"Wow naman Aeycel, si Mama ka ba o si Papa?!" Lukot na ang mukha ni Apollo.
"Hindi ako nagpunta dito para makatikim ng sermon galing sa'yo. Kung gusto ko ng sermon, hihingi lang ako ng pera kay Papa."
"Pero curious ako. Bakit ayaw mong gawin ang ipinapagawa ng parents mo? Ang suwerte-suwerte mo nga, eh. Hindi mo ba naiisip yon? Kung ako ang nasa sitwasyon mo, susunod na lang ako, kaysa magrebelde. Bilangin mo kaya ang suwerte mo? Isipin mo na lang, ako, gusto kong maging abogada, pero---"
"Bagay sa 'yo. Pilosopo ka, eh," agaw nito.
Hinampas uli ni Aey ng notebook sa ulo ang lalaki.
"Ang point ko lang kasi, masuwerte ka. Hindi lahat ng tao nabibigyan ng pagkakataon na tulad mo. Suwerte ka sa mga magulang. Hindi ko sinasabing malas ako, nagkataon lang na mahirap kami. Kung naging mayaman akong tulad mo, hindi sana ako nagpapauto sa mga rakistang ayaw gumawa ng project para sa dagdag na baon."
Ang lakas ng tawa ni Apollo.
"Hmp, spoiled brat. Walang ginawa sa buhay kundi mag-'zhhh-zhhh-zhhh'," sabi niya, ginaya ang tunog ng electric guitar habang ginagaya ang pagkaskas niyon.
"Alam mo, napaka-old-fashioned mo," tatawa-tawa nitong sabi.
"Hindi old-fashioned ang tawag sa taong nakakaalam ng pagkakaiba ng music sa ingay." Inginuso ni Aeycel ang mesa kung saan nakapatong ang project nila. ''Ayan ang project. Tingnan mo na para sakaling tanungin ka, may maisagot ka at hindi rock 'n roll lang ang puwede mong sabihin.”
Natatawang inabot ni Apollo ang project, binuklat-buklat, patango-tango.
"Very good. Matutuwa na sa akin si Miss Isidro nito." Ibinalik nito ang project sa mesa, saka naglabas ng wallet. Dalawang lilibuhin ang ipinatong nito sa mesa.
"Hep, hep! Ano yan?"
"Alam kong nagrerenta ka ng computer para sa research."
"Hindi naman malaki ang nagastos ko dahil nag-type lang ako at kaunting research. Sa library pa rin ako kumuha---"
"Ito na nga lang ang contribution ko, 'wag mo nang tanggihan."
"Hindi naman ako naningil ng bayad. Ang kapalit lang sana, ilakad mo ako sa Kuya Derrick mo, sige na."
Tatawa-tawa ang lalaki. "Ayaw mo talaga nito?"
"Ayoko nga."
"Sakto, may pang-inom kami---"
"Teka nga!" Agad na hinablot ni Aeycel ang pera.
"Anong inom?"
"Sabi mo, ayaw mo."
"Naku, hindi! Kung pang-inom mo lang din naman, may mas mabuting paglalaanan ang datung." Ibinulsa niya iyon.
"Ano ka, sinusuwerte? Libre na ang project, may pang-inom pa?”
"Sabi ko nga. O, paano, aalis na ako. Salamat talaga, Aey."
"Heh! Paligawan mo ako sa kuya mo."
"Ang cute mo talaga!" sabi nitong biglang hinalikan ang kanyang pisngi, saka humahalakhak na sinabi.
"O, 'ayan, may first kiss kana rin. Dagdag bayad."
Nakatulala lang si Aey sa kinatatayuan hanggang sa makaalis na ang kaibigan. Hindi na niya nagawang humabol ng angil at hindi rin siguro niya kayang gawin. Bigla siyang napahawak sa pisngi, saka napailing. Sira-ulo talaga si Apollo.
Malayo sa na-imagine niya ang first kiss.
Joke ang kanyang first kiss.
Buset! sa isip-isip ni Aey, sabay tawa. Masayang kasama si Apollo, talagang nakakainis lang kung minsan.
"Nakakainis!" bulong ni Aey habang naghihintay sa tabi ng fishball vendor. Mag-iisang oras na siyang naghihintay roon, kung saan sinabi ni Apollo na babalikan siya agad. Amoy-fishball na siya, wala pa rin ang lintek na rakista!
"Ano, tusok-tusok pa ba o pishbol?" tudyo ni Mang Pitoy, ang vendor, kabarkada ng kanyang kapitbahay at nakikita sa kanilang lugar tuwing Sabado ng gabi
para sa "session" ng inuman.
"Si Manong talaga, napupurga na nga ako, eh!" sabi niya, nakalabi.
Gusto nang magwala ni Aey habang nakasimangot. Pinaghandaan niya ang gabing iyon. Ternong maong na blouse at black jeans ang kanyang suot, mula sa among kanyang ina sa Maynila. Usong-uso pa naman iyon sa kanila at bihira ang nakita niyang ganoon ang suot sa plaza.
"Ano ba't sambakol ang mukha mo? Sino ba ang hinihintay mo diyan, may date ka ba? Bakit hindi ka makisaya doon sa may entablado? Nandoon ang mga kabataan, ah."
"Iyon na nga po mismo, manong!" Napabuga siya ng hangin.
"Ang sabi kasi ni Apollonio, maghintay daw ako rito. Hindi ko nga alam kung bakit naniwala ako. Nandoon lahat ng tao, pero dito niya ako pinaghintay? Nakakairita!"
"Sino bang Apollonio 'yan? Boypren mo?"
"Naku, please lang, manong, no! May pangarap ako sa buhay!" Naitirik ni Aey ang mga mata.
Wala siyang balak maging boyfriend ang isang lalaking mukhang adik sa porma at hindi pa nag-aaral kahit may pera. Kahit may pagkakataon. Ang gusto niya ay ang kapatid nito. Na ipapakilala sa kanya kahit nakilala na niya noon. Parang ire-renew ang introduction, ganoon. Dapat lang dahil parang nalimutan na nga talaga siya ni Derrick.
Noong isang araw lang, nakita niya si Derrick sa simbahan at parang hangin lang siya rito. As in hindi siya nginitian man lang nito, ni hindi kinawayan. Nahiya naman siyang ngumiti at bumati. Siyempre, siya ang babae at siya ang dapat na binabati nito. Pero paano nga naman siya babatiin kung hindi na siya naaalala?
Baka naman dahil sa malaki na ang kanyang ipinagbago mula nang huli silang magkita. Oo, malaki ang ipinagbago niya.
Noon kasi, ilang taghiyawat pa lang ang pumipirma. Ngayon, nagkaroon ng signature campaign ang mga lintek, lahat naki-join.
"Hoy, Monrick!" tawag niya sa dumaang lalaki, isa sa mga kabanda ni Apollo.
"O, Aeycel, nandiyan ka pala. Ano'ng atin?"
"Anong ano'ng atin?" Iritado na siya. Wala siyang pakialam kahit ma-offend ito. Alam nitong masungit siya, istrikta.
"Nasaan si Apollonio?"
"Eh, di kasama ang syota niya."
"Syota na naman?"
"Alam mo naman 'yon, chickboy."
Naitirik na lang ni Aey ang mga mata. Mulat sapul, babaero si Apollo. Parang walang sineseryoso, kasabay niyon, parang napakaseryoso rin nito kung minsan. Parang dibdiban din ang ginagawang pakikipag-girlfriend nito. Ano nga iyong sinabi ng isa niyang kaklaseng naging girlfriend ni Apollo?
"Masarap maging apple of the eye niya, parang mahal na mahal ka niya. Pero hindi ka magtatagal. Ganoon siya."
Sa madaling sabi, madaling magsawa ang kanyang kaibigan. Kapag hindi pa sawa, parang in love na in love. Pero kapag nagsawa, good-bye na, parang walang nangyari, parang halos hindi na kakilala ang nakarelasyon. Mabilis din itong magpalit ng girlfriend. Siguro, sa taong iyon lang ay nakalima na sa school, iba pa yong mga taga-private school.
"Tawagan mo nga!" utos ni Aey.
"Wala akong load," sabi ni Monrick.
"Ang gara ng phone mo, wala ka palang load!" angil niya.
Usong model ang unit nito, Nokia 1100 at bihira sa kanila ang mayroong ganoon. Maykaya rin sa buhay ang mga magulang ni Monrick.
"Ito? Luma na nga ito. Mas astig iyong mas bago. Gusto ko nga 'yong 6300 na kakaiba at 'in' ngayon."
"Wala akong paki,'' agaw ni Aey.
Wala siyang cell phone dahil hindi kaya ng budget. Wala rin siyang paggagamitan. Sino ang ite-text niya, ang mga kaklase? Ng ano? Ng mga joke at quotes na corny?
Please lang. Hindi nagpapakakuba ang kanyang ina sa pamamasukan sa Maynila para sa mga ganoong klaseng nonsense.
"Pakitawag mo na si Apollonio. Isang oras na akong naghihintay, eh. Inip na inip na ako. Sabihin mo rin na buwisit siya! 'Wag niya akong paghintayin!"
"Sige, titingnan ko kung matatawag ko. 'Wag ka na ngang high blood diyan. "
Bumuntong-hininga siya, hindi alam kung susundan si Monrick o patuloy na maghihintay. Napatuhog na rin siya ng fishball nang dahil sa buwisit niya sa lalaki. Wala pa siyang matinong hapunan sa matinding excitement kaya kanina ay napakain na rin siya ng fish ball at kwek-kwek. Iyon pala, mauuwi lang sa ganito.
Ang iniisip na lang niya, hindi pa nakakauwi si Derrick at maipapakilala pa siya ni Apollo.
Talagang unfair ang mundo. Bakit kahit makailang ulit na siyang nakita ni Derrick, hindi man lang siya naalala? Oo at hindi pa nakikipagkuwentuhan sa kanila ang lalaki noon, pero kahit naman paano, dapat ay naalala siya nito. Ganoon ba siya ka-forgettable? Iyong tipong napaka-ordinaryo na hindi mapapansin sa isang grupo ng mga tao?
Aray.
Pero siguro, mas maganda na 'yon kaysa naman namumukod-tangi sa sang grupo dahil sa kapangitan.
"Aecel!"
Narinig pa lang ang kanyang pangalan, nairitik na ni Aey ang mga mata, sabay tusok sa fishball nang may halong galit. Matalim ang sulyap niya kay Apollo habang inilulublob sa sawsawan ang natuhog na bola-bola.
"Tinubuan na ako ng varicose veins!" angil niya.
"Pasensiya na. Umiyak si Dianna, eh, hindi ako nakaeskapo agad."
Si Dianna ang senior na nasa mas mababang section, muse. Maganda ang babae, muse din tuwing intramurals, pero alam ng lahat na medyo tanga. Alam ni Aey dahil magkaklase sila noong elementary. Isa si Dianna sa mga tong matatandaan niya habang panahon dahil sa taglay na katangahan.
Ito ang tipo ng taong palaging pasang-awa at kahit nangopya na, hindi pa rin tumataas ang grade, paano ay palaging parang nakalutang ang isip. Wala yatang laman ang isip kundi polbo, eyeliner at lipstick. Pagpasok sa eskuwela sa umaga, parang aattend ng party ang makeup. Crush ng mga lalaki, pero sa parang alam ng mga itong tatanga-tanga ang babe, weak.
Ayaw ni Aey na makilala sa ganoong paraan. Mas gusto na niyang maging pangit kaysa naman ligawin at maganda, engot naman.
Iyon lang, sa mga pagkakataong kailangan ng ganda, naiirita siyang hindi siya kagandahan. Kung bakit ang tatanga ng mga lalaki at iyong maganda ang gusto. Siya, kahit siguro hindi guwapo si Derrick, walang kaso dahil ang kanyang nakikita rito ay ang pagiging responsable sa batang edad, ang pagiging matalino, ang pagiging achiever. Kung kaguwapuhan ang pag-uusapan, mas guwapo si Apollo.
Pero dahil hindi nga siya tumitingin sa pisikal, si Derrick ang kanyang tipo.
Naniniwala siyang pangmatalino si Derrick. Ang mga nakakatipo naman kay Apollo ay iyong mga hindi nag-iisip at nagpapadala lang sa damdamin at pambobola ng kaibigan niyang mas malikot pa sa de-bateryang trumpo. Wala pang ibang ginawa kundi magbanda, isang malaking nonsense, sa kanyang opinyon.
"Amoy-fishball na ako kakahintay sa 'yo dito," dagdag-angil ni Aey.
"Sorry na,"Ngumiwi si Apollo.
"Pero siguro mas maganda nga 'yan kasi hindi ko rin maipapakilala si Kuya sa 'yo ngayong gabi. Kuwan, umuwi na, ch---"
Halos mapanganga si Aey sa ngitngit. Isang oras siyang tumambay sa tabi ni Mang Pitoy, kinapitan ng samut-saring amoy, umaasa sa isang bagay na parang pangarap na lang ngayon, kahit napakasimple lang naman kung tutuusin.
Napikon na siya nang husto. Siya ang tagagawa ng project ni Apollonio, ang pa-kopyahin sa exam, ang nagbibigay rito ng sasabihin kapag may report, ang tagabura ng pangalan nito sa listahan ng mga estudyanteng hindi naglinis ng classroom dahil tumakas para makapagbanda, at napakarami pang iba.
Ang simpleng hiling niyang ipakilala uli sa kapatid, hindi pa nito nagawa. Hindi siya nainis sa mismong akto, kundi sa kawalan nito ng effort. Parang bale-wala rito at hindi siya binigyan ng priority. Bilang kaibigan, nasaktan siya. Ni hindi nagawang magtalak ni Aeycel dahil parang gusto niyang mapaiyak sa sama ng loob.
Dumukot siya ng barya at iniabot kay Mang Pitoy, saka naglakad na papunta sa paradahan ng tricycle ng walang lingon-likod.