CHAPTER 4

1416 Words
"Aey naman!" habol ni Apollo. "Lagot na!" sabi ni Mang Pitoy. Hindi umimik si Aey. Naiinis siya na nangingilid ang kanyang mga luha. Baka kantiyawan pa siya ni Apollo kapag nakita ang hitsura niya, pero nakakainis talaga ang kamote! Wala itong pakialam sa kanya! Mas inuna pa si Dianna na walang hatid na kahit na ano rito kundi kalandian. "Aeycel!" Nagawa siyang hawakan ng lalaki sa braso. "Sorry na kasi!" Lalong nainis si Aey sa sarili dahil pumatak ang kanyang luha. "Uuwi na ako." "Lagot nga," bulong ng lalaki, parang pinagsakluban ng langit at lupa. "Hindi ko naman alam na ganoon ka-importanteng makilala mo si Kuya. Ang ibig kong sabihin, hindi naman natin sigurado kung magkakagusto siya sa 'yo." Lalo lang ibinabaon ng lalaki ang sarili sa matinding inis ni Aey. Bakit kailangan nitong ipagdiinan iyon?Itinaas niya ang mukha. "Hindi naman 'yon ang nakakainis, eh. Ang nakakainis, ito lang ang pabor na hiningi ko sa 'yo, hindi mo pa magawang unahin. Mula ngayon, ikaw na ang gumawa ng mga project mo. Bahala ka na." "Aey naman!" Napakamot na sabi ni Apollo. "O kaya ipagawa mo sa mga chicks mo tutal madami naman sila!" "Aey..." Nanghahaba ang nguso nito. "'Wag namang ganyan, Aey." Hindi umimik si Aey at sumakay na sa tricycle. Nabigla siya nang sumakay rin si Apollo dahil may sarili itong motorsiklo. Malaki itong tao at maliit ang tricycle kaya para silang sardinas. Mababa rin ang bubong ng sidecar kaya bahagyang nakayuko ang lalaki. "Bakit ka kasi sumama? Bumaba ka nga!" sabi niya. "Ikaw naman, o." Marahan siya nitong siniko na parang naglalambing. "Sorry na." "Sorry-sorry." Umismid siya. "Sorry na, Aey. Kasalanan ko talaga. Wala akong kuwentang kaibigan. Sorry na. Patawarin mo na ako." "Ni hindi ako nakapag-enjoy ngayong gabi kahihintay sa 'yo. Doon mo pa ako pinaghintay sa puwesto ni Mang Pitoy! Para kang nang-iinis!" "Nawala sa loob ko, Aey. Hindi ko sinasadya. Pero sira-ulo ako, kasalanan ko ito. Sorry na. 'Wag ka nang magalit sa akin." Hindi siya umimik, masama pa rin ang loob. Tumahimik na rin si Apollo hanggang sa maihatid na sila ng tricycle sa tapat ng bahay nina Aey. Bumaba ang lalaki, saka nagbayad ng pamasahe. Tuloy-tuloy si Aey sa bahay. Nakasunod naman agad si Apollo. "Aey. Please naman, o. Wala namang ganyanan." "Ano ba ang ginagawa ko? Wala naman akong ginagawa, ah. Basta kanya-kanya na tayo. Bahala ka na sa buhay mo. 'Wag mo na akong kulitin!" Simula na ng fourth grading at manigas ito. Mas mahihirap ang mga project at handa siyang sumabak sa mga iyon dahil naghahanda rin siyang humakot ng mga medalya. Iyon lang ang maisusukli niya sa ina at kailangan din para sa college. "Tara. Ipapakilala kita kay Kuya. Ngayon na." "Ano'ng sinasabi mo diyan?" "Nasa bahay naman 'yon kaya tara sa bahay. Mag-tricycle na lang tayo." "Ayoko na. Amoy-fishball na ako at pati itong damit na pinaghandaan ko, mabaho na rin." "Magpalit kana lang. Iyong bestida mong pangsimba, bagay sa 'yo iyon. Iyong kulay-blue na may parang ribbon sa likod." Natigilan si Aey. Hindi niya kailanman naisip na binibigyan ni Apollo ng atensiyon ang detalye ng kanyang damit. Kahit paano, pampalubag-loob. "Baka magtaka siya kung ano ang ginagawa ko sa inyo." "Ako na ang bahala doon. Magpalit ka na. Sasabihin ko sa tricycle, hintayin tayo." Tumango siya at agad na pumasok sa bahay. Naghilamos siya at nagpunas ng basang bimpo sa braso at katawan, saka nagpalit ng bestida. Tiningnan niya ang mukha sa salamin at naglagay ng kaunting polbo at lipstick. Lumabas na rin siya mayamaya. Nasa sala lang si Apollo habang naghihintay sa kanya. "Wow, ang ganda naman ng kaibigan ko." "Heh!" irap niya. Hindi siguro sila masasabing best friends. Hindi rin close friends. Dahil kung ganoon ang turingan nila, siguro marami nang babaeng nagpalakad sa kanya kay Apollo. Pero magkaibigan sila, hindi nga lang sa lebel tulad ng pagkakaibigan nito at ng mga kabanda. Hindi rin sila nagkakasama sa labas ng eskuwela, maliban kung may project na kailangang tapusin. Lumabas na sila at sumakay uli sa tricycle. Imbes na kunin ang motorsiklo sa bayan, nag-tricycle sila hanggang sa bahay nina Apollo dahil nakabestida raw siya at mahihirapang umangkas sa motorsiklo. Nang makarating sa mansiyon ng mga Villacid ay kabado si Aey. Pagpasok nila sa sa bahay, agad niyang nakita si Derrick. May kausap itong magandang