PINAGMASDAN ni Dianna ang malawak na kulay asul na dagat sa kanyang harapan. Wala pa rin iyong ipinagbago. Kapayapaan pa rin ang hatid niyon sa kanya. Hinubad niya ang suot na tsinelas saka hinawakan iyon. Hinayaan niyang mabasa ng tubig dagat ang kanyang mga paa. Naaalala rin ni Dianna na doon sila madalas maglaro ng mga kaibigan at ang mga nakahanay na mga puno ng niyog sa tabi ng dalampasigan ang madalas din nilang gawing taguan. Bahagya siyang ngumiti saka sumulyap kay Kiko na tahimik lamang siyang pinagmamasdan. “Alam mo, napakatahimik mo. Ano ba ang sasabihin mo sana kanina bago dumating si Nancy?” Si Nancy naman ay nagpaalam sandali na magbabanyo lamang. Nakita niya ang pagkakaroon ng lungkot sa mga mata ni Kiko. Maging ang ilang beses nitong paglunok ay nasaksihan din niya.

