Chapter 9

2592 Words
"Hindi naman kami naglalandian," mabilis kong pahayag nang malingunan siya, para rin ipagtanggol sana si Pedro. Mayamaya nang makarinig kami nang sunud-sunod at mabibigat na yabag mula sa labas. Ilang segundo lang nang sabay-sabay na nagsidatingan ang kalahati sa tauhan ni Brayden. Pumasok sila sa kusina at nagkaniya-kaniyang pwesto. Marahil ay nawindang sila sa lakas ng boses na iyon ng kanilang amo. Ngunit mas nagulat pa ako nang mabilis pa sa kidlat na itinaas nila ang mga kamay habang may hawak-hawak silang mga baril. Halos mapaatras ako nang makitang nakatutok iyon sa banda ko. Umawang ang labi ko, namasa rin ang dalawang mata nang matantong handa nila akong patayin nang walang pag-aalinlangan. Wala sa sarili nang mapakapit ako sa braso ni Pedro. Sobrang higpit no'n dahil sa takot ko na bumabalatay sa pagkatao ko. "Anong nangyayari—" Hindi na natapos ang isang lalaki sa kaniyang pagsasalita nang iangat ni Brayden ang kamay sa ere. "Go back to your place now," utos nito. Bago sumunod ay tiningnan pa muna ako ng mga lalaki, tila ba tinatantya sa akin kung ano nga ba ang nangyari ngunit sa pinagsamang gulat at takot ay nananatili akong tulala sa kawalan. Parang... hindi ko yata kayang mabuhay na kasama si Brayden. Isang butil ng luha ang pumatak galing sa mata ko. Roon ako napakurap-kurap. Wala na ang mga lalaki, kaya kahit papaano ay nakahinga ako nang maluwang. Pero iyong mabilis na pagtibok ng puso ko, hanggang ngayon ay binabaliw pa rin ako. Lumipat ang tingin ko kay Brayden. Totoong hindi ako makapagsalita kung kaya ay tanging paninitig na lang ang nagagawa ko sa kaniya. Samantala, kung kanina ay purong galit pa ang nangingibabaw sa kaniyang itsura, ngayon ay parang nang-aamo na. "Ma'am, okay ka lang po?" Balak na magsalita ni Brayden, pero naunahan na siya ni Pedro. Nagawa pa akong harapin ni Pedro at kinilatis ang mukha ko. Hindi pa rin ako umimik. Pakiramdam ko, kapag magtatagal ako rito ay talagang kamatayan ang aabutin ko. Hindi ko kaya— ayoko pang mamatay. Ang totoo nga niyan ay grabe iyong pagpapasalamat ko na binigyan pa ulit ako ng pangalawang buhay. Kamuntikan na akong mamatay kanina sa pagkalunod, hindi ko alam na sa kaparehong araw din ay muntik na ulit akong mamatay. Niyugyog ni Pedro ang balikat ko ngunit nananatili akong tulala. Sa isang iglap ay nasa gilid ko na si Brayden. Hindi ko napansin ang paglapit niya dahil literal na nawawala ako sa tamang huwisyo. Maski noong hawakan niya ang kamay ko ay hindi na ako nakapalag. Hinila ako ni Brayden palabas ng kusina at iniwan doon si Pedro na siya ring nag-aalala para sa akin. Nilampasan lang namin ang sala at dere-deretsong umakyat sa ikawalang palapag ng bahay. Sa hallway mula sa taas ay dinig ko pa rin ang magaang mga yabag ko. Lumiko kami, kapagkuwan ay huminto sa tapat ng pinto ng kwarto ko. Binuksan iyon ni Brayden. Pinapasok niya ako at siya na rin ang nagbukas ng ilaw sa gilid. Wala ring pag-aalinlangan na pumasok siya. Muli niya akong hinila upang paupuin sa dulo ng kama. Saglit siyang umalis kung kaya ay nagkaroon ako ng oras para sa sarili. Mabilis kong kinapa ang dibdib ko. Ramdam ko pa rin ang pagtataas-baba nito, hudyat na ayaw magpapigil sa malakas na pagwawala ng puso ko. Takot na takot ako, to the point na ang nakikitang solusyon ko na lang ay tumakas ulit. Pero paano? Paano ko tatakasan ang mga tauhan ni Brayden? Kung sa isang putok ng baril ay kamatayan ang kahahantungan ko? Paano ko lalanguyin ang kahabaan at malawak na islang ito? Kung sa gitnang bahagi nito ay may mga pating na nakaabang? Baka nga wala pa sa gitna ay tuluyan na akong malunod dahil hindi ako marunong lumangoy. At kung maalam lang din ako sa pagmamaniobra ng yate, magtatagal pa ba ako rito? Syempre ay hindi. Ilang minuto ang lumipas ay bumalik na ulit si Brayden. Nag-angat ako ng tingin dito at napansing may hawak na siyang isang baso ng tubig. Deretso siyang lumapit sa akin. Naghila pa ito ng isang upuan at dinala sa harapan ko, roon siya naupo. "I know you're scared," panimula niya at saka pa inilahad ang baso sa tapat ko. "Gu—gusto ko nang... umuwi." Nanginig ang boses ko, kagaya kung paano manginig ang katawan ko. "Ayoko na rito." Natigilan si Brayden. Mariin niya akong tinitigan, ganoon pa man ay naroon pa rin ang nang-aamo niyang mga mata. Tila ba kinukuha pa niya ang emosyon ko. Sa huli ay dahan-dahan siyang umiling. "Dito ka lang." Ang mga mata niyang kasing lamig ng yelo ay parang ako pa iyong mas natutunaw. Totoong hindi ko matagalan ang makipagtitigan sa kaniya, rason para magbaba ako ng tingin sa baso ng tubig. Sa nanginginig na kamay ay kinuha ko iyon sa kaniya. Marahan ang bawat paggalaw ko nang inumin ko iyon. Natatakot din na maibagsak ko iyong baso at mabasag. Maging dahilan pa ulit iyon para pumasok dito ang mga tauhan ni Brayden at tutukan ulit ako ng baril. "Hangga't nandito ka sa poder ko ay wala kang ibang gagawin kung 'di ang manatili sa tabi ko," dagdag niya sa mababang boses. "Bakit?" mahinang tanong ko. Hindi ko na siya tiningnan pa. Nakuntento na ako sa panonood ko sa mga daliri kong magkasalikop habang nasa gitna ng mga palad ko ang basong wala ng laman. Namamahinga iyon sa kandungan ko. Ang mga binti ko naman ay nanginginig pa rin. "Ano bang mayroon? Wala kasi akong maintindihan sa nangyayari. Bakit kailangan mo akong ipa-kidnap at dalhin dito?" sunud-sunod kong sambit nang hindi magsalita si Brayden. Ngunit kagaya no'ng una ay wala rin akong nakuhang sagot galing sa kaniya. "Masaya ako sa Manila. Naroon ang pamilya ko, ang mga pinsan at kaibigan ko. May naiwan din akong trabaho. I don't think na tama bang nandito ako habang sila ay nag-aalala. Sigurado rin ako na hinahalughog na ni Xian ang buong mundo para hanapin ako," pahayag ko kahit parang wala naman akong kausap. "Xian?" buntong hininga ni Brayden. Tumango ako. "Siya ang manliligaw ko. Bago ako ma-kidnap ay sasagutin ko na sana siya." "Really?" Hindi makapaniwala ang boses na iyon ni Brayden dahilan para dagli akong mag-angat ng tingin dito. Ayokong magkwento sa kaniya, pero tingin ko ay deserve niyang makonsensya. "Matagal ko nang kilala si Xian. Noong una ay magkaibigan lang kami hanggang sa umamin siyang gusto niya ako. At... gusto ko rin siya. Kaya niligawan niya ako." Hindi ko rin alam kung bakit napunta sa ganito ang topic namin. "How long did he court you?" "One week." "One week," ulit na naman ni Brayden. Tumango na lamang ako bilang sagot. Hindi na rin alam kung paano pa dudugtungan ang kwento kong iyon, kasi literal naman talagang ayaw kong magkwento sa kaniya. Hindi siya ang tamang tao para paglabasan ko ng hinanakit ko. "And do you think he's sincere?" agap ni Brayden bago pa man mamatay ang topic. Ilang tango ang ginawa ko. "He is. Sa tagal naming magkaibigan, never siyang nag-take advantage sa akin. He's also a gentleman." Umimpis ang labi ni Brayden sa huling sinabi ko. Palibhasa ay natamaan siya, hindi kasi siya gentleman. Nagdaan ang ilang minuto, unti-unti ay nawawala na iyong takot sa puso ko dahil sa kaninang nangyari. "You really think he is?" ani Brayden na para bang hindi maka-move on sa sinabi ko. Ang kaninang takot na naramdaman ko ay napalitan ng pagkairita. Nanumbalik ang galit ko kay Brayden, kaya ngayon ay bulgaran ko na siyang pinanlalakihan ng mata at iniirapan. "Paulit-ulit ka?" anas ko. Nagulat siya sa biglaang pagbabago ng mood ko. Isang beses siyang kumurap bago inatras ang upuan niya upang bigyan ng espasyo ang gitna naming dalawa. Bago pa man kami maging close ay tumayo na ako. Sa gabing iyon ay nakapag-fasting ako nang wala sa oras. Matapos kong palayasin si Brayden sa kwarto ay hindi na rin ako lumabas. Nakatulugan ko na lang ang kumakalam kong tiyan. Nanghihinayang tuloy ako sa isdang niluto kagabi ni Pedro. Pagkagising kinabukasan ay naligo kaagad ako. Isang pares ng racerback top at boyleg shorts ang suot ko. Lumabas din ako ng kwarto para makakain na. Sa kalagitnaan ng pagbaba ko sa hagdan ay naging mabagal ang paglalakad ko. Mula kasi sa sala ay naabutan ko roon si Brayden. Nakadekwatro ang mga paa niya at binabasa ang isang diyaryo. May suot din itong salamin sa mata, terno sa suot nitong black button down shirt at black pants. I wonder, ilang kayang pares ang mayroon siya sa closets niya? Iyan na ba ang normal na pambahay niya rito sa isla? O baka may lakad ulit siya mamaya, kaya ganoon ang pormahan niya? Naramdaman yata ni Brayden ang presensya ko, o ang mariing paninitig ko sa kaniya dahilan para unti-unti siyang mag-angat ng tingin. Kaagad na nagtama ang mga mata namin nang mabilis niya akong nakita. Ilang segundo kaming nagkatitigan hanggang sa bumaba ang atensyon niya sa katawan ko. Alam kong madilim na ang expression ng kaniyang mukha, pero may mas ididilim pa pala iyon habang nakatanaw siya sa suot ko. Though, wala naman akong narinig na salita galing sa kaniya. Kahit noong tuluyan akong makababa. Nilampasan ko lang din siya at deretsong nagtungo ng kusina. Nakarinig ako ng ilang kalansing doon kung kaya ay natanto kong naroon si Pedro. "Good morning, Pedro!" magiliw kong bati at patalon-talon pang nilapitan siya. Nagulat naman ito sa pagdating ko, pero kaagad na bumalatay ang pag-aalala sa kaniyang mukha. "Ayos ka na po, Ma'am?" "Hmm, ayos naman na. Kumukulo lang ang tiyan ko dahil sa gutom, hindi kasi ako nakakain kagabi," parang batang sabi ko. "Iyon nga po, Ma'am. Dadalhan sana kita ng pagkain sa kwarto mo. Kaya lang, sabi ni Ser ay tulog ka na." "Aww. That's so sweet of you!" Mahina siyang natawa. "Kasi naman, Ma'am. Akala ko ay napaano ka na kagabi. Kung nakita mo lang ang mukha mo, Ma'am, para kang nakakita ng multo, pero... maganda ka pa rin naman." Kumibot ang labi ko. Sinundot ko pa ang tagiliran niya, rason para mas lumakas ang pagtawa niya. "Hindi ka rin mahilig mambola, ano? Pero alam ko naman 'yun! Since birth," pagbibigay diin ko sa sinabi nito. Pareho na kaming tumawa. Hindi na lingid sa kaalaman namin ang nagbabadya sa buhay namin dahil sa matalim na paninitig ni Brayden. Napansin ko lang ito nang kumuha ako ng pinggan para sana tulungan si Pedro na ihanda ang hapag. "May bisita ka pala, Pedro," pang-aasar ko. Nilingon iyon ni Pedro. Nagulat naman siya at naging maagap ang mga kilos. Samantala ay hindi na ako tinantanan ng mapanuyang tingin ni Brayden. Bukod sa parang galit siya ay para rin niya akong hinuhubaran dahil panay ang sulyap niya sa katawan ko. "Naku, Ma'am. Ang hilig mo rin pong magbiro. Si Ser po 'yan," si Pedro na hindi rin mabiro kung kaya ay natawa ako. "Ah, siya pala 'yan? Akala ko ay manequin, e." Nakita ko ang pagtagis ng bagang ni Brayden. Pati ang pag-igting ng kaniyang panga, tunay na nagalit na. Ganoon pa man ay nananatili siyang tahimik, parang mala-eagle ang mga mata na nakatanaw sa amin. Naroon kasi ito sa counter top. Kalahati ng kaniyang katawan ay natatabunan nito. Ang mga kamay naman ay nakahawak sa malayong agwat ng counter top; hindi siya masaya na pinapanood kami. Kibit na lamang ang balikat ko. Inabala ko na lang ulit ang sarili sa ginagawa. Kumuha ako ng dalawang pinggan para sa amin ni Pedro. Dalawang baso rin at dalawang pares ng kutsara't tinidor. Inayos ko ang lamesa. Nang matapos ay naupo na ako. "Kain na tayo, Pedro!" masaya ko pa ring turan. Ibinaba naman nito ang niluto niyang ulam sa gitnang lamesa. Nahihiya na siyang tumawa. "Hindi po ako pwedeng sumabay sa inyo, Ma'am. Si Ser po dapat ang inaaya ninyong kumain." "Huh? Gano'n? At bakit naman?!" Napipilan kong nilingon si Brayden. Kasing sama ng ugali niya ang ipinupukol kong tingin sa kaniya. Ngunit para itong bulag na walang naging pakialam. "Kain na po, Ser," anyaya ni Pedro. "No!" para ulit akong bata na nagmamakaawa na huwag iwanan ni Pedro, lalo pa dahil naglakad na rin si Brayden para makalapit sa hapag. Mariin ang bawat pagtitig sa akin ni Brayden. Kung normal lang siguro na nakikita ko ang expression ni Brayden ay malalaman kong para siyang nasasaktan dahil sa pinagsasabi at inaakto ko ngayon. Ngunit dahil aware naman ako na kasing tigas ng bato ang puso niya ay literal na wala talaga siyang pakialam. At natural na sa mukha niya ang palaging galit, kahit ngayon na para na niya akong pinapatay. Tuluyan nang naupo si Brayden sa katapat kong upuan. Kinuha niya ang pinggan na para sana kay Pedro. Sa isang iglap ay naiwan kaming dalawa roon dahil nauna nang umalis si Pedro. Hindi naman ako gumalaw. Gutom ako, pero nawalan na ako ng ganang kumain. Sinabi ko na nga kasing ayokong makasama si Brayden sa iisang lugar nang kami lang. Nagkataon lang iyong kagabi dahil wala ako sa tamang huwisyo, pero pinaalis ko rin naman siya noong bumalik ako sa ulirat. Nagsimula nang kumain si Brayden sa marahang paraan. Nakatanaw lang ako sa kaniya habang mababasa sa mukha ko ang pagkairita. Panay naman ang tingin niya sa akin hanggang sa hindi na rin siya nakatiis. "Hindi ka pa ba kakain? O nabusog ka na sa katititig sa akin?" mayabang niyang sinabi dahilan para mag-anyong nasusuka ako. "Ang kapal naman ng mukha mo," anas ko at saka pa siya inirapan. Bahagya siyang ngumisi, natawa siguro dahil ang tapang ko ngayon. Samantalang siya pa nga iyong nag-alo sa akin kagabi dahil sa labis kong pagkatakot. Ngayon ay alam na niyang may kahinaan ako. "Kumain ka na. Mamaya ay sasama ka sa akin na mangisda," pahayag niya. "Ay, hindi! Hindi ako sasama." Nagsalubong ang dalawang kilay ni Brayden. "Sinabi sa akin ni Pedro na isasama niya ako kapag nangisda siya, kaya sa kaniya ako sasama," dugtong ko. Matagal akong tinitigan ni Brayden. Sa mga ginagawa ko ay parang gusto na niya akong sakalin. Ramdam ko ang pagpipigil niya, ang pagtitimpi niya na huwag akong masigawan. "Eh, 'di isama na lang natin siya," kalaunan ay bawi niya. Siguro ay para lang sumama ako sa kaniya. Hindi niya alam na siya naman itong sabit sa aming dalawa ni Pedro. "Wala ka bang lakad? Hindi ka ba aalis mamaya?" tanong ko, kapagkuwan ay pinasadahan pa ng tingin ang suot niya. Mariin siyang umiling. "Dito lang ako." Umawang ang labi ko sa pagkadismaya. "So, dito ka lang maghapon?!" "Ano bang problema kung dito nga ako? Bahay ko naman ito. At ano bang gagawin ninyo ni Pedro?!" asik niya pabalik sa akin kung kaya ay saglit akong natigilan. Dinig ko na ang mabigat na paghinga ni Brayden. Nawalan na rin yata siya ng ganang kumain dahil huminto na ito sa pagkain niya. Nananatiling malamig ang pakikitungo ni Brayden, pero sa nangyayaring away ay nag-iinit ang ulo ko. "Hmm, wala naman... hindi kasi ako kumportable na kasama ka," casual kong sagot dahil iyon naman ang totoo. Nagulat siya. Hindi marahil in-expect na sasabihin ko iyon ng deretso sa kaniya. Lumanghap siya ng hangin bago marahas na nagpakawala ng buntong hininga. "At kay Pedro ay kumportable ka?" tila may hinanakit na saad ni Brayden. Tumango ako. "Oo..." "Then I will find a way to make you feel comfortable with me, too." Ilang minuto kaming nagkatitigan ni Brayden, parehong nagsusukatan ng tingin habang nagmamatigasan. Hanggang sa ako rin ang unang bumitaw. Ginalaw ko na ang pagkain ko, hindi na kinaya ang pride laban sa kumakalam kong tiyan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD