Chapter 8

2620 Words
"Anong niluluto mo, Pedro?" pagtatanong ko, kapagkuwan ay tumingkayad upang dungawin ang ginagawa nito. "Tinola po, Ma'am. Para naman mainitan kayo at kanina pa kayo nilalamig." Napangiti si Pedro, nagkatinginan pa kami nang lingunin niya ako sa pagitan ng kaniyang balikat at leeg. Hindi pa ako nakakapagbihis. Kung ano iyong suot ko kahapon ay siyang damit ko pa rin ngayon. Hindi ko na nagawang makapagpalit o maligo, hinintay ko na lang na matuyo ang katawan ko. "Hmm, I see. Mukhang masarap nga," puri ko dahil totoo naman, langhap ko ang bango nito at mas natatakam ako. Dinig ko ang mas pinalakas na pagwawala ng tiyan ko, na hindi malabong marinig din ni Pedro. Hindi nga ako nagkamali dahil tumawa ito. Tuloy ay kinurot ko ito sa kaniyang tagiliran. Imbes na masaktan siya ay mas nangibabaw pa ang malakas niyang pagtawa. "Hindi pa ba tapos?" Dinig naming boses mula sa likuran namin, rason para magkasabay naming lingunin iyon ni Pedro. Mula naman sa marbled counter table ay naroon si Brayden. Nakahilig siya sa gilid nito at ang mukha ay buryong-buryo na sa buhay. Hindi maipintura ang mukha. Magkasalubong na kilay at kunot ang noo. Ang kaninang ngiti ko ay unti-unting nalusaw, parang sa isang iglap ay namatay ang kaninang kasiyahan namin ni Pedro nang dahil sa kaniya. Awtomatiko naman ding lumayo si Pedro sa akin. Iyong saktong layo lang, since hindi niya pwedeng iwan ang niluluto niya. Hindi naman ako umalis sa kinatatayuan ko. Nananatiling tinatanaw ko lang si Brayden gamit ang mapang-uyam na tingin. "Ay, Ser, malapit na po!" maagap na sagot ni Pedro rito. "Kakain po ba ulit kayo? Tamang-tama, marami itong niluto ko. Nagsaing din ulit ako." "No. Hindi ako kakain," pahayag niya sa malalim na boses, normal na boses na niya yata talaga iyon. Iyong tipong mababa lang, pero kita mong galit ang mga mata niya. Ganoon siya— sobrang misteryoso niya. Gusto ko nga sanang iisang bagsakan lahat ng katanungan ko, magmula kung bakit siya lumayas noon, kung saan siya nanggaling o tumuloy, kung papaanong buhay pa siya ngayon, o kung bakit bigla na lang siyang lumitaw ngayon? Gustung-gusto ko siyang usisahin, kaya lang ay masyado akong nagagalit sa katotohanang pinagtataguan niya sina Mama at Papa. Baka masampal ko lang siya kung sakali. Isa pa, mukha ring wala siyang balak na magsabi sa akin ng totoo. Higit sa lahat, hindi kami close. May parte sa akin na naiilang sa kaniya. Hindi ko maatim na magkakasama kami sa isang lugar nang kami lang. Siguro dahil hindi ko naman siya nakasamang lumaki, 'di katulad nina Leon. "Ah! Sabagay, Ser, aalis ka nga pala ngayon, ano? Babalik ka po sa port?" ani Pedro. Nangunot ang noo ko. Naningkit din ang mga mata, pero imbes na segundahan ang tanong na iyon ay pinili ko na lang na tumalikod. Binalingan ko ang niluluto ni Pedro. Kinuha ko iyong sandok at saka pa sumandok ng sabaw upang tikman iyon. "Hmm! Masarap nga!" sabi ko, rason naman para mapatingin sa akin si Pedro. "Sabi ko sa 'yo, Ma'am, e." Tumawa ito. "Huwag mo na akong tawaging Ma'am. Leigh ang pangalan ko, Pedro." "Ah..." Mahina siyang tumawa at nagkamot ng kaniyang ulo. "Nakakahiya naman po kung tatawagin ko kayong gano'n." "Ayos lang 'yun, Pedro. We can be friends naman," pag-alo ko. Matamis ko siyang nginitian. Sa hindi mabilang na pagkakataon ay namula na naman ang mukha ni Pedro. "Did you hear me, Pedro?" palatak ni Brayden sa likod na naroon pa pala, akala ko ay umalis na dahil ilang minuto siyang tahimik. "Ho?" Nagulantang ang mundo ni Pedro. Mukhang isang pitik na lang ay matatanggal na ng wala sa oras ang lalaking ito. "May sinasabi ka ba, Ser? Hindi ko po narinig." Oo nga, hindi naman siya nagsalita. O talagang hindi lang namin narinig. Hindi na ako lumingon. Ako na rin ang nagpatay ng kalan at madaliang kumuha ng mangkok. Pinuno ko iyon ng sabaw at ilang karne ng manok. Nang matapos ay dinala ko iyon sa kanilang pahabang lamesa. Narinig ko ang mabigat na pagbuntong hininga ni Brayden. Ramdam ko ang frustration doon, hindi ko nga lang alam sa kung anong dahilan. Marahil ay nai-stress na siya kay Pedro. "Ang sabi ko ay maghanda ka nang maaga mamaya. Uuwi ako nang maaga," mas mababang boses na pahayag ni Brayden. "Opo! Sige po!" Mainit man ay paunti-unti akong humigop sa sabaw. Kaagad na bumalatay sa akin ang tila napreskuhang lalamunan. Kanina ay nilalamig pa ako, pero ngayon ay hindi na. Kahit papaano ay guminhawa rin ang pakiramdam ko. "Sige, Ser. Ingat po kayo," dugtong ni Pedro kay Brayden na nananatiling nakatayo sa kaniyang pwesto. Ayaw ko nang lumingon dahil masyado akong abala sa paglasap sa buto ng manok. Animo'y dalawang araw akong hindi nakakain at gutom na gutom ako. Dala ng pagod siguro, kaya takam na takam ako. Hindi rin naman lingid sa kaalaman kong patay gutom nga ako. "Do you need anything else? Perhaps, gustong ipabili? Isasabay ko na mamaya," muling wika ni Brayden. "Ang sarap nito, Pedro!" hiyaw ko. Tinungga ko na ang natirang sabaw sa mangkok at padarag pang ibinaba iyon sa lamesa pagkatapoa. Malakas akong dumighay. Doon lang din ako nagkaroon ng pagkakataon na malingunan si Brayden na parang ayaw nang umalis. Nagulat pa ako dahil deretso na ang mga mata niyang seryoso sa akin. Kaagad naman akong naguluhan. Saglit akong nag-angat ng tingin kay Pedro para kunin ang nangyayari, pero inginunguso lang niya kung nasaan si Brayden. "Kausap mo ako?" maang na pagtatanong ko. At para namang na-badtrip si Brayden dahil nakita ko ang pag-igting ng kaniyang panga. Lumanghap siya ng hangin at mabigat na nagbuntong hininga, tunay na nagtitimpi. "Nevermind." Nilingon nito si Pedro. "Aalis na ako." "Okay, Ser! Ingat po ulit kayo!" magiliw na pamamaalam ni Pedro. Ilang segundo pa siyang tinitigan ni Brayden bago siya nagbaba ng tingin sa akin. Pasalit-salit ang madilim niyang mga mata sa aming dalawa hanggang sa tahimik siyang tumalikod at umalis. Kalaunan nang umakyat din ako sa itinuturo ni Pedro na kwarto ko raw. Malaki iyon at doble sa kwarto ko roon sa bahay. Nasilayan ko ang kaninang kwarto ni Brayden, kaya alam ko na mas malaki iyon kumpara rito. Hindi lang din yata ito guest room dahil sa katotohanang magkatapatan lang kami ng kwarto ni Brayden, pero hindi na ako nagreklamo. Okay na ako na magkahiwalay ang mga kwarto naming dalawa. Iniwan na ako ni Pedro roon para mapag-isa. Dagli ko pang inikot ang kabuuan ng kwarto. Rito ako nagising kaninang umaga, malinis ito kanina bago ako lumabas para tumakas kung kaya ay nagulat ako dahil naroon sa sahig ang ilang mga paper bag. Mayroon iyong iba't-ibang brand name, may maliit at malaking paper bag. Tinungo ko iyon at lumuhod upang dungawin ang mga laman. Nalaglag na lamang din ang panga ko nang makita ang mga damit pambabae roon. Nalaman ko kaagad na para sa akin iyon dahil bukod sa puro lalaki ang mga narito kanina ay alam kong size ko ang mga ito. Wala pa sa sarili nang iangat ko ang nahawakan kong brassiere. It's cup 34B. Lahat ng klase ng bra ay naroon. May brallete, may sports bra, underwire, balconette, bandeau, halter at racerback, pero walang padded o push up bra! Meanwhile; thong, string, bikini, hipster, maxi at boyshorts naman ang mga panty in medium size. Nanlaki ang mga mata ko. Natutop ko pa ang sariling bibig dahil hindi talaga ako makapaniwala. Sinong bumili nito? Bandang huli ay nakagat ko na lamang ang pang-ibabang labi. Hindi na ako umangal pa at wala rin naman akong mapagtatanungan. Kumuha lang ako ng isang pares ng bra at panty, damit na rin at saka deretsong pumasok ng banyo para maligo. Ilang minuto akong nagbabad sa loob. Nakalublob lang ako sa bathtub habang nakapikit ang mga mata. Honestly, hindi ko masabi na na-kidnap nga ako. Kasi bakit may special treatment sa akin kung totoo nga na na-kidnap ako for some ransom? Although yes, kidnap pa ring matatawag iyon. They took me away illegally, and by force. Hindi ko lang maisip na ipapa-kidnap nga ako ni Brayden. Wala naman siyang makukuha sa akin, o mapapala. Baka nga ngayon ay mas mayaman na ito kumpara sa yamang mayroon kami. Mas mayaman din kay Xian. Kung titingnan siya ay para bang mas umayos ang buhay niya. Hindi ko naman siya nakitaang naghirap o naghihirap. Kita mo nga at sa isang isla pa nakatira. Oh, wow! Now I get it. Kaya rin siguro hindi siya makita-kita noon nina Papa, na kahit anong gawing halughog nila sa buong Pilipinas ay hindi nila matagpuan si Brayden. Kasi nga ay malayo ito sa kabihasnan. Hindi ko nga alam kung tama bang alam din ba ng kinauukulan na may ganitong lugar o isla rito sa Pilipinas. O kung alam man, siguro ay restricted ito sa mga tao. Umimpis ang labi ko sa malalim kong pag-iisip. Isa pa sa nagpapagulo ng utak ko ay kung paano ko ba pakikisamahan si Brayden. Galit ako sa kaniya, iyon ang totoo. Galit na galit na hindi ko siya kayang imikin. Biruin niyo at twenty years ang nagdaan, ni isang beses man lang doon sa loob ng higit twenty years ay hindi siya nagpakita kina Mama at Papa. Ni wala man lang niho nihao galing sa kaniya. Inis na nahilot ko ang sentido ko. At kung hindi lang din sana ako nakidnap ngayon, boyfriend ko na sana si Xian! Naudlot pa tuloy ang lovelife ko nang dahil sa kaniya. Ayan at nadagdagan ang galit ko rito. Kumusta na kaya si Xian? Hindi na siguro iyon nakatulog simula kagabi nang makuha ako sa kaniya. Laking pagsisisi niya marahil dahil hindi niya ako nagawang isalba, pero alam ko rin na gumagawa na siya ng paraan ngayon para hanapin ako. Sayang lang at wala akong cellphone na dala. Naroon kasi iyon sa pouch ko na naiwan ko sa VIP room bago bumaba sa dancefloor. Speaking of cellphones, pwede naman akong manghiram kay Pedro 'di ba? Sa naisip ay mabilis akong umahon sa bathtub. Nagbanlaw lang din ako bago tinuyo ang katawan gamit ang tuwalya na naroon. Sa loob na ng banyo ako nagbihis. Kalaunan nang lumabas ako, sinusuklay ko pa ang basa kong buhok. Dumeretso ako sa baba para hanapin si Pedro. Sa kusina at sala ay wala siya, kaya minabuti ko nang lumabas ng bahay. Mula pa sa hamba ng malaking pintuan ay naroon ang dalawang lalaking naka-tuxedo. Magkabilaang gilid ang pwesto nila. Dagli nila akong nalingunan, siya namang pagtataas ko ng kilay. Hindi sila umimik, hindi ko rin nakitaan ng kahit anong reaksyon. Mana yata sa amo nilang si Brayden na masungit. Mabuti pa si Pedro, kahit papaano ay kinakausap niya ako kahit alam kong takot din siya kay Brayden. Hmp! Dinaanan ko na lamang sila. Hindi naman din nila ako pinigilan at hinayaan lang na makalabas ng bahay. Well, alam nilang wala akong kawala sa islang ito. Wala sa sarili nang mapairap ako. Ang ilan sa lalaking tauhan ni Brayden ay nagkalat sa labas, tila ba bantay sarado nila ang isla na sa oras na may mamataan silang panganib, o paparating na ibang barko ay handa silang pumatay. Nalingunan ako ng iba, pero kagaya kanina ay hindi naman ako pinagbawalan na mag-ikot-ikot. Nga lang ay ramdam ko ang pagmamasid nila sa akin. Baka naiisip na nilang tatakas ulit ako. Hindi ko makita si Pedro kung kaya ay napirmi na lamang ako sa sun lounger na kaninang napwestuhan ko. Nahiga ako roon at ginawang unan ang dalawang kamay. Pumikit at saka dinama ang magkasamang init at lamig na dala ng malakas na hangin. Marami akong naiwang trabaho sa Maynila, pero tingin ko naman ay deserve ko rin ang pahinga. Iisipin ko na lang na bakasyon ko ito, total ay maganda naman ang islang ito. Tahimik at payapa. Lumipas ang oras. Hindi ko namalayang nakatulog pala ako. Nang magising ay napansin kong ganoon pa rin ang ayos ng