babae. Magandang babaeng nakakulay-pulang blusa at puting-puting pantalong maong, saka sandalyas sa mga paa. Simpleng-simple ang suot ng babae, pero hindi maikakaila ang pagkasosyal. Kung siya ang magsusuot ng ganoon, hindi ganoon ang magiging epekto. "Kuya," bati ni Apollo sa kapatid. "Good evening," nakangiting bati ni Derrick. "Good evening," nahihiyang bati ni Aey. "Si Aeycel nga pala, Kuya," sabi ni Apollo. "Girlfriend mo?" tanong ni Derrick. "Naku, hindi. Kaibigan ko." "Hello, Aeycel. I think I met you before. How are you?" "Okay naman." Nagtaka si Aey sa sarili. Bakit parang biglang naglaho ang kilig niya para kay Derrick? Dahil ba kapansin-pansin ang parang biglaang paglapad ng noo nito? Kanina lang, naiisip ni Aey na hindi siya tumitingin sa panlabas na hitsura, pero bakit bigla, gusto niyang itanong kung bakit biglaan yatang nagtampo ang buhok ni Derrick. Napakabata pa nito para mapanot. Taliwas na taliwas kay Apollo na mas makapal pa yata sa kanya ang buhok. "By the way, this is Veronica, my girlfriend," pakilala ni Derrick sa kasama. Hindi na nabigla si Aey. Halata namang may relasyon ang dalawa. Wala rin siyang nakapang pagseselos. Takang-taka siya. Ano ang nangyari? Kanina lang ay ngitngit na ngitngit siya nang hindi matupad ang re-introduction at ngayong nalaman niyang may girlfriend na pala ang lalaki, hindi ba maluha dapat siya? Bakit wala siyang maramdamang selos o kung ano man? Gustong isipin ni Aey na baka nabigla lang siya, na-shock ang damdamin, kaya hindi magkaroon ng reaksiyon, pero walang ibang naka-shock sa kanya kundi ang katotohanang walang epekto ang balita. "Hoy," bulong sa kanya ni Apollo. "Pakainin mo ako ng masarap, tapos, uuwi na ako." "Tara," sabi nito, saka siya niyaya sa kusina. Nang makarating doon ay pinakatitigan siya nito. "Ayos ka lang ba, Aey?" "Oo. Gutom, pero ayos lang." "Sigurado ka?" "Oo nga!" Bigla siyang natawa, saka inginuso ang platong may lamang spaghetti na nakapatong sa mesa. "Mukhang masarap 'yan. Iyan ang ipakain mo sa akin." Agad na kumuha ng pinggan si Apollo at naghain. Panay ang subo ni Aey. Noon niya naramdaman ang gutom. Fishballs lang ni Mang Pitoy ang tanging laman ng kanyang tiyan. Sige siya sa pagsubo hanggang sa mapansing nakatingin sa kanya si Apollo. Bigla siyang na-conscious kahit ilang ulit na siyang nakita ng lalaking kumakain. "Ano ba, bakit ka nakatingin sa akin?" "Hindi ako makapaniwalang ayos ka lang. Sigurado ka ba?" "Oo nga. 'Wag kang magagalit, pero bakit parang biglang-biglang napapanot na ang kuya mo?" Biglang humalakhak si Apollo. "Hindi ko rin nga alam, pero napansin ko. Hindi lang ako nagsasalita dahil medyo vain si Kuya. Hindi 'yon tulad kong rock 'n roll. Siguro nagmana kay Lolo. Noong kasal nila ni Lola, mataas na ang hairline niya, twenty-one pa lang siya noon." "Na-turn off ako," pag-amin ni Aey. Muli, tumawa ang lalaki. "Inaway-away mo ako, tapos hindi naman pala totoo ang pag-ibig mo!" "Heh! Eh, ikaw? Ipinagpalit mo ako kay Dianna. Puwit ng baso pala ang pag-ibig mo!" Sabay silang nagkatawanan. Kumain na rin si Apollo. Habang pinagmamasdan ang lalaki, hindi nakaligtas sa pansin ni Aey ang magaganda nitong mata. Light brown ang mga iyon, hindi tipikal sa isang Pilipino. May lahing Kastila ang pamilya. Siguro, maraming Pilipino ang may lahing Kastila, pero mas marami ang nilipasan na ng hitsurang Kastila. Hindi kabilang doon si Apollo. Matangos ang ilong, mapula ang mga labi, makakapal ang kilay, alon-alon ang buhok na naka-pony tail. Matalino rin, pero tamad lang talagang mag-aral. Mabait. Galante. Tumingin ito sa kanya. Biglang pumitik ang pulso niya. Bakit ba biglang-bigla ay conscious na conscious siya? Ilang ulit na ba niyang nakasama ang lalaki at ngayon, bigla siyang mako-conscious? "Gusto mo ba ng ice cream?" tanong nito. "Itinatanong pa ba 'yon? lhain na." "Bati na tayo, 'di ba?" "Ano pa nga ba?" "So magka-group na tayo sa Physics?" Napaismid si Aey. Pilian ng kagrupo sa nabanggit na subject at siyempre, gusto nitong silang dalawa ang magkagrupo. "Ano pa nga ba?" "The best ka talaga!" sabi nito, saka siya hinalikan sa pisngi sa gawing tuwang-tuwa, ni hindi nandiri sa dami ng kanyang pimples. Ang lakas ng t***k ng kanyang puso. Piping hiling niya, sana hindi siya tubuan ng crush sa lalaking walang pangarap sa buhay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD