Chapter 02
After few weeks ay hindi ko na nakita ulit si Timmy, ang babaeng hindi ko alam kung ano ang pangalan. Hindi ko na rin siya hinanap dahil wala namang dahilan para magkita pa kami. At isa pa, ayokong magselos ulit si Lexie. Sobrang selosa pa naman ng mahal kong iyon kaya naman iniiwasan ko ang makipag-kaibigan sa mga babae.
“Ano, pare? Game ka ba?” Tanong sa akin ni Jason, blockmate ko, tungkol sa basketball mamaya. Isa siya sa mga barkada ko.
“Tawagan ko muna si Alexa.”
Tumawa nang malakas si Jason.
“Sobrang loyal ni gago, oh! Baka sa simula lang ‘yan, ha!”
“Gago, hindi ‘no! ‘Wag mo nga akong itulad sa ‘yo!”
Humagalpak ulit ng tawa si Jason. “Sige, tawagan mo na! Mamaya pa namang 4:00 P.M. ang simula ng game.”
Tumango ako sa kanya bago pumasok sa sasakyan ko. Tinawagan ko si Lexie na mabilis naman niyang sinagot. Nagsimula na rin akong mag-drive paalis ng campus.
“Hello babe!”
“Babe, I’m on my way to your school.”
“Yes, babe. Tapos na rin ang klase ko.”
“Siya nga pala, may laro kami mamaya. Do you want to watch?”
“Hmm…” panimula niya na parang nag-iisip. “I have a quiz tomorrow but I want to support my babe, so yes. I’ll watch.”
Natawa ako nang mahina sa isinagot niya. “Okay, babe.”
Ibinaba na rin niya ang tawag at ako naman ay mabilis na nag-drive papunta sa kanya.
Nang makarating ako sa school nila ay nakita ko ang malapad niyang mga ngiti. Mabilis siyang sumakay sa kotse at hinalikan ako nang saglit.
“Tara na.” She said, after.
Natatawang napapailing ako sa ka-sweet-an niya. Kahit na sabihing sobrang selosa ng girlfriend kong ito, lagi naman niyan binabawi sa pagiging sweet sa akin araw-araw.
Nang makarating kami sa basketball court na paglalaruan namin, nakita kong may mga nakaupo sa bleachers at mga manonood ng larong ni-set lang namin dahil sa pustahan.
“Wow, iba talaga ang babe ko. Dami niyong viewers, ah?” Sabi ni Lexie nang makita ang mga tao.
Pinagsalikop ko ang mga daliri ng kamay namin tsaka ko ito hinalikan bago ko siya pinaupo sa benches kung nasaan ang mga team mates ko. Nagpaalam ako sa kanya na magpapalit lang ako ng jersey dahil ‘di pa ako nakapag-palit kanina.
Nang matapos ak0ng magpalit ay bumalik na ako sa court, at naupo sa tabi ni Lexie. Inaantay pa namin ang ibang members ng kabilang team. Habang nag-aantay ay may isang pamilyar akong nakitang kumakaway sa akin mula sa bleachers kung saan ang pwesto ng kabilang team. Napakunot ang noo ko dahil hindi ko masiyadong mamukhaan ang babae sapagka't malayo. Umalis ito doon at lumapit sa amin.
“Hoy, Timmy!”
Natawa ako nang marinig ko ulit ang tawag niya sa aking iyon. Tama. Siya nga si Timmy, ‘yung babaeng ginawa akong driver. ‘Yung magandang babaeng nagmakaawa sa walang kwenta niyang ex.
“Oh, Timmy! Long time no see, ah?” Sagot ko at nakipag-high five sa kanya.
Naramdaman ko ang paghigpit ng hawak ni Lexie sa braso ko, at ang pagsalita niya.
“Babe, who is she?”
Napalingon ako kay Lexie at nakita ko ang mga tingin niyang kakaiba kay Timmy. Bigla akong kinabahan dahil isa itong senyales na nagseselos siya sa kausap ko. Ibinalik ko ang tingin ko kay Timmy at nakita kong nakatingin rin siya kay Lexie, ngunit nakangiti na lang ng maliit.
“Timmy, ano na ngang pangalan mo?” Tanong ko na nakakuha ng atensiyon niya.
Tumawa si Timmy bago ako sinagot.
“Gago ka, Timmy! Hindi mo alam ‘yung pangalan ko?” Humagalpak ulit ito ng tawa kaya pati ako ay natawa na. “Cassandra ang pangalan ko. Maria Cassandra Torres.”
Cassandra...
Maria Cassandra...
Napakagandang pangalan.
“Oh, babe. Siya ‘yung kinukwento ko sa ‘yo na nakasama ko noon, si Cassandra. And Cassandra, she is my girlfriend, Alexa.”
“Aba, aba, aba! Iba talaga itong si Timmy! Kaya naman pala base sa kwento niya ay nagmamakaawa siya sa ‘yo, napakaganda mo nga naman pala! Nako, Timmy ha! ‘Wag na ‘wag mong papakawalan itong girlfriend mo, kung hindi, ako ang bubugbog sa ‘yo!” Pagbabanta ni Timmy, na Cassandra pala ang pangalan.
“Sus! Hindi, ‘no. Hinding-hindi ko na pakakawalan ‘to.” Sabi ko bago hinalikan ang buhok ni Lexie.
“Dapat lang! O sige, balik na ako doon, ha?” Sabi niya sabay turo sa bleachers na kinauupuan niya kanina.
Tumango ako at saka siya tumakbo pabalik sa pwesto niya kanina. Ang ganda niya lalo na kapag hindi siya umiiyak. Bagay na bagay sa kanya ang kulay violet niyang lipstick.
“I don’t like her.”
Naibalik ang atensiyon ko kay Lexie at nakita ko ang mga malulungkot niyang mata.
“What? Bakit?”
“She’s so pretty. I don’t want her near you.”
Sasagot pa sana ako pero tinawag na kami dahil magsisimula na ang game. Gusto kong mainis dahil sa sinabi ni Cassandra pero ayokong gumawa ng dahilan na pag-aawayan namin. Ayoko nang maulit pa ang pag-iwan niya sa akin kasi hindi ko kakayanin.
Pero bakit naiinis ako sa huling sinabi niya? Wala na ba talaga siyang tiwala sa akin?
Ibinuhos ko ang inis at sama ng loob ko sa paglalaro. Kaya tuloy madalas ay napipisikal ko na ang mga kalaban namin.
“‘Tol, chill lang. Laro lang ‘to. May problema ka na naman yata. Mamaya na ‘yan kapag tapos na ang game.”
Tumango ako sa sinabi ni Jason at tumingin kay Lexie. Nakita kong tahimik lang siyang nanonood sa amin at hindi nagchi-cheer tulad noon. Napatingin ako sa maingay na grupo na nagchi-cheer para sa kabilang grupo, at nakita kong sila Cassandra iyon. Kumaway siya sa akin at nag-thumbs up nang makita akong nakatingin sa kanya. Ngumiti na lang rin ako.
Nang magsimula na ang fourth quarter ay hindi rin naging maganda ang laro ko dahil lahat ng tira ko ay sumasablay. Sa huli, natalo kami. 4 points ang lamang sa amin ng kalaban at naiinis ako dahil kung nagtino lang ako ay mas malaki pa doon ang magiging lamang namin.
Pumunta kami sa locker para magpalit, habang si Lexie ay nag-aantay sa akin sa labas ng basketball court. Nang matapos magbihis ay nakita ko na nasa labas si Cassandra, nakasandal sa pader. Nang makita niya ako ay tumayo siya nang maayos.
“Oh, Timmy! Nand’yan ka na pala, kanina pa kita inaantay!”
“Oh, Timmy. Ano ba ‘yun?”
Ngumiti siya at may isinulat sa kamay ko. Bigla akong kinabahan dahil sa paghawak niya dito, hindi ko alam kung bakit. Matapos niyang magsulat ay nakita kong may numero siyang inilagay doon.
“‘Yan ‘yung number ko. Paki-text ako, ha? Pakisabi rin sa girlfriend mo na huwag na siyang mainis sa akin at magselos kasi hindi kita type. Ang payat payat mo, e. At sobrang tangkad mo. Hindi ko type ang mga mapapayat. Pakisabi sa kanya ‘yan, ha? Gusto ko lang naman tumanaw ng utang na loob kasi, kung hindi dahil sa ‘yo, baka nagpapakahirap pa rin ako para mabuhay.”
Natawa ako noong sinabi niya na ‘di niya ako type dahil ang payat payat ko.
“Oo. At ‘wag kang mag-alala, mabait naman iyon. Ganoon lang talaga first impression niya sa mga babaeng nakikilala ko.”
Tumango siya at ngumiti, tapos ay nag-iwas ng tingin.
“O sige, aalis na ako, ha? Inaantay kasi ako ni Lexie sa labas. Ingat ka pauwi!”
Tumalikod na ako para umalis, pero pinigilan niya ako. Hinawakan niya ang braso ko, at muli ay nakaramdam ako ng kaba sa ginawa niyang iyon. Bakit ba ako nagkakaganito sa tuwing hinahawakan niya ako.
“Sandali, Ford Isaiah!” Lumingon ako sa kanya at nakita ko ang nag-aalangan niyang mukha. Bakit ba iba ang dating sa akin noong tinawag niya ako sa pangalan ko sa unang beses? “H-Hindi ko nakalimutan ang pangalan mo mula nung sinabi mo sa akin.”
Inialis na niya ang pagkakahawak niya sa braso ko, pero ang mabilis na t***k ng puso ko ay ‘di pa rin naaalis.
“Ano ‘yun, Cassandra?”
Ngumiti siya na parang nag-aalangan. “M-Magkikita pa naman tayo… ‘di ba?”
Natawa ako nang mahina dahil itinanong niya rin iyon sa akin noong unang beses kaming magkita. Ginulo ko ang buhok niyang mahaba bago sumagot.
“Oo naman. Wag kang mag-alala, ite-text kita mamaya, okay?”
Ngumiti siya nang malapad sa sinabi ko. “T-Talaga?”
“Oo naman.”
“Sige, ingat ka, Timmy!”
“Sige, ikaw rin!”
Tuluyan na akong umalis doon. Pagkalabas ko ay nakita ko si Lexie na nakahalukipkip habang nakasandal sa sasakyan ko. Masama ang mga tingin niya sa akin.
“Bakit ba ang tagal-tagal mo, ha? Nakipaglandian ka pa ba doon sa magandang babaeng iyon, ha?!” Bulyaw niya pagkarating ko doon.
Napabuntonghininga na lang ako at pinagbuksan siya ng pintuan sa passenger’s seat. “Pwede ba, Lexie? Tama na ang pagdududa mo.”
Sumakay na rin ako sa driver’s seat at nagsimulang mag-drive nang magsalita na ulit siya nang magsalita.
“Ford, kilalang-kilala na kita! ‘Wag ka nang magmaang-maangan sa akin, dahil nakita ko kayo!”
“Nag-usap lang naman kami, ano bang masama doon, Lexie?”
“Nag-uusap lang rin naman tayo noon nang sinabi mong maganda ako, ha?”
“Hindi ko siya sinabihan ng maganda, Lexie!”
“Pero iyon ang nasa isip mo!”
Hinawakan ko ang sentido ko at minasahe ito dahil nananakit na ang ulo ko sa away na wala naman na yatang katapusan.
“Lexie, hanggang kailan ba gagana iyang marumi mong utak? Kailan ka ba magtitiwala sa akin, Lexie? Ginawa ko naman ang lahat para sa ‘yo. Nakikita mo ba akong may kaibigang babae? Wala naman, ‘di ba? Ngayon lang, Lexie. Ano ba naman ‘yung isang beses, magtiwala ka sa akin.”
Muli kong minasahe ang sentido ko habang ang isa ay nakahawak sa manibela. Sumasakit na talaga ang ulo ko dahil sa pagod.
“Ano yan, ha?!”
Nagulat ako sa malakas niyang sigaw.
“Ano?”
“‘Yang nakasulat sa kamay mo!” Kinuha niya ang kanang kamay ko at tiningnan ang nakasulat doon. Tumingin siya nang masama sa akin. “Number niya ba ‘yan, ha?! Kinuha mo pa ang number niya?!”
“Hindi ko kinuha, okay?!”
May kinuha siya sa bag niya at ibinuhos iyon sa kamay ko, tsaka binura ang nakasulat doon. Mas lalo akong nainis sa ginawa niyang iyon. Inihinto ko sa isang gilid ang sasakyan.
“Bakit mo ginawa yon?!”
“Ayokong may ibang babaeng malapit sa ‘yo! Ayokong may ibang babaeng kumakausap at humahawak sa ‘yo! Gusto ko, ako lang!”
“Bakit ba napaka-paranoid mo? Lexie, oo niloko kita ng ilang beses noon! Pero ‘di ba nangako naman ako sa ‘yo na hindi ko na uulitin iyon? Bakit ba hindi mo na lang ako pagkatiwalaan? Hanggang kailan mo ipapamukha sa akin ang pagiging gago ko noon?”
Napaawang ang bibig niya sa sinabi kong iyon. Nag-iwas ako ng tingin sa kaniya.
“Bakit ba ganito ka sa akin? Wala na ba akong karapatang magkaroon ng kaibigan, ha? Na sa ‘yo na ang buong oras ko, ano pa bang gusto mo para mapatunayan ko sa ‘yo na ikaw lang talaga?”
Padabog siyang sumandal sa upuan habang tumutulo ang mga luha.
“Mahal na mahal lang naman kita at ayaw kong mawala ka sa akin. Ayaw kong maagaw ka sa akin, masama ba ‘yon? Pinoprotektahan ko lang ang sa akin.”
Hindi ako nakasagot dahil sa sinabi niya gamit ang malulungkot na boses. Hinawakan ko ang kamay niya, dahil gusto kong tumigil na siya sa pag-iyak.
Tumingin siya sa akin nang may mga malulungkot na mata.
“Gusto ko lang naman na sa akin ka lang, e. Masama ba ‘yun?”
“Nawawalan ka na ng tiwala sa akin. Lexie, ikaw lang ang mahal ko. Walang ibang babae ang makakapalit sa ‘yo sa puso ko. Ikaw lang. Magtiwala ka naman, oh?”
Lumapit siya sa akin at niyakap ako.
“I’m sorry.”
Niyakap ko siya pabalik.
“Sorry din. I love you, babe. I love you.”