CHAPTER 2

1578 Words
"Nahihirapan lang kasi akong ilakad ka kay Kuya. Ganoon lang ang gusto kong sabihin." "Eh, bakit ka ba nahihirapan? Sasabihin mo lang naman sa kanya na ligawan ako." "Wow!" Pumalatak si Apollo. "Ikaw, liligawan ni Kuya? Hmm..." sabi nito habang nakatingin sa kanya, nakataas ang kamay na ipinapaling sa kaliwat kanan na parang sinusukat ang kanyang ganda. "Hindi ka naman pangit. Kaya lang.." Dinampot ni Aey ang isang notebook at inihampas sa ulo ni Apollo. ''Walang hiya ka! Imbes na sabihin mong maganda ako, sasabihin mong hindi ako pangit? Ano'ng klase ka namang kaibigan?" "Ang ibig ko lang namang sabihin, ibang liga nga si Kuya. Sosyal nga ang mga gusto n'on, mga makikinis ang balat. Alam mo na, La Sallista, eh." "So ang ibig mong sabihin ngayon, hindi ako sosyal?" "Mmm," sabi nito habang nakatikom ang mga labi. Hindi na rin umimik si Aey. Sino ba ang lolokohin niya para pangaraping maging sosyal, samantalang naroon sila sa barong-barong nilang mag-ina at ni wala siyang maihaing pagkain sa buwisita kundi nilagang saging at kape. Wala ring kagamitan sa bahay kundi isang lumang TV na ni walang remote control. Phased out na ang mga ganoong TV, may dial, hanggang channel thirteen lang. Masinop lang talaga silang mag-ina kaya hanggang ngayon ay gumagana pa rin ang TV. Wala ni isang kagamitan sa bahay nila ang masasabing sosyal. "Paano ba maging sosyal?" bigla niyang naitanong. "Turuan mo nga ako, Apollonio." "Naku naman." Nalukot ang mukha ni Apollo. "Bakit ako ang tatanungin mo? Dapat ang mga babae ang tanungin mo. Hindi importante sa amin ang mga ganyang sosyal-sosyal. Isa pa, hindi rin ako sosyal." "Tumpak!" angil niya, nakasimangot. "Sa lahat naman ng mayaman, ikaw lang ang talagang kung umarte, parang dukha. Minsan nga mukha ka pang pulubi, eh." "Sobra ka naman. Nagkataon lang na nakikibagay ako sa mga tulad mo." Ngumisi ito, halatang nang-iinis. "Ang yabang mo!" Sinuntok ni Aey sa braso si Apollo. Tawa nang tawa ang lalaki. "Ikaw naman kasi, bakit ba ang dami mong gusto? Gusto mong maging sosyal, gusto mong sumali sa mga beauty pageant, gusto mong maging leader n'ong mga cheer dancer, at gusto mo pang lumuwas para magpa-derma. Bakit ba ganyan ang mga bagay na naiisip mo, samantalang magaling ka sa school, matalino ka. 'Yon ang dapat mong isipin, hindi puro pagpapaganda." "Ano bang pakialam mo samantalang kahit naman ganito ang naiisip ko, nakikinabang ka naman sa akin? Kahit nga hindi ka mag-review, tumabi ka lang sa akin sa exam, pumapasa ka na. Tapos, ito lang ang hiling ko sa 'yo, na pagbigyan mo ang pangangarap ko, sinasabi mo pang hindi ako maganda? Tapos tatawagin mo akong kaibigan? Anong klase ka?” Nakasimangot na sagot ni Aey, nakairap sa kaibigang si Apollo. Ang lakas ng halakhak ng lalaki. "O, siya, siya, tutulungan na kita. Sasabihin ko sa 'yo ang malupit na sekreto ng mga sosyal. Para maging sosyal, kailangan mo ng mga sosyal na gamit." "Ano, 'yong mga Guess at Levis, gano'n ba? Meron ako diyan," pagmamalaki niya. Hindi na kailangang malaman ng lalaki na lahat ng mga iyon ay hindi talaga original. Kung mayroon man siyang original na gamit, bigay lang ng amo ng kanyang ina at hindi rin niya maisuot dahil parang pang-ballroom dancing sa kintab. May mga sequins-sequins at hindi iyon uso, lalo na sa mga ka-edad niya. Ang hand me down lang na naibigay nito ay isang ternong blusa na maong at maong ding pantalon. Siguro nga, noong nakaraan pa iyon nauso sa Maynila dahil matagal na niyang nakita sa mga artista sa TV, pero dahil taga probinsiya, ngayon pa lang iyon nauuso sa kanila. Parang palabas sa sinehan, pinagsawaan na sa Maynila bago maipalabas sa kanila. Uso pa rin, marami pa ring nanonood dahil mas mahal na lumuwas pa para manood lang ng sine kaysa maghintay na lang na dumating ang pelikula sa kanilang bayan. Double feature pa. Dalawang pelikula sa presyo ng isa. Sa kanilang lugar, ang ganoong ternong maong ay siguradong pampasikat sa mga kaedad ni Aey. Kaya nga iyon ang nakaplano niyang isuot sa darating na Sabado, kung kailan alam niyang makikita ang kapatid ni Apollo sa isang concert sa bayan para sa piyesta. Mismong si Apollo ang nagsabing darating sa concert si Derrick dahil tiyahin ng mga ito ang organizer. Para sa masa iyon, proyekto ng mayor na tiyuhin ni Apollo. Talagang balak ni Aey ang magpapansin kay Derrick. Hindi niya alam kung bakit may kung anong uri ng atraksiyon siyang nararamdaman para sa panganay na kapatid ni Apollo. Siguro, isang Derrick ang pangarap ng lahat ng matalinong babae. Clean-cut si Derrick, disenteng manamit, kahit nakamaong ay parang puwedeng dumalo sa debut. In short, hindi mukhang uhugin si Derrick hindi kagaya ng kapatid nitong si Apollo. Higit sa lahat, malayong-malayo kay Apollo ang kuya nito. Baka kaya nga ipinadala sa probinsiya ang kaibigan ay dahil matigas ang ulo at hindi sumusunod sa gusto ng mga magulang, kung ang pamantayan ng mag-asawa ay ang panganay na anak. "Bakit nga ba hindi ka tumulad sa kuya mo?" tanong niya kay Apollo. "Ano ba 'yan, hija? Pati ba naman ikaw, 'yan pa rin ang tanong? Wala na ngang ibang tanong sa akin sina Mama araw-araw kundi 'yan, dadagdag ka pa ba? Ano bang masama sa porma ko?" Pinagmasdan niya ang kaibigan mula ulo hanggang paa. Makikita dito ang hanggang balikat na buhok na naka-ponytail, goatee, itim na pantalong maong na laslas sa bandang tuhod, itim na T-shirt na may imprentang bungo sa dibdib, Chuck Taylors sa mga paa. Bumuntong-hininga siya. "Itinatanong pa ba 'yan? Bakit hindi mo gayahin ‘yong mga sosyal?" "Ano ba ang sosyal para sa 'yo, ha, Aeycel? Iyong naka-coat and tie? Naka-amerikana? Leather shoes?Ganoon ba ang inaasahan mong isuot ko?" "Basta tingnan mo ang damit ni Derrick at gayahin mo. Iyon ang tinatawag na sosyal. Saka mas magmumukha kang tao." "Bago pa kita masakal, sabihin mo na sa akin kung kumusta ang project natin kay Miss Isidro. May kailangan pa ba akong gawin? Kung meron, sana saglit lang dahil may practice pa kami sa banda." Iyon ang priority ni Apollo, ang kanyang banda. Gitarista at bokalista ito ng grupong ang pangalan ay ‘Musical Symphony.’ Magaling namang tumugtog si Apollo. Nakita na ni Aey ang lalaki na tumipa ng mga kantang gusto niyang pakinggan sa radyo, pero kung bakit iginigiit ng kaibigan iyong mga maiingay na rock 'n roll ang tugtugin. Iyong mga metal-metal. Hindi siya interesado dahil para sa kanya ay ingay lang iyon. Tuwing sasabihin niya ang opinyon ay pinagtatawanan lang siya nito at sinasabing wala raw siyang alam sa music. Ang sabi niya naman, kung ang metal na yon ang tinawag na music, hindi na bale. Hindi "music'' ang tawag doon kundi "noise." "Ano ba ang napapala mo sa pagbabanda-bandang ganyan? Kaya naaasar sa 'yo ang parents mo, eh. Imbes na mag-aral ka, imbes na asikasuhin mo ang school, wala kang ibang ginawa kundi magbanda. Magkakapera ka ba diyan? Sisikat ka ba diyan? llang banda lang naman ang nagkapera sa ganyan. Isipin mo, sa libo-libong nagbanda, ilan lang ang sumikat at nagkapera?" "Music is the language of my soul. Music is my life," madramang sabi ni Apollo, humawak sa dibdib na parang feel a feel ang pagiging ‘artist.’ Ang sarap tuktukan. Talagang may mga taong hindi alam kung gaano kasuwerte ang mga ito. Kung nagkapalit sila ng sitwasyon, baka ngayon, nasa pre-law na siya at hindi mamomroblema kung makakatuloy sa Law school. Iyon ang matagal nang pangarap ni Aey. Pero dahil sa hirap ng buhay, noon pa mang malaman niyang magtatagal nang isang dekada ang pag-aabogasya, naisip na niyang hindi iyon para sa kanya. Wala siyang balak magkandakuba ang ina para sa kanya. Una bago ang mga pansariling pangarap ay ang pangarap para sa kanilang mag-ina, na magkaroon ito ng pagkakataong makapagnegosyo nang hindi na nangangamuhan. Noon pa, sinasabi na ng kanyang ina na mas maganda kung makakapag-abroad siya dahil mas malaki ang kita. Baka mag-Nursing siya pagkatapos ng high school. Bahala na. "Ano, tutugtog ka ba sa Sabado kaya kailangan mo na naman ng practice? Ano ba 'yan, bakit maya't maya ang practice, eh, puro 'rah-rah-rah' lang naman ang naririnig ko sa kanta ninyo?" Inis pa rin siya kaya inaasar niya ang lalaki. Pero hindi napikon si Apollo, sa halip ay tumawa pa ito ng malakas. "Hindi ka talaga sosyal. Puro pang-ballad lang ang alam mo. Pero oo, tutugtog kami. Malaking gig yon kaya na excited ako." Napaismid si Aey. "Di ba, ang sabi sa 'yo ng mga magulang mo, ayaw nilang tumugtog ka doon?" Iyon ang sinabi ni Apollo noong nakaraan. Ayaw daw ng mga magulang nitong makita ng mga tao ang anak na ganoon ang hitsura. Conservative ang mga ito, lalo na at nasa politika ang pamilya. Baka raw isipin ng mga tao na adik ang isang Villacid nilang anak. "Wala naman silang magagawa dahil si Tita ang may pa-concert at favorite niya ako." "Kaya ka palaging napapagalitan, eh. Kaya palaging naiinis sa 'yo ang parents mo, dahil ayaw mong makinig. Kapag sinabi sa 'yong hindi puwede, hindi puwede. Kapag sinabi sa 'yong mag-aral ka, mag-aral ka. Kapag sinabing magpagupit ka ng buhok, ipatabas mo! Masyado kang rebelde. Wala naman akong makitang dahilan para magrebelde ka." "Minamaltrato ka ba? Ginugutom ka ba? Noong bata ka ba, ikinukulong ka sa kubeta o pinapaluhod sa bubog? Ano ba ang ginawa sa 'yo ng mga magulang mo para magrebelde ka?" Sinamaan siya ng tingin ng kaibigan dahil sa mga narinig nito sa kanya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD