3

1080 Words
Ano'ng iniisip mo? Si B. Ang lupit niya. Nahihirapan ka? Hindi ko gustong balikan ang lahat. Sa tingin mo ba, 'yon ang intensiyon niya? Alam niya lahat... At sa tingin mo gusto ka niyang saktan? Galit siya sa akin. Sigurado ka? Nararamdaman ko. Inamin niya? Hindi. Sinaktan ka niya? Hindi. Inabuso? Hindi. Paano mo nasigurong tama ang iniisip mo? Nagbago siya mula nang tinalikuran kita. MARIIN ang hawak ko sa sign pen. Hindi na ako magtataka kung mabutas ko man ang page na iyon ng notebook ko. Ilang minuto na akong nagpipilit na may maisulat pero wala talaga. Hindi gustong sumunod ng isip ko. Tatlong oras na akong nakasalampak sa sahig. Tatlong oras na halos ang struggle ko. Isang oras sa harap ng laptop ko at dalawang oras naman sa notebook ko. Gusto ko na lang ibato ang paborito kong notebook para matapos na. Ang nagdaragdag pa sa stress ko ay ang katotohanang wala akong pagpipilian. Gaano man kahirap iyon para sa akin ay kailangan kong gawin—dahil gusto ni B na iyon ang gawin ko. Hindi ko siya maaring suwayin. Hindi ko siya maaring biguin. Hindi dahil takot ako sa kanya kundi dahil hindi ko gustong pagsisihan niya ang lahat ng nagawa niyang tulong. Kung sana lang hindi ganoon kahirap para sa akin ang ipinapagawa niya. Bigla kong binitiwan ang sign pen at sumubsob ako sa sofa—ang 'home' ni B tuwing gusto niyang umuwi sa bahay ko. Gusto kong makalimot, kung posible lang... Mariin akong pumikit at pinilit iwaglit sa isip ang lahat. Napaigtad ako sa ring ng telepono. Hindi ko gusto ng kausap. Gusto kong mag-isa at mag-isip, mag-ipon ng lakas...hanggang kayanin kong gawin ang gustong mangyari ni B. Tumigil ang ring ng telepono. Nakahinga ako nang maluwag—na nauwi rin sa buntong-hininga nang cell phone ko naman ang tumunog. Inabot ko ang gadget na hinagis ko lang sa sofa kanina. "Hah, B!" hiyaw ko sa kawalan nang makita ko ang pangalan sa screen. Kung hindi ko sasagutin ang tawag ay mahaba-habang paliwanag ang gagawin ko. Hindi gusto ni B na hindi ko sinasagot ang tawag niya. Natatandaan kong kasama sa listahan ng mga rules na binigyan niyang diin sa pag-uusap namin noon ay ang pagsagot sa tawag. Puwede kong palampasin lahat ng tawag liban sa tawag niya. Inabot ko ang cell phone pero tumigil na ang tunog bago ko pa man natanggap ang tawag. Ah, kailangan ko nang ihanda ang sarili ko para magpaliwanag. Inaasahan kong tatawag uli si B pero nakaramdam na ako ng antok, dala siguro ng sunod-sunod na gabing pagpupuyat ko. Hindi ko na nahintay ang pagtunog uli ng cellphone. Inusog ko na lang ang laptop at notebook ko sa dulo ng sofa. Basta na lang ako sumubsob sa throw pillow. Madalas akong maidlip sa ganoong posisyon, resulta ng madalas kong pagpupuyat. Tahimik naman ang mga sandaling nakakatulog ako—dati. Hindi ko alam kung ano ang kaibahan ng hapong iyon at iba ang nangyari... "Ano'ng ginagawa mo, Leia?" Napapitlag ang fourteen years old na dalagita, biglang itiniklop ang diary notebook na parang kakambal niya. Lagi niyang dala iyon kahit saan, pinakatatago at iniingatan. Ang diary notebook ang itinururing niyang mapagkakatiwalang kaibigan. Ang diary notebook rin ang naging kakampi ni Leia mula nang unang taon niya sa Academy na iyon ng mayayaman. May kaibigan lang ang ina niya na sumuporta sa pag-aaral ni Leia kaya siya nakapasok sa eskuwelahang iyon. Unang tapak pa lang ni Leia sa St. James Academy, alam na niyang hindi siya doon nababagay. Academy ng mayayaman ang St. James, ang pinakasikat na private school sa probinsiya nila. Mga anak ng politiko, beauty queen, artista, businessman at iba pang influential people ang mga naka-enroll sa Academy na iyon. Siya lang ang mahirap. Siya lang ang wala sa fashion ang mga damit, siya lang ang walang kotse, ang hindi naka-make up—ang pangit. Oo, pangit si Leia. Hindi siya ang pangit na katatakutan ang mukha pero alam niya at aminado siyang hindi siya maganda. Una sa lahat, maitim ang balat niya—morena daw iyon ayon sa ina niya, negra para sa mga nanlalait sa kulay niya, at simpleng hindi lang maputi para sa kanya. Ayon pa rin sa Nanay ni Leia na si Liona, minana niya iyon sa yumaong ama na si Rogelio Rosales, isang magsasaka. Maitim raw ang kulay ng balat ng Tatay niya na mas umitim pa dahil sunog sa araw. Walang style ang buhok ni Leia na tuwid na tuwid at lampas balikat. Hindi matangos ang ilong niya pero hindi rin siya pango. Makakapal ang kilay niya, bilog na bilog ang mga mata niya na sing-itim raw ng gabi sabi ng Nanay niya. Hindi rin maganda ang mga labi niya. Madalas pa nga siyang matawag na negra dahil sa mga labi niya. Huwag na lang daw niyang pansinin sabi ng ina niya. Mamula-mula ang pisngi niya dahil sa pasaway na pimples. Wala siyang pambili ng mga pampaganda kaya iyon at iyon ang hitsura niya sa bawat pagpasok niya sa Academy—limang pares ng damit lang ang pinagpapalit-palit niya kasama ang dalawang pares ng uniporme. Kapansin-pansin tuloy ang kaibahan niya sa mga mayayamang schoolmates na mga artista at model sa paningin niya. Hindi kabilang si Leia sa mga iyon kaya lagi siyang mag-isa, ang diary lang ang kasama niya...ang diary na dalawang taon na niyang karamay. Ngayong nasa second year na si Leia sa St. James, hindi na niya mabilang ang mga pagkakataong tumutulo ang luha niya habang nangungumpisal siya sa diary. Ang pagmamahal niya sa ina ang nagbibigay sa kanya ng lakas na kumapit, na huwag bumitiw, na magtiis para sa pangarap nilang dalawa. Paulit-ulit na ipinapaunawa sa kanya ng Nanay niya na isang biyaya na may sumuporta sa kanyang pag-aaral, huwag na huwag raw niyang sasayangin iyon. Hindi maaatim ni Leia na biguin ang ina kaya tiniis niya lahat ng panghahamak, panlalait, pang-aapi, at ang paulit-ulit na mapagtawanan dahil sa hitsura niya. Isang taon siyang nagbingi-bingihan, nagpanggap na manhid—kunwaring hindi naapektuhan, ngunit kapag sila na lamang ng diary notebook niya ang magkasama ay pinapalaya ni Leia ang lahat ng sakit at bigat sa dibdib niya. Uuwi siya sa bahay nila na ang masayahing anak pa rin, nang sa ganoon ay hindi mag-alala ang ina niyang pagod sa kung anu-anong trabaho na pinapasok nito. Sa pagpasok ng Sophomore year ni Leia, nagsimulang magulo ang tahimik nilang bonding ng diary notebook niya dahil sa pagdating ni Ross Valdforz sa St. James.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD