Two

1872 Words
Leia? Maria. Umiiyak ka na naman? Napapagod ako. Lagi naman. Sa ganitong oras kapag nag-iisa ka. Nahihirapan ako. Narinig ko na yan. Maraming beses na. Hindi niya alam. At hindi mo gustong malaman niya? Gusto ko nang tumigil. Sinasabi mo lang 'yan. Sumisige ka pa rin pagkatapos mong umiyak, hindi ba? Nasasaktan ako. Lahat ng tao nasasaktan. Pagod na ako. Lagi ka namang pagod. Ano'ng dapat kong gawin? Nilalamig siya. Hindi mo man lang bibigyan ng kumot? Hindi, ayoko. Natatakot ka? Okay na ako. Nagbago na ako. Nagawa ko nang tama ang lahat. Hindi ka babalik sa dati sa simpleng pag-aalala sa kapwa. Ikaw ang babaeng 'yon, hindi ako. Hindi babalik sa dati ang lahat sa isang beses lang na hahayaan mo ako sa gusto kong gawin. Natatakot ako. Hanggang kailan? Gawin mo na. Hindi ba ito na ang buhay mo? Ang ginusto mong buhay? Hindi ko ito pinili. Pumayag ka. Nawalan ako ng pagpipilian. Hindi, ginusto mo rin. Ginusto mo...kaya nga pinili mong patayin ako. TUMULO ang mga luha ko sa gitna ng katahimikan ng hatinggabi. Nakaupo ako sa isang sulok ng malawak na sala ng bahay ni Lolo Jose, nakatitig sa nag-iisang magandang tanawin sa lugar na iyon, ang three-seater sofa at SIYA. Kung hihinto ang mundo sa pag-ikot, magbabago ang lahat ngunit hindi. Hindi titigil ang pag-ikot ng mundo para sa akin. Ako ang kailangang sumabay sa patuloy na paglipas ng oras, ng araw, ng buwan at taon. Tuloy ang buhay ko... Dear Beautiful, Tell me, please! How do I unlove Piolo—oh, not the actor—Paolo, my bestfriend. BNDCNB(Bestfriend Na Di Crush Ng Bestfriend) 2013 KUMUSTA naman, BNDCNB? Sumasabay ka pa talaga sa napakahabang listahan ko ng mga LOVSIBE—LOVe-SIck-BEstfriend. Tsk! Gasgas na entry, tulad ng gasgas na sitwasyon ng maraming bestfriend sa mundo. Mga bestfriend na di crush ng bestfriend nila. Mga bestfriend na BRILA—BRIdge Lang. Mga bestfriend na SATUVA—SAwi TUwing VAlentine's dahil ka-date ni bestfriend ang crush or girlfriend niya. Mga bestfriend na TASA at TANGA—TAkbuhang SAwi at TAgapayong NGAnga! Ouch. Ang sakit 'di ba? Ang sakit pero totoo. Realidad ito ng maraming bestfriend sa mundo. At hindi madaling laklakin ang realidad na 'yan, tama? Mas kilalanin natin si BNDCNB sa diary entry niya... Dear Diary, Kamukha na ako ni Angel Locsin pero wala parin namang effect kay Paolo na kamukha naman ni Luis ang pagpapa-cute ko. Ang sakit kaya magpa-facial at magpa-wax! Ano'ng nakita mo kay Alyna, Pao? Ten years na tayong bestfriends pero kahit minsan hindi mo napansin na mas maganda ako sa kanya. Dahil ba wala akong nunal sa chin? Puwede namang i-fake 'yon, ah? May dimples naman ako, si Alyna, wala! O dahil hindi ako nag-i-sleeveless? Naman, eh! Ang itim kaya ng kilikili ni Alyna! Bakit di mo makita 'yon? May shape ang katawan ko, siya wala! Parang platito ang behind, flat ang hinaharap, may bilbil at puno pa ng splitends ang hair! Nakakainis lang na kahit ganoon, siya pa rin ang gusto mo. Aanhin ko naman ang ganda ko kung si Alyna naman ang gusto mo? 17 days before my highschool graduation, bloody na ang heart ko. Bakit nga ba hindi ako crush ng bestfriend na crush ko? Sawing Anghel(BNDCNB 2013) March 15, 2010 Wagas! Wagas ka manlait, Sawing Anghel. Ikaw na! Hindi tama ang panlalait sa kapwa, hija. Sa ganda rules ko, isang paglabag ang laitin ang kapwa babae. Gawain 'yan ng mga AMIN—AMpalayang INsecure. Hinahanapan ng mali ang kapwa para iangat ang sarili o kaya ay para pagtakpan ang sarili nilang kakulangan. Hindi ko bet 'yan, girl. Ang totoong maganda ay secured sa sarili. Ang totoong maganda, 'pag hindi crush ng crush niya, move on agad! Ang totoong maganda, hindi man crush ng crush niya, kiber! Eh, maganda siya, sino kaya ang nawalan? Question and answer tayo, Sawing Anghel, ha? Ramdam ko ang confidence mo kahit sa hula ko mga sweet sixteen pa lang ang age mo. Alam mong maganda ka, bet ko 'yan! Ramdam ko rin sa diary entry mo. Ramdam na ramdam pa! Sabi mo, may nunal sa chin si Alyna at may dimples ka? Sorry na lang, mas bet ni Paolo ang nunal, ouch! Naniniwala ka bang may himala? He-he-he. Sabi mo, may shape ang katawan mo, si Alyna ay walang behind, flat ang hinaharap at inuulan ng splitends ang hair? Sorry na lang, mas bet ni Paolo ang girlfriend na mala-posteng witch! Bigyan ng regalong walis! Sabi mo, maitim ang kilikili ni Alyna? Talo ka parin kahit makinis ang kilikili mo, girl. Intindihing mabuti ang paliwanag ko sa ibaba. Gusto ni Paolo ng madilim na mundo, ha-ha! Wala kang magagawa diyan, Sawing Anghel. Madadaan ni Alyna sa kalamansi ang maitim niyang kilikili. Eh, ang bloody heart mo, 'pag pinatakan ng kalamansi, ang sakit niyan! *insert wicked laugh here* Ano ang punto ko? Simple lang, Sawing Anghel. It's not you, It's him, okay? Sana nahalata mong gasgas rin 'yan, tulad ng gasgas rin na sitwasyon mo. Maging Miss Universe ka man, maging pang-national television man ang kinis ng kilikili mo, kung hindi talaga ikaw ang gusto ng Paolo na 'yan, nganga pa rin ang ending ng masalimuot mong love story. 'Kuha mo? Huwag nang umasa, I-Wella na 'yan, girl! Ang hope ay lason na nakakaadik, 'wag lumunok ng sangkaterbang hope! Lunok moderately lang at baka malunod ka! Try mo rin tikman ang realidad, mapait lunukin pero pagkatapos mong malasahan ang pait, makakahinga ka na nang maluwag. P.S. Where do broken hearts go? Iniisip ko rin hanggang ngayon kaya 'wag mong itanong. Try mo i-Google, baka may sagot ang pang-mundong tanungan ng madla. Isang paalala lang, ingatan ang puso, ha? Iisa lang 'yan. Kung winasak na ng isang Paolo, pulutin isa-isa ang mga piraso hanggang mabuo uli. Hindi titigil ang buhay sa pagkawasak ng puso mo. Hindi rin titigil ang mundo sa pagkasawi mo kay Paolo. Tandaan, hindi ka lang crush ng bestfriend na crush mo, mas malala ang sitwasyon ng mga na-Yolanda sa 'yo, wag sobra ang emote, hija. Hindi healthy ang maging OA sa love. Sixteen ka pa lang, sige ka, hihinto ang pag-develop ng mga ganda cells mo! Nakalunok nga pala ako ng too much ampalaya kagabi, share ko lang. Steamed ampalaya na ang ulam, fresh mixed ampalaya and apple shake pa ang midnight snack ko. Affected much ng pait ang mind ko. Tama na ang sharing, ano na nga ba ang pinag-uusapan natin, Sawing Anghel? Ah, sina Paolo at Alyna, sila na ba? Kung oo, 'wag kang mag-alala, girl, maghihiwalay rin sila! Ha-ha! Gusto ko talaga ng ampalaya cupcake today. Matawagan nga si Jessa. One big word for today: DON'T—Don't crush someone who doesn't crush you back, hi-hi-hi. Crush na lang his fez, pambawi! *wide grin here* Nag-sink in na ba sa 'yo ng kaibahan ng 'crush' na feelings mo at 'crush' his fez? Kung oo, maghanap kana ng ibang Paolo! Go. Venusa's watching you, Beautiful! ILANG minuto pa, buo na ang dalawang articles ko para sa linggong iyon. Ang pagdiin sa 'enter' key ang huling task ko. 'Enter' na nagpapasok ng mga ideyang binuo ko sa isang article na alam kong inaabangan ng lahat—parehong 'Enter' na nagsasara naman ng mundong pinaniniwalaan ng lahat na mundo ko. Sa simpleng pagdiin ko sa 'enter' key ay nagbabago ang mundo ko. Pagkatapos kong magsulat, nagbabalik ako sa mundong ako lang ang naroon, sa mundong nagsisilbing seldang kulungan ko—ang totoong mundo ko. "M?" Napatuwid ako ng upo. Kaagad hinanap ng mga mata ko ang oras. 4:30 AM Thirty minutes lampas na sa oras na sinabi kong matutulog ako. Maingat akong pumikit, ilang segundo iyon bago ko marahang nilingon ang direksiyon na pinagmulan ng boses. "Ano'ng oras na?" paos na tanong ni B. Ilang segundong pinagmasdan ako bago umiling kasunod ang pagbangon. Nahulaan ko na ang susunod niyang gagawin kaya ginawa ko na rin ang dapat "Past four AM? And you're still here?" Lumapit siya sa puwesto ko at walang paalam na itinulak ang screen ng laptop pababa sa mga daliri kong nasa letter keys pa. Kamuntik na akong maipit. Na-saved ko na ang dahilan ng pagpupuyat ko. Sa pagsasalubong pa lang ng itim na itim at makapal niyang mga kilay ay nahulaan ko nang pakikialaman niya ang laptop ko. "Go to your room, M." pantay niyang sabi at balewalang bumalik sa iniwang sofa. Hindi niya talaga gustong hindi nagtutugma ang salita at actions ko. Lalong hindi niya gustong hindi ako tumutupad sa salita ko. "M!" hiyaw niya nang hindi agad ako kumilos. Kilala ko ang tono at boses na iyon. Kailangan kong sumunod agad-agad o kakaladkarin niya na ako papasok sa sarili kong kuwarto. Sinamsam ko ang mga gamit at binitbit lahat papasok sa kuwarto. Hindi ko siya nilingon man lang. Kilalang-kilala ko si B, hindi niya gustong hindi ko siya sinusunod. Pagkapasok sa silid ay basta ko na lang inilapag sa side table ang mga bitbit ko, kasunod ay ibinagsak na lang sa kama ang pagod na katawan. Hindi ko na pinansin ang mahabang buhok na sumabog na sa mukha ko. May kumatok. Napabangon uli ako, at napabuga na lang ng hangin. Sapo ang noo na tinungo ko ang pinto. "B," sabi ko, malamang sa hindi, aswang na ako sa paningin niya nang mga oras na iyon na sabog ang buhok ko. Wala akong pakialam. Isa iyon sa mga minutong wala akong pakialam sa hitsura ko. "Kumot ko?" demand niya Parang walking cadaver na iniwan ko siya para sundin ang utos. Tahimik parin ako hanggang nakabalik na ako sa harapan niya. "Mahangin ba?" sabi ni B, na hindi ko na sana papansinin kung hindi ko lang naramdamang pinakialaman niya ang buhok ko—pinadaanan ng mga daliri niya ang buhok ko mula sa noo, ilang ulit iyon. Sinuklay niya ang buhok ko gamit ang sariling mga daliri. "Matutulog na lang naman ako, eh," pagbibigay katwiran ko sa kawalan ng interes na ayusin ang sarili. "O, kumot mo—" napilitan akong mag-angat ng tingin nang sinapo niya ang baba ko. Nagtama ang mga mata namin—ah, hindi ko gusto ang mga ganoong komprontasyon pero hindi ako makaiwas! Ayoko na ganoon siya kalapit at tinititigan ako sa mga mata. Tumaas ang sulok ng bibig niya. "Babagsak na ang mga eyeballs mo," sabi ni B, magaang pinisil ang baba ko. "Tulog na, M." Umatras na ako agad. "Naka-set ang alarm clock ko ng six AM, B. Gigisingin kita." Iyon lang naman ang intensiyon niya kaya ginugulo pa ako, ang ipaalala ang isa pang role ko sa buhay niya—alarm clock. Inilapat ko na agad ang pinto. Hindi ako nagising ng six AM. Seven AM na kasi tumunog ang alarm clock na naka-set ng six AM bago ako natulog. Nakialam na naman si B. Hindi na bago iyon. Wala na rin siya paggising ko. Ang naiwan sa hinigaan niya ay limang pages ng bond papers na naglalaman ng mga detalyadong utos. Sentro ng utos na iyon ang gusto niyang gawin ko sa Diary ng Pangit na si Meah. Pakiramdam ko ay tinakasan ako ng lakas nang ganap kong maintindihan ang gustong mangyari ni Boss. Alam niyang lahat ng utos niya ay gagawin ko. Bakit kailangan niyang maging ganoon kalupit?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD