CHAPTER 1
"Hoy, Apollo! Ilakad mo na kasi ako sa kuya mo, ano bang problema?" nakaismid na sabi ni Aeycel, disi-siyete anyos, maliit na babe, balingkinitan at maraming naglalakihang taghiyawat sa mukha na kitang-kita dahil sa kaputian ng balat.
Napakakinis ng buong katawan niya, dahil lahat ng taghiyawat ay nagpasyang mag-rally. Iyon nga lang at ang tagpuan ay sa kanyang mukha. Galit ang bawat pimple, nag-aaklas sa magkabilang pingi, sa noo, sa baba. Salamat at sumuko agad ang rebeldeng pumuwesto sa ilong niya, kung hindi ay Pasko sa tag-araw dahil susulpot si Rudolph.
"Nilalakad naman kita, ang kaso nga parang malabo talaga, Aey, eh. Di ka yata kasi mag-"
“Hep! Anon a naman ang sinasabi mo diyan?’’ biglang singit ni Aeycel dito.
"Ey-sel" ang bigkas ng kaibigan sa kanyang buong pangalan kaya Aey ang palayaw, kahit pa nga mula pagkabata, "A" ang pagtawag sa kanya ng mga magulang.
Isa na namang ismid ang isinagot niya sa kaibigang si Apollo.
"Pol" ang palayaw nito, pero mas minabuti niyang tawagin ito sa buong pangalan kapag lagi siyang naiinis dito. "Apollo" naman ang nakasanayan niyang tawag dito kapag nagpapatulong siya na ilakad siya nito sa guwapo nitong kapatid.
Ang nag-iisa at panganay na kapatid ni Apollo ay ang numero-unong crush ni Aey, si Derrick. Second year college na si Derrick, beinte-uno anyos. Dapat first year college na si Apollo, pero nagloko nang husto sa pag-aaral at ipinadala sa probinsiya. Kaklase ito ni Aey sa public school. Beinte anyos na ang lalaki, pero third year pa rin.
Si Aey naman ay malapit nang mag-debut. Sana ay nakapagtapos na siya ng high school, kung hindi lang napilitang tumigil sa pag-aaral nang magkasakit at pumanaw ang kanyang ama. Siya ang nag-alaga sa ama sa loob ng isa't kalahating taon. Nang pumanaw ito sa sakit na cancer may dalawang taon na ang nakararaan ay tanggap na nilang mag-ina. Mas ginusto nila iyon, sa totoo lang, dahil matindi ang naging paghihirap ng kanyang ama.
Habang si Aey ang nag-aalaga sa ama, ang kanyang ina naman ang naghahanap-buhay bilang yaya ng anak ng isang batang senador. Sa Maynila nakabase ang kanyang ina, hindi magawang iwan ang trabaho dahil bukod sa malaki ang suweldo ay maganda rin ang benepisyo. Malaki ang naitulong ng senador sa pagpapa-ospital ng kanyang ama, maging sa mga gamot. Kahit sa pagpapalibing. Halos lahat ay ang mga ito ang gumastos, sa tulong ng mga proyekto ng gobyerno. Ang kanyang pag-aaral sa college ay halos sigurado na rin dahil sa tulong ng senador.
"Iyong project ba natin kay Miss Isidro, tapos na?" Biglang ngumiti ng alanganin si Apollo, saka kumamot sa ulo.
"Diyan ka naman magaling, eh, sa paghingi ng pabor. Manigas ka. Sasabihin ko talaga kay Miss Isidro na wala kang ginawa kundi nagbigay ng pampa- bookbind! Ano ka, sinusuwerte?" Pinagtaasan ni Aey ng kilay ang kaibigan, ipinaramdam ang matinding pagkaasar.
Hindi biro ang kanyang effort para sa project nila sa pinakaistrikto at matandang dalagang guro at ang gusto ni Apollo ay mag-sitting pretty lang, matapos magbigay ng contribution. Oo at walang reklamo si Aey sa ‘bayad’ ni Apollo dahil mas malaki sa kailangan ang gusto nitong i-ambag kahit sinabi niyang hindi kailangan iyon. Bagaman wala siyang malaking pangangailangan sa mga gamit pang-eskuwela, hindi niya maikakaila ang katotohanang madalas siyang gipit, hindi tulad ni Apollo. Sapat lang ang baon niya para sa pang-araw-araw na gastusin at kung minsan ay kinakapos pa. Pero sanay siya sa ganoong klaseng buhay na kung tawagin noon ng kanyang ina ay "tapal." Para daw kasing butas-butas na bubong ang budget nila at para makaraos sa tag-ulan, sa halip na ipagawa ang buong bubong ay tinatapalan na lang.
Pantapal kahit paano ang suhol ni Apollo. Pero ngayon, naiinis na siya rito dahil ayaw siyang ilakad kay Derrick.
"Sobra ka naman, Aeycel. 'Wag namang gano'n, alam mo namang kailangan kong makapasa kay Miss Isidro. Mainit ang dugo n'on sa akin lagi." Kakamot-kamot pa sa ulong sabi nito.
"Bakit ba ayaw mo kasi akong ilakad sa kuya mo?"
"Alam mo namang ibang liga si Kuya, eh. Hindi uhugin 'yon at college boy na. Maraming nakikilalang bagong chicks 'yon doon sa La Salle, magaganda pa."
Pinandilatan ni Aey ang kaibigan. "Ano ang ibig mong sabihin, pangit ako?!"
"Hindi naman sa ganoon, Aey. Sobra ka naman." Ang pambobola sa tono ni Apollo ay ramdam na ramdam ni Aey kaya bago pa 'yon dumating, sinalag na niya ang posible nitong sabihin.
"Ano ang ibig mong sabihin, kung ganoon? Parang wala kang kabilib-bilib sa kagandahan ko!" sabi niya kahit sa totoo lang, medyo talagang hindi kabilib-bilib ang tinagurian niyang kagandahan. Simple lang ang kanyang hitsura, tanggap iyon ni Aey. Kung minsan lang, naiinis siya dahil hindi siya ligawin na tulad ng iba niyang kaklaseng babae. Hindi siya sikat sa boys, wala pa siyang nagiging boyfriend. Kahit pa nga nakatanggap na siya ng isang love letter noong nakaraang taon, hindi 'yon nakatulong sa tiwala niya sa "kagandahan."
Galing ang love letter sa isang lalaking ang ibinansag sa sarili ay "Mr. Aquarius."
Kilig na kilig si Aey nang matanggap ang sulat. Inakala niyang ang sumulat ay ang kanyang dating crush na si John, isang basketball player ng eskuwelahan, crush ng bayan. Naisip niyang siguro, siya ang natipuhan. Aquarius ang zodiac sign ni John, alam ni Aey dahil ilang ulit niyang pinagkompara ang mga zodiac sign nila.
Sarap na sarap na siya sa pangangarap nang matuklasan nang hindi sinasadya kung sino ang tunay na salarin---si Kiko, ang kapitbahay niyang tambay, barkada ng mga tambay, at anak ng tambay.
Maitim ang leeg ni Kiko, bungal, at mas marami pa ang taghiyawat kaysa sa kanya. Nakita niya ang isang elementary pupil na nagpupuslit ng sulat sa kanyang bag at tinanong ito. Nalaman niyang pamangkin ni Kiko ang bata. Doon gumuho ang kanyang pangarap. Hindi pala taga-school si Mr. Aquarius, kundi may pamangkin lang na nag-aaral. Out of school youth na hindi mukhang youth dahil mukha nang treinta anyos pala ang may gusto sa kanya. Ang sabi ng kanyang ina, maganda naman daw siya at hindi niya dapat dibdibin ang katotohanang ang nag-iisang nanligaw sa kanya at hanggang ngayon ay nag-iisang sumusulyap-sulyap nang may halong paghanga ay si Kiko lang.
Maniniwala na sana si Aey, pero hindi ba at lahat ng anak ay maganda sa mga mata ng magulang? Lalo na ang kanyang ina na todo ang pagkabilib sa kanya. Hindi ito nakapagtapos ng pag-aaral at umabot lang ng third year high school, may isa pang bagsak. Kaya ang pangunguna niya sa klase ay talagang malaking bagay rito.
"Ano nga?" giit ni Aey kay Apollo, kahit parang ayaw niyang marinig ang katotohanan.
Sa walang halong pampalubag-loob na opinyon niya, puwede siyang pumasang cute, pero dahil sa pagwewelga ng mga taghiyawat, nagmumukha siyang pangit. Ano ang kanyang gagawin kung lahat na ay nasubukan, pero ayaw sumuko ng mga taghiyawat na determinadong rumampa sa entablado? Puwede namang sa likod ng katawan, pero ayaw ng mga hitad. Ang gusto ay talagang sa mismong mukha niya.
Mga pasikat!
Isa pang malaking problema ni Aey sa pisikal na ganda ay ang tangkad. Kinulang siya. Kinulang siya para sa mga pangarap. Pinapangarap din kasi niyang maging modelo o kaya naman ay flight attendant. Paano siya magiging model o flight attendant kung ang height ay hindi umabot sa five feet?
Umaasa si Aey na tatangkad pa dahil may tatlong taon pa lang nang datnan siya ng buwanang dalaw, pero parang nakasira din 'yon sa kanyang paglaki. Imbes na lalong tumangkad, na-trap siya sa height. Kung hindi man sana model, o maging flight attendant sa eroplano ay beauty queen ang gusto niyang maging.
At ngayon, sasabihin ni Apollo na parang hindi naman siya maganda. May kaibigan bang ganoon Kung hindi lang ito mabait, matagal na niya itong sinapak, kahit pa nga mahirap gawin dahil malaki ang agwat ng tangkad nila.