na nakapatong sa balikat niya. "No Fred. When the respect is dead, everything else is dead!" "Ha?" Kumunot ang noo ni Frederick. Hindi nito maintindihan ang pinupunto ng kasama. "Iyong mga patay na ninakaw, hindi lang 'yon basta katawan. Fred, nagtratrabaho ka sa morgue dapat alam mo ang halaga n'on. Hindi naman kasi porque wala nang buhay ang isang tao, hindi mo na siya irerespeto. Iyong mga sandaling nakaburol siya ang magiging patunay na kaya mo pa rin siyang irespeto sa nalalabing araw niya sa mundo. Katawan lang 'yon pero may kaluluwa na nagagambala. Naiintindihan mo ba?" "Wow." Humanga si Frederick sa speech niya. "Saan mo ba natututunan 'yan Jobert?" "Sa f*******: Post," simpleng sagot,"Tara na! Let's become heroes for the mortuary!" yaya pa ni Jobert na kinumpas ang kamay. Natatawa na napasapo na lang sa ulo si Frederick bago sinabing, "Sige na nga. Libre mo ako ng dinner pagkatapos nito ah!" Sa wakas ay nagkasundo na rin sila. Sinundan na nila si Mang Johnny kung saan man ito pupunta. *** Lumabas si Mang Johnny sa likod ng St. Luis Public Hospital at kasalukuyang naglalakad sa madilim na kalsada. May mga poste ng ilaw naman doon kaya nakikita nila kung saan patungo ang lalaki. Dumaan sila sa tulay at sa ilang mga departamento. Wala nang tao sa paligid. Kaunti na rin ang mga sasakyan na dumadaan sa kalsada. Nagtatago sila sa likod ng mga sasakyan na naka-park sa gilid habang sinusundan ito. Nakita nila si Mang Johnny na huminto sa tapat ng gusaling under construction. Katulad ng inaasahan ni Jobert kinuha muli ni Mang Johnny ang phone sa bulsa at may kinausap. Nagtago sila sa likod ng taxi na nakaparada sa kalsada. Nakatuon lamang ang pansin nila kay Mang Johnny. Pinatay na ng lalaki ang phone at nakatayo lamang doon. "Alam mo Jobert. Mukhang wala naman siyang ginagawang masama. Mukhang tayo pa nga ang may ginagawang masama sa pag-stalk sa kanya," bulong ni Frederick. Nakokonsensya na siya sa ginagawa nila. Baka hindi naman masamang tao si Mang Johnny. "Mukhang may hinihintay siya. Tignan lang natin kung sino ang hinihintay niya tapos aalis na tayo," sabi ni Jobert. Maya-maya pa ay dumating na ang hinihintay nila. Isang lalaking nakasuot ng puting polo-shirt ang lumapit kay Mang Johnny. "Sino 'yon?" tanong ni Frederick dahil hindi niya masyadong maaninag ang mukha ng lalaking bagong dating. "Pumasok sila sa building," pansin ni Jobert nang makitang pumasok sa loob ng under construction site ang dalawang lalaki. "Lumapit tayo baka makaalis na agad sila!" Naunang naglakad si Jobert. Sumundo si Frederick sa likod ng kaibigan. Nakita nila si Mang Johnny at ang lalaking hindi makita ang mukha na nag-uusap sa loob ng gusali. Nagtago sila sa likod ng mga nakatambak na mga bakal. Naririnig nila mula roon ang usapan ng dalawa. "Ang palpak n'yo talaga. Mali pa ang nakuha." Kumunot ang noo nina Frederick at Jobert dahil sa narinig. "Mahirap nang pasukin iyan. Mahigpit na ang security," sagot ni Mang Johnny. "Madali lang 'yan. Ako nang bahala sa plano kung paano kayo makakapasok." "Bakit ba gusto niya ang bangkay na 'yon?" "Huwag ka nang maraming tanong. Galit na galit siya ngayon dahil nagkamali kayo ng kinuhang bangkay. Si Bernadette ang gusto niya. Huwag na kayong papalpak ngayon." Napasapo si Jobert sa bibig. Nagulat din si Frederick dahil sa mga natuklasan. Tama nga ang hinala ni Jobert! May kinalaman si Mang Johnny sa nakawan na nagaganap. Pero sino pa iyong isa? Kinakabahan man pero sumilip sila upang makita ang mukha ng lalaking kausap ni Mang Johnny. Namilog ang mga mata ni Frederick sa nakita. Halos lumuwa ang puso niya sa bibig. Hindi siya makapaniwala. Tama si Kassie! Tama ang hinala ng babae na malapit lang sa kanila ang salarin sa nakawan. Kilala niya ang lalaking iyon! Nakanganga pa rin ang bibig niya at napatakip siya sa bunganga. Pinilit na hindi lumakas ang singhap niya. "Sh*t. Kasabwat siya," pati si Jobert ay hindi rin makapaniwala sa nakita. Hindi rin nito inaasahan na magagawa iyon ng isa sa mga empleyado ng ospital. Kailangan na nilang makaalis dito at baka mahuli pa sila. "Fred, tara na." Kinakabahan na hinawakan ni Jobert ang braso niya. Tumango siya habang tumutulo na ang pawis niya sa noo. Marahan silang humakbang paalis pero hindi nakita ni Frederick ang nakayuping lata sa lupa. Nasanggi niya ang lata, tumalsik at nakagawa ng malakas na ingay. "Ano 'yon?!" napalingon si Mang Johnny sa ingay. Nakita niya sina Jobert at Frederick na paalis. "s**t! Huli tayo! Takbo na Fred!" ganoon na lang ang sigaw at pagpa-panic ni Jobert at sabay sila na tumakbo sa kalsada. "Habulin mo!" utos ng lalaking kasama ni Mang Johnny. Kinuha ni Mang Johnny ang baril na nakasukbit sa pantalon bago nito hinabol ang dalawa. Sa kamalas-malasang pagkakataon, walang tao sa construction site, kahit sumigaw pa sila ay walang makakarinig. Wala ring dalang phone ang dalawa. Habang tumatakbo ay binaril sila ni Mang Johnny. Natumba si Frederick. "s**t Fred!" Gulat na gulat si Jobert na binalikan ang kaibigan na nakahandusay sa kalsada. Natamaan ang kasama sa binti."Tumayo ka r'yan!" Hinila niya ito. "Ouch! M-Mauna ka na! Sige na Jobert!" Tinitiis ni Frederick ang sakit ng sugat pero hindi talaga siya makatayo. "Ayaw ko!" Nahintakutan ang pobre pero binaril muli sila ni Mang Johnny. Napayuko silang dalawa. "Jobert! Sabihan mo si Kassie! Sabihin mo sa kanila ang totoo! Sige na! Alis na!" pagtataboy ni Frederick. Ayaw man ni Jobert na iwan ang kaibigan ngunit kailangan na niyang makatakas. Nakikita niya si Mang Johnny na palapit na sa kanila. Dahil sa kaba at takot, nag-init ang mata niya at nag-umpisa na siyang maiyak. "F-Fred.... I-Im sorry.." nasabi na lamang niya na napahikbi. Tumakbo siya paalis. Mabilis na tumakbo si Jobert sa madilim na eskinita. Habang tumatakas ay narinig pa niya ang isang putok na sa tingin niya'y pumatay sa matalik niyang kaibigan. Napahinto siya sa pagtakbo at napalingon sa pinag-mulan. Tumulo ang isang patak ng luha mula sa mata niya at napasinghot. "F-Frederick, patawad. Kasalanan ko 'to." *** Malakas na tumunog ang alarm clock sa side table. Hudyat na ala-sais na ng umaga. "Ah!" Napasinghap si Kassie at pawis na pawis na napabangon. Takot na takot ang mukha niya. Namumutla pa ang dalaga. Pinunasan niya ang pawis sa mukha gamit ang likod ng kamay. "W-What the..." Humihingal na sabi niya. "B-Bangungot... A-Ang sama ng panaginip ko.." Napasapo siya sa puso na mabilis pa rin ang t***k. Kinapa niya ang on-off switch ng alarm clock. Pinatay niya iyon dahil nakakarindi na ang ingay. Pero kung hindi sa tunog ng alarm-clock baka hindi na siya nagising at namatay na siya sa bangungot. May kumatok sa pinto. "Kassie, gising ka na ba?" Boses iyon ng papa niya. "Mag-almusal ka muna sa ibaba bago ka umalis." Napabuntong-hininga siya at tinanggal na ang kumot sa binti. Bumangon siya at binuksan ang pinto. Nakita niya na naka-uniform ang Papa niya. Security Guard ang ama niya sa malapit na sub-division na para sa mga mayayaman. "Akala ko tulog ka pa eh." Masayang bati ng kaniyang ama. Kalmado, mapagbiro at masayahing tao ang Papa niya. Kabaliktaran ng kapatid niyang gitarista sa banda na laging seryoso sa buhay at minsan lang ngumiti. Pero hindi na rito nakatira ang kapatid niya. May sarili nang pamilya ang kuya niya. Ang nanay naman niya ay matagal nang yumao dahil sa aksidente. Pumasok ang ama niya sa loob ng kwarto. "Ang gulo naman ng kwarto mo! Parang hindi babae ang may-ari ah!" sermon pa nito. "Bumaba ka na ro'n at mag-almusal. Paborito mo pa naman ang niluto ko." "Anong niluto mo?" "Piniritong 12 inches na p*nis ng kabayo." Nagbibiro at natatawang sabi nito. "Puro ka kalokohan Papa!" Nainis na binato niya ito ng unan. Mukhang namana niya sa Papa niya ang mga hindi nakakatawang biro. Tawa nang tawa ang Papa niya. "Bumaba ka na ro'n!" "Sige Papa. Bababa na ako," nakasimangot niyang sagot. Lumabas na ang ama niya sa kwarto. Dinampot niya ang binato niyang unan sa lapag. Natigilan siya nang tumunog ang phone niya na nasa bed side table. Lumapit siya sa table at kinuha iyon. Nagulat pa siya nang makitang tumatawag pala sina Rica at Aaron sa kaniya. "Si Rica? Bakit kaya?" pansin niya dahil naka-5 missed call na pala si Rica. "Si Aaron din? Bakit naman tumatawag si Aaron sa akin?" nagtatakang tanong niya. Hindi naman niya assistant si Aaron pero mortician ito na nasa pangangalaga ni Frederick. May text sa kaniya si Aaron. Binuksan niya iyon. Tumigil ang t***k ng puso niya at napaawang ang bibig niya nang mabasa niya ang mensahe. Pakiramdam niya ay gumuho ang kaniyang mundo. ---- Si Frederick, wala na siya. May pumatay sa kanya. Si Jobert naman ay nawawala.  ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD