Chapter 5

2641 Words
"Sagutin mo ako! Nagkakausap kayo?" pag-uulit ko dahil hindi natinag si Leon, sakto pang umusad na ang mga sasakyan kung kaya ay inabala na nito ang sarili sa pagmamaneho. Tama naman ang pagkakabasa ko. Brayden! Hindi nga lang ako sigurado kung tamang Brayden na kilala ko ang kaninang tumatawag. Pero bakit kailangan niyang patayin 'di ba? Nakakaduda, ah! Nanlilisik ang mga matang tinitigan ko si Leon. Kung tunay nga lang sigurong nakamamatay ang masamang tingin ay nasa huling hantungan na siya ngayon. Ilang minuto ang lumipas. Hindi pa rin ako matahimik, kahit pa noong alam kong malapit na akong bumaba sa trabaho ko. Hindi ako mapakali. Kung alam niyang nasaan si Leon, bakit hindi niya sinasabi sa akin? O kahit kina Mama at Papa? Gayong alam din niyang naghahanap ang mga ito? Maanghang akong napalatak. "Ano, Leon! Hindi ka talaga sasagot?" singhal ko, gusto na siyang sapakin. "Bakit hindi na tumatawag? Tawagan mo!" "Hindi naman si Brayden iyon na kapatid mo," simpleng sabi niya dahilan para lalong magpilantikan ang mga kilay ko sa inis. "Hindi ko siya kapatid!" "Pero hindi nga siya 'yung Brayden na kilala mo. Maraming Brayden sa mundo, Leigh. Ang OA mo," anas niya. "Oh! Eh, 'di patunayan mo sa akin na hindi nga siya?" Kung wala lang sigurong seatbelt na nagpipigil sa katawan ko ay baka nahila ko na ang kwelyo nito. Ang sarap niyang sapakin. Kung hindi lang din siya nagda-drive ngayon. "Tawagan mo para malaman mo, para manahimik ka na riyan." Naiirita man din ay sinunod ko siya. Hinaklit ko ang cellphone nito at tinawagan pabalik ang numero ni Brayden. See? Hindi talaga ako nagkamali. Tamang-tama pati spelling ng pangalan! Si Brayden Pezullo ito! Ilang ring lang ay sinagot kaagad iyon. Hindi ako nagsalita para malaman kung tama nga ba ang hinala ko, pero hindi rin nagsasalita ang kabilang linya. Mabilis kong dinungaw ang cellphone nito. Sa bawat dumaraang segundo pa ay nakikita ko iyon sa screen. Muli kong binalingan ng masamang tingin si Leon. Tila pinapahiwatig na tama nga ako. Yari talaga siya sa akin kapag napatunayan kong matagal na niya kaming pinagsisinungalingan nina Papa. "Ser? Hello, Ser? Napatay mo po?" Dinig kong boses ng isang lalaki. Dinig din iyon ni Leon mula sa speaker ng kotse. Naningkit ang mga mata ko at halos mag-isang linya ang kilay ko. Ito na ba si Brayden? Tunog bisaya. Galing ba siyang Central Visayas? Doon ba siya tumira sa loob ng twenty years at na-adapt niya ang ganoong accent? Hindi ko ma-imagine, pero kung siya nga ito; dapat ba akong matuwa na buhay nga siya? "Ikaw si Brayden?" maangas kong palatak, rason para saglit na manahimik ang linya. "Hindi po ikaw si Ser?" "Tunog lalaki ba ang boses ko?" "Ay, hindi po, Ma'am! Number po kasi ito ni Ser, nagulat lang po ako. Girlfriend ka niya po?" Nang-usisa pa! "Isa ka pa, sagutin mo ang tanong ko! Ikaw ba si Brayden?!" Hindi ko na alam kung anong itsura ko. Ang aga-aga at naghihimutok ang butsi ko. "Opo! Ako nga po!" Nagsisigawan na kaming dalawa. "Anong apelyido mo?" "Ia-add mo po ako sa pesbok?" Wala sa sarili nang mahilot ko ang sentido ko. Siya namang pagtawa ni Leon sa gilid ko kung kaya ay pinanlakihan ko siya ng mga mata. Kaagad naman siyang tumahimik at sumisipol pa habang nagmamaneho. "Wala akong panahon diyan. Ano nga?!" "Oo nga po!" "Ano ngang apelyido mo?!" "Dimagiba nga po!" Brayden Dimagiba? Meaning, hindi siya si Brayden Pezullo? Exactly! Pero hindi! What if nagpalit siya ng surname? Hindi ko rin alam! Naguguluhan na ako. Kaya bago pa ako mabaliw ay pinutol ko na ang linya. Nabubwisit pa ako at parang ewan kausap ang lalaking iyon. Malakas akong bumuntong hininga bago ibinalik ang cellphone ni Leon. Nangingiti na siya ngayon na para bang masyado siyang natutuwa sa naging interaction namin ng Brayden na iyon. Bulgar ko itong inirapan at humalukipkip na lang ulit sa pagkakaupo. "See? Maraming Brayden sa Pinas," aniya sa nang-uudyong boses. "Bakit? Nami-miss mo na ba si Brayden—" "Shut up!" Humalakhak si Leon at nailing-iling na lamang sa kawalan. Mayamaya lang nang huminto ang kotse sa tapat ng building na pinagtatrabahuan ko. Padarag pa akong bumaba at binalibag ang pinto ng sasakyan. Hindi pa muna ako pumasok sa loob. Hinintay ko muna na makaalis si Leon at kahit noong wala na siya ay nababagabag pa rin ang utak ko. Pakiramdam ko ay hindi ako makakapagtrabaho nang maayos nito. Kaya kahit ma-late ay nagpara ako ng taxi. Ura-urada akong sumakay doon at pinasundan ang kotse ni Leon. Mabuti at nakita ko pa iyon ilang metro lang ang layo, na-gets naman din ng driver ang nangyayari. Mabilis niyang sinundan si Leon. Samantala ay mahigpit na ang kapit ko sa pagkakaupo ko para lang hindi mapasubsob sa windshield sa tuwing aapakan ng driver ang brake. Ilang malutong na mura ang pinakawalan ko. Sa A&D Tower kami huminto, naroon na rin si Leo na sinalubong ng isang lalaking naka-black tuxedo. He must be Brayden! Nagkamayan silang dalawa, parehong yumuko para magbigay galang sa isa't-isa. Matapos kong bayaran ang taxi driver ay bumaba rin ako. Hindi ko ganoon makita ang mukha ng Brayden na iyon. Likod lang ni Leon ang nakikita ko, kaya dahan-dahan ko silang nilapitan. Pasalamat ko na lang na nakatalikod sa gawi ko si Leon. Gumilid ako para mas makita ang mukha ni Brayden. Tumigil ako 'di kalayuan at tinanaw na lamang sila rito. Nang makita si Brayden ay napansin ko kaagad ang pinagkaiba nila ng height ni Leon. Hanggang dibdib lang niya ito. Moreno at parang normal lang na mukha ng isang Pilipino. Eh, samantalang may lahi si Brayden Pezullo! Iyon ang alam ko dahil foreigner nga ang ama nito. Isang bagay na lang din ang magpapatunay na siya nga si Brayden na kilala ko. Lumapit pa ako nang kaunti, iyong tama lang para makita ang mga mata nitong itim na itim kahit pa tamaan ng sikat ng araw. Tuluyan na akong napahinto sa ginagawa. Para akong nanlalata at nanghihinang bumagsak ang balikat. So, hindi nga siya si Brayden Pezullo dahil si Brayden Dimagiba nga ang lalaking ito. Wala sa huwisyo nang makagat ko ang pang-ibabang labi. Pagak pang natawa dahil sa kalokohan kong iyon. Nagsayang lang ako ng oras. Akala ko kasi ay nagsisinungaling lang sa akin si Leon. Maaaring tama nga na si Brayden ang kikitain niya ngayon. Napanatag lang siya na hindi ko sila pupuntahan ngayon. Naisip niyang hindi na ako mang-uusisa dahil ibang apelyido ang ginamit. Pero ngayon ko napatunayang hindi nga si Brayden iyon. Bukod sa dapat ay kulay asul ang mata, ibang-iba rin sa natatandaan kong itsura niya noon, na kahit five years old pa lang siya ay alam kong hindi ganoon ang kahahantungan ng itsura niya ngayon. Oo, gwapo si Brayden. Aminado naman ako roon. Ikaw ba naman magkaroon ng lahi sa ibang bansa? Though, hindi ko naman nilalait si Brayden Dimagiba. Sadyang malayo lang talaga ang itsura nilang dalawa. Nagpakawala ako nang malalim na hininga bago tumalikod, saka muling nagpara ng taxi. Sa biyahe ay natahimik na ang kaluluwa ko. Sising-sisi pa ako dahil grabe kung i-judge ko ang pagkatao ni Leon. Mariin akong pumikit. Sa trabaho naman, kahit papaano ay nakalimutan ko na rin iyong nangyari. Mabilis lang din na nagdaan ang buong maghapon. Oras ng uwian ay in-expect ko nang naghihintay si Xian sa baba. Hindi nga ako nagkamali dahil naroon na siya. Sa palagiang pwesto mula sa parking lot ay nilapitan ko siya. Nakatayo siya sa gilid ng passenger's seat at maagap na binuksan ang pinto nito para sa akin. "Thank you," sambit ko. Matapos maisarado ay sinundan ko siya ng tingin nang umikot ito sa kabila. Naupo siya sa driver's seat at saglit na ikinabit ang kaniyang seatbelt. Nakangiti naman siya noong lingunin niya ako. "How was your day?" malambing niyang tanong bago binuksan ang engine ng kotse. "Ayun, late." Natawa ako. "Bakit?" Kuryoso man ay naging abala na ang mga mata ni Xian nang umusad ang kotse palabas ng parking lot. Dagli naman akong hindi nakasagot dahil hindi ko malaman kung sasabihin ko ba sa kaniya ang dahilan. Kung may isang bagay man din na hindi niya alam sa akin, iyon ay si Brayden. Hindi niya kilala si Brayden, wala siyang idea kung sino ito sa buhay ko. Hindi ko na rin sinabi sa kaniya dahil useless naman na rin. Hindi ko nga alam kung may balak pa ba iyong magpakita sa amin, pero sa katotohanang hindi naman siya mahalaga para sa akin ay hindi ko na siya in-include sa buhay ko. Tila walang Brayden na nag-e-exist sa akin. Siguro nga ay naapektuhan lang ako kanina na pinagsisinungalingan ako ni Leon, kaya ganoon ako umasta. Dahil totoo na wala lang naman siya sa akin. Or OA nga lang talaga akong mag-react. Nagkibit ako ng balikat. "Na-late ng gising." "Kaya pala hindi ka na nakapag-text sa akin kaninang umaga." Peke akong tumawa. "Oo, kamamadali." "But that's okay." Tumango-tango si Xian. "What are your plans today?" "Hmm." Nag-isip ako. "Yayain sana kita ng movie date," derektang pahayag ni Xian kung kaya ay madali akong napalingon sa kaniya. Natawa ulit dahil kaka-date lang naman namin kahapon, pero sige. "All right. Movie date." Iyon ang naging plano namin sa gabing iyon. Sa isang Mall na malapit ay dumeretso kami ng Cinema. Isang rom-com ang napili naming panoorin. Good thing ay hindi masyado ang tao, kaya sa gitna pa kami nakapwesto. Hawak ang isang box ng popcorn ay naupo ako. Si Xian naman ay dala ang dalawang drinks na para sa amin. Nagsimula na rin ang movie, nakakatawa nga iyon dahilan para panay ang paghalakhak ko. Sa bawat pagtawa ko pa ay ang pagsubo ko ng popcorn. Hindi ko na namalayan ang oras, katulad kung paanong hindi ko na napansing kasama ko pa pala si Xian. Nang malingunan pa ito ay para na siyang inaantok. Nagkatinginan kami, kaagad naman siyang ngumiti at umayos ng kaniyang upo. Humilig siya sa gilid ko habang ang isang kamay ay dinala niya sa likod ng inuupuan ko, nag-anyong nakaakbay sa akin. Tinalunton ko ang isa niyang kamay, hawak niya pa rin ang drinks nitong wala pang bawas. Ni hindi rin siya kumuha ng popcorn para kumain. Nangunot ang noo ko at muli siyang tinitigan. "Gusto mo nang umuwi?" tanong ko ngunit umiling naman ito bilang sagot. Akala ko ay mag-e-enjoy siya dahil siya itong nagyaya ng movie date. Pero mukha naman siyang bagot at hindi ako masabayan. Napanguso ako. "Uwi na tayo?" ulit ko. "Let's eat dinner together," wika niya. Tumango na lang din ako. Pagkatapos ng movie ay sabay kaming tumayo, hawak niya ang siko ko hanggang sa tuluyan kaming makalabas ng Cinema. Sa isang fine dining restaurant naman ako dinala ni Xian. Tahimik kaming kumain doon. Minsan ay nagkukwentuhan din naman. Bandang alas otso nang ihatid niya rin ako sa bahay. Himala nga at hindi ko nasilayasan si Leon sa labas ng kanilang bahay. Hindi ko na siya hinanap dahil pumasok na kaagad ako ng bahay. Lumipas ang ilang araw, sa ganoon umikot ang buhay namin ni Xian habang nagliligawan kami. Hatid-sundo niya ako. Bago pa tuluyang umuwi ay nagkakaroon kami ng mini date. Madalas ay kumakain lang kami sa labas. Wala na rin naman na akong narinig mula kay Leon dahil bihira na lang magtagpo ang landas naming dalawa kahit kapitbahay ko lang naman sila. Baka nga literal na ring busy ang lalaking iyon. Paano at siya rin ang namamahala sa isa pa nilang kumpanya, maliban sa A&D Tower. Siguro nga ay tinanggap na niyang si Xian ang gusto ko. Wala rin naman kasi siyang magagawa. Isang linggo ang nagdaan. Pinag-iisipan ko na ngayon kung sasagutin ko na ba si Xian, kasi iyon naman talaga ang palugit na ibinigay ko sa sarili ko. And honestly, wala naman na dapat pang patunayan si Xian sa akin. Sobrang kilala ko na siya, alam ko na ang ugaling mayroon siya at wala akong masabi. He's so close to perfect. Pakiramdam ko nga ay ako pa itong magiging flaws niya kapag tuluyang naging kami. Nevertheless, sasagutin ko pa rin siya. Isang gabi, uwian sa trabaho ay nagkayayaan kaming mag-bar hopping. Kasama ko ang mga pinsan na sina Leon, Eunice, Jackson at Johnsen. Pati ang mga kaibigan naming sina Minerva, Vien at Pietro. Of course, kasama ang quadruplets; Callum, Clayton, Caiden at Carter, at sina Mikaela, Penelope at Krisha. Nakagawian na namin ito every end of month. Salu-salo lang, bonding na rin namin. At hindi ko rin ihuhuli syempre si Xian na isinama ko ngayong gabi. Ito iyong unang beses na sinama ko siya sa bonding naming magkakaibigan. Although, kilala na rin naman siya, pero hindi ganoon masyado dahil puro sa kwento ko lang naman nila nalalaman ang patungkol kay Xian. Kahit nahihiya siya ay wala siyang nagawa. Hindi ko na nga rin siya inalisan para hindi niya ma-feel na out of place siya. Kinakausap niya ako minu-minuto, pero sa samu't-saring ay hindi kami magkarinigan. Nasa isang malaking VIP room kami mula sa second floor ng bar. Sa dami namin ay halos hindi na kami magkasya, mabuti at bumaba na ang ilan para magsayaw na lang sa dancefloor. Gusto ko nga rin sanang sumunod kina Eunice sa baba. "Lasing ka na," bulong ni Xian nang mapansing namumula na ang mukha ko. Humagikhik ako. "Hindi pa." Alas onse na yata ng gabi. Hindi ko na nasundan ang oras dahil sa kasiyahan, pero ayaw ko pang umuwi. Isa pa, gusto ko nang sagutin si Xian sa araw na ito. Ibibigay ko na ang matamis kong oo. Ayoko nang patagalin pa ang panliligaw niya dahil mas gusto kong binibilang ang buwan na kaming dalawa na. Nabanggit ko naman na ito kay Mama at suportado naman siya, saka ko na lang din ito sasabihin kay Papa kapag kami na ni Xian para wala na siyang magagawa. Sa naisip ay mahina akong natawa. "Lasing ka na nga," si Xian ulit. "Hindi nga." Pabiro ko siyang inirapan. Tangkang kukunin ko ang isang shot ng alak para sa akin, pero madaling kinuha iyon ni Xian. Inagaw niya at siya na mismo ang lumagok sa laman no'n. Nanlalaki ang mga matang binalingan ko ito. "Bakit mo ininom?" tanong ko nang ibaba niya ang shot glass sa lamesa. "Tama na. Lasing ka na," mahinahong banggit niya ngunit inilingan ko lang siya. Lasing na ba ako? Hindi pa naman, ah? Alam ko pa nga iyong nangyayari sa paligid. Kilala ko pa kung sino iyong mga kasama namin sa loob ng VIP room. At alam ko rin kung sinu-sino na ang mga tunay na lasing sa amin dito. "Sayaw tayo, Leigh!" anyaya ni Krisha na nagngingiting demonyo na, hudyat na tinamaan na ito ng alak. Ngumisi rin ako. "Sige." Mabilis siyang tumayo kasama nina Minerva at iba pang babaeng naiwan. Saglit ko namang tiningnan si Xian, nakadungaw lang din siya sa akin at nakita ko ang pagtango niya bilang pagpayag sa akin. "Sunod na lang ako sa baba," aniya kung kaya ay napatango na lang ako. Hinila na ako sa kamay ni Vien. Sa paglabas ay nakipagsiksikan pa kami sa sobrang dami ng tao, lalo sa parteng dancefloor at kahit gitgitan ay nagpatuloy kaming sumayaw. Sa salin ng maharot na musika ay panay ang indak namin. Dinig ko ang hiyawan sa paligid. May showdown kasi at isa sa grupo ay ang mga kaibigan ko. Muli akong hinila ni Vien at dinala sa gitna ng showdown dahilan para mapagiling ako nang wala sa oras. "Whoa!" sabay-sabay na hiyaw ng ilang kalalakihan at tuwang-tuwa dahil sa nangyayari. Sa sobrang hype ng mga tao at nangyayari ay nahilo ako, rason para saglit akong tumigil. Gumilid din ako, kasunod nito ay may kung sinong humatak sa braso ko kung kaya ay nawala ako sa kumpolan. Likod ng isang lalaki ang nasilayan kong humihila sa akin palabas ng bar. "Uuwi na ba tayo, Xian?"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD