SA MGA lumipas na araw ay hindi nagsisi si Zionne sa kung anumang nangyari sa kanila ni Howard. Bagkus, pagmamahal ang naging sandata niya para sandaling mawala ang takot sa dibdib na baka sakaling magbunga iyon. Sa kabila no'n ay nanatiling cold ang pakikitungo sa kaniya ni Paul. Subalit pagkaraan lamang ng ilang linggo ay isang pangyayari ang hindi niya inaasahan.
Hindi maintindihan ni Zionne kung bakit bigla na lamang siyang nahilo at nandilim ang kaniyang paningin. Kasalukuyan siyang nasa stock room noon at hinahanap ang mga new arrivals na item.
Ipagsasawalang bahala na lang sana siya ni Paul subalit nakita nito na unti-unting natutumba si Zionne mula sa kinatatayuan, at napaka-hipokrito naman ng binata kung matitiis niya ang kaibigan, ang kaibigan na minamahal nito ng lihim.
"Zionne!" wika niya bago pa man tuluyang masalo ang dalaga sa mga bisig niya. At doon na nga tuluyang nawalan ng malay si Zionne kaya halos mataranta siya bago pa man magdesisyon na dalhin ito sa clinic. Nasalubong niya ang mga mapanghusgang mga mata nina Ella, Ruzelle at Angel.
"Anong nangyari?" puna ng guard sa kaniya.
"Bigla pong hinimatay, e." At pinayagan siya nitong pumunta sa clinic. Nagmamadali siyang makarating sa may clinic hanggang sa gawaan na si Zionne ng iba't ibang test.
"Wala naman siyang lagnat, kinakailangan niya lang magpahinga muna," ang sabi ng doktor. Nakahinga na sana nang maluwag si Paul sa pag-aalala sa kaibigan subalit muling nagsalita ang doktor. "She's two weeks pregnant. And luckily, malakas ang kapit ng bata. Kinakailangan niya lang ng sapat na pahinga." Halu-halong emosyon ang nararamdaman niya, hindi niya alam kung paano siya magre-react sa sinabi ng doktor. Tiningnan niya lang ang kaibigan at bago pa siya lumapit dito ay nagsalitang muli ang doktor. "Better to report it in your department manager para maging aware ito sa mga bawal sa kaniya."
"Okay po, makakarating po."
Ilang sandali pa ay dumilat na si Zionne at nagtataka ang mga mata nito nang mapuna kung nasaan siya. Nang makita niya si Paul sa kaniyang tabi at nakangiti ay hindi maiwasang gumaan ng kaniyang kalooban. Ang ngiting matagal niyang hindi nakita rito. "Paul? A-anong--" Hindi pa man natatapos ang kaniyang sasabihin ay nagsalita na si Paul.
"Hinimatay ka kaya dinala kita rito," kaswal nitong sabi.
Bigla naman niyang naisip ang nobyo kung kaya't hindi inaasahan ni Paul ang lalabas sa kaniyang bibig. "Si Howard? Nasaan si Howard?" Biglang nagbago ang timpla ng mukha ni Paul at sa tingin niya ay napaka-unfair niya naman dahil hinahanap niya ang taong wala.
"Hindi ko na siya nasabihan dahil nagmamadali ako kanina, nag-alala lang talaga ako sa'yo." Hindi maintindihan ni Zionne kung bakit ganoon na lamang kabilis nawala ang ngiti ng kaibigan kanina nang mabanggit niya lamang ang pangalan ng nobyo.
"Ganoon ba? Salamat pala, hah? Pero bakit nga ba ako nandito?" Napahilamos ng mukha si Paul dahil hindi niya alam kung paano sasabihin kay Zionne ang kaniyang nalaman. Sa totoo lang ay naiinis siya sa kaibigang si Howard dahil binuntis nito si Zionne. Hindi naman sa hadlang siya pero nakikita niya kasi na hindi magiging mabuting ama ang kaibigan lalo na't may pagkababaero ito. At kahit pa sabihing nagbago na ito ay hindi malabong magawa pa rin nito ang nakasanayan. "Paul?" Nabalik siya sa realidad nang muling marinig ang boses ni Zionne. At dahil ayaw niyang maging unfair ay nagdesisyon siyang sabihin iyon.
"Zionne, b-buntis ka." Halos ayaw niyang sabihin ang mga katagang iyon dahil alam niya na sa kabila nang pagdadalamhati ng kaniyang puso ay siyang galak naman ang nararamdaman ni Zionne.
"B-buntis ako? Buntis ako.." paulit-ulit nitong wika sa sarili at tuluyang napangiti kasabay ng munting luha na pumapatak sa kaniyang mga mata. "Magiging ina na ako," pabulong pa nitong wika.
Sa kabila ng kasiyahang nararamdaman ni Zionne ay pilit na gumugulo sa isipan ni Paul ang mga nangyari. At tila napawi ang ngiti sa labi ng dalaga nang magsalita siya, "Zionne, ganoon ka na ba talaga kasigurado sa pagmamahal mo kay Howard?"
"Bakit mo naman natanong 'yan?"
"Masyado pang maaga para masabi mo sa sarili mong siya na talaga."
Napabuntong hininga si Zionne. "Alam ko.. pero wala akong pinagsisisihan sa nangyari, Paul." Ang sakit lang para kay Paul na marinig ang mga katagang iyon. Para siyang tinusuk-tusok ng ilang ulit, dahil kahit anong gawin niya ay hindi na maitatama ang mali.
"Pero paano ang pangarap mo? Ang mabigyan ng magandang buhay ang pamilya mo? Zionne, hindi biro ang maging isang ina."
"Sisiguraduhin ko naman na hindi magagalaw ang sinu-sweldo ko para sa pang-araw araw naming gastusin ni Howard.. kung sakaling gustuhin niya na magsama kami," pangangatwiran pa ni Zionne.
"Pero paano ka nakasisigurado? Zionne, hindi mo pa lubusang kilala si Howard!"
"E anong nais mong sabihin? Na sasaktan niya lang ako? Na hindi niya deserve ang pagmamahal ko?"
Hinawakan niya sa magkabilang balikat ang dalaga. "Zionne, hindi sa ganoon-- sana hindi ka muna bumigay, sana pinatunayan mo muna sa sarili mo kung talagang mahal ka niya. Dahil alam mo, sa nakikita ko, mahal ka lang niya sa ngayon, pero paano sa mga susunod na araw, buwan o taon?" Unti-unti nang pumatak ang luha sa mga mata ni Zionne.
"B-bakit mo ba sinasabi 'yan? Hindi ba dapat ay maging supportive ka.." Sa pagkakataon na 'yon ay niyakap niya si Zionne. Subalit pilit siyang itinutulak nito pero ayaw niyang magpapigil. Gustuhin niya mang maging masaya para rito ay mas gusto niya pa ring magpakatotoo para sa ikabubuti nito. At sa huli, ay nakapagdesisyon siya na gawin ang tama, kahit nagtatalo ang kaniyang puso at isip. At kahit masakit ay gagawin niya 'to para sa kaniyang kaibigan.
Pagka-out pa lamang sa trabaho ay inabangan na agad ni Paul si Howard sa labas ng mall. At sa hindi inaasahang pagkakataon ay makikita niya itong nakangiti habang may kausap sa cellphone. Inaasahan niyang si Zionne ang kausap nito sa kabilang linya pero ibang pangalan ang narinig niya.
"O, talaga, King? Teka, saan ba ang venue? Ihahatid ko lang muna si Zionne tapos susunod na ako." Sandali pa itong natigilan dahil nakikinig mula sa kabilang linya. "Ano ka ba, ako pa ba? Kayang-kaya kong gumawa ng palusot," natatawa pang sabi nito kaya agad niya itong nilapitan at saka seryosong tinitigan ang binata.
"Ayos ka rin, no? Handa kang gumawa ng alibay para lang makipag-jamming sa mga kaibigan mo, samantalang si Zionne ay pinaiikot mo sa mga kasinungalingan mo!" Napakunot ang noo ni Howard bago pa man ito nagsalita.
"Sandali, ano bang problema mo, pre? Saka bakit mo kami pinakikialaman ng girlfriend ko?"
Napangisi si Paul. "Hindi naman sana ako mangingialam, e. E ang kaso binuntis mo si Zionne!"
"Buntis siya?" Sandali pa itong natigilan bago pa man magpaulan ng ngisi. "So? Anong pake mo ro'n?" pang-iinsulto pa nito. At doo'y namuo lalo ang galit niya rito, nakahanda na ang kamao niya para salubungin ang mukha nito. Isang magkakambal na suntok ang pinakawala niya na nagdulot ng pagdurugo ng bibig nito. At sa kabila ng namuong sugat sa bibig ay nagawa pa rin nito na klarong magsalita, "Ano bang problema mo?" galit na rin nitong usal at akma na rin siyang sasalubungin ng suntok pero mabilis niya iyong nasalag ng kaniyang braso.
"Isa lang naman ang gusto ko, Howard. Ang gawin mo ang tama."
Napangisi na naman si Howard kahit duguan na ang bibig. "Hindi pa ba tama ang ginagawa ko?"
"Gago! Panagutan mo ang pinagbubuntis ni Zionne at ibahay mo siya, doon ay magiging panatag ako!"
"Gago ka rin! Buhay ko 'to at nasa akin na kung ibabahay ko o hindi ang girlfriend ko! O baka naman, ikaw ang may gustong ibahay siya?" pang-iinsulto pa nito kaya lalo siyang nag-init at akmang susuntukin na naman ito pero biglang dumating si Zionne para awatin silang dalawa.
"Ano ba, tama na!" sigaw ni Zionne dahilan para matigilan silang dalawa. "Bakit ba dito pa kayo nag-aaway? At ano 'yan?" Turo niya sa sugat na natamo ni Howard. Saka niya binalikan ng tingin si Paul, tingin na sinisisi ang kaibigan. "Paul, please lang, 'wag ka nang makialam. Problema namin 'to at haharapin namin 'to."
Napalunok ng ilang ulit si Paul at hindi niya alam kung ano ang sasabihin kaya napatango na lang siya. At sabihan na siya na bakla pero lumuluha talaga siya habang sinusuyod ang daan patungo sa terminal.
Itutuloy..