“Avyanna? Sinong kasama mong nagpunta rito?” nilingon ko naman si Daddy na pababa na rin ng hagdan, niyakap ko na lang din siya ng makababa siya.
“Ako lang po ang nagpunta rito.” sagot ko kay Daddy.
“Where’s Kayden? Bakit hindi mo siya kasama?” tanong pa ni Daddy.
“Busy yun Daddy, may meeting po siya ngayon at hindi ko alam kung makakauwi siya. Umuwi lang ako rito dahil wala na rin masyadong gawa sa kompanya. Hindi po ba kayo masayang makita ako rito?” nagtatampo kong tanong na ikinatawa ni Mommy.
“Syempre masaya baby, akala nga namin hindi mo na kami naalala eh. Simula kasi ng ikasal kayo ni Kayden hindi na kayo dumalaw, ganun din si Kayden sa pamilya niya. Akala tuloy namin nagdadalang tao ka na.” napatingin pa siya sa tiyan ko kaya natawa ako.
“Mom, bata pa kami ni Kayden. I am just 21 gusto muna naming sulitin yung buhay namin ng wala pang masyadong responsibilidad.”
“Alam naman namin yun syempre, malay mo lang diba? Hahaha. Teka kumain ka na ba? kumain ka na munang bata ka.” wika niya, naglakad naman na kami papuntang kusina. Ipinaghanda naman ako ni Mommy ng makakain ko habang nakaupo na kami ni Daddy sa upuan.
“Kamusta naman ang buhay mo anak? parang pumapayat ka naman. Are you okay? May problema ba?” nag-aalalang tanong ni Daddy. Gusto ko tuloy umiyak dahil ngayon ko lang ulit narinig ang mga boses nila, ang pag-aalala ng isang magulang. Kinagat ko na lang ang pang-ibaba kong labi para pigilan ang pag-iyak ko.
“Okay lang naman po Dad, hindi naman ako pumapayat eh, sexy lang talaga ang anak niyo.” Tawa kong wika, ayaw kong mapansin nila o mahalata nilang may dinadala nga akong problema.
“Oh heto, kumain ka na muna. Sa susunod magsabi ka kung uuwi ka para maipaghanda ka namin.” saad ni Mommy.
“Magpapa-catering ba kayo Mom? Hahahaha” pagbibiro ko sa kaniya.
“Gusto mo ba?” tanong niya naman na mas lalong nakapagpatawa sa akin, kahit kailan talaga si Mommy eh. Kumain naman na muna ako habang nanunuod lang silang dalawa sa akin. Mas maganda yatang mapadalas ang pagdalaw ko sa kanila dahil kahit papaano ay naiiwasan kong mag-isip ng mag-isip.
Napahawak na lang ako ng sa tiyan ko ng mabusog ako, ang dami kong nakain. Kapag nasa bahay kasi ako wala man lang akong kaharap.
“Kumakain ka pa ba ng maayos anak? bakit parang gutom na gutom ka naman. Huwag mong pababayaan ang sarili mo, may tiwala naman ako kay Kayden dahil alam kong hindi ka niya pababayaan pero huwag ka namang magpapabaya sa sarili mo.” wika ni Mommy, ngumiti na lang ako sa kaniya. Alam ko namang malaki ang tiwala nila Kayden dahil palagi siyang nag-aalala sa akin noong hindi pa kami nag-asawa pero hindi nila alam ang pagbabago ni Kayden ngayon. Malayong malayo na siya sa nakilala naming Kayden.
“Okay lang po ako Mom.” Ngiti kong saad sa kaniya. Nagkwentuhan pa naman kami sa ibang bagay, nang matapos kami ay umakyat na rin kami sa kwarto nila. Dun ko sana balak matulog sa kwarto ko pero naisipan kong tumabi na lang sa kanila. Pinaggigitnaan naman nila ako, yumakap na lang ako kay Mommy dahil gusto kong itago ang pamumuo nanaman ng mga luha ko.
Hindi ko kayang sirain ang tiwala nila kay Kayden kahit na alam ko namang ayaw nilang nasasaktan ako dahil nag-iisang anak lang ako ng mga magulang ko.
“Are you okay?” tanong sa akin ni Mommy habang hinahaplos ang buhok ko.
“Hmm, inaantok na ako Mom.” Pagdadahilan ko kahit na maiiyak nanaman ako. Hindi ko na lang sana pinili na maikasal kay Kayden, siguro kung hindi kami naikasal baka masaya pa rin kaming dalawa ngayon. Masaya kami bilang magkaibigan at kontento na ako dun kesa sa ganitong sitwasyon namin na halos kinalimutan na ang naging samahan namin.
Nanatili akong nakayakap kay Mommy kahit ilang oras na ang lumipas. Gusto kong matulog pero si Kayden pa rin ang iniisip ko. Kumain na kaya siya? nakauwi kaya siya? nasaan kaya siya? o ano kayang ginagawa niya ngayon? dahan dahan naman akong kumalas sa pagkakayakap kay Mommy, alam kong kanina pa sila tulog.
Bumaba naman ako sa kama at nagtungo ng veranda para makalanghap ng preskong hangin. Kahit pagod na ako sa trabaho at sa byahe ko pang nagpunta rito, hindi man lang ako nakatulog kaagad. Napabuntong hininga na lang ako, magpapalipas na lang siguro ako ng oras dito, aantukin din naman ako mamaya. Tumingala na lang ako sa kalangitan, ang payapang tingnan, wala man lang kaulap ulap kaya kitang kita ang mga bituin at ang crescent moon. Sana, balang araw maging payapa rin ang isip ko, maging payapa at malaya rin ako. Ayaw ko ng ikulong ang sarili ko sa ganitong sitwasyon, kahit na ayaw ko siyang iwan pero wala naman akong pamimilian dahil dun din ang punta naming dalawa balang araw. Gusto ko lang pagurin ang sarili ko at sulitin ang mga araw na nakakasama ko pa ang taong mahal ko. At pagdating ng araw na handa na akong iwan siya, magpapapaalam naman ako at alam kong papayag siya.
“Anak,” napalingon na lang ako kay Mommy ng tawagin niya ako.
“Mom, bakit gising ka pa po?” tanong ko sa kaniya.
“Nagising lang ako dahil kumatok si Nanay Susan, nasa ibaba raw si Kayden.” Bahagya namang nanlaki ang mga mata ko dahil sa gulat. Anong ginagawa niya rito ng ganitong oras? Akala ko ba hindi siya uuwi? Mabilis naman akong napatayo dahil sa sinabi ni Mommy. “Hindi ka ba nagpaalam sa asawa mo, anak? dapat nagpapaalam ka kapag uuwi ka sa amin baka mamaya nag-aalala yan sayo.” dagdag pa ni Mommy, hindi naman yun nag-aalala sa akin eh. Himala lang na umuwi siya ngayon.
Lumabas naman na kami ng kwarto at hindi nga nagbibiro si Mommy ng makita namin si Kayden na nakaupo sa sofa, nakasuot pa siya ng suit niya at parang hindi pa nagpapalit. Napatayo na lang siya ng mapansin kami ni Mommy.
“Gabing gabi na iho pero napagawi ka pa rito.” wika naman ni Mommy. Nagmano naman na muna si Kayden.
“Hindi ko po kasi alam na umuwi pala si Avyanna, Mom. Pasensya na po kung napapunta pa ako rito ng gabing gabi na.” tiningnan ko naman ang relo ko at mag-aala una na. Ibig sabihin gabi na rin siya nakauwi?