mga tauhan ni Brayden. Papalubog na rin ang araw mula sa kanlurang bahagi ng isla. Matapos maghikab at mag-unat ng mga kamay ay tumayo na ako. Pumasok ako sa loob ng bahay at madaling nakita si Pedro na naroon na ulit sa kusina, mukhang magluluto na ng hapunan. "Gising ka na po pala, Ma'am," aniya nang malingunan ako. "Nakita mo pala ako sa labas?" "Opo. Hinahanap kita kaninang tanghali para sana ayaing kumain, kaya lang ay naisip kong baka kailangan mong magpahinga." Namula si Pedro, kaagad namang nag-iwas ng tingin at inabala na ang sarili sa paghahanda ng lulutuin. "Oo nga, hindi na ako nakakain, pero ayos lang naman." Ngumiti ako kahit hindi na siya nakatingin sa akin. Tuluyan ko na rin siyang nilapitan. Maayos ang suot ni Pedro, normal lang na pambahay. Kung tutuusin din ay may itsura ito, hindi iyong pangmalakasang gwapo katulad ni Brayden ngunit kung sa maliit na bagay ay marunong ka nang um-appreaciate ay makikita mong gwapo nga si Pedro. Pang-probinsyado ang dating niya. Kayumanggi ang balat, hindi ganoon katangkaran dahil halos magka-height lang kami. Samantalang City boy naman ang appeal nina Brayden at Xian. "Anong lulutuin mo?" "Itong isda na nahuli ko kanina, Ma'am." Iminuwestra nito sa akin ang ilang isda na tumatalon-talon pa mula sa lababo. "Wow. Nangisda ka pala! Sana ay isinama mo ako," turan ko at lalo siyang nilapitan para mapanood ang paghuhugas niya ng isda. Natawa si Pedro. "Sige, Ma'am. Sa sunod na mangingisda ako ay sumama ka." "Oo, kasi nabuburyo ako rito." Tiningala ko ito. "Anyway, may cellphone ka ba?" Kamuntikan ko nang makalimutan ang pakay ko, kaya ko siya hinahanap kanina bago ako nakatulog. "Wala po, Ma'am. Kung mayroon man din ay mahihirapan ka lang sumagap ng signal. Out of coverage kasi rito," pahayag niya dahilan para bumagsak ang balikat ko. Napanguso rin at mukhang matatagalan nga ako sa islang ito. Paano ako ngayon makakahingi ng balita sa siyudad? Paano ko kokontakin sina Mama na okay lang ako? Na hindi naman na nila kailangang mag-alala, kahit papaano ay masasabi kong maayos naman ang lagay ko sa poder ni Brayden. Naging kibit ang balikat ko. "Halata nga." "Pero huwag kang mag-alala, Ma'am, isasama na lang kita kapag mangingisda ako para hindi ka na maburyo rito." Tumango na lamang ako. Wala rin namang magagawa. "Matagal ka na bang nagtatrabaho kay Brayden?" usisa ko, siya na lang ang tatanungin ko at mas matinong sagot naman ang makukuha ko. "Medyo po. Mga limang taon na rin simula nang tumira siya rito." "Ganoon mo ba siya kakilala at alam mo ang ilang impormasyon sa buhay niya?" "Naku, hindi po, Ma'am. Kasi naman po at sobrang seryoso ni Ser, mahirap po siyang kausapin. Bihira lang po siya magpakita dahil madalas siyang naroon sa opisina niya, minsan naman ay wala at hindi ko mahagilap. At saka, takot po ako roon." Sinundan ko si Pedro nang magtungo siya sa kabilang sink para ihanda na ang kalan. Namaywang ako sa gilid niya habang nananatiling nakadungaw sa ginagawa niya. "Bakit ka naman natatakot?" "Hindi ko pa po nakikitang nagalit si Ser, kahit na mukha po siyang palaging galit." Sa sinabi ni Pedro ay humalakhak ako, rason para matawa rin siya. Ang funny, ah! Pero totoo naman. Akala mo kasi ay ang laki ng galit sa mundo, kung 'di mukhang masungit ay parang laging may babanatan ang itsura. "True ka riyan, Pedro. Apir nga!" Inamba ko ang palad ko sa ere, mabilis naman siyang umapir sa akin. Sa ganoong ayos ay dumating na si Brayden na parehong hindi pa namin napapansin ni Pedro. Kung hindi lang dahil sa malakas niyang pagtikhim, animo'y isang kulog sa kalangitan at pareho kaming nagulat. "Hanggang ngayon ay hindi pa rin kayo tapos na maglandian?!" Parang bomba rin ang boses niyang iyon na lumukob sa kabuuan ng kusina, mariin at mababakas ang galit.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD