"Kung ganoon, anong apelyido mo?" tanong ko ulit habang nakadungaw na sa kaniya.
Mayamaya nang huminto ang yate. Matapos patayin ang makina nito ay mabilis din siyang tumayo. Hindi na siya nakasagot dahil mas inuna niyang talikuran ako. Sinundan ko siya ng tingin.
Halos manlaki naman ang mga mata ko mang mula sa dalampasigan ay naroon ang mga nakahilerang mga lalaki. Pare-pareho silang naka-black tuxedo at nag-aabang sa pagbaba ng lalaking ito.
May kaagad na umalalay sa kaniya na kahit mabasa ang mga pants nila ay hindi iyon alintana sa kanila. Nagtaas lang ng kamay ang lalaking iyon sa ere na para bang sinasabing ayos lang siya, kaya umatras din ang mga ito at hinayaan siyang maglakad sa paraang parang walang nangyari.
Iniwan niya ako sa yate. Hindi ko na siya nasundan dahil natulala na ako sa likod niya. Wala pa sa sarili nang mapaatras ako nang sabay-sabay akong nilingon ng mga lalaking iyon, inaabangan din sa sunod kong gagawin.
Dumapo ang labis na takot sa pagkatao ko. Ngayon ko na-realize na kinidnap nga pala ako. Nanumbalik ang panginginig ng katawan ko, hindi lang dahil sa panlalamig kung 'di pati sa pagkatakot.
Kumurap-kurap ako. Medyo nakalayo na iyong lalaking tumulong sa akin. Sa kalagitnaan pa ng paglalakad niya ay huminto ito para lang lingunin ako. Hindi ko mabasa ang expression niya.
O talagang walang reaksyon ni isa ang mukha niya. Natural na poker face lang. Nakatanaw lang ito sa akin na kahit walang sinasabi ay parang inuutusang bumaba na ako gamit lang ang kaniyang mga mata.
Hirap akong napalunok. Umiling-iling din sa kawalan, pilit na nagmamatigas. Kalaunan nang tuluyan niyang ibigay sa akin ang buong atensyon. Ganoon pa man ay nananatili ito sa kinatatayuan nito.
Kung masama sila, hindi naman niya ako ililigtas 'di ba? Pero paano nga kung iniligtas lang ako dahil totoong may kailangan sila sa akin? Na hindi lang simpleng pagkalunod ang gusto nilang maging kamatayan ko?
Ewan ko, hindi ko alam kung paano ako maniniwala na hindi sila masama. Samantalang isang tingin sa mga lalaking ito ay alam kong may balak silang hindi maganda sa akin.
Sa tagal naming magkatitigan ng lalaking iyon ay halos manginig na lamang ang mga tuhod ko dahil ayaw ko pa ring bumaba. Nakita kong humalukipkip siya, animo'y nauubusan na ng pasensya sa kahihintay sa pagbaba ko.
Mariin akong tumikhim. May bahid man ng takot ay dahan-dahan akong bumaba ng yate hanggang sa tinalon ko na lang ang mababaw na parte ng dagat. Walang tumulong sa akin, pero hindi ko na iyon inisip pa.
Maliliit ang mga yabag ko nang lumapit ako sa gawi ng lalaki; lalaki na nagsasabing si Brayden siya. Paano rin ba ako maniniwala? Sa unti-unting paglapit ko sa kaniya ay tuluyan kong nasilayan ang kulay asul nitong mga mata.
Hindi ko pa iyon nakita kaninang inahon niya ako dahil sa panlalabo ng paningin ko. Pero ngayon ay mas malinaw pa sa tubig na nakikita kong kulay asul nga ang parehong mata niya. Kaakibat nito ay ang malamig niyang pagkatao.
"Ser! Ito po ang tuwalya niyo!" Natigil ang pagtitinginan namin nang biglang may sumulpot na isang lalaki.
Kumpara sa mga lalaking naka-black tuxedo ay normal lang ang damit ng lalaking ito. Nakapambahay lang. Tingin ko pa ay nasa kaparehong edad ko lang siya, o mas matanda siya ng kaunti.
"Basang-basa po kayo, Ser. Sabi naman po na kami na lang ang tutulong, e."
Titig na titig ako sa lalaking nagsasalita. Bukod sa bago lang din siya sa paningin ko ay may naalala rin ako sa kung paano siya magsalita— tunog bisaya.
This couldn't be, right?
Hindi pwedeng dalawang Brayden na ang nasa harapan ko kung tamang si Brayden Dimagiba nga ang lalaking ito.
Sa katititig dito ay hindi ko na napansing nakatitig din sa akin si Brayden. Saglit ko siyang nilingon, kapagkuwan ay muling tiningnan ang lalaki. Napipilan naman siyang napatitig sa akin.
"Ikaw ba si Brayden?" tanong ko, nagulat naman siya at nanlaki ang mga mata.
"Ho? Naku, Ma'am! Hindi po! Siya po 'yun!" nahihiyang sabi niya bago itinuro si Brayden na hanggang ngayon ay wala pa ring imik.
Binalingan ko ito. Sakto namang tumalikod siya at saka nagpatuloy sa kaniyang paglalakad. Walang kahirap-hirap na umakyat ito sa mataas na bato. Hinabol na rin siya no'ng lalaki.
Sa totoo lang ay wala talaga akong maintindihan sa nangyayari.
Tiningala ko sila. Dagli akong napapikit at hinilot ang sentido. Kalaunan ay nagpasya na rin akong umakyat, nagulat pa ako nang may umalalay sa bandang likod ko. Nang malingunan ay isa iyon sa mga lalaking naka-black tuxedo.
Hinayaan ko na dahil mas mahirap palang umakyat kaysa ang bumaba. Nang magbaba pa ng tingin sa dalawang paa ko ay napansin ko ang ilang sugat, may pasa rin ako sa magkabilaan kong tuhod.
Sa patag ay naroon na nag-aabang si Brayden. Madilim ang kaniyang mukha na para bang hindi siya tuluyang makakausad kung babagal-bagal ako. Hinihintay yata niya ako, kaya ganoon na lamang kung mairita ang itsura niya.
Isang beses niyang nilingon ang lalaki sa likod ko. Wala pa mang salita ay awtomatiko nang lumayo ang lalaki sa akin, binitawan niya ang kamay kong hawak niya at para bang naging guilty bigla.
Narinig ko ang marahas na pagbuntong hininga ni Brayden. Sa huli ay dere-deretso na ang naging lakad niya papasok ng bahay. Samantala ay ilang minuto pa akong nakatayo roon habang pinagmamasdan ang kabuuan ng bahay.
Hindi nga lang iyon simpleng bahay dahil mansion na kung maituturing iyon. Lahat pa ng haligi nito ay gawa sa purong salamin, kaya ang ilang bahagi at loob ng bahay ay tanaw mula rito sa kinatatayuan ko.
Inikot ko ang katawan ko para bigyan pansin ulit ang paligid. Hindi nga ako nagkamali na nasa gitna kami ng karagatan kung saan ay malayo sa kabihasnan. Hindi ko alam kung anong lugar ito, pero tantya ko ay dulo na ito ng Pilipinas.
Umihip ang malakas na hangin, rason para dumampi sa basa kong katawan ang lamig na dala nito. Mas lalo akong nanginig. Nang makabawi sa pagkakamangha ay madali rin akong tumakbo papasok sa bahay.
"Brayden!" sigaw ko at hinanap ito sa loob.
Saktong nakita ko ito sa huling baitang mula sa ikalawang palapag ng bahay. Mabilis pa sa alas kwatrong tumakbo ako para maabutan siya. Dinig na dinig naman ang malalakas at mabibigat kong mga yabag sa enggrandeng staircase.
"Brayden!" muli kong pagtawag dito ngunit animo'y wala siyang narinig at dere-deretso lang ang paglalakad.
Huminto ito sa isang pinto, iyon marahil ang kwarto niya. Hindi ako nagpatinag at pati roon ay sinundan ko siya. Kailangan ko siyang makausap! Kailangan ko ng sagot sa mga tanong na nasa utak ko!
Marahas na itinulak ko ang pinto bago pa man niya iyon tuluyang mai-lock. Kaagad na nagtagpo ang mga mata namin, pero madali naman siyang tumalikod at iniwan ulit ako. Tuluyan na akong pumasok sa kwarto niya.
"Paanong nangyaring ikaw si Brayden, huh?!" singhal ko dahil alam kong hindi matatahimik ang kaluluwa ko, lalo kapag wala akong nakukuhang sagot.
Hindi sapat na sinabi niyang siya si Brayden, kahit pa harap-harapan na akong sinasampal ng kulay asul niyang mga mata. Pero hindi! Sobrang layo na niya sa Brayden na una kong nakita at nakilala noon.
Oo, nandito pa rin iyong cold at poker face niya. Walang expression ngunit akala mong palaging galit sa mundo, pero hindi ko masabi na siya nga ito.
"Kausapin mo ako—"
Wala sa sarili nang matigil sa ere ang bibig ko nang walang pakundangan niyang tinanggal ang suot niyang white button down shirt. Lumantad sa paningin ko ang matipuno niyang likod.
Nanlaki ang mga mata ko. Hinubad pa niya iyon dahilan para tuluyan na ring malaglag ang panga ko sa sahig. Batak na batak ang likod nito at nasa tamang pwesto ang mga muscle. Nang mapansing lilingon ito sa banda ko ay mabilis akong nag-iwas ng tingin.
"Do you want my birth certificate then?" paanas niyang sinabi.
Napanguso ako, hindi na alam ang sasabihin. Parang gago kasi. Bakit kailangang maghubad? Hindi ba pwedeng mamaya siya maghubad kung kailan wala na ako?
"Kung ganoon, bakit ngayon ka lang nagpakita?" mahinang tanong ko na alam ko namang dinig niya pa rin. "I mean, hinahanap ka ni Papa! Nandito ka lang pala!"
Narinig ko ang pagak niyang pagtawa.
"Why, Brayleigh? Miss me?" mapang-udyo niyang sambit na naging mitsa para manigas ako sa kinatatayuan ko.
"Si Papa ang naghahanap sa 'yo, hindi ako."
He's calling me Brayleigh. Ibig sabihin ay siya nga talaga si Brayden, walang duda.
Actually, sigurado na ako, pero sadyang hindi ko lang talaga matanggap na kasama ko siya ngayon. Hindi ko kasi maintindihan kung bakit nandito ako.
"Oh!" palatak nito. "That's sad."
Nakagat ko ang pang-ibabang labi. Hindi ko na siya nagawang lingunin pa, kahit noong iwan niya ako at pumasok ito sa isa pang pinto na alam kong banyo. Hindi ko rin alam kung ilang minuto akong nagtagal na nakatayo roon habang nakatulala lang.
Kalaunan nang mabalik ako sa reyalidad. Lumabas na rin ako, iyon nga lang ay hindi ko na alam kung saan ang tungo ko. Nawala na iyong mga lalaki, pero alam kong nariyan lang sila sa paligid.
Huminga ako nang malalim. Hindi ko talaga alam ang pupuntahan ko, kaya minabuti ko na lang na bumalik sa labas. Doon ay naabutan ko iyong isa pang Brayden na papasok naman ng bahay.
"Teka lang," pigil ko sa kaniya kung kaya ay napahinto siya.
Medyo maliit ito at kumpara sa lalaking nakita ko noon sa A&D Tower na siyang kinita ni Leon. Magkasing tangkad lang kaming dalawa. At isa lang ang ibig sabihin nito, nagsisinungaling nga sa akin si Leon.
"Bakit po, Ma'am?"
"Anong pangalan mo?"
"Hala, Ma'am! Ia-add niyo po ako sa pesbok?" gulantang niyang sinabi.
I knew it.
Tama ang hinala ko na si Brayden Pezullo nga ang tumatawag noon kay Leon. At kung paanong ibang boses ang sumagot? Iyon ay dahil tauhan niya ang lalaking ito. Madali lang sabihin na magpanggap siyang ibang tao at sabihing Brayden ang pangalan. Iyong lalaking nakita ko sa A&D Tower ay walang kinalaman sa nangyayari.
"Anong pangalan mo?" ulit ko.
"Pedro po. Bakit ho, Ma'am?"
"Pedro Dimagiba, tama ba?" Humalukipkip ako, siya namang panlalaki ng mga mata niya sa labis na gulat.
"Hala! Stalker ba kita, Ma'am? Paano niyo ho nalaman?" Kayumanggi man ang kulay nito ay napansin ko ang pamumula niya.
Nagtagis ang bagang ko, ramdam ko ang unti-unting pagputok ng ugat sa ulo ko dahil sa nararamdamang galit— galit para kay Leon. Ang walang hiyang iyon!
"Anyway, may first aid kit ka ba? Pwedeng mahiram?" Seryoso na ako ngayon, hindi na kaya pang makipagbiruan.
Lintik ang Leon na 'yon. Oras lang talaga na makaalis ako sa islang ito ay yari talaga siya sa akin. Marahas akong nagbuntong hininga.
Umalis na si Pedro at nagmamadaling pumasok para kunin ang first aid kit. Naupo naman ako sa isang sun lounger na naroon sa gilid ng bahay. Tirik na ang araw sa oras na alas nuebe. Wala pa akong kain ngunit hindi ko na iyon ininda pa.
Mas masakit kasi ang katawan ko, partikular ang mga sugat kong ngayon ko lang napagtuunan ng pansin, masakit din. Iniangat ko ang paa ko sa lounger upang mas makita ang mga hiwa.
Hindi ko alam kung saan eksakto ko ito nakuha. Siguro dahil sa kaninang pagtakbo ko, sa pagbaba ko sa malaking bato at sa mga batong naapakan ko rin sa ilalim ng dagat. Mayamaya lang nang dumating si Pedro.
"Ito na po, Ma'am!" ura-urada niyang inilapag sa gilid ko ang isang box. "Naku, Ma'am! Ang dami niyo hong galos! Bakit po ba kasi kayo tumakas kanina? Mukhang magpapakamatay pa kayo, ano po?"
Sinamaan ko ng tingin si Pedro. "Ikaw kaya ang kidnapin, ewan ko lang kung 'di ka rin magtatangkang tumakas. At saka hindi ako magpapakamatay, sadyang hindi lang ako marunong lumangoy."
"Ganoon po ba? Gusto mo pong turuan kitang lumangoy? Magaling po ako!"
Inirapan ko siya at saka inabala na ang sarili sa paggamot sa paa ko. Ilang minuto ang lumipas. Naisip ko na mas maganda nga kung kunin ko ang loob nitong si Pedro. Sa ganoong paraan ay baka isa pa siya sa makatulong sa akin para makaalis ako rito.
"Talaga? Magaling ka?" pang-aasar ko bago siya saglit tinapunan ng tingin.
"Oo, Ma'am—"
"Huwag mo na ako tawaging Ma'am. Kahit Leigh na lang." Nginitian ko si Pedro dahilan para mamula na naman ang kaniyang pisngi.
"Nakakahiya naman, Ma'am—"
Hindi na naman natapos ang balak niyang sabihin nang bigla siyang mapahinto. Nagulat pa ako nang madalian siyang umayos ng tayo at mabilis pa sa kidlat na kumaripas ito ng takbo palayo.
Nang malingunan ang rason ng pagkakabalisa niya ay nakita ko si Brayden na papalapit sa pwesto ko. Madilim pa rin ang mukha. Kunot ang noo at salubong ang dalawang kilay. Problema nito?
"You haven't dried yourself yet?" anas nito at maanghang akong tinitigan.
"Tapos na. Tuyo na nga ako, oh!"
"Baka magkasakit ka." Humina man ang boses niya ay narinig ko pa rin iyon.
"Congrats! Kasalanan mo."
Bukod kay Leon ay natural din na magalit ako sa kaniya. After all of those years, buhay pa pala siya ngunit ni hindi man lang niya magawang magpakita noon kay Papa.
Nagbaba ng tingin si Brayden sa ginagawa ko, nakita ko naman ang mas lalong pagdilim ng kaniyang expression. Hindi ko alam kung saan siya galit, sa sugat ko ba o sa hindi ko pagsunod sa kaniya na magpatuyo ako?
Ewan ko. Nakakaurat umintindi ngayon. Pakiramdam ko ay gusto ko na lang manampal ng tao ngayon.
"Bakit ba ako nandito? Ikaw ba ang nagpa-kidnap sa akin?" palatak ko nang hindi na rin makayanan ang curiosity.
Kanina ko pa dapat ito itinanong, pero sobra lang kasi iyong gulat ko na makita siya ngayon. Kaya imbes na pagtuunan ng pansin ang kalagayan ko ay panibagong iisipin na naman ang tumatakbo sa utak ko.
Hindi siya nagsalita o kahit ang sagutin ang mga tanong ko. Nananatili siyang nakadungaw sa akin. Nakabihis na ito ng panibagong black button down shirt at black pants. Medyo basa pa rin ang kaniyang buhok dahil sa katatapos lang na pagligo.
"Ah, fvck!" iritado kong bulong. "Wala bang makain dito? Nagugutom na ako!"
Matagal kaming nagkatitigan ni Brayden. Pilit ko siyang sinisindak, pero mas ako pa itong natatakot sa uri ng paninitig niya sa akin. Na para bang ang laki nang nagawa kong kasalanan sa kaniya at handa niya ako ngayong gawan ng masama.
Kaagad akong nag-iwas ng tingin at inabala na lang ulit ang sarili sa paglalagay ng bandaid sa mga sugat ko. Hindi pa nagtagal nang matapos ako, tumayo na rin at tinawag si Pedro na naroon lang sa gilid.
"May pagkain ba kayo rito? Pwedeng makikain?" tanong ko habang ibinabalik sa kaniya ang first aid kit.
"Ay, opo! Mayroon syempre, Ma'am! Ako ang nagluto!" masayang wika niya.
"Kasing sarap mo ba?"
Halos maubo sa sariling laway si Pedro sa sinabi kong iyon. Lalo lang siyang nangitim dahil sa pamumula niya. Natawa na lang ako, pero natigil din nang marinig ang malakas na pagtikhim ni Brayden sa likod ko.
"Wala ng pagkain. Naubos ko na iyon kanina," pagsingit ni Brayden.
Pareho namang nalusaw ang emosyon sa mukha namin ni Pedro. Dahan-dahan ay nilingon ko si Brayden. Kung anong lamig ng pakikitungo niya sa akin ay ibabalik ko iyon sa kaniya hanggang sa maisipan niyang itapon na ako pabalik ng Manila.