Kabanata 2

1125 Words
Pagkabalik ko galing banyo ay nakita kong kahit papaano ay nabawasan na ang bilang ng tao na naghihintay roon. Ilang sandali lang ay may lumapit na sa aming nurse upang tanungin kung anong problema. Habang nag-uusap sila ni Mommy ay ako na ang naglagay ng mga detalye niya para sa record. “Sige po, Ma’am. Babalikan po kita ha? Papupuntahin ko po kayo sa office ng doctor kapag nakabalik na siya,” wika ng nurse. Tutal ay hindi naman emergency case ang kay Mommy ay sa office na lang ng doctor siya kukunsultahin. Ilang minuto lang din ang hinintay namin at bumalik din ang nurse saka kami sinabihan na magtungo sa office ni Dr. Lawrence Calderon. Sa third floor daw iyon. Ang layo naman! Mabuti na lang at may elevator ang ospital na ito. Dahil kung wala ay baka bago pa makarating sa doktor ang pasyente, mas lumala pa ang sakit nito. Pagkarating namin sa third floor ay kaagad na bumungad sa amin ang nurse station. Binati kami ng mga naroon at nagtanong na rin ako kung saan ang office ng doktor. Nang makarating kami sa tapat ng pinto ay kumatok ako nang tatlong beses. “Come in.” Binuksan ko ang pinto saka maingat na tinulak ang wheelchair papasok sa office. Nang maipasok ko si Mommy ay sinara ko kaagad ang pinto. Pagkaharap ako ay dumiretso ang tingin ko sa doktor. Tumayo ito at lumapit sa amin. “Ano pong problema?” kalmadong tanong nito. Siya na rin ang nagtulak kay Mommy papalapit sa kanyang table habang ako ay naiwang nakatayo sa may bandang pinto. Nang makapwesto roon si Mommy ay napatingin sa akin ang doktor. Seryoso ang tingin nito. Ni hindi manlang ito nakangiti sa akin. Itinuro niya ang upuan sa harap ni Mommy. “You can take a seat,” wika nito. I cleared my throat and nodded. Ang hot naman ng doktor na ito! Parang gusto ko biglang lagnatin para makonsulta niya rin ako. Pwede ba akong mag-apply bilang pasyente rito? Sobrang gwapo! Tapos super attractive pa na naka-white coat ito. Sobrang linis niya pang tignan. Tiyak kong mabango rin siya. Magpagulong-gulong kaya ako sa hagdan mula rito sa third floor hanggang sa labas? “Sumasakit ang likuran ko, Doc. Mag-iisang linggo na rin kasi,” sabi niya kay pogi at hot na doktor. “Other than that? Wala naman po kayong nararamdamang iba? Hindi naman po ba kumakalat ang sakit pababa sa binti o hita ninyo? Any fever, nausea, vomiting?” sunod-sunod na tanong ni Doc. Pati boses niya nakakahalina. Parang gusto kong sumingit at sabihing ako po, nahihilo na ako sa kagwapuhan mo, Doc. “Wala naman, Doc. So far, back pain lang talaga…” sagot ni Mommy. Abala ako sa pagtulala kay Doc. Nanlaki ang mata ko nang pumwesto siya sa likuran ni Mommy at dahan-dahang hinawakan ang likod nito. Maging ang mga balikat ni Mommy ay hinawakan niya at parang gusto kong pumalit sa pwesto ng nanay ko bigla. Gusto ko rin magpahawak kay Doc! Tapos hindi lang sa balikat, gusto ko from head to toe! Magpa-general check-up kaya ako? Gusto kong ipa-check ang puso ko kung nasa loob ko pa, o baka nakuha na niya. Pinatayo siya ng doktor. Inalalayan pa nga siya nito kaya’t saglit na nagkahawak ang kamay nilang dalawa. Halos mamatay na ako sa inggit dahil gusto ko ring ma-experience iyon. Wala bang patalim dito? Ano bang pwede kong ipansaksak sa sarili para maging instant pasyente rin ni Doc? Nang matapos ang ginagawa nila ay naupo na si Mommy at ang doktor naman ay umikot na pabalik sa kanyang upuan. He started writing on a paper habang nagsasabi ng mga dapat gawin ni Mommy. May mga test na pinapagawa kay Mommy. Hindi raw kaagad na lalabas ang results niyon kaya’t nag-schedule si Doc ng second appointment para mabasa ang results. “So for now, I’ll just prescribe you some pain relievers. Kapag hindi nag-subside ang sakit even after taking the medications, bumalik po kayo kaagad dito sa ospital. Backpain should not be taken for granted. Pwede ‘yang maging senyales ng mas malalang sakit,” saad ni Doc. Binigay niya ang papel kay Mommy saka kami lumabas ng office niya. Gusto kong mapasimangot dahil habang nasa loob kami ay isang beses lang siya napatingin sa akin. Noong pinaupo niya lang ako. After niyon, wala na! Para na akong hangin! Snob ang ganda ko ha?! Pagkalabas ng office niya ay nakita ko ang name niya sa gilid ng pinto. Dr. Lawrence. Gwapong doctor, hot pa at nakakahalina ang boses pero ubod ng snob! Hindi tumalab ang ganda ko. Nakaka-offend! Dinala ko si Mommy sa itinurong room ni Doc kanina para maisagawa ang mga test sa kanya. Habang naghihintay kay Mommy ay napatingin ako sa repleksyon ko sa salamin. Nanlaki ang mata ko at doon ko lang napagtantong hindi nga pala ako nag-abalang mag-ayos ngayon! Mukhang kakabangon ko lang sa higaan at dumiretso na lang bigla rito sa ospital. Kaya siguro hindi manlang ako napansin ni Doc Lawrence. Nakakainis naman! Ano ba naman kasing malay ko kung makakakita ako ng pogi rito. Kung alam ko lang na may gwapo pala akong madadatnan dito ay sana nag-dress pa ako at nag-false eyelashes para makapag-beautiful eyes sa kanya. Nakapag-red lipstick din sana ako para kissable lips. Pambihira ka naman, Shienel. ‘Yan ang napapala mo sa pagiging tamad. Missed opportunity tuloy para makasungkit ng gwapong lalaki. Nang matapos ang tests kay Mommy ay bumaba na kami at binili ang mga gamot na prescribed ni Doc. Parang kinayod ng manok ang sulat niya pero normal lang naman iyon. Hindi naman nakabawas ng kagwapuhan niya ang pangit niyang sulat. Siyempre, walang perfect sa mundo. Pagkabalik sa sasakyan ay kaagad kong tinanong si Mommy kung anong pakiramdam na mahawakan ng pogi at hot na doktor. “Really, Shienel? Mas una mo pang itatanong ang bagay na ‘yan kaysa kumustahin ang kalagayan ko? Napakalandi mo ha? Mana sa akin…” nakangising sabi nito. Pansin kong kinikilig-kilig pa ito. Gusto kong mambatok ng babaeng nagsilang sa akin ngayon ah. “Mommy! Isusumbong kita kay Tito Leandro! Kinikilig ka pa riyan!” sita ko sa kanya. Humagikgik ito at mapang-asar na tumingin sa akin. “Inggit ka lang kasi hindi ka nahawakan. Mas may asim pa ako kaysa sa’yo, anak!” Humalakhak si Mommy pagkasabi niyon. Nalukot ang mukha ko dahil asar-talo na naman ako sa kanya. Buong biyahe pauwi ay inasar-asar lang ako ni Mommy. Alam kong alam niya na bet ko si Dr. Lawrence kaya’t mas lalo niya akong pinipikon dahil hindi manlang daw ako pinansin ni Doc. Ano naman!? Hindi naman ito ang huling beses na magkikita kami. Sa susunod, sisiguraduhin kong tatalab na ang kamandag ko sa kanya!